Dahil naiinis si Helena kay Duncan ay iniwasan niya ito habang patuloy pa rin siyang nag-iisip kung paano makakatakas sa bahay na iyon ng alpha. Kapag lumalabas siya ng kuwarto niya ay palihim na sinusuyod ng kanyang mga mata ang bawat sulok ng kanyang dinadaanan. Tinitingnan niya kasi kung mayro'n ba siyang madadaanan sa pagtakas.
Madalas ay nasa loob lamang siya ng kuwarto niya para hindi niya makita ang pagmumukha ni Duncan lalo na si Alendria na galit na galit sa kanya. Ngunit sa araw na iyon ay nagpasya siyang lumabas muli sa kuwarto. Pakiramdam niya kasi ay para na siyang bampira na hindi nasisikatan ng araw.
Paglabas niya sa kuwarto niya ay bumaba siya at nagtungo sa hardin. Lihim siyang nananalangin na sana ay hindi niya makadaupang-palad si Alendria dahil manganganib na naman tiyak ang kanyang buhay.
Habang nakatayo siya sa harapan ng magagandang bulaklak ay iniisip niya na kung sakaling payagan siya ni Duncan na umalis sa bahay nito ay saan naman siya pupunta? Hindi niya maalala kung taga-saan siya at sino ang mga magulang niya?
"Ate Helena? Kumusta po kayo?" tanong sa kanya ng boses nang isang bata.
Paglingon niya sa kanyang likuran ay nakita niya ang isang cute na batang babae na may golden hair at golden eyes. Sa tantiya niya ay nasa sampung taong gulang pa lamang ito. Magmula nang dumating siya rito ay ngayon lang siya nakakita ng bata. Nakangiting nilapitan niya ang batang babae.
"Hello. Ano ang pangalan mo?" natuwa siya nang gantihan nito ng isang ngiti ang ibinigay niyang ngiti rito.
"Cassandra po ang pangalan ko," nakangiting sagot nito.
"Paano mo nalaman ang pangalan ko?" tanong niya. Ngayon lang niya ito nakita kaya nagtataka siya kung paano siya nito nakilala.
"Kay Kuya Duncan. Ang sabi niya ay kausapin daw kita dahil nalulungkot ka rito sa lugar namin."
Pinigilan ni Helena ang mapasimangot nang marinig niya ang sinabi ni Cassandra. So, inutusan pala ng lalaking iyon ang batang ito para libangin siya. Dahil galit siya rito at ayaw niya itong kausapin kaya ang bata na lamang ang pinakausap sa kanya.
"Ahm, Cassandra, may lugar ka bang alam kung saan may maraming magagandang bulaklak kaysa rito?" tanong niya sa bata. Pasensiya na ngunit gagamitin niya si Cassandra para makatakas sa mga kamay ni Duncan.
"Mayroon po. Malapit lang po dito kaya puwede nating puntahan," sagot ng walang kamalay-malay na bata.
Hinawakan nito ang kamay niya at iginiya siya papunta sa sinasabi nitong lugar na may magagandang bulaklak. Hinarang sila ng ilang mga tauhan ni Duncan.
"Saan kayo pupunta, Cassandra?" tanong ng tauhan ni Duncan sa batang kasama niya.
"Pupunta lamang kami sa Lanayan. Iniutos sa akin ni Kuya Duncan na libangin ko si Ate Helena dahil nalulungkot siya rito," paliwanag ni Cassandra.
Saglit na tila nag-alinlangan ang mga tauhan ni Duncan kung papayagan ba silang umalis o hindi. Nakahinga siya nang maluwag nang payagan sila umalis matapos ang ilang minutong pag-iisip.
"Sige, pero sa may Lanayan lamang kayo magpunta ha. Alam mo nang delikado kapag lumayo kayo sa may Lanayan," paalala nito bago sila tuluyang pinaalis.
"Huwag kang mag-alala dahil sa may Lanayan lang talaga kami pupunta," pagbibigay niya ng assurance sa kanila para hindi magduda ang mga ito na may balak siyang tumakas.
Ilang minuto lamang ang nilakad nila bago makarating sa tinutukoy ni Cassandra na Lanayan. At talaga namang namangha siya dahil tunay ngang napakaraming magaganda at nagtataasang bulaklak ang nakatanim sa paligid. Hindi niya alam kung tumubo lang ba doon ang mga bulaklak na iyon o sadyang itinanim?
"Ang ganda naman dito, Cassandra," natutuwa niyang bulalas. Dahil sa nakitang kagandahan sa kanyang paligid ay pansamantala niyang nakalimutan ang binabalak niyang pagtakas.
"Kaya nga dito kita dinala dahil alam kong matutuwa ka kapag nakita mo ang tanawin dito," matamis ang pagkakangiti na wika ni Cassandra.
Magka-kalahating oras na sila roon nang bigla niyang maalala ang balak niyang pagtakas. Ngunit nag-alinlangan naman siya dahil baka may hindi mangyari sa bata kapag basta na lamang niya itong iniwan doon.
"Cassandra, kaya mo bang bumalik nang mag-isa mula rito papunta sa bahay ni Duncan?" bigla niyang tanong sa bata.
"Opo, bakit po?" nakakunot ang noo at nagtatakang tanong nito sa kanya. Umiling lamang siya at hindi na nagsalita pa.
Naisip ni Helena na kapag bigla na lamang siyang tumakbo ng mabilis ay tiyak na hindi siya mahahabol ni Cassandra dahil bata lamang ito. Tiyak na mas mabilis siyang tumakbo kaysa rito. Inihanda niya ang kanyang sarili para tumakbo. Ngunit akmang tatakbo na siya nang biglang sumulpot sa harapan nila ang dalawang matangkad na lalaki.
"Sino sila, Cassandra?" kinakabahang tanong niya sa kasamang bata na bigla na lamang nagtago sa kanyang likuran na tila takot na takot.
"M-Mga b-bampira sila, Ate Helena," nanginginig sa takot na sagot ni Cassandra.
"Akala ko ba protektado ang lugar na ito ni Duncan? Bakit may nakapasok dito na dalawang bampira?" kinakabahang tanong niya. Hinawakan niya ng mahigpit ang kamay ng bata. Kahit anong mangyari ay hinding-hindi niya ito iiwan sa lugar na iyon para lamang iligtas ang kanyang sarili.
"Dalawang preskong babae. Tiyak na masarap ang kanilang mga dugo," nanlilisik ang mga mata ng dalawang bampira na tila ba takam na takam sa dugo nilang dalawa ni Cassandra.
"Cassandra, kapag sinabi kong takbo ay tumakbo ka, ha?" mahinang bulong niya sa bata na tumango lamang sa kanya. Bumilang siya ng tatlo sa kanyang isip bago sumigaw ng malakas. "Takbo!"
Kasabay ng sigaw niya ay ang sabay nilang pagtakbo ni Cassandra. Kung saan-saang bahagi sila nagsusuot at hindi na nila alintana ang mga dahon o tinik na sumusugat sa kanilang balat. Iba't ibang bulaklak kasi ang nakatanim sa lugar na iyon at may mga bulaklak na matatalas ang dahon samantalang ang iba naman ay may mga tinik. Wala silang pakialam magkanda-sugat man sila ni Cassandra. Ang mahalaga ay makaligtas sila sa dalawang bampira na humahabol sa kanila.
"Ate Helena, pagod na pagod na po ako," reklamo ni Cassandra habang patuloy silang tumatakbo.
"Hindi tayo puwedeng tumigil sa pagtakbo, Cassandra. Maaabutan nila tayo kapag tumigil tayo."
Dahil nakikita ni Helena na talagang pagod na pagod na ang batang kasama niya ay saglit siyang huminto at kinarga ito. Hindi niya alam kung saan siya kumuha ng lakas at nakayanan niyang buhatin si Cassandra. Siguro ang kagustuhang makatakas ang nagbigay sa kanya ng adrenalin para mabuhat niya ang bata.
Napahinto si Helena at napasigaw ng malakas nang bigla na lamang lumitaw sa harapan niya ang dalawang bampira na nakangisi ang pagmumukha. Sa pinaghalong pagkagulat at matinding takot ay bigla na lamang siyang napaupo sa damuhan kasama si Cassandra.
"Akala ninyo ay makakatakas kayo sa amin? Ibinigay ka na sa amin nang isa sa mga kauri mo kaya amin ka na," pahayag ng isa mga dalawang bampira.
Kauri? Sinong kauri ang tinutukoy nito na nagbigay sa kanya sa kanila?
Nanlalaki ang kanyang mga mata nang bigla na lamang silang sinugod ng dalawang bampira. Napasigaw na lamang siya ng malakas sa sobrang takot.
"Duncan!!"