Dagok ng Tadhana
GABING-GABI na ay wala pa rin Si Mang Leon. Paroo't parine sa paglakad si Aling Onor. Balisang-balisa. Kinakabahan siya na 'di mawari. Naroong tumayo, mayamaya ay uupo, at maglalakad. Tumawag na siya sa opisina ng asawa ngunit tunog lang ng tunog. Patunay na wala ng natitirang tao sa loob.
"Nay, maupo ka muna. Baka na-traffic lang ang tatay, o kaya baka nagkaayaan at 'di na nakatanggi. Mamaya lang darating na 'yon" Pagpapahinahon ni Adela sa loob ng 'di mapakaling ina. Ininom nito ang tubig na iniabot niya.
Naginhawahan itong sumandal sa upuan. Ang totoo ay kinakabahan rin siya. Ngayon na lang uli nangyari ang gano'n mula nang magbago ang tatay nila. Hindi lang siya nagpapahalata sa ina at tiyak na lalo itong magpa-panic.
Madaling araw na nang may marinig silang tumatawag mula sa labas. Nagtatahulan ang mga aso sa kapitbahay nila kaya 'di nya masiguro kung sa tapat ba nila. Tumayo siya at lumapit sa bintana. Sumilip siya. May dalawang nakasuot ng unipormeng pulis at isang nakasuot sibilyan ang nakatayo paharap sa bahay nila.
"Tao po, tao po," tawag uli ng naka sibilyan.
Binuksan na niya nang tuluyan ang bintana. "Ano po ang kailangan nila?"
Hindi pa nakasasagot ang tinanong ay nagmamadali nang binuksan ng nanay nila ang pinto. Nakaidlip ito sa upuan kanina nang madaanan niya.
"Magandang..." tumingin muna ito sa suot na relos saka uli nagsalita. "umaga po. Dito po ba nakatira si Leon Villena?" tanong ng pulis.
"Opo,opo." Magkasunod na sagot ng nanay nila. Parang sasabog ang dibdib niya sa nerbyos. Inalalayan niya agad ang ina kahit wala pang sinasabi ang mga panauhin.
Napaupo ang nanay nila sa narinig na balitang dala ng mga pulis.
Hit and run!
Nagpunta pala sa Bulacan ang tatay nila dahil inihatid nito ang kasamahang nabagsakan ng bakal sa trabaho. Pauwi na ito nang mabundol ng nagkakarerang sasakyan. Hindi natandaan ng mga saksi ang plate number ng mga ito na tumakas agad. Ito ang nakasaad sa blotter ng kapulisan. Nasa hospital na ang ama ng puntahan nilang mag-ina. Ligtas na ito sa kapahamakan subalit may masamang balita ang doktor sa kanila. Hindi na ito muling makalalakad.
HINDI na nakapagtinda si Aling Onor nang mga sumunod na araw. Matiyaga niyang binantayan at inaalagaan sa hospital ang asawang 'di kumikibo. Tango at iling lang kung ito ay sumagot t'wing may itatanong ang mga doktor, gano'n din sa kanya. Lagi lang itong nakatanaw sa labas ng bintana. Kung ano ang iniisip ay hindi niya alam dahil ayaw nitong magsalita. Ayaw makipag-usap. Isa lang ang natitiyak niya, malungkot ito at tila nawawalan na ng pag-asa. Hinayaan niya muna ito sa pananahimik na gusto. Kabisado niya ang ugali nito. Ginawa na lamang niya ang makakaya upang iparamdam dito na masaya siya dahil buhay ito at kasama pa rin.
Malaki na ang nagagastos nila sa hospital. Sumailalim sa maraming pagsusuri ang asawa upang makasigurong walang naging diprensya sa ulo at internal organs. Malaki na rin ang nabawas sa naipon ni Adela dahil sa malaking halaga ng mga gamot ng ama. Lalo na ang pain killer at anti-biotics na kung ilang beses isinasaksak at ipinaiinom kada araw. Isang linggo na sa hospital ang mag-asawa nang sabihin ng doktor na pwede na itong makalabas. Out patient na lang at kailangang bumalik upang muling matignan. May nakita mang ibang diprensya sa kanilang ama ay mapipigilan naman kung maiinom ang gamot na irereseta ng doktor. Nagtanong si Aling Onor sa billing department kung magkano ang babayaran nila. Ang katuwaang naramdaman kanina ng ginang nang sabihing stable na ang kondisyon ng asawa ay napalitan ng lungkot. Malaki ang halagang sinabi ng staff na nakausap niya. Palibhasa'y semi private ang hospital na pinagdalhan ng mga tumulong sa kanyang asawa nang gabing maaksidente ito. Nanlulumo siyang naglakad pabalik sa kuarto ng asawa.
"Saan ako kukuha ng gano'n kalaking halaga? Diyos ko, tulungan n'yo po ako." Mahina niyang iniluha ang pangamb. Nang maging kalmado na ay saka siya pumasok sa loob.
Nadatnan niyang na nakaupo ang asawa at nakatingin sa gawi niya. Ngumiti siya at pilit na ikinukubli ang lungkot na nararamdaman. Lumapit siya at naupo sa tabi nito.
Nagsalita si Mang Leon,"Kahit 'di ka magsalita ay alam kong umiyak ka. Hayan at pugto pa ang mga mata mo." mahinahon nitong sabi. "Magkano inabot ang bill natin?" kasunod nitong sinabi.
Nang malaman ang halaga ay nawalan na ito ng imik. Hinawakan niya ang kamay ng asawa. "Makakaraos din tayo, Leon. Magagawan natin ng paraan ang lahat. Ang mahalaga ay buhay ka. Magtutulungan tayo. Malalampasan din natin ang pagsubok na ito. Huwag ka lang susuko, Leon. Mas maging matatag ka para sa amin ng mga anak mo," umiiyak niyang sabi.
Nagtagis ang mga bagang ni Mang Leon. Mahigpit na niyakap ang umiiyak na asawa. Hindi ang pangyayaring iyon ang magiging dahilan nang muling pag-iyak ng kanyang mga anak. Magpapakatatag siya gaya ng pakiusap ng kabiyak. Hindi siya papayag na maging pabigat sa asawa't mga anak. Buhay siya, marami pa siyang magagawa. Matibay niyang desisyon habang hinahaplos ang ulo ng asawang mahigpit na nakayakap sa kanya.
NAKABUO na ng pasya si Adela. Hihinto muna siya sa pag-aaral. Sa pagkakataong iyon ay kailangan siya ng mga magulang. Buhay ang tatay nila kahit nalumpo. Sapat na yon para ipag pasalamat sa Diyos. Ang susunod na mangyayari ay kapit-kamay nilang haharapin.
Hindi pa rin sapat ang pera nila para ipambayad sa hospital. Nakahiram na sila sa mga kaibigan at kapatid ng tatay nila. Nagbigay din ng tulong ang boss nito at mga katrabaho. Pati ang mama ni Jeffrey ay nag-abot din ng tulong. Nagpasya ang nanay niyang makiusap sa pinuno ng hospital. Dahil biktima ng hit and run ang asawa at nakagiliwan ng doktor ang ina sa ginawa nitong kusang paglilinis ng buong kuwarto,at pagtulong sa iba pang pasyenteng kasama ng asawa ay pinagbigyan silang hulug-hulugan na lang ang balanse. Bago umuwi ay may pinirmahang promisory ang kanyang ina. Hindi naman nagtagal at naiuwi na sa kanilang bahay ang kanilang tatay.