Kabanata 15
S U N N Y
"Kung may problema ka sa pagiging bagong member ko sabihin mo kay coach o kaya sa president. Sila lamang ang may karapatang magpaalis sa akin dito. Hindi ikaw," sabi ko bago ko siya tuluyang iniwan sa kwarto.
Kinuha ko ang phone ko sa bulsa ko nang maramdaman kong nag-vibrate iyon. Agad napakunot ang noo ko nang makitang si Ace lang pala iyon, tumatawag ang loko. Siguro dahil hindi ko na siya ulit na replyan kanina. Mabilis akong nagtungo sa likod bahay para doon sagutin ang tawag ni Ace. S'yempre hindi ko naman pwedeng gamitin sa kanya ang boses lalaki ko. Magtataka 'yon kung bakit naging gano'n ang boses ko. Hindi ko naman pwedeng sabihin sa kanya ang kalokohang pinasok ko. Hindi ko pa nga siya nakikilala ng personal para pagkatiwalaan ng lubos. Mamaya ipagkalat niya pa. Eh di, natanggal na agad ako sa team, hindi pa nga ako official na naipapakilala bilang bagong member ng Gladiators. Hindi pwedeng matanggal agad ako. Kailangan makapaglaro muna ako sa tournament at mag champion bago ako maalis dito.
Gusto ko mang pagkatiwalaan itong si Ace, pero kailangan ko talagang maging maingat sa mga desisyon ko. Mahirap na. Ayokong bigla na lang gumuho itong pangarap ko na matagal ko na talagang inaasam. Unti-unti na ngang natutupad, eh. Hindi pwedeng basta na lamang itong guguho ng dahil lang sa nagtiwala ako sa taong nakilala ko lang naman sa internet.
Kung siya nga ayaw niyang ipagkatiwala sa akin ang totoo niyang pagkakakilanlan, eh. Ibig sabihin wala pa din siya gaanong tiwala sa akin, o pwede ding mas komportable lang talaga siyang kausapin ako ng hindi nagpapakilala. May gano'ng tao, eh. Mas komportable silang makipag-usap o magkwento sa isang tao na hindi nila personal na kilala. Pero minsan hindi ko maiwasang maisip na baka artista itong si Ace kaya ayaw magpakilala. Ni wala manlang siyang litrato sa dummy account niya. Puro picture lang ng paborito niyang hero sa Harbinger of Victory. Kung sa bagay kaya nga dummy account, eh. Pero bakit ba ayaw niyang magpakilala sa akin ng personal? Ang tagal na naming naglalaro, ah. Ako kilala na niya ako sa pangalan at sa mukha dahil sa social media account na gamit ko pang-chat sa kanya. Siya wala manlang akong ka-alam-alam tungkol sa kanya bukod sa first name niyang Ace. Ni hindi ko nga sigurado kung pangalan niya ba talaga 'yon. Baka nakuha niya lang 'yon kung saan.
"Hello," untag ko gamit ang normal na pang babaeng boses nang sagutin ko ang tawag niya.
Nasa likod na bakuran na ako ng bahay. Hindi ko ito nakita kahapon kaya medyo namangha pa ako nang makitang may malaking pool pala doon. Dito siguro kinunan iyong picture nilang lahat na cover photo ni Alistair sa isang social media account niya.
"Bakit hindi ka na nag-reply? At bakit ang tagal mong sumagot ng tawag? Anong pinagkaka-abalahan mo?"
Ngumiwi ako sa tanong na iyon ni Ace. Kung makapagsalita talaga ang isang ito, akala mo boyfriend ko siya na kailangan kong pagpaliwanagan sa lahat ng bagay.
Bakit siya din naman, ah? Mas madalas pa nga siyang matagal mag reply sa mga messages ko. Ngayon lang ako medyo natagalan sa pag re-reply sa kanya dahil sa sitwasyon ko dito. S'yempre kailangan kong mag-ingat kapag bubuksan ko itong account ko na ito. Baka mamaya may makakita sa akin, eh di, patay na. Katapusan na agad ng pangarap kong nagsisimula pa lang.
"Wala. Kumain lang ako ng almusal. Bakit, ano naman sa'yo ngayon?"
Naupo ako sa isang wooden bench doon. Mahangin dito sa likod bahay, at kahit walang bubong ay hindi mainit dahil may dalawang malaking punong tumatakip sa araw. Ang sarap sigurong mag swimming dito. Sana isang beses, makasama ko silang mag swimming dito tas makasama din ako sa mga pictures nila. Ipapa-print ko talaga ng malaki ang magiging unang picture ko kasama silang lahat at idi-display ko sa kwarto ko.
Napangiti ako sa excitement.
"Nagtatanong lang. Masama na bang magtanong? Laro tayo."
Ngumuso ako. Mag-aaya lang palang maglaro. Hindi na lang agad nagsabi. Kung ano-ano pang tinatanong.
"Hindi ako pwede. Baka may training kami ngayong araw."
"Training?"
Nasapu ko ang bibig ko sa pagkakadulas. Muntik ko nang masabunutan ang sarili ko sa katangahan ko. Mabuti na lang at mabilis akong nakaisip ng palusot nang makita ko ang malaking pool.
"Oo. Hindi ko pala nasabi sa'yo, ano? Sumali ako sa isang swimming competition. Kaya medyo busy din ako ngayon sa training."
Nakagat ko ng mariin ang labi ko. Ugh! I hate lying! Pero sa pinasok kong ito wala talaga akong ibang magagawa kung hindi ang magsinungaling upang hindi ako mabisto. Katapusan na ng lahat kapag nabisto ako.
"Ano? Kailan ka pa nahilig sa swimming? Akala ko ba hindi ka marunong lumangoy?"
Damn it! Pati ba naman iyon ay nasabi ko pa pala sa kanya? Ano ba 'yan! Kung bakit ba naman kasi sa dami ng pwede kong sabihin iyon pa talaga ang nasabi ko. Eh, kasi naman, iyon agad ang unang pumasok sa isip ko nang makita ko ang pool. Ang hirap talagang magsinungaling lalo na kung hindi ka sanay gawin iyon.
Pakiramdam ko tuloy kapag nagtagal pa ako dito. Masasanay na akong magsinungaling sa dami na ng kasinungalingang nasasabi ko. Mula ng pumasok ako dito puro kasinungalingan na ang lumalabas sa bibig ko. Wala akong choice. Kailangan kong gawin 'yon para sa pangarap ko.
"Huh? May sinabi ba akong ganyan sa'yo? Wala akong sinabing ganyan, ah. Magaling kaya akong lumangoy."
"Kasasabi mo lang noong isang linggo na hindi ka marunong lumangoy tapos ngayon biglang magaling ka na? Pinagloloko mo ba ako, Sunny?"
Oh my goodness!
"Huh? Hindi ko maalalang sinabi ko 'yan sa'yo. Baka ibang tao ang nagsabi sa'yo niyan. Hindi ako."
Sige lang, Sunny. Itanggi mo pa. Magsinungaling ka pa.
"You're weird."
Napapikit ako ng mariin. Narinig ko na ang boses nina Kean sa loob ng bahay. Mukhang nagising na ang mga loko. Mabilis akong nagpaalam kay Ace at nag log-out agad sa totoong account ko. Binuksan ko ang fake account ko at pinasok na ulit ang phone sa bulsa ko. Huminga ko ng malalim bago ako muling pumasok sa loob.
"Good morning!" bati ko sa kagigising lang na si Kean at Marcus, balik sa panlalaking boses.
Sa palagay ko na master ko naman na ang pagboboses lalaki. Sa una lang ako nahirapan kasi s'yempre hindi ako sanay gumamit ng gano'ng boses pero nasanay na din ako.
Nakahawak sa ulo niya si Kean at minamasahe iyon habang si Marcus naman ay nakatungo sa lamesa, mukhang nananakit din ang ulo. Isang tango lang ang nagawa nilang itugon sa pagbati ko.
"Ayan, napapala niyo. Binalaan na kayo ni coach kagabi na huwag masyadong papakalasing dahil may training tayo, di ba? Si lokong Dylan, ayon, hanggang ngayon tulog pa. Mukhang wala ng balak bumangon ang gagong 'yon. Ayaw niyo kasi paawat kagabi, eh." Si Bren na nakasandal sa kitchen counter at pinaglalaruan ang apple na hawak-hawak.
"Okay na, Bren. Magtira ka ng sermon para kay coach," si Kean na kahit masakit na ang ulo ay nagagawa pang maging sarkastiko.
"Gago! Buti nga sa'yo," balik naman ni Bren na ayaw patalo.
Napa-iling ako sa dalawa habang nangingisi. Mga loko talaga 'tong mga 'to. Konting bagay. Asaran agad. Para bang hindi sila mabubuhay nang hindi nagtutuksuhan.
"Nasaan pala si coach?"
"Umalis sandali. Umuwi sa kanila kaninang umaga. May emergency yata."
Napabaling ako kay Bren. Hindi niya sinabi sa akin kanina 'yan. Kung sa bagay, hindi din naman kasi ako nagtanong.
"Baka hindi matuloy ang training natin ngayong araw."
"Ano kayang meron? Ang aga naman niyang umalis. Anong oras na ba?"
"Emergency nga kasi," naiiling na sabi ni Bren.
Habang nagtatalo ang dalawa ay tahimik lang si Marcus na nakatungo sa lamesa. Mukhang nakatulog nanaman yata. Lumawak ang ngisi ko. Ganito ba talaga itong mga ito? Ang kukulit nila. Para pala silang mga bata sa personal.
"Kumain na kayo nagluto si Ali ng pasta. Solid, tol."
"Talaga? Kuha mo nga ako. Parang pinupokpok 'yong ulo ko, eh."
"Ano ka sinuswerte, may utusan? Tumayo ka d'yan. Iinom-inom ka tapos hindi mo naman pala kaya. Ako pa peperwisyuhin mo."
"Grabe ka naman, tol. Nakikisuyo lang 'yong tao. Dali na!"
Napa-iling ako. Hay naku. Ayan kasi. Iinom ng madami tapos hindi naman pala kaya alagaan ang sarili.
"Ako na ang kukuha," pagpepresinta ko.
Agad napangiti ng malawak si Kean.
"Talaga, Rain? Thank you," anito. Tinanguan ko lamang siya at nagsimula nang kumilos.
"Ikaw ba, Marcus? Gusto mo din?" Baling ko kay Marcus pero nanatiling nakatungo ang ulo nito sa lamesa. Mukhang nakatulog na nga talaga ulit doon.
Kinalabit siya ni Kean na nasa tabi niya pero hindi pa din ito umimik. Natawa ako ng bahagya. Nakatulog na nga talaga ulit ang loko. 'Yan! Inom pa. Ang lalakas kasing uminom ng mga ito kagabi.
"Ayan ang lalakas niyo kasing uminom kagabi. Ayaw niyo pa paawat," nangingising sabi ko habang kinukuhanan ng pasta si Kean.
"Sinulit lang namin baka matagalan ulit bago masundan, eh."
"O, anong nangyari sa pagsulit niyo? Worth it naman ba?"
"Oo naman! Enjoy naman kagabi, ah. Bakit ikaw, hindi ka ba nag enjoy kagabi, Rain?"
Ano ba ang dahilan para hindi ako mag enjoy? S'yempre masaya ako kasi nakasama ko sa kasiyahan ang mga iniidolo ko lang noon, nakausap ko sila at nakabiruan pa kagabi, kaya walang dahilan para hindi ako mag enjoy. Pangarap ko lang naman dati ito pero ngayon nagkakatotoo na.
"S'yempre nag enjoy," sabi ko habang inilalapag ang pasta sa lamesa.
Ngumiti si Kean pero halata pa din ditong may iniindang sakit.
"Thank you," anito at nagsimulang kumain.
Lumapit ako kay Bren sa counter at ginaya ang ayos niya. Tumabi ako sa kanya at sumandal din doon habang pinapanood si Kean na sarap na sarap sa kinakain niya.
Napabaling sa akin si Bren.
"Kinausap mo si Alistair?"
Tumango ako.
"Humingi lang ako ng paumanhin sa kanya dahil sa pagtatanong ko tungkol sa mom niya. Hindi ko naman kasi talaga alam na wala na pala ang mom niya. I swear, wala talaga akong idea." Itinaas ko pa ang kanang kamay ko.
Tumawa si Bren.
"Alam ko. O, anong nangyari pagkatapos mong humingi ng paumanhin?"
"Ayon, sinungitan nanaman ako. Ayaw nga manlang akong patapusin sa pagsasalita. Hindi ko alam sa lalaking 'yon kung bakit sobra niyang suplado. Ang hirap niyang pakisamahan."
Humalakhak si Bren.
"Ganon lang talaga 'yon. Masasanay ka din."
Tumango ako.
"Siguro nga, pero hindi ko ito-tolerate 'yong ganon niyang pag-uugali. Hindi din ako papayag na ganonin niya lang ako. Marunong naman akong lumaban lalo na kapag alam kong ako ang nasa tama."
"Nope. Mali ka d'yan. Alam mo naman palang ikaw ang tama. Ano pang point para patulan mo siya, di ba? Kung alam mong ikaw ang nasa tama, hayaan mo na siya. Huwag mo ng patulan. Mas lalo lang kayong magkakainitan kapag pinatulan mo pa siya. Kilala ko ang isang 'yon. Hindi din marunong magpatalo 'yon, kaya walang pupuntahan ang pakikipagtalo mo sa kanya. Baka mas lalo lang lumayo ang loob niya sa'yo."
Ngumuso ako at napabuntong hininga. Kung sa bagay, may point naman si Bren doon. Kaya lang kasi ang hirap talagang hindi pumatol lalo na kung sobra na 'yong pagiging rude niya sa akin.
"Tama ka naman. Kaya nga pinipigulan ko talaga ang sarili ko hanggat maaari na patulan siya, kaya lang minsan sobra na kasi talaga siya. Hindi ko na alam kung paano ko siya pakikitunguhan. Para bang lahat ng gagawin ko ay ikinaiinis niya. Wala naman akong maalalang hindi magandang ginawa sa kanya. Mabait naman ako. Kaya hindi ko talaga maintindihan kung bakit ayaw niya sa akin."
"Huwag kang mag-alala sa una lang 'yan. Magbabago din ang tingin niya sa'yo. Kapag tagal-tagal magiging maayos din ang pakikitungo niya sa'yo. Kaya sa ngayon, tiisin mo na munang huwag siyang patulan. O kaya huwag mo na muna siya masyadong lapitan para maiwasan ang pagtatalo niyo. Lalo lang kayong nagtatalo kapag nagkakalapit, eh."
Suminghap ako. Siguro nga tama si Bren. Kailangan ko lang muna sigurong idistansya ang sarili ko kay Alistair kahit na roommates pa kaming dalawa. Mahirap na baka hindi nanaman ako makapagpigil at mas lumala pa ang maging away namin.