Kabanata 44 S U N N Y “Salamat nga pala, nag-enjoy ako ngayong araw,” sabi ko nang nakabalik na kami sa bahay. Ilang segundo siyang tumitig sa akin bago nangiti at tumango. Tinalikuran niya ako ng wala ng sinasabi pa at umakyat na sa kwarto. Naiwan akong nakangiti habang pinagmamasdan siyang unti-unting naglalaho sa paningin ko. Ang saya lang sa pakiramdam na napapangiti ko na siya ngayon na dati ay pangarap ko lang. “Ang tagal niyo yata. May pinuntahan pa kayong iba?” Lumapit sa akin si Bren na mukhang kagagaling lang sa gaming room. “Uh, namasyal lang saglit kaso dinumog naman si Alistair ng mga fans niya. Grabe, sobrang dami pala talaga niyang fans, ano? Dinaig niya pa yata ang mga artista sa dami ng gustong magpakuha ng litrato sa kanya kanina.” Tumawa si Bren at umiling-iling.

