Huminga ako nang malalim, sa pagbukas ng pinto sa kotse ni Melvin ay dagli akong huminto. Pasimple ko pang nilinga-linga ang paningin ko sa paligid, literal na naghahanap pa rin ako ng paraan para hindi matuloy ang kung ano mang binabalak nito.
Ayokong mapag-isa kami, ayokong makasama ito sa loob ng kotse. Ayoko pang mamatay, please lang, parang-awa niya na. Rebelde lang ako, pero mahal ko talaga ang buhay ko at saka nagbabago naman na ako.
Sa kadahilanan pang nasa likuran ko si Melvin na malamang ay maang na naghihintay sa pag-usad ko, kalaunan nang yumuko ako at imbes na pumasok sa loob ng kotse ay lumusot ako sa ilalim ng kamay niyang nakaharang sa gilid ko.
Mabilis akong nakawala, isang lingon ang ginawa ko rito. Roon ay nakita kong walang bakas ng emosyon sa mukha nito na para bang expected na nitong tatakas ako, o sadyang na-master na niya kung paanong huwag maipakita ang kaniyang nararamdaman.
Mataman lang itong nakatingin sa gawi ko habang naglalakad ako palayo, bago pa man din ako ma-hyptonize ay hinarap ko na ang dinaraanan ko. Mukha lang akong nakikipagpatintero sa kaniya.
Napaismid ako, mabuti talaga at nakita ko si Vanessa. Siya ang naging tagapagligtas ko ngayon, kahit wala naman siyang kaide-ideya sa nangyayari sa akin. Basta ay masama ang kutob ko, sobrang lakas nang pagtibok ng puso ko ngayon.
Tingin ko ay hindi ito matatapos hangga't hindi rin natatapos ang araw na 'to, baka bago pa man sumikat ang araw bukas ay tuluyan na akong nalagutan ng hininga sa mga kamay ni Melvin. Napalatak ako sa hangin sa kabaliwan kong iyon.
Ilang beses ko pang gustong sapukin ang sariling ulo upang magising naman ako sa katotohanang nag-aral ako ng taekwando sa Australia, kaya bakit kailangan kong matakot? Bakit ba sobra akong apektado sa kaniya, huh?
For pete's sake, halos tatlong taon ang ginugol ko sa taekwando class, pero heto at kay Melvin lang pala mahahabag ang buntot ko? No freaking way! Sa oras na iyon ay pinilit ko ang sariling ibalik ang lakas ng loob ko.
Pati yata ang self-confidence ko ay nahulas dahil sa lalaking iyon. Hindi nagtagal nang makalapit ako kay Vanessa. Nagulat pa ito sa presensya ko, lalo pa nang ikawit ko ang isang kamay ko sa kaniyang braso.
"Sasabay na ako sa inyo." Malawak akong ngumiti, tinitiyak ko nang hindi niya ako matatanggihan.
Napalingon naman ako sa kasama nitong lalaki na siyang natahimik sa pagdating ko, nakita ko pa ang bulgar na pagpasada niya ng tingin sa kabuuan ko. Kalaunan nang mauna itong sumakay sa van na naroon sa likuran namin.
"Wala akong kasama. Nilayasan nila ako, kaya sa 'yo na lang ako sasabay papunta sa reception," dugtong ko at saka pa nag-puppy eyes. "Please?"
"Okay, sumakay ka na," aniya, kapagkuwan ay pinagbuksan pa ako ng pinto mula sa back's seat ng van.
Samantalang iyong lalaki naman ay naroon na sa driver's seat. Sandali kong binalingan si Vanessa, saka pa ito pasimpleng siniko sa kaniyang braso. Dumukwang pa ako palapit sa tainga nito upang bumulong.
"Sino 'yon? Driver mo?" mahinang sambit ko na naging mitsa para itulak niya ang noo ko palayo.
"Hindi. Si Paul Shin 'yan, siya 'yung anak na umaruga sa akin noong mamatay sila Mommy," pahayag nito, kalaunan nang mapatango ako.
"Oh! Oo nga pala, siya iyong walang hiyang gangster-wannabe na nagtali ng bag ko sa upuan noong grade school tayo? Nilagyan niya rin ng malaking bato ang lunch box ko! Tapos ay palaging nanghihingi ng papel. Nagawa niya ring itapon 'yung sapatos ko sa fish pond!"
"Kasi sinabunutan mo ako noon, pinagtanggol niya lang ako."
"Aba—"
"Shh!" Maagap na tinakpan ni Vanessa ang bibig ko gamit ang daliri nito. "Kapag narinig ka niyan, pati leeg mo ay tatalian niya rin."
Napipilan ko itong tinitigan, saka pa nilingon si Paul Shin. Sa totoo lang ay para lang akong bumalik sa nakaraan ko, pero sa pagkakataong iyon ay para alalahanin ang mga pinaggagagawa ko noon.
Para lang akong sinasampal ng mga kamaliang nagawa ko sa nakaraan. Una ay si Melvin, sumunod itong sina Vanessa at Paul Shin. Hindi ko mawari kung dapat na ba akong matakot sa susunod pang mangyayari.
"Sige na, pumasok ka na." Bahagya akong itinulak ni Vanessa upang maipasok sa loob.
Wala sa sariling napabuntong hininga ako, bago tuluyang naupo at isinarado ang pinto ng van. Si Vanessa naman ay pumasok sa passenger's seat, ilang sandali pa nang umusad ang sasakyan.
Ako lang din ang tao sa likod, kaya ramdam ko ang pananahimik ng paligid. Pakiramdam ko ay bibitayin na ako sa papupuntahan namin. Habang lumilipas ang oras ay hindi maiwasang mas kapitan ako ng takot.
Normal pa ba ito? Goodness! Pero kung sabagay, kaysa naman mapag-isa kami ni Melvin sa kotse nito ay mas okay na ito. Sa pangalawang pagkakataon ay natakasan ko ito, nagmistulang lang akong nakikipaglaro sa karma.
"Tch..." palatak ko sa hangin habang nakahalukipkip sa kinauupuan.
Sa biyahe ay naging tahimik kaming tatlo na para bang hindi ko nakilalang madaldal itong si Vanessa at akala mong napipi sa pwesto nito. Dagli ko pang nilingon si Paul Shin, ang korean-ong bano, s***h chinese.
As far as I remember, tatlo ang lahi nito. Iyong ama nito ay pure korean, samantalang ang kaniyang ina ay half-filipino at half-chinese. Kung kaya ay dinaig pa nang kinagat na ipis ang parehong mata nito.
Kapag nasa Korea ito, gamit niya ang surname nitong Shin, pero kung sa China naman daw ay Xhin ang ginagamit niya. Well, masasabi ko ring may itsura naman si Paul Shin, but not my type. Ayoko sa mga chinitong panis.
Actually, hindi ko rin mapangalanan kung ano ba talaga ang gusto ko. Wala akong mabanggit na characteristic na pwede kong magustuhan sa isang lalaki, feeling ko kasi na kapag nag-demand ako ay kabaligtaran ang mapupunta sa akin.
Wala akong ideal type of boyfriend. Sa higit sampung kaibigan kong lalaki sa Australia, wala sa kanila ang nakitaan ko na maaaring magpatibok ng puso ko, iyong katulad ngayon na para nang kakawala sa dibdib ko ang puso ko.
But that doesn't mean na natitipuhan ko si Melvin, not even in my wildest dream. Takot at pagkabahala ang nararamdaman ko sa kaniya ngayon at isa lamang itong hamak na bangungot ko na dapat ko nang kalimutan.
Sa lalim nang iniisip ko ay hindi ko na napansing nakahinto na pala ang sasakyan sa tapat ng isang malaking bahay. Kaagad din akong bumaba upang sundan si Vanessa at si Paul Shin.
Hili-hilera rin ang mga kotse sa kahabaan ng kalsadang iyon, hindi maitatangging may kaya sa buhay ang mga dumalo. Naging kibit ang balikat ko, saka deretsong pumasok sa malaking gate ng mala-mansion na bahay.
Sa kawalan ko ng idea sa mga kaganapan ay panay lang ang lingon ko sa paligid, pilit ko ring hinahanap sina Tyra at Mikaela. Nagbabakasali rin ako na bukod kina Melvin, Vanessa at Paul Shin ay may kakilala pa ako mula sa nakaraan ko.
Nang makapasok sa loob ng bahay ay bumungad sa akin ang napakaraming tao, halos mapuno ang malawak at malaking sala. Wala akong makitang mapwestuhan, kaya minabuti kong sundan pa sina Vanessa.
Kalaunan nang makalabas kami mula sa pool area, katulad sa sala ay malawak din iyon. Animo'y tinalo pa ang isang basketball court sa laki no'n, pero ganoon na lamang din mapuno ng tao ang bawat sulok.
"Siya nga pala, Van, alam mo ba kung nasaan ang CR dito?" tanong ko nang maramdamang kanina pa pala sumasakit ang pantog ko sa katatakbo ko upang iwasan si Melvin— sana lang talaga ay hindi na magtapo ulit ang landas namin ngayon.
"Mayroon dito sa baba, pero mas maganda kung sa taas ka na lang dahil 'di gaano ang tao roon." Nilingon ako nito, siya namang paghinto namin sa paglalakad. "Samahan na kita?"
"Okay," maagap kong sambit.
Katulad nang nakasanayan ay kumapit ako sa braso ni Vanessa, wala naman itong naging angal. Sa dami pa ng tao ay nahirapan kaming lumusot at sumingit, kalaunan nang mapadpad kami sa ikawalang palapag ng bahay.
"Siya nga pala, Chloe, iyong pag-uwi mo ba rito sa Pinas ay for good na?" takang tanong nito, rason para mapatango-tango ako.
"Oo, pero sa ngayon ay hindi ko na alam." Kasi kung ganitong hina-hunting ako ni Melvin ay mas gugustuhin kong bumalik doon.
"Bakit naman? May balak ka ulit magrebelde?" tumatawang palatak nito.
"Siguro? Kung iyon ang paraan para ipatapon ulit sa Australia." Napanguso ako, gaano ko man kagustong manatili rito ay parang ayoko na lang.
Sabi ko pa noon ay handa ko nang harapin ang mga nakaaway ko, pero hindi si MM na hindi ko inakalang si Melvin Dela Vega pala. Goodness, pakamatay na lang ako, kaysa lumuhod sa harapan niya.
Hindi na nakapagsalita si Vanessa nang pareho kaming tumigil sa tapat ng isang pinto, natanto kong iyon na ang banyong sinasabi nito kung kaya ay mabilis ko iyong binuksan at pumasok sa loob.
Sa suot kong dress ay madali ko lang naitaas ang laylayan nito at saka ibinaba ang panty. Nang makaupo sa bowl ay sandali akong pumikit, ilang saglit nang matapos ako ay nanginig ang kabuuan ko.
Sa ngayon ay ihi pa lang ang nagpapakilig sa akin, bukod pa sa mga romance novel na nabasa ko. Sandali ko ring inayos ang sarili sa harapan ng malaking salamin, sinadya ko pang itali ang buhok ko dahil masyado na iyong magulo.
Kapagkuwan ay nag-retouch lang ako ng make up, without realizing na kakain din pala ako mamaya at mawawala rin ang red lipstick ko. Ilang ulit kong dinampian ng loose powder ang mukha kong malapit nang maprituhan ng itlog.
Huminga ako nang malalim, hindi pa nagtagal nang tumalikod ako upang buksan ang pintuan. Imbes din na si Vanessa ang mabungaran ko ay ibang mukha ang nakita ko. Halos mapapitlag ako nang masilayan si Melvin.
Ang kaninang kakakalma ko lang na puso ay heto at muli na namang hinataw ng dos por dos, ramdam ko ang malakas na pagkabog nito. Gaano man ako naapektuhan ay nananatiling normal ang reaksyon ko.
Pinili kong huwag itong pansinin, ilang beses pa akong nagpalingun-lingon para hanapin si Vanessa ngunit wala siya saan mang sulok ng palapag na iyon. Sa katotohanan pang kami lang ang tao roon ay nagtaasan ang balahibo sa batok at braso ko.
Humigpit din ang pagkakahawak ko sa pouch ko, bago sinimulang maglakad at lampasan si Melvin. Hindi pa man din ako nakalalayo nang maramdaman ko sa siko ko ang malamig nitong palad na nagpahinto sa akin.
"Nasaan na iyong dating Chloe? As far as I recall, hindi naman siya 'yung tipo ng babaeng matatakutin at duwag." Dinig kong pahayag nito.
"Sino bang nagsabing ako si Chloe?" palatak ko, tuluyan ko na rin itong nilingon at maang na napatitig sa kaniyang mukha. "Hindi kaya ay nagkamali ka lang nang napagkamalan? Kasi sa pagkakatanda ko, ako si Angelina Jolie."
Mapakla itong natawa sa sinabi kong iyon. "Why would I? Hindi ka naman magre-react ng ganoon kung nagkamali lang ako 'di ba?"
Oh, nakalimutan kong matalino nga pala si MM.
Ngumisi si Melvin. "Hindi ako pwedeng magkamali. Tatlong private investigator ang kinuha ko para pasundan ka."
Sa narinig ay parang nagpantig ang dalawang tainga ko at saka pa bulgar na nalaglag ang panga ko sa sahig, kasabay nang pagluwa ng dalawang mata ko. Tuluyan na ring huminto ang paghinga ko sa hangin, literal din na naestatwa ako sa kinatatayuan ko.
What does he mean by that?
Ta—tatlong private investigator, huh? Para saan? Am I criminal? Ganoon ba kalaki ang naging epekto ko sa kaniya noon na nagawa niya akong pasundan? For christ's sake, sa isang araw na iyon ay parang wala lang iyon.
Hindi nga iyon big deal sa akin, madali ko ring nakalimutan. Kung matagal na siyang binu-bully at nasanay na ito, dapat ay wala na lang sa kaniya ang bagay na iyon. And now? Jesus, wala akong masabi kung 'di wow.
"Pe—pero bakit?" utal kong banggit dahil gusto ko pa ring malaman.
"Hindi mo alam? Wala kang idea?" mapang-uyam na sambit nito.
"Para maghiganti? Para saktan ako pabalik?"
"Oh, hindi nakaabot sa akin na matalino ka rin pala. And that's right." Nakaloloko itong ngumiti na naging sanhi para mapanawan ako ng kaluluwa.
Is this even for real? Pakisampal nga ako.
Kalaunan nang umawang ang labi ko, sa tindi ng emosyong lumulukob sa akin ay wala sa huwisyo nang ihampas ko sa kaniya ang hawak-hawak kong pouch. Lumagapak iyon sa mukha nito dahilan para tumagilid ang ulo niya.
Nakita ko kung paano umawang ang labi nito sa gulat, pero masyado akong nabastos sa reyalisasyong pinasusundan niya ako. Ngayon ko natanto, wala pala akong naging privacy sa lahat ng pinaggagagawa ko noon sa Australia.
"Sana ay alam mo rin na nag-aral ako ng taekwando at hindi lang iyan ang aabutin mo kung sakaling humarang ka pa sa daraanan ko," matigas kong pahayag.
Kaagad siyang nag-angat ng tingin sa akin, saka pa nito hinawakan ang pumutok niyang labi. Napahinga ako nang malalim, kalaunan nang talikuran ko siya at deretsong naglakad palayo sa kinatatayuan nito.
"I like it. You became even hotter for being sadistic." Dinig kong pahabol niya. "But run after your life, Chloe Frias."