Pagbabagong inaasam
GABI-GABI na kung umuwi ang tatay nila. Dati ay sa Laguna ito naka-assign ngunit nang maglagay ng branch sa Bayan ang kumpanyang pinapasukan ay doon na ito inilipat. Kahit inaabot ng kalahating oras ang byahe at higit pa kapag traffic, isang sakay lang naman. Ang tatay nila ang ginawang kapatas ng may-ari. Mahusay sa arithmetic ang tatay nila. Mahusay sa pagkukwenta at pagkalkula. Nai-aadjust nito ang mga order ng supply kaya 'di nabibitin sa production. Maaasahan kaya pinagtitiwalaan ng boss. Kung dati nga na puro bale ang ginagawa dahil sa sugal ay 'di ito tinanggal sa trabaho, ngayon pa kaya? Kahit gano'n ang tatay nila ay 'di ito dumispalko ng pera. Nangungutang ngunit hindi nagnanakaw kahit ito pa ang namamahala sa supply na kung ginusto ay magagawang pumeke ng mga resibo. Dahil do'n ay naramdaman nilang dapat ipagmalaki ang kanilang tatay.
Sa bawat paglipas ng mga araw ay patuloy na kinakitaan ng malaki at maraming pagbabago sa tatay nila. Sa maraming pagkakataon ay maayos nitong tinatanggihan ang paanyaya ng mga kumpareng nag-aaya ng inuman.
"Tapos na ko diyan, pare. Nagsisilaki na ang mga bata baka padapain na ko at mapalo sa puwit. Bumabawi pa lang ako ngayon. Baka 'di na nila matandaan ang mukha ko."
Natatawa nitong paliwanag sa mga kausap. Napakasarap sa pandinig ang sinabi nito. Simula nang tumulong ito sa pagtitinda ng nanay nila ay hindi na rin ito nagsusugal.
"Gradweyt na ko, pare. Kuba na kumander ko kumita lang ng barya-barya para kahit paano, e makaluwag-luwag. Saka na lang. Kapag naging doktora na si Neneng ko."
Sagot nito sa nag-aayang maupo sa sugalan. Halos maiyak siya sa tuwa. Buong paghanga niyang pinagmasdan ang amang abala sa pagkukumpuni ng bisekleta ng mga kapatid niya.
Nangingiti lang ang kanilang nanay. Napansin niyang gumanda na ang pangangatawan nito. Nagkalaman na ang pisnging dati ay humpak. Makinang na ang mga mata nitong dati ay nanlalalim at laging malungkot. Masaya na ito. Masayang-masaya.
Gano'n din ang tatay nila. Maaliwalas din ang mukha. Nag-aamoy pawis ngunit hindi na amoy alak. Maganda na rin ang pangangatawan nito dahil nakapagpapahinga nang maayos. 'Di gaya noon na inuumaga na sa sugalan.
DALAWANG taon pa ang matuling nagdaan. Gaya nang inaasahan, si Adela ang naging Valedictorian.
Madamdamin ang speech ng dalaga Tumatagos ang mga bitaw ng salita at humahaplos sa puso't kaluluwa. Umuugong sa lakas ng hiyawan at palakpakan ang lugar. Pinahid ni Aling Onor ang luha sa mga mata ni Mang Leon na hindi kumurap habang pinanonood sa ibabaw ng entablado. Proud na proud ito sa anak na kinakamayan ng mga guro at ng mga politiko. Hindi na namalayan na tumutulo ang luha at iyon nga ang pinahid ng asawa.
"Maraming salamat, Onor. Kung hindi mo ako binigyan ng pagkakataon ay hindi ko sana nasasaksihan ang nangyayari ngayon. Salamat at 'di ka nagsawang mahalin ako."
Tumango si Aling Onor. "Salamat din sa pagtupad sa iyong pangako."
Kapwa may luha ng kaligayahan ang mag-asawang mahigpit na hawak ang isa't isa.
Pag-uwi sa bahay ay nadatnan nilang matiyagang naghihintay si Jeffrey at mga kapatid. Masaya silang sinalubong ng mga ito, at ng ilang mga kapitbahay kabilang ang mama at lola ng kasintahan. Sa gilid ng daan nakalagay ang pinagdikit-dikit na mesa. Tulung-tulong nilang inilabas ang pagkain at inumpisahan ang selebrasyon. Masayang biruan at tuksuan ang kahalo sa payak na pagdiriwang. At hanggang sa matapos, nakangiti pa rin ang lahat.
Nagkukwentuhan ang nanay niya at mama ni Jeffrey habang magkatulong na nagliligpit ng ilang kalat na naiwan. Sila nama'y nakaupo sa dulo ng mesa. Tutulong sana silang magligpit pero sinaway sila ni Aling Belinda. Mama na ang gusto nitong itawag sa kanya. Si Jeffrey kasi ay tatay at nanay kung tumawag sa mga magulang niya. Matagal -tagal din silang nakapag-usap ng nobyo. Kanina pa tapos maglinis ang magiging magbala at sila na lang ang nandoon. Mayamaya ay nagpaalam na rin ito. Bago tuluyang umalis, isang mabilis na halik sa labi ang ginawa nito sa kanya at saka nagmamadaling lumakad palayo. Nangiti siya. Nahaplos pa niya ang dibdib na ang malakas na pagkabog ay kanyang naririnig.
MATULING lumipas ang mga araw. Simula na naman ng pasukan.
Nang gumradweyt si Adela bilang Valedictorian ay tumanggap siya ng dalawang tsekeng may kalakihan ang halaga, galing kina Congressman at Mayor dineposito niya agad iyon sa bangko kung saan nakadeposito rin ang allowance na buwan-buwan niyang tinanggap bilang iskolar no'ng highschool. Iyon kasi ang payo ng tatay niya. Hindi man full scholarship ay nakakuha siya ng fifty percent na bawas sa matrikula. Bukod sa matataas na grades ay naipasa niya ang exam para sa mga tulad niyang nag-apply sa scholarship program sa kanilang munisipalidad.
Sinundo siya ni Jeffrey na ngayo'y kasintahan na niya. Magkasabay ang pasok nilang dalawa. Magkaiba ang pinapasukan nilang unibersidad pero iisa lang ang way na dinaraanan ng bus na sinasakyan nila. Dalawang lipat ng sakay ang nangyayari. Unang nadadaanan ang sa kanya. Pagsi seaman ang kurso ni Jeffrey at HRM naman ang sa kanya. Maayos ang relasyon nilang dalawa, gano'n din ang kanilang pag aaral. Para na rin silang nagde-date araw-araw kaya inspirado pareho. Mas masarap ang highschool life, naisip niya. Mas komplikado sa college ang dami pang gastos. Pamasahe pa lang ay maliwanag na pera na, puwera pa ang pangkain. Kahit kasi kasabay niya ang nobyo ay hindi siya nagpapalibre dito. Umaasa lang ito sa mga magulang na nagpapaaral kaya ayaw niyang pumayag na ililibre pa siya ng pamasahe. No'ng una ay nagtampo si Jeffrey sa gusto niyang mangyari pero dahil sa maayos at malambing na paliwanag ay pumayag na rin ito. Hindi na lang niya tinatanggihan kapag may binibigay itong kung ano-ano, gaya ng chocolate. Malalahanin ito at maalaga. Ang maging kasintahan nito ay isa sa mga ipinagpapasalamat niya sa Diyos.
Sadyang madiskarte, nagtutor na rin siya sa tatlong anak ng may kaya nilang kapitbahay. Pumupunta ang mga ito sa bahay nila. Naglagay ng maliit na kuwartong aralan ang tatay niya sa likod ng kanilang bahay. Inayos at nilagyan ng palamuti kaya nagmukang maliit na classroom. Doon na rin sila gumagawa ng homework ng mga kapatid niya. Minsan ay do'n din sila nagkukwentuhan ng nobyo.
PATULOY ang pagdaan ng mga araw. Matataas ang nakasulat na grade sa report card ni Adela. Karamihan ay uno ang grade niya. Matataas din ang marka ng mga kapatid niya kaya naman nagbibiruan ang mga magulang nila kung kanino sila nagmana, at siyempre, aangkinin lahat ng tatay nila ang kredito. Simple,subalit masaya ang buhay na meron sila. Subalit sadya yatang mapagbiro ang tadhana...