Isang linggo nang nakatira sa amin si Stephanie. Isang linggo na niya ring inaangkin ang kwarto ko. Aaminin ko, medyo gumaan ang buhay namin dahil andito siya sa bahay. Siya kasi ang halos sumagot sa pagkain namin. Sakto lang dahil wala pa rin kaming gig. Kaso ang problema ay hindi naman ako makapag-practice dahil kay Stephanie. Wala akong mapwestuhan eh. Panay rin kasi ang pagpinta niya sa loob ng kwarto ko. Magaling siyang magpinta. Tuwang-tuwa nga si nanay dahil ipininta siya ni Stephanie. Kuhang-kuha nito pati ang ilang puting buhok ni nanay.
"Where are you going?" tanong ni Stephanie sa akin.
Kumukuha kasi ako ng damit na bihisan ko. Kahit na siya na ang nagamit ng kwarto ko ay nasa loob pa rin ang lagayan ko ng damit. Nagpipinta na naman siya na para bang sa kanya ang kwarto ko. Sandali ko siyang tiningnan. Nakasuot siya ng sandong itim at maiksing shorts. Litaw na litaw tuloy makinis niyang balat. Mabuti na lang talaga at hindi pa rin siya nakikita nila Yani. Muli akong tumingin sa mga damit ko.
"Basta."
"Where nga? Sama ako."
"Hindi pwede." Hinugot ko ang isang t-shirt na kulay itim. Kumuha na rin ako ng brief ko at boxer short.
"Why?" angal niya.
Napabuntonghininga ako at tumingin sa kanya. Nakatitig na pala siya sa akin at naghihintay ng sagot ko. Isinabit ko sa balikat ko ang bihisan ko. "Hindi ka bagay roon."
Umarko ang kilay niya. Ipinatong niya ang hawak niyang brush sa pallet nitong nakalagay sa maliit na lamesa. "Bakit hindi ako bagay?"
Iniawang ko ang aking bibig pero sinara ko lang ulit 'yon. Paano ko ba sasabihin na hindi siya pwedeng makita ng mga manyak kong kaibigan?
"Ahm. Ano kasi. Sa club kami pupunta."
Namilog ang mga mata ni Stephanie at biglang tumayo. "Sa club? Sama ako!"
"Ha? Hindi nga pwe-"
"Basta! I will come with you!" excited niyang sabi at tumalikod na sa akin. Napakamot na lang ako sa ulo noong kinuha niya ang roba niya. "I'll just clean myself." Lumabas na siya ng kwarto at iniwan ako sa loob.
Napabuntonghininga ako at naiwang nakatitig sa pinipinta niya kanina. "Hindi manlang nagligpit," aniko. Inilapag ko muna ang damit ko sa papag at iniligpit ang mga gamit ni Stephanie. Inilalagay niya lang iyong mga gamit niya sa pagpintsa sa ilalim ng papag kaya madali lang. Habang ang lamesita naman ay sa gilid lang din katabi ng canvas na pinipintahan niya. Napatitig ako sa ginagawa niya. Tao ang pinipinta niya ngayon. Sino naman kaya 'to? Balikat pa lang ang nagagawa niya kaya hindi ko makilala. Hindi ko na lamang 'yon pinansin at igilid. Para akong nagkaroon ng ikalawang kapatid. Wala na kasi akong ibang ginawa kundi ang bantayan siya nitong mga nakaraang araw. Kung hindi nga lang tumawag kanina si Ando ay hindi ako makaalis.
Bahala na mamaya. H'wag sanang umatake kamanyakan ni Yani. Hindi naman siya malikot sa babae pero kapag nakakakita hindi na mapakali. Pagkatapos kong ayusin ang gamit ni Stephanie ay lumabas na ako ng kwarto dala ang bihisan ko at tuwalya. Naririnig ko na ang pagligo niya sa banyo kaya naupo muna ako sa sala.
Hindi naman nahirapan si Stephanie sa paga-adjust sa pagtira rito. Wala rin siyang reklamo sa ibang bagay lalo na sa pagkain at tubig. May sarili na kasi siyang tubig at ang pagkain naman ay sinisigurado niyang masarap palagi. Madalas siya ang nagluluto sa amin. Wala sila nanay ngayon sa bahay, may session siya sa mga labahan ng kapit-bahay namin. Sabado ngayon kaya sigurado ako na gagabihin na naman siya. Tuwing sabado kasi ay kila Missis Tan siya naglalaba. Gustong-gusto ni nanay roon dahil malaki raw magbayad at nakakagamit pa ng washing machine na automatic. Si Kirah naman ay nasa kaibigan daw at may project na tinatapos.
Ilang sandali pa ay natapos na si Stephanie maligo. Sumunod na rin ako sa kanya para makaalis na kami agad. Bago ako maligo ay nagsaing muna ako para mamaya ay ulam na lang ang problema namin. Kaya pagkatapos kong maligo ay luto na rin ang kanin. Pinatay ko lang ang kalan.
Naghanda na ako. Itim na t-shirt at kupas na pantalon ang suot ko ngayon. May pulang rubber shoes ako na palagi ko ring gamit. Iyon lang naman din ang nag-iisa kong sapatos kaya wala akong pagpipilian kundi ang pagtyagaan iyon kahit na pubpob na rin. Sakto naman na lumabas na si Stephanie sa kwarto. Natigilan ako noong makita kong nakasuot siya ng hapit na hapit na bestida. Hanggang kalahati lang ng hita niya ang haba niyon at backless pa. Dahil sa maiksi ang buhok niya ay kitang-kita ko likod niya. Napalunok ako. Naramdaman ko agad na may nabuhay sa dugo ko noong makita ko siya. Mabilis akong umiling at nakakunot ang noo na nilapitan siya.
"Ano 'yang suot mo?"
Nagtatakang tumingin siya sa akin at sa sarili niya. "Why? Is there something wrong with this?"
"Palitan mo 'yan. Ano ka ba? Halos makita ko na 'yang dibdib mo oh! Tapos kaunting buka mo lang makikita na panty mo. Umayos ka nga!"
Umawang ang bibig niya at hindi makapaniwalang tumungin sa akin. "Hey! What's wrong with you?! Walang mali sa suot ko! At club ang pupuntahan natin. Alangan naman mag-panjama ako?"
"Hindi nga pwede 'yan! Wala ka bang pantalon?"
"What's pantalon? This is okay. Walang masama sa suot ko. My body, my rule! Hindi kita boyfriend para pagbawalan ako sa mga susuotin ko. At kahit boyfriend kita, walang sino man ang mag-uutos kay Stephanie Jane Savar sa gagawin niya sa buhay! It's my life so no one can decide what I want to do myself!" galit na sabi niya at muling pumasok sa loob ng kwarto.
Napanganga ako. Ano 'yon? Sinasabihan ko lang naman siya na magbihis dahil baka mabastos siya sa pupuntahan namin. Pero bakit parang may nasabi na akong masama? Napaungot ako at inis na huminga nang malalim. Kinalma ko muna ang sarili ko bago kinatok ang pinto.
"Stephanie," tawag ko sa kanya habang kumakatok sa pinto. Pero hindi sumagot si Stephanie. Muli akong kumatok. "Bubuksan ko na 'to, ha?" paalam ko sa kanya. Noong hindi pa rin siya sumagot ay binuksan ko na ang pinto. Pagtingin ko sa loob ay nagulat ako noong makita kong nakahiga siya sa kama at nakatalukbong ng kumot. Lalapitan ko na sana siya pero napatigil ako noong marinig kong humihikbi siya. Umiiyak ba siya? Lumapit na ako sa kanya at tinapik ang balikat. "Stephanie. Huy."
"Get away from me!"
"Ano bang nangyari sa 'yo? Pinagbibihis lang naman kita eh."
"H'wag mo akong utusan!"
Napamaywang ako at pilit na kinalma ang sarili. Kaya ayaw ko ng girlfriend eh. "Hindi kita inuutusan. Gusto ko lang magpalit ka kasi baka mabastos ka roon," mahinahon kong sabi. Napaatras ako noong bigla siyang umupo at tinitigan ako nang masama. Umiiyak nga siya dahil basang-basa ang pisngi niya. Mayroon pang natulong mga luha sa mga mata niya.
"I hate you!" aniya.
"Bakit? Ano bang ginawa ko sa 'yo? Alam mo? Kung mag-iinarte ka lang diyan, iiwanan na lang kita rito," banta ko sa kanya. Pero imbes na matakot ay lalo siyang umiyak.
"I hate you! I hate you!" sigaw niya lang at saka isinubsob ang mukha sa mga palad
"Ay tangina," mahina kong sabi. Umupo ako sa kama at hinawakan siya sa balikat. "Sige na. Sorry na. Ayaw ko lang naman na mabastos ka eh," mahinahon kong sabi. Hindi pa rin siya nag-angat ng mukha. "Sige. Suotin mo na 'yon pero mag-jacket ka para hindi makita 'yang likod mo."
"Really?" Nag-angat na siya ng ulo. Pinilit kong ngumiti sa kanya at tumango. Parang bigla siyang ginanahan at ngumiti nang malapad. "Okay!" excited niya ulit na sabi at tumayo na mula sa papag. Naghanap na siya nang masusuot sa cabinet niya habang kumakanta-kanta pa.
Napailing na lang ako. Ang hirap talaga spelling-in ng mga babae.