Anghel (One Shot)
Nasa grade school palang ako noon, halata na sa kilos, pananamit at maigsi kong buhok na tibo ako. Kaya madalas akong tuksuhin ng mga bully sa eskwelahan. Hanggang sa may isang Anghel na ipinagtanggol ako sa mga nang-aasar sa akin.
Si Cassy. Maganda siya, masiyahin, mayaman, aktibo sa klase at higit sa lahat ay hindi siya nanghuhusga ng tao. Kaya sa tuwing may nang-aasar sakin ay to the rescue agad siya. Simula noon ay siya na ang naging Anghel ng buhay ko. Hindi ko din akalain na magiging mag bestfriends pala kami hanggang highschool.
Gusto ko siya pero alam ko sa sarili ko na wala akong pag-asa dahil straight siya. Kaya mas pinili ko nalang itago yung nararamdaman ko, hanggang sa nagkaroon na siya ng boyfriend na mas lalong nagpakirot sa lihim na damdamin ko sakanya.
Isang araw bigla nalang hindi na daw pumapasok sa klase niya si Cassy. Hindi na rin niya nirereplayan ang mga texts at chat ko sakanya kaya minabuti kong puntahan nalang siya sa bahay nila.
"Alex? Napadaan ka?"
Bungad niya sa'kin ng nakangiti pero dama ko ang lungkot sa kanyang mga mata. Pinapasok niya ako sa bahay nila at laking gulat ko dahil kapiraso nalang pala ng mala-mansyon nilang bahay noon ang tinitirhan niya, tila isang studio type na sama-sama na duon ang tulugan, kusina at palikuran. Simula daw nang magkasakit ang Dad niyang nagta-trabaho sa Europa ay hindi na ito nakapagpadala. Hinati ng madrasta niya ang kanilang bahay para mapaupahan ito para sa kanilang gastusin. Nakangiti lang siya habang nagkukwento kahit ramdam ko ang hirap na kanyang dinanas.
Hindi ko alam kung tama na tinanong ko parin sakanya kung bakit hindi na siya pumapasok. Ang sabi niya lang ay mas gusto na muna niyang maghanap ng trabaho kaysa mag-aral. Kinamusta ko din sila ng boyfriend niya at hindi ko akalain na iyon ang magtatanggal ng mga ngiti niya.
"Wala na kami."
Maluha-luhang wika ni Cassy at ikinuwento niya na matapos makuha ng lalakeng 'yon ang pagkabirhen niya ay ipinagpalit na siya sa iba. Galit na galit ako sa sarili ko nang mga oras na 'yon dahil sa dinami-rami ng beses na ipinagtanggol ako ni Cassy ay hindi ko manlang siya nagawang ipagtanggol sa gagong 'yun. Sa kabila 'non ay nanatili pading Anghel sa mga mata ko si Cassy.
Nakagraduate na ako ng highschool at naging abala sa college life, pero palagi ko padin kinakamusta sa chat at tawag si Cassy. Sa tuwing libre ako ay niyayaya ko siyang lumabas at nagpaplano na aminin sakanya ang lihim kong pagtingin. Pero sa tuwing nagkikita kami ay ikinukwento niya sa akin ang mga nagiging boyfriends niya kaya hindi ko nagawang sabihin pa ang nararamdaman ko.
Mga lalakeng malaki ang tanda sakanya, may kotse, mapera at kaya siyang ibahay ang mga nakakarelasyon ni Cassy. Kahit may parte sa akin na nagsasabing hindi na si Cassy ang Anghel na nakilala ko nuon ay patuloy ko padin itinatanggi 'yon sa isip ko. Patuloy ko padin siyang minamahal ng lihim.
Hanggang sa isang araw ay nagkayayaan kami ng mga barkada kong lalake sa isang bar, enjoy-enjoy at for experience lang daw. Sa entrance palang ay amoy usok na agad ng yosi, maingay na tugtugan at patay sinding mga ilaw. Nagsayawan na sila sa dance floor pero mas pinili ko lang uminom at maupong mag-isa, pinagmasdan ang magulong mundo. Napailing nalang ako at tiningnan ang bote ng serbesa na kanina ko pang iniinom. Tila lason na nagbibigay kahunghangan sa lahat para mawala ka sa katinuan. Hindi na nakakapagtaka kung bakit may bigla nalang nag aamok ng away o nakakagawa ng masama dahil sa inumin na 'to.
Enjoy daw sa lugar na 'to. Muli kong iginala ang mga mata ko pero ang nakita ko ay mga taong pinipilit hanapin ang nawawalang ligaya sa alak, pakikipagtalik at pagsayaw sa dilim. Isang impyerno para sa akin.
Pagbalik ko ng tingin sa kabilang table ay tumigil ang pagtibok ng puso ko.
Nakita ko ang isang Anghel sa impyerno, nakikipaghalikan sa matandang demonyo. Marahil dala na din ng alak kaya hindi na ako nakapag-isip pa. Kinaladkad ko siya palabas ng bar kahit nagpupumiglas siya, muntik na akong bugbugin ng security pero maagap na sinabi ni Cassy na kilala niya ako at wala akong ginawang masama sakanya. Nagpunta kami sa parking lot, inis na inis siya sakin na humalukipkip sa harap ko. Pinagmasdan ko siya, naka-bra at ripped shorts na hanggang singit. Yung mukha niyang puno ng kolorete. Hinubad ko ang denim jacket ko na isusuot sana sakanya pero tumanggi siya.
"Hindi ko yan kailangan! Ano bang ginagawa mo dito?! Sinisira mo pa diskarte ko sa mga customer ko eh!" singhal ni Cassy na ikinagulat ko.
"Madami akong naririnig sa mga former classmates natin na balita tungkol sa'yo pero hindi ako naniniwala sakanila dahil kilala kita. Alam kong matalino kang babae at may dangal sa sarili." naiiyak na ani ko sakanya. "Anong nangyare Cassy?"
Dumukot siya ng yosi at lighter sa bulsa ng shorts niya, sinindihan ito sa harapan ko na tila ba sanay na sanay na sa paghithit at pagbuga.
"Sorry Alex, pero hindi nakakain ang dangal. Madali para sa inyo na mabuhay at makahanap ng trabahong marangal. Nakapag-aral kayo eh. Eh ako?" aniya na pilit tumawa kahit nagbabadya na ang mga luha sa kanyang mga mata.
Ikinulong ko siya sa mga bisig ko. At sa kauna-unahang pagkakataon ay inamin ko sakanya ang aking matagal ng lihim na pagtingin.
"Cassy, mahal na mahal kita. Noon pa man ikaw na ang Anghel ng buhay ko."
Umiiyak na kaming dalawa pagkatapos ko siyang yakapin. Kinuha ko ang isang kamay niya pero agad niya iyong binawi at pinunasan ang kanyang luha sabay tawa ng pilit.
"Anghel? Anghel na nagdadala ng mga kalalakihan sa langit." aniya na tumatawa.
"Cassy, hindi ka ganon! Kasi mahal kita sa kabila nang lahat ng 'to, mahal na mahal parin kita." pagsusumamo ko.
Dumistansya siya sa akin. "A-alam mong straight ako." aniya na dumurog ng puso ko at tuluyan niya na na akong tinalikuran at lumakad palayo.
Matapos ang tagpong yon ay minabuti kong mag focus nalang sa pag-aaral. Pinilit kong kalimutan siya, hindi ko siya inunfriend pero inunfollow ko siya para hindi ko na makita ang mga posts niya. Nakatapos ako ng kolehiyo sa kursong Culinary Arts at agad na may kumuha na restaurant sa akin bilang assistant chef. Naging maganda ang takbo ng buhay ko pero sa kabila ng lahat ng aking tagumpay ay may puwang sa puso ko na hindi ko magawang punan.
"Alex huy."
Isang pamilyar na tinig na nagpalingon sa akin, isang gabi habang naglalakad ako pauwi.
Paglingon ko ay nakita ko ang Anghel ng buhay ko, si Cassy. Ang ganda niya parin kahit halatang malaki ang ipinayat niya at sobrang lalim ng kanyang mga mata. Nakangiti siya at pabirong tinapik ang braso ko.
"Sabi na ikaw yan eh. Naks, big time ka na ah." aniya
Nagkakwentuhan kami at sa pagkakataong ito wala siyang nabanggit na boyfriend. Wala na din daw siya sa dati niyang trabaho na ikinatuwa ko ng lubos. Napansin ko ang dala niyang malaking backpack, inamin niya na naghahanap siya ng matutuluyan kaya malugod kong inoffer ang unit ko sakanya.
"Hindi ba n-nakakahiya?" ani Cassy ng nasa condo unit ko na kami.
"Ano ka ba, para ka namang iba." wika ko.
Matapos namin kumain ng hapunan ay naisipan kong sa bahay nalang muna ng parents ko ako matutulog.
"Uhm, its getting late, I think i have to go para makapagpahinga ka na din." ani ko sakanya na ikinagulat niya.
"Ha? S-saan ka pupunta? Hindi mo ba ako sasamahan matulog?" pagtataka ni Cassy.
"Ah-eh. . ."
Nilapitan ako ni Cassy at hinaplos ang pisngi ko. Na-estatwa nalang ako, titig na titig kami sa isat-isa at halos tumalon yung puso ko sa kilig. Bumaba ang tingin ko sa maputlang labi niya at nagdikit na ang aming mga labi.
Ang anghel na matagal kong pinangarap ay dinala ako sa langit ng gabing iyon. Mali, siya ang langit ko. Parang isang panaginip, naging kami na nga ni Cassy. Masayang-masaya ako at nakikita kong masaya din siya. Kinalimutan ko ang pangit niyang nakaraan. Wala na akong mahihiling pa. Gusto niya nang sariling pera na hindi galing sa akin kundi sa sarili niya. Kaya nagdesisyon siyang mag buy and sell online na sinuportahan ko naman. Pero dumalas na hindi na kami sabay nakakatulog kasi sabi niya madalas tuwing gabi active ang mga buyers niya. Malungkot man ay inintindi ko yun dahil yun ang gusto niya.
Isang araw may imimeet-up daw siyang buyer. Sabi ko ako nalang magdadala ng product pero nagpumilit siyang siya nalang, tinatanong ko kung saan ang meeting place nila pero hindi siya sumagot, hinalikan niya ako at agad ng umalis.
Naulit pa ng maraming beses ang mga pangyayareng 'yon pero minabuti kong huwag nalang pansinin. Hanggang sa isang gabi maagang nahiga si Cassy kaya naglambing ako, nag-aya ng sexy time pero tumalikod siya at sinabing antok na daw siya. Mag i-isang buwan ng walang nangyayare sa amin pero mas pinili kong irespeto siya. Dumaan pa ang ilang mga buwan, naging sakitin si Cassy, nagsimula sa sipon hanggang sa ubo na hindi gumagaling. Pinilit ko siyang magpacheck-up pero ayaw niya, nagagalit lang siya sa akin.
Isang gabi pag-uwi ko ay naabutan ko siyang umiiyak na nakaupo sa sahig.
Tumakbo agad ako palapit sakanya. "Babe? Bakit ka umiiyak?" niyakap ko siya.
"I'm sorry." aniya.
"Anong nangyare? May masakit ba sa'yo?" nag-aalala kong ani.
"I'm positive. . ." aniya.
Bumagal ang pagtibok ng puso ko sa magkahalong hinagpis, takot at kaba dahil sa narinig.
Buntis siya? Nagloko siya sa'kin? Kailan? Paano? Halos gustong sumabog ng isip ko sa mga katanungan pero agad itong naglaho ng tuluyan niyang linawin ang lahat.
"May HIV ako. I'm sorry." umiiyak na aniya.
Natulala ako habang patuloy siyang nagpapaliwanag na umiiyak. Paulit-ulit siya sa paghingi ng tawad sa ginawa niyang pangangaliwa, na hindi niya alam kung bakit mas hinahanap padin ng katawan niya ay lalake. Na mahal niya ako pero straight siya kaya kinailangan niyang gawin iyon ngunit lingid sa kanyang kaalaman na may sakit pala ang kanyang nakatalik.
Gumuho ang mundo ko, gulong-gulo sa pagitan ng magagalit ba ako o maaawa sa kinahinatnan niya? Pero sa huli mas pinili ko padin magpatawad.
Makaraan ang isang taon ay umupo ako sa tabi ng Anghel ng buhay ko, inilapag ko sa harap niya ang paborito niyang bulaklak at tsaka hinaplos ang pangalan niyang nakaukit sa bato kasabay ng pagsariwa sa mga ala-ala niyang iniwan sa puso ko.
Ang Anghel na nagdadala sa langit, ngayon ay nasa langit na kung saan wala ng paghihirap at sakit.
Wakas.