10

1887 Words
ILANG araw bago ang graduation nila ay sinadyang umiwas ni Joanna Marie kay Lemuel. Si January lang ang nakakalapit sa kanya. Kahit ang ibang kaklase nila na sina Amor, Fatima Mae, at Princess Grace ay iniiwasan niya. Lalo na sa mga kaklaseng lalaki. “Mag-usap naman kayo ni Lemuel,” pakiusap ni January. “Ayoko. Ayaw naman niya sa gusto ko.” “Sira ka naman kasi!” sermon nito. “Nagyayaya kang magtanan, eh, ang babata pa ninyo. Tayo, ang babata pa natin. Kapag nagtanan ang dalawang tao, para na ring nag-asawa iyon. Eh, ang hirap ng buhay-may-asawa, `di ba?” “Paghihiwalayin kami ng mama ko. Luluwas na kami pagkatapos ng graduation. Kapag nasa Amerika na kami, wala na akong magagawa kapag ipinakasal niya ako kay Louie.” “Ano naman ang malay mo? Hindi pa naman siguro mangyayari agad ang mga iyon. Marami pang araw. Puwede pang magbago ang takbo ng buhay. Sige na, mag-usap kayo ni Lemuel. Maawa ka naman doon sa tao. Tingnan mo ang hitsura, mukhang pinagsakluban ng langit at lupa.” Ang totoo ay nami-miss na rin ni Joanna Marie ang boyfriend. Nananaig lang ang pride niya kaya tumatanggi siyang makipag-usap dito. Pero hindi na rin niya kayang magtiis pa kaya nang hapong iyon ay pumayag siyang makipagkita rito. Kagaya ng dati, doon uli sila sa bahay nina January. “I’m so sorry, Jo,” ani Lemuel at niyakap siya. “Sana ay maintindihan mo ako. Hindi ako tumatanggi sa iyo dahil ikaw ang mismong tinatanggihan ko. Ayoko lang yakapin ang consequence na kasama ng pagtatanan. Ayokong kumuha ng responsibilidad na alam kong hindi ko pa makakaya.” “Sorry din, Lemuel. Ayaw ko lang kasing magkahiwalay tayo kaya ko naisip iyon.” “Kailangan nating maghintay, Jo. Paghahandaan ko ang kinabukasan ko. At ikaw rin, masakit man ay kailangan mong sumama sa mama mo sa Amerika. Pero ipangako mo sa akin na hindi ka magpapakasal sa Louie na iyon.” Tumango nang sunod-sunod si Joanna Marie. “Promise, Lemuel. Gagawin ko ang lahat para hindi ako maikasal kay Louie.” “At palagi tayong magsusulatan. Kung hindi puwedeng direkta akong sumulat sa iyo ay makikiusap ako kay January na isama ang sulat ko sa sulat niya sa iyo.” “Oo, Lemuel.” “Mahirap na magkalayo tayo pero wala pa tayong masyadong magagawa sa ngayon. Balang-araw, kahit pigilan tayo ng mama mo ay hindi na niya tayo mahahadlangan.” “Magtiis na lang tayo nang kaunti.” “I love you.” “I love you, too,” sagot niya. ARAW ng graduation. Hindi makalapit sina Joanna Marie at Lemuel sa isa’t isa dahil hindi lang ang mama ni Joanna Marie ang nakabantay sa kanya, pati ang mag-inang Estela at Louie. Naiinis siya kay Louie dahil kung umasta ay parang boyfriend niya ito. Hanggang sa mag-uwian ay tanging pagpapalitan na lang ng sulyap ang nagawa nila ni Lemuel. Kasama pa rin nila hanggang sa pag-uwi sina Estela at Louie at lalo iyong nagpabigat sa kalooban niya. At dahil masama ang loob niya sa nangyayari, nagpaalam agad siya na magpapahinga na. Nagdahilan siyang masakit ang ulo kaya alam niyang tutol man ang mga ito dahil talagang pinaglalapit sila ni Louie ay wala nang nagawa pa. “Mare, may naisip ako para sa dalawang bata,” narinig ni Joanna Marie na sabi ni Tita Estela bago niya isara ang pinto ng kanyang silid. Hindi na siya umalis sa likod ng pinto at sinadyang makinig sa usapan ng mga ito. “Basta ba sa ikabubuti nila, walang problema,” sagot ng mama niya. “Kung ipakasal na kaya natin sila? Nineteen na si Louie.” Napasinghap si Joanna Marie sa narinig. Kulang na lang ay lumabas uli siya ng silid para sumigaw ng pagtutol. “Menor-de-edad pa ang anak ko,” sabi ng mama niya. “Puwede namang dayain ang edad niya. Saka nandiyan ka naman. Pipirma ka na lang ng parental consent. Mabuti nga iyon at mapapabilis ang paglalakad sa papeles ninyo para magka-visa kayo. American citizen na si Louie. Mas madaling maa-approve ang visa ni Joanna Marie kung kasal na sila.” Parang hindi naman na nag-isip ang mama niya. “Kung iyon ang pinakamabuti, bakit nga ba hindi? Kailan natin gagawin ang kasal?” “Pagluwas na ninyo. May kaibigan akong judge. `Sabi niya, basta pumunta lang tayo sa kanya, madali nang maikakasal ang dalawa.” “Actually, nakahanda na ang gamit namin ni Joanna Marie. Sabi mo nga, sa Maynila na kami mamirmihan habang inaayos ang mga papeles. Aba, kahit bukas ay puwede na kaming lumuwas.” “Tamang-tama pala. Bukas ng hapon ay maipapakasal natin ang dalawa,” ani Tita Estela. “Bakit hindi pa tayo magsabay-sabay sa pagluwas bukas? Tutal, kung maikakasal ang dalawa ay hindi na ninyo kailangang tumira pa sa ibang bahay. Doon na kayo tumira sa amin.” “Magiging magbalae na tayo, Estela,” parang nasisiyahang sabi ng kanyang mama. “Oo nga.” HINDI mapakali si Joanna Marie. Tumututol ang bawat himaymay ng kanyang katawan sa narinig. Hinding-hindi siya magpapakasal kay Louie. Nagulat siya nang kumatok sa silid niya ang kanyang ina. “Anak, hatinggabi na. Hindi ka na ba kakain? Baka lalong lumala ang sakit ng ulo mo,” malambing na sabi nito mula sa labas ng pinto. “May itinabi akong sopas para sa iyo. Gusto mong iinit ko?” “Busog naman po ako,” sagot niya nang pagbuksan ito ng pinto. “Maaga tayong mag-aayos bukas. Luluwas na tayo. Sasabay na tayo sa Tita Estela mo. `Sabi niya, ipapasyal niya tayo sa Maynila.” Nanunumbat ang tinging ipinukol niya sa ina. “Dati na naman po tayong lumuluwas sa Maynila. Kahit hindi niya tayo ipasyal. Hindi naman po tayo ignorante sa mga lugar doon.” Saglit itong natigilan, pero hindi naman nabawasan ang aliwalas ng mukha. “Anak, huwag mong sasabihin sa Tita Estela mo ang ganyan. Maiinsulto siya. Hayaan na lang natin siya. Pagdating sa Amerika, siya rin naman ang tutulong sa atin doon. Magsososyo raw kami ng business doon. Beauty parlor. Aba’y totoo nga palang mahal magpagupit sa Amerika kaya `yong mga Filipino roon, Pinoy rin ang hinahanap na haircutter. Malakas daw na business doon ang beauty parlor. Sobra pa ang hawak nating pera para maging puhunan.” “M-mama, sorry po, pero gusto ko nang mahiga uli.” Alam ni Joanna Marie na nagpipilit lang magkuwento ang kanyang mama, siguro ay para makuha ang loob niya. Style nito iyon kapag may iuutos sa kanya: nilalambing siya kunwari para mapasunod siya. Pero ngayon ay hindi siya madaling mapapasunod nito. “Sige, hija. Magpahinga ka na. Bukas ay gigising tayo nang maaga, ha?” Tumango lang siya at isinara na uli ang pinto. Nagrerebelde ang isip at damdamin ni Joanna Marie. Mas gugustuhin pa niyang huwag na lang magising kaysa mangyari ang balak ng mama niya na ipakasal siya kay Louie. Pero agad ding tumutol ang kanyang puso. Hindi niya kayang magpakamatay. At hindi rin niya gugustuhing magpakamatay. Paano na si Lemuel kapag namatay siya? Lalong hindi mangyayari ang mga pangarap nila. May iba pang paraan... Napangiti si Joanna Marie sa naisip na idea. Mabilis niyang nilapitan ang inempakeng bag. Masama ang loob niya nang mag-empake kahapon, pero wala siyang nagawa kundi sumunod sa utos ng kanyang ina. Halos kalahating oras din siyang nakiramdam. Nang matiyak na tulog na ang kanyang mama ay saka siya nagmamadaling tumakas bitbit ang bag. Siguro ay isang oras siyang naglakad papunta sa bahay nina Lemuel. Determinasyon lang ang puhunan niya kaya nakarating doon kahit nag-iisa siya at madilim ang daan. “Tao po!” Kumatok siya sa bahay ng mga ito nang makarating doon. Hindi nagtagal ay pinagbuksan siya ng nanay nito. “M-magandang gabi po, Aling Belen.” “Joanna Marie? Aba’y gabing-gabi na, ah,” gulat na sabi nito. “Ano’t napasugod ka?” Napahikbi siya. “S-si Lemuel po?” “Tulog na. Sandali at gigisingin ko.” Gaya ni aling Belen ay nagulat din si Lemuel nang makita siya. Pero agad iyong napalitan ng pag-aalala nang makita siyang umiiyak. “Jo, ano’ng nangyari? Pinagalitan ka ba ng mama mo?” “Tumakas ako, Lemuel. Ipapakasal niya ako bukas kay Louie pagdating namin sa Maynila. Ayokong magpakasal kay Louie. D-dito na lang muna ako.” “Makasabad na ako sa inyo, mga anak,” mahinahong sabi ni Aling Belen. “Pero malaking problema iyan kung sakali. Baka idemanda kami ng mama mo. Baka isipin niyang itinanan ka ni Lemuel.” “H-hindi naman po ito tanan. Ayoko lang pong sumamang lumuwas sa Maynila. Ayoko pong ipakasal ako ni Mama sa lalaking iyon. Saka si Lemuel lang po ang mahal ko.” Nakakaunawang tumango ang matanda. “Pero tiyak na hahanapin ka ng mama mo kapag natuklasan niyang nawawala ka.” “Hindi ko po kayo ipapahamak. Ako po ang magsasabi na ako ang kusang nagpunta rito. Gusto ko lang po na kahit paano ay makatanggi ako sa gusto nila.” “Kumain ka na ba, Jo?” nag-aalalang tanong ni Lemuel. “Namumutla ka na.” “Sa pagod at gutom. Hindi pa ako kumakain mula kaninang umuwi kami galing ng graduation. `Tapos naglakad pa ako papunta rito.” “Ang layo nito,” ani aling Belen. “Teka at ipaghahanda kita ng makakain. Pasensiya ka na lang sa pagkain namin dito, ha? Alam mo namang—” “Ako po ang dapat na humingi ng pasensiya, Aling Belen. Alam ko pong nakakaabala ako sa inyo. Kaya lang ay masamang-masama na po ang loob ko sa mama ko. Hindi ko na talaga kaya.” Nakakaunawang ngumiti ito. “Problema ninyong mag-ina iyan. Mahirap para sa amin na makialam. Pero kung makakabawas sa problema mo na dumito ka kahit ngayong gabi lang, sige, hahayaan ka muna namin. Sandali at ipaghahanda kita ng makakain.” “Salamat po.” Naiwan sila ni Lemuel sa maliit na sala ng bahay. “Totoo, Jo? Gagawin ng mama mo iyon?” tanong nito. Tumango si Joanna Marie. “Dinig na dinig ko sila. Dadayain nila ang edad ko at pipirma na lang si Mama for parental consent at ipapakasal kami sa judge na kaibigan ni Tita Estela sa Maynila.” Nagtagis ang mga bagang ng binata. “Kahit naman bata pa tayo, may karapatan din tayong pumili ng gusto natin. Bakit hindi ibigay sa iyo ng mama mo ang karapatang iyon? Dahil ba mayaman ang Louie na iyon?” Hindi siya kumibo. Alam ni Joanna Marie, kapag sinabi pa niya kay Lemuel ang mga panlalait ng kanyang mama tungkol sa pamilya nito ay lalo itong magagalit. “Hindi ko alam ang gagawin ko, Lemuel. Basta naisip ko lang na umalis muna. Bahala na bukas. Ang importante lang sa akin ngayon, hindi ako maisasama ni Mama sa Maynila.” “At siguradong hindi siya luluwas kapag nalaman niyang nawawala ka.” “Kay January niya ako hahanapin.” “At dahil wala ka roon, malamang na dito siya pupunta.” “Kahit ano ang mangyari ay hindi kita ipapahamak, Lemuel.” Niyakap siya ng nobyo. “Hindi ako natatakot para sa sarili ko, Jo. Natatakot lang ako na baka saktan ka ng mama mo dahil sa ginawa mong ito.” “Mas masakit kung ipapakasal niya ako sa lalaking iyon, Lemuel.”
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD