Naririndi na ang tainga ko dahil sa paulit-ulit na pagkatok mula sa may likuran ng pinto.
"Ano ba?!" singhal ko nang pagbuksan ng pintuan ang kung sinumang taong nangangatok.
Napangiwi ako nang makitang si Kuya Brent pala ang nakatayo sa may likuran ng pinto. Siya ang nakatatanda kong kapatid.
"Ako ba'ng sinisinghalan mo?" tanong niya sa malamig na tinig.
Napakamot na lamang ako sa'king ulo sa pag-aakalang si Stephen na naman ang taong nangangatok kaya sininghalan ko.
"Sorry, Kuya." Yumuko ako bilang paghingi ng paumanhin sa’king kapatid.
"Can I come in?" nakataas ang isang kilay niyang tanong.
"Of course, Kuya!" Nilawakan ko ang pagbuka sa pintuan saka iminuwestra ang daan papasok.
"Where is your friend?" Nakita ko ang pasimpleng paghagod sa kabuuan ng apartment ng kaniyang mga mata.
"Pinauwi si Wendy ng mommy niya sa kanila,” nangingiti kong tugon.
"Don't smile at me like that Becky, I just asked." Umupo siya sa upuan kahit hindi ko pa naman sinasabi.
Lumawak ang ngiti sa’king labi. Dati ko pang ramdam ang kakaibang inis ni Kuya Brent kay Wendy na parang may kakaiba sa tinutumbok na kilig.
"May gusto ka ba kay Wendy?" diretsahan kong tanong sa kaniya.
"Hindi ako magkakagusto sa kaibigan mong walang ibang ginawa kundi ang dalhin ka sa maling landas." Unti-unting nawala ang ngiti sa’king labi dahil sa kaniyang sinabi.
Ang sakit pakinggan nang sinabi ni Kuya Brent at para na rin siyang si mommy sa paraan ng kaniyang pananalita. Wala na silang pakialam kung makasakit pa ng damdamin.
"Ano palang kailangan mo at naparito ka, Kuya?" kapagkuwa'y tanong ko sa kaniya.
"Pinapasundo ka ni mommy,” tugon niya.
Mapakla akong tumawa saka napailing. “May sarili na akong bahay kaya ‘di mo na ako kailangang sunduin pa. Pakisabi wala na akong planong umuwi roon.”
“Kailangan mo nang harapin ang mga naiwanan mong responsibilidad," seryoso niyang turan.
Napailing ako dahil hanggang ngayon ay responsibilidad ko pa rin pala ang mga iniwanan kong bagay na kinaaayawan ko magmula pa man noon.
"If I were you Becky, iwanan mo ang kaibigan mong walang magandang impluwensiya sa iyo." Pagpapatuloy ni Kuya Brent sa kaniyang salita.
"Ano nga ba talaga ang nakabubuti para sa'kin, Kuya?" Matiim ko siyang tinitigan sa kaniyang mga mata.
“Para sa ikabubuti mo ang ginagawa lahat ni mommy,” tanging tugon niya.
"Look at you Kuya, hindi ka na masaya sa kung anong meron ka dahil panay ang sunod mo sa kagustuhan ni mommy. Aminin mo man o hindi, ang dami mo nang pinanghihinayangan sa buhay. Ang mga gusto parati ni mommy ang lagi mong ginagawa, e pa’no naman ba ang gusto mo?" Puno ng pait ang aking tinig.
"Ina pa rin natin siya, Becky, tanging kabutihan lamang natin ang hangad niya, kaya huwag mo sana iyong masamain!” Halata ang pinipigilang galit sa kaniyang tinig.
Malungkot akong tumitig sa aking kapatid. “Umuwi ka na, Kuya. Pakisabi kay mommy, hindi na ako uuwi roon kailanman.”
Tumayo siya mula sa pagkakaupo at naglakad palapit sa’kin. Nagtagisan pa kami ng tingin sa isa't isa hanggang sa siya rin naman ang unang sumuko.
“Hindi na magtatagal ang buhay ni mommy dahil mayroon siyang sakit na cancer,” malungkot niyang wika kapagkuwan.
Bahagyang tumabingi sa pagkakatayo ang mga binti ko na para bang may kung anong bagay ang biglang bumagsak sa aking paanan.
“Ginagawa lamang ni mommy ang sa tingin niya ay nararapat para sa ating dalawa.” Patuloy ni kuya at niyakap ako. “Mahal na mahal ka ni mommy, kaya nga sana, iparamdam mo rin sa kaniya ang iyong pagmamahal.”
“Kuya.” Sabay na yumugyog ang mga balikat ko nang masuyong hagurin ng kaniyang kamay ang aking buhok.
Nagsimula akong magrebelde sa aking ina nang malamang ipakakasal niya ako sa isang lalaking ‘di ko naman nakikilala.
Hindi ako pumayag kung kaya nagalit siya at ikinulong ako sa loob ng aking silid.
Isinumpa ko noong aalis ako ng bahay at titikisin ko si mommy kahit ano pa ang gawin niya upang pauwiin ako.
Pero ngayong nalaman ko mula kay kuya ang balita ay parang ‘di ko kayang tikisin ang aking ina.
“Umuwi ka na, Becky.” Nagsusumamo ang tinig ng aking kapatid.
“Oo, Kuya, uuwi ako.” Sa sandaling ito ay hindi ko kayang tiisin ang aking ina.
Hindi ako masamang anak na kayang pabayaan lamang sa karamdaman si mommy kahit pa nga gusto niya akong ipakasal sa lalaking hindi ko nakikilala.
Bahagyang tinapik-tapik ako ni kuya sa’king balikat saka marahan siyang kumalas mula sa pagyakap.
“Tiyak na matutuwa si mommy sa iyong gagawin,” nakangiting sabi ni kuya. “Kuhanin mo na ang iyong mga gamit para makauwi na tayo.”
Tumango-tango ako bilang pagtugon sa kaniyang sinabi. Tinalikuran ko siya upang kuhanin ang mga gamit ko na nakasilid lang din naman sa isang bag.
Nang lumipat ako sa apartment na ‘to ay hindi naman ako nagdala ng gamit mula sa bahay. Tanging importanteng dokumento lamang ang dala ko dahil ginamit ko sa pag-a-apply sa trabaho.
“Iyan lang ang gamit na iuuwi mo?” kunot-noong tanong sa’kin ni kuya.
Isang bagpack lang kasi ang bitbit ko dahil naroon na nakasilid ang mga dokumentong iniingatan ko.
“Yes, Kuya!” nakangiti kong tugon.
“Paano ang iba mong mga gamit dito? Don't tell me, may plano ka ulit umalis ng bahay at bumalik pa rito?” Banaag ang kunsumisyon sa kaniyang mukha.
“Si Wendy na bahala sa mga gamit ko rito. Isa pa ay napakarami kong damit sa bahay para magdagdag ulit ng iba.”
Hinila ko na sa kamay si kuya upang lumabas ng bahay.
Isinara at ni-lock ko pa munang maigi ang pintuan ng nasa labas na kami ng apartment.
“Aray!” ungot ko nang pinitik ni kuya ang aking noo.
“Iwasan mo nang makipagkita pa sa kaibigan mong iyon at bad influence siya sa’yo!” may awtoridad niyang wika.
“Mabait si Wendy, kung kikilalanin mo lang ay tiyak na magugustuhan mo rin siya,” tugon ko sa kaniya.
“Hinding-hindi ko siya magugustuhan lalo na’t kung sino-sinong lalaki lang din ang kaniyang kinakarelasyon. Daig pa niya ang kiti-kiti na hindi mapakali!” asik niya sa’kin.
Natawa ako sa kaniyang winika. ‘Di ko kasi alam kung maniniwala ba siya na kahit ganoon si Wendy ay hindi ito gaya ng kaniyang iniisip.
Mas malala pa nga ako kay Wendy!
“Let's go, Becky!”
Hindi ko namalayan ang pag-alis ni Kuya sa’king tabi. Malalaki ang mga hakbang kong lumapit sa kaniyang sasakyan at saka sumakay.
“Kayo pa ba ni Amy, Kuya?” tanong ko sa kaniya nang maisuot ko na ang seatbelt sa’king katawan.
“O, bakit mo naman siya nabanggit?” Halata ang iritasyon sa tinig ni kuya, ngunit pilit niya lamang iyong ikinukubli sa akin.
Si Amy ang girlfriend niyang ubod ng hinhin kung kumilos, pero mayroong itinatagong kakaibang sama ng ugali. Isa rin siya sa mga dahilan kung bakit naiinis ako kay mommy.
Pipili na lang kasi si mommy ng babae na ipapareha kay kuya ay iyong mukhang hipon pa talaga!
“Huwag mo masyadong isipin si Amy kung iyan ang inaalala mo sa pag-uwi. Wala siya sa bansa kaya malaya kang masosolo si mommy.” Kumindat siya sa’kin.
Bilib ako kay kuya dahil kahit ayaw niya sa babaeng hipon na iyon ay nagagawa pa rin niyang pakisamahan ng mabuti. Kung ako kasi siya, baka sinipa ko na si babaeng hipon pabalik sa bansang pinanggalingan nito.
“Hiwalayan mo na siya kuya,” bulong ko sa hangin na alam ko namang narinig ni kuya.
“Bakit naman?” Marahas ang ginawa kong paglingon sa gawi ni kuya nang marinig ang kaniyang pagtawa.
“Hindi siya nababagay maging hipag ko!” maldita kong turan.
“At sino naman ang nababagay na maging hipag mo? Iyong kaibigan mong puno ng bad influence sa katawan?” nakataas kilay niyang tanong sa’kin.
“Hindi iyan ang sinabi ko, pero kung si Wendy ang pipiliin mong maging hipag ko ay buong puso kong tatanggapin. Mas gusto ko siya kaysa kay Amy na walang ibang alam gawin kundi ang magpanggap lamang sa harapan nating lahat!” Pinaikot-ikot ko pa ang mga mata ko habang sinasabi iyon.
Puro tawa ang narinig kong tugon mula kay kuya. Napailing na lamang ako at piniling manahimik sa aming biyahe.
Kahit naman kasi paulit-ulit ko siyang pagsabihan ay alam kong hindi pa rin niya ako pakikinggan dahil si mommy ang kaniyang susundin.
Pero sa totoo lang ay nagtataka na rin nga ako kung bakit ‘di pa sila ikinakasal ng bruhang hipon na iyon gayong sinabi naman ni mommy na sila ang dapat ikasal.
Malamang nandiri rin si kuya sa babaeng hipon na iyon. Aba’y kung magse-sèx nga naman sila ay katawan lang niyon ang may silbi.
Baka sakluban pa ni kuya ng kumot ang buong ulo ni babaeng hipon para lamang ganahan siya sa kama.
Napangiwi ako nang ma-imagine ang hitsura ng mukha ni Kuya Brent at Amy sa ibabaw ng kama habang nagsi-sèx.