Chapter 1
B a l a t k a y o
Prologue
MULA sa malamig na silid na nagsisilbing kulungan ni Clara sa loob ng dalawang taon ay nakarinig siya ng sunod-sunod na putok ng baril mula sa labas. Kahit takot na takot siya ay hindi siya makagalaw dahil sa bugbog na inabot niya mula sa kamay ni Mayor Salvador. Gustuhin niya mang bumangon para makapagtago kung saan ay hindi niya magawa.
Nanghihina na ang buo niyang katawan dahil sa bugbog at pagpapahirap sa kanya ni Salvador Calderon. Dinig na dinig niya rin ang mga sigaw ng mga kalalakihang natatamaan ng baril mula sa labas. At wala siyang magawa kung hindi ang umiyak ng umiyak. Kahit pilit niya mang igalaw ang kanyang katawan ay hindi niya talaga kaya.
"Diyos ko, kayo na po bahala sa Lola ko," mahinang usal niya habang nakaratay ang hubo't-hubad niyang katawan sa malambot na kama. Wala na rin siyang maaninag dahil sobrang kapal na ang pamamaga ng kanyang mukha at mga mata.
Nalalasahan niya rin ang dugo mula sa pumutok niyang labi dahil malakas at sunod-sunod na sampal sa kanya ni Mayor Salvador. Nahihirapan na rin siyang huminga dahil sa matinding sakit at paghihirap na nararamdaman.
"Ito na marahil ang katapusan ko," muling usal niya bago siya tuluyang nawalan ng malay.
B a l a t k a y o
Chapter 1
NANG magkamalay si Clara ay nasa loob na siya ng isang silid. Pakiwari niya ay nasa ospital siya. Hindi niya pa gaanong naimumulat ang kanyang mga mata dahil nasisilaw siya sa liwanag mula sa silid kung saan siya naroon. Hinintay niya munang masanay ang naniningkit niya pang mga mata sa liwanag na tumatama mula sa ilaw.
Subalit naririnig niya ang boses ng kanyang Lola na tila may kinakausap. Gustuhin niya mang kusutin ang kanyang mga mata para mabilis itong makarecover sa liwanag na nakakasilaw ay hindi niya magawa. Hindi niya pa rin kasi maigalaw ang mga kamay niya pati ang kanyang katawan dahil sa sakit.
Kaya't hinintay niyang may maaninag siya bago magsalita. At makalipas ang ilang segundo ay nagtagumpay naman siya. Naaninag niya ang kanyang Lola na tila may kinakausap na naka-uniporme pampulis.
"L-Lola!" nahihirapang usal niya.
"Clara!" Napatakbo palapit sa kanya ang kanyang Lola nang marinig nito ang tinig niya. Pagkatapos ay agad siya nitong niyakap habang humahagulgol na ng iyak.
"Apo ko!"
"L-Lola!" Humagulgol na rin siya ng iyak nang maramdaman niya ang mainit na yakap ng kanyang Lola.
"Akala ko mawawala ka na sa 'kin, Apo. Bakit hindi mo sinabi na ganito pala ang nararanasan mo mula sa kay Salvador?" Kumalas siya sa pagkakayakap kay Clara at hinaplos ang lumuluhang Apo sa pisngi.
"Akala ko rin po hindi ko na kayo makikita, Lola! Akala ko po mamamatay na ako," wika niya habang sunod-sunod pa rin ang pagsinghap.
"Miss Clara Bartolome!" basag ng isang pulis sa madamdaming pag-uusap nina Clara at Lola Pasing. "Maaari ka ba naming makausap kahit sandali?"
Agad naman na napatingin si Clara sa dalawang pulis na nasa likuran ng kanyang Lola. Pagkatapos ay muling ibinalik ang tingin sa kanyang Lola na tila sinasabi na sumang-ayon siya.
"S-sino po kayo? A-ano pong kailangan niyo sa 'kin?" pasinghap-singhap nitong tanong sa dalawang pulis.
"May gusto lang kaming malaman tungkol kay Mayor Salvador Calderon," agad na sabi ng isa pang pulis.
Nang banggitin nila ang pangalan ni Salvador ay napailing-iling si Clara habang sunod-sunod na naman ang luha na pumapatak mula sa kanyang mga mata. Takot na takot na rin ang itsura niya dahil sa pagbanggit nila sa pangalan ng taong nagpahirap sa kanya sa loob ng dalawang taon.
Kaagad namang napansin ng dalawang pulis ang takot mula sa kanyang mga mata.
"Kumalma kayo, Miss Clara. Wala na siya. Napatay na namin siya," paliwanag ng dalawang pulis kaya kahit papaano ay kumalma si Clara.
Matagal na palang sinusubaybayan ng mga pulis si Mayor Salvador dahil sa illegal nitong negosyo. May mga nakarating daw sa kanilang impormasyon na may nagaganap daw na illegal transaction sa mansyon ni Salvador kaya't agad nila itong nilusob. Nanlaban si Mayor Salvador kaya't napatay nila iyon.
Kaya't sinimulan na ng mga pulis ang pagtatanong sa kanya kung may nalalaman siya sa lahat ng illegal na negosyo ni Salvador. Nagbabakasakali kasi sila na maituturo ni Clara ang iba pang mga kasamahan ni Salvador. Subalit nabigo sila dahil sinabi ni Clara na wala siyang alam sa iba pang mga kasamahan ni Salvador.
Subalit may sinasabi siya sa mga pulis na talagang ikinagulat ng mga pulis. Ang tungkol sa malaking drug lab na nasa basement ng mansyon ni Salvador. Kaya't wala ng inaksayang oras ang dalawang pulis na kumausap sa kanya. Agad silang umalis para tuluyan ng mawala ang isa sa pinakamalaking drug lab sa Mindoro.
At makalipas ang dalawang oras ay agad itong napanood ni Clara sa balita nang buksan niya ang TV sa kanyang silid. Halos walang patid rin ang mga luha na pumapatak sa kanila habang pinapanood ang balita. Halos dalawang taon siyang nagtiis sa mansyon na nakikita niya sa TV na binabalita. Buong akala niya ay hindi na siya makakalaya sa mansyon na iyon.
Dalawang pu't tatlong gulang lamang siya nang makilala niya si Mayor Salvador Calderon. Nabighani ito sa taglay niyang ganda kaya't niligawan siya nito na agad niya namang sinagot. Mabuti kasi ang mga ipinapakita nitong pag-uugali sa kanya noong nanliligaw pa lamang ito sa kanya.
Subalit nang maging kasintahan niya na si Salvador ay nagbago ang pag-uugali at pakikitungo nito sa kanya. Naging mahigpit na si Salvador sa kanya. Ni hindi na siya pinapalabas ng mansyon. Kahit kasi magkasintahan na sila ay marami pa ring nahuhumaling sa taglay niyang ganda. Marami pa rin ang nagtatangka na agawin siya kay Salvador.
Ngunit hindi iyon mapapayagan ni Salvador dahil sa kanya lamang si Clara. Sa kanya lamang ang babaeng may pinakamagandang mukha sa buong Mindoro. Naging obsessed si Mayor sa kagandahan niya kaya't pilit siyang ikinulong para walang sinuman ang makakaagaw sa kanya kay Clara.
Tinatakot niya rin si Clara na babasagin niya ang kagandahan ni Clara kapag nagpumilit itong tumakas sa kanya. At sinabi rin ni Mayor na walang sinuman ang dapat makinabang sa angking ganda niya, kung hindi siya lamang. Pinagbantaan din ni Mayor ang buhay ng Lola ni Clara kaya't wala nang nagawa si Clara dahil sa takot.
Paulit-ulit din siyang sinasaktan at pilit na ginagahasa kapag high na high ito sa Droga. Gustuhin niya mang makawala sa kamay na bakal ni Salvador ay hindi niya magawa. Kaya't labis-labis ang truamang inabot niya sa kamay ni Salvador. At isinumpa niya sa kanyang sarili na hinding-hindi na siyang iibig muli.
**********
Mula sa nakaawang na pinto ng silid ni Clara ay pumasok si Lola Pasing. Nakapag-desisyon na kasi sila na lilipat na sila sa maynila para kahit papaano ay makalimutan na ni Clara ang mapait na sinapit niya sa lugar nila. At ngayon ang araw ng paglisan nila sa lugar na iyon kaya't pumasok ang ito Lola para tanungin kung nakahanda na ba siya.
Subalit halos mapasigaw ito sa pagkabigla dahil sa nakikitang itsura ng Apo.
"Diyos ko pong bata ka! Anong ginawa mo sa sarili mo?" gulat na gulat nitong usal dahil sa pagkabigla sa nakikita. Hindi na kasi ang dating Clara ang nakikita niya. Nagbago na ang itsura ng pinakamagandang mukha ng Apo niya.
Ang Apo niya na may nakakabighaning ganda. Ang Apo niya na may magagandang mata at pilikmata na kinahuhumalingan. Ang Apo niya na may matangos at maliit na ilong. Mayroon din itong manipis at mapulang labi. At wala rin ang tuwid at mahaba niyang buhok. Naging manang na rin ito kung manamit kaya't nawala ang magandang hubog ng katawan na kinababaliwan ng mga kalalakihan.
Napalitan na ito ng isang Clara na may malaking salamin sa mata. Pinaitim ang mukha dahil brown na poundation. Naging maputla na ang labi. Kinapalan na rin ang kilay at naglagay ng pikeng malaking nunal sa kanang pisngi. Wala na rin ang tuwid at mahaba niyang buhok dahil natatakpan na ito ng kulot na wig na hanggang balikat lamang.
Mayroon na rin itong brace sa ngipin kaya't namukha na siyang manang na nerd.
"Bakit ginawa mo 'yan sa sarili mo, Apo?" halos lumandas ang mga luha sa mga mata ni Lola Pasing sa nakikitang itsura ni Clara.
Lumapit si Clara sa kanyang Lola at iginiya niya ito paupo sa kanyang kama.
"Gabi-gabi pa rin po akong binabangungot sa mga nangyari sa 'kin, Lola," maluha-luha nitong usal. "Sa tuwing nakikita ko ang maganda kong mukha sa salamin ay naaalala ko kung paano ako pinahirapan ni Salvador," tuluyang nang tumulo ang mga luha niya sa mula sa kanyang mga mata.
"Dahil sa mukhang ito, muntik na akong mamatay, Lola! Dahil sa mukhang ito, muntik ko na po kayong hindi na makita. Buong akala ko po ay hindi na ako makakalaya sa kanya, Lola," humagulgol na ito ng iyak dahil sa kanyang mga sinabi.
"Pero hindi mo naman kailangan gawin 'to, Apo. Lilipat na tayo sa maynila. Paniguradong makakalimutan mo rin ang lahat!" paliwanag nito sa Apo habang sunod-sunod na rin ang pagragasa ng kanyang mga luha.
Yumuko si Clara habang tuloy-tuloy pa rin sa pagsinghap. Pagkatapos ay muli itong humarap sa kanyang Lola na basang-basa na rin ang mga mata sa kakaiyak.
"Hanggang kailan, Lola? Halos gabi-gabi akong hindi nakakatulog! Palagi kong nakikita ang mukha niya habang paulit-ulit akong sinasaktan! Palaging kong nakikita ang aking sarili na nakaratay lamang sa kama na halos wala ng lakas! Paano ako makakalimot kung palagi kong nakikita sa salamin ang mukha na naging dahilan ng pagdurusa ko?"
Halos mapuno ng luha ang apat na sulok ng kanyang silid dahil sa emosyong bumabalot sa kanila. Hindi man sang-ayon si Lola Pasing sa desisyon ng Apo ay iginalang na lamang niya ito. Kung ito ang magiging dahilan para tuluyang makalimutan ng Apo ang mapait na sinapit ay susuportahan na lamang niya ito.