"Duncan!" sigaw ni Helena nang makitang natumba sa harapan niya ang lalaki habang may dalawang saksak sa likuran. Agad siyang napalapit dito at kinalong ang ulo nito. "M-Mabuti naman at l-ligtas ka," mahinang sabi nito bago unti-unting ipinikit ang mga mata. "Duncan? Duncan, huwag mo akong takutin," umiiyak niyang sabi rito. Agad niyang sinubukang pagalingin ang dalawang sugat nito ngunit sa labis niyang pagtataka ay hindi tumatalab dito ang kanyang kapangyarihang makapanggamot. Inilapag niya ang ulo nito sa damuhan at niyugyog ng malakas ang mga balikat nito. Nang hindi pa rin ito gumising ay itinapat niya ang dalawang daliri niya sa ilong nito. At ganoon na lamang ang kabang naramdaman niya nang hindi niya naramdaman ang hininga nito. "Gumising ka, Duncan," naiiyak na sabi niya rito.

