Halos dumadagundong ang dibdib ni Helena sa sobrang kaba dahil sa posibilidad na may bampira na naman nagtatangka sa buhay niya. Mukhang hindi yata ligtas ang buhay niya sa lugar ni Duncan. Ngunit ano naman ang dahilan nila at gusto siyang patayin? "Helena, mukhang may iba tayong mga kasama dito. Ihanda mo ang sarili mo dahil tatakbo tayo," mahinang bulong ni Clauros. Halatado sa boses nito na kinakabahan din ito sa sitwasyon nila ngayon. "Hindi mo ba sila kayang labanan?" hindi maiwasang tanong niya sa kasamang lalaki. Isa rin naman itong werewolf kaya tiyak na malakas din ito katulad ng iba. "Hindi ako kasing galing at kasing tapang ni Duncan, Helena. Kaya kong labanan ang isa o dalawa ngunit ang higit pa sa limang bampira ay hindi ko na kayang labanan," pag-iimporma nito sa kanya.

