Chapter 8

1623 Words
Parang tinunaw na yelo ang anumang sama ng loob na kinikimkim ko para sa’king ina nang salubungin niya ako ng yakap. Hinayaan kong makulong ako sa loob ng kaniyang mga bisig habang walang humpay ang pag-agos ng mga luha na nagmumula sa’king mga mata. “I missed you, Baby!” Ang tamis sa pandinig ko ng kaniyang winika. “Mommy.” Isiniksik ko ng husto ang sarili kong katawan sa mainit niyang katawan. “Mabuti naman at sumama ka na rin sa kuya mo.” Masuyong humagod ang kaniyang palad sa aking likuran. “Sorry, Mommy. I'm sorry!” Bukal sa loob ko ang paghingi ng paumanhin sa’king ina. Bigla akong nakunsensiya dahil sa ginawa kong paglayas at hindi pakikinig sa kaniya. Isipin pa lang na mawawala si mommy sa buhay ko ay hindi ko na kaya. “Sshh... Ako ang dapat humingi sa’yo ng patawad.” Bahagya niya akong inilayo mula sa kaniyang pagyakap. “Patawarin mo ako kung hindi ko man lang inisip ang maaari mong maramdaman.” Ngumiti ako nang mabanaag mula sa kaniyang mga mata ang pagsisisi. Alam ko namang wala siyang mali dahil tama si kuya, kapakanan lang naman namin ang iniisip ni mommy. Ramdam ko mula sa kaniya ang labis na pagmamahal para sa’kin. Nakatutuwang isipin na kahit papaano ay may silbi ang pag-alis ko ng bahay dahil mas lalo kong naintindihan ngayon ang kahulugan ng salitang ‘miss.’ “Hindi mo na po ba ako ipapakasal sa lalaking hindi ko kilala?” tanong ko upang kumpirmahin muna ang aking hinala at siguruhing tama ako ng pagkakaunawa sa narinig na kaniyang ipinahayag. “Hindi kita pipiliting maikasal sa kaniya hanggang hindi kayo nagkakakilalang dalawa,” tugon ni mommy na nagpahaba ng nguso ko at siyang nagpalaglag din sa mga balikat ko. “I hate it!” nagpapapadyak kong sabi. “Baby, please.” Hindi ako nakakawala mula kay mommy nang yakapin niya ako. “Please, try to understand.” “Mommy wala naman akong makitang magandang dahilan sa pagpapakasal ko sa taong simula pa lamang ay hindi ko na gusto. Ni hindi ko nga nakikilala ang pagkatao!” paangil kong hayag. Nagngingitngit na naman ang dibdib ko sa inis dahil muli na naman yatang ipipilit ni mommy ang pagpapakasal ko sa taong ni anino’y hindi ko man lang nasilayan. “Because you don't give chance to meet this guy.” Natigilan ako sa winikang ‘yon ng aking ina. Sa totoo lang ay hindi ko talaga naman pinagbigyan ang kaniyang pakiusap na makilala ang lalaking iyon sa personal dahil nga naiinis ako nang malamang si mommy ang nagdesisyon sa kung sino ang aasawahin ko. Nauna tuloy ang gigil ko nang malamang ikakasal ako at katulad ni kuya ay wala man lang akong karapatang tumanggi sa bagay na iyon. Hindi naman kami naghihirap pero sa mga ginagawa at gustong mangyari ni mommy na arrange marriage, parang gusto ko nang isipin na pera lang talaga ang kaniyang habol sa mga ipina-partner niya sa amin ni Kuya Brent. “Becky!” Naikurap-kurap ko ang mga mata ko nang marinig ang tinig ni Kuya Brent. “Bakit hindi mo na lamang pagbigyan si mommy sa kaniyang gusto?” Nababasa ko sa ekspresyon ng kaniyang mukha na gusto niyang sundin ko muna ang nais ng aming ina. Pinandilatan ko siya ng mga mata ko at nanghahaba ang ngusong ibinaling ang tingin ko sa mukha ni mommy. Tila ba konsensiyang paulit-ulit na umuukilkil sa’king isipan ang mga ipinahayag ni kuya kanina sa may apartment. Isang malalim na buntonghininga ang aking pinakawalan at saka sinabi, “kailan ko ba makikilala ang lalaking gusto ninyong maging asawa ko?” Sumilay ang matamis na ngiti sa labi ng aking ina at halos madurog pa nga ako sa higpit ng kaniyang yakap. “T-thank you, Baby!” Gumagaralgal ang kaniyang tinig nang sabihin iyon. “Mommy, ano bang meron sa lalaking iyon at gustong-gusto mo akong ikasal sa kaniya?” puno ng kuryosidad kong tanong. “Mapapabuti ka sa kaniya.” Tila sigurado na talaga ang aking ina na mapapabuti ako sa lalaking nakatakdang maging asawa ko. “Bakit, ano po ba sa palagay mo ang buhay ko? Hindi po ba mabuti?” Hindi ko tuloy maiwasang magtampo sa aking narinig. “Alam ko kung ano ang nangyayari sa iyo, Becky.” Matiim akong tinitigan ni mommy. “Alam ko rin na iba’t-ibang lalaki na ang nagdaan sa buhay mo, pero wala ni isa sa kanila ang nagtagumpay na mapatino ka.” “Matino kaya ako!” nakaingos kong turan. “Hindi sa lahat ng oras ay kaya kang proteksiyunan ng katigasan ng ulo mo, Becky.” Napakamot ako sa noo nang bahagyang pitikin niya ako roon. “Gusto ko lang tapusin iyang pagiging playgirl mo dahil hindi lahat ng lalaki ay kagaya ng kuya mo.” “E ‘di wow!” Tuluyang napangiwi ang mukha ko ng muling pitikin nito ang aking noo. “Aray, mommy, masakit!” Pareho talaga silang dalawa ni Kuya Brent sa paraan nang pagpitik sa’kin. “Ayaw ko lang mapariwara ka kaya pinili kong siya ang iyong mapangasawa,” ani ni mommy. “Whatever!” Ipinaikot ko ang mga mata ko. “Umakyat ka na sa iyong kwarto upang makapagpahinga ka na. Sasabihan na lamang kita kung kailan kayo magkikita ng iyong mapapangasawa.” Napangiwi akong muli sa kaniyang ipinahayag. “Kikilalanin ko lang siya, pero hindi ibig sabihin niyon ay aasawahin ko na siya.” Paalala ko sa aking ina. “Huwag ka na munang magsalita ng tapos at baka kainin mo rin ang lahat ng iyan,” naiiling nitong tugon. Hindi ko alam kung saan hinuhugot ni mommy ang lakas ng loob pati na ang tibay ng kaniyang paniniwala na talaga ngang mapapangasawa ko ang lalaking gusto niyang pangasawahin ko. Naiiling na humalik na lamang ako sa pisngi ni mommy saka sinundan ko na si Kuya Brent na inaakyat ang hagdanan kasama ang bag ko patungo sa aking silid. “Parang gusto kong magduda at isiping set-up ang sakit na sinasabi mo tungkol sa kaniya,” pahaging ko kay kuya. “Sinasabi mo bang sinungaling ako?” tanong niya habang tuloy lamang siya sa kaniyang paglakad at hindi man lang din nag-abalang lingunin ako. Lumaki ang hakbang ko upang harangin siya sa kaniyang paglakad. Idinipa ko pa nga ang mga braso ko para pigilin siya. “Ang gusto ko lamang sabihin ay parang wala namang kakaiba sa kaniyang kalusugan. Maysakit ba talaga siya? Bakit mukhang okay naman? Nagagawa pa ngang mag-isip ng kasalan para sa ating dalawa.” Tinitigan ko si Kuya Brent sa kaniyang mukha upang hulihin ang kaniyang magiging reaksyon. “Check up bukas ni mommy. Ikaw ang sumama sa kaniya at ng sa ganoon ay hindi ko kinakailangang lumiban sa pagpasok sa opisina.” Ginulo ni kuya ang buhok ko kagaya ng madalas niyang gawin noong mga bata pa lamang kami. “Not my hair!” nakasimangot kong bulalas. Naaaliw na itinuloy lamang niya ang paggulo sa’king buhok kaya umakto akong kikilitiin siya. Maya-maya pa’y umingay na sa buong paligid ang aming mga tinig at animo’y mga batang paslit kami na naghabulan na may kasamang hiyawan. “Madaya ka, kuya!” natatawa kong hiyaw at agad na tumakbo papalayo sa kaniya. “Ang sabihin mo ay wala ka pa rin laban sa akin,” natatawang tugon niya na hinabol din ako. Binelatan ko siya at saka mabilis na lumayo mula sa kaniya. Nahagip ng paningin ko si mommy na masayang nakatingin sa amin mula sa may ibaba. Bumuka ang kaniyang bibig na tila ba sinasabihan ako ng salitang, ‘I love you!’ kahit pa nga wala naman siyang tinig na inilalabas. Ubod tamis akong ngumiti pabalik kay mommy at sinagot ko rin siya ng tahimik na salitang, ‘I love you too!’ “Huli ka!” Hindi na ako nakapalag pa nang mahawakan ni kuya ang aking braso. Tatawa-tawa akong humarap sa aming ina upang magpakampi ng bigla na lamang itong bumagsak sa may sahig. “Mommy!” sabay naming sigaw ni Kuya Brent. Mabilis kaming tumakbo pababa upang daluhan ang walang malay na katawan ng aming ina. “Kuya si mommy!” histerikal kong sigaw nang makita ang lumabas na dugo mula sa ilong nito. “Get the key!” utos naman niya sa’kin. Kinuha ko ang susi sa may estante at inabot iyon kay kuya na buhat-buhat na si mommy. Nagmamadali ang bawat kilos naming dalawa hanggang sa marating namin ang kaniyang sasakyan. Sa likod ako pumwesto dahil ako ang aalalay sa walang malay na katawan ni mommy. Iyak nang iyak lang ako habang minamasdan ang mukha nito. “K-kuya, ayoko pang mawala sa atin si mommy.” Gumagaralgal ang tinig ko. “No, she can't!” Harurot na ang takbo ng aming sinasakyan at nauunawaan ko si kuya, kung bakit gano’n kami kabilis. Kinakailangang makarating agad kami ng hospital sa lalong madaling panahon. “Mommy, don't die please!” Yumukod ako para halikan siya nang paulit-ulit sa kaniyang noo. “Papayag na akong magpakasal, mabuhay ka lang!” Tuloy-tuloy sa pag-agos ang mga luha mula sa'king mga mata hanggang sa marating namin ang hospital. Wala akong maunawaan sa lahat ng mga sinasabi ng nurse dahil ang aking isipan ay nakatutok lamang kay mommy. Hindi pa sana ako lalayo sa’king ina kung hindi pa ako hinila ni Kuya na siyang yumakap at nagpakalma sa nawawala kong kamalayan. “It's okay, Becky. It's okay!” Puno ng pagsuyong sambit ni kuya. Lumilipad ang diwa ko kaya wala akong maisagot na kahit ano. Ang aking tinig ay tila ba nalulon ko sa mga sandaling ito. Tanging pagkulong lamang sa loob ng mga bisig ni kuya ang aking alam gawin upang doon kumuha ng katatagan pansamantala.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD