Kinabukasan, nag-away si Mama at si dad. Siguro kasi hindi natulog si Mama sa kuwarto nila? Pero mula noon, madalas ko nang makasabay si Mama kumain ng hapunan. Sa gabi naman, tinatabihan n’ya `ko hanggang sa makatulog ako, at pinakabitan n’ya kina manong Johnny ng deadbolt ang pinto ko, para `di na makabalik `yung halimaw. Masaya na sana ako noon, kaya lang, isang buwan lang pala itatagal nito. Pina-renovate ni dad yung poolhouse sa likod ng bahay namin, tapos pinalipat nila ako roon. “Dito ka na titira mula ngayon,” sabi ni dad. “Bawal ka nang pumasok sa main house, lalo na sa gabi, naiintindihan mo ba?” Tumango ako at tumingin kay Mama ko. “O, `di ba, anak? Ang ganda ng bagong bahay mo! Solong-solo mo `yan!” masaya n’yang sinabi sa `kin. “Pero Ma, bakit bawal na `ko sa bahay?

