Sa awa ng Diyos, buhay pa rin ako. Magdadalawang taon na ang nakalipas ay wala namang nangyari sa aking masama. Baka nga kuru-kuro lang iyong pinagsasabi ni Suze.
Kaya lang, na-miss ko na si Kairo. Sana magkaroon ulit sila ng party. At sana ay ako pa rin ang isama ni Suze 'pag naimbitahan siya ulit. Siguro naman ay payagan na ako ni mama. Malapit naman na akong mag-eighteen kaya ayos lang naman siguro kung i-enjoy ko rin ang pagkadalaga ko. Next month na ako magde-debut.
Sa totoo lang ay nabuburyo na rin ako sa bahay-eskwela, eskwela-bahay ko. Pakiramdam ko ay tatandang dalaga ako nito.
Kasalukuyan akong gumagawa ng aming individual oral thesis na gaganapin bago ang Christmas vacation habang ngumunguya ng carrot, nang marinig ko ang pagbusina ng sasakyan sa labas.
May kung ano'ng dumugkol sa pwet ko para tignan kung sino ang dumating. Sumilip ako sa butas ng decorative wall ng bahay. Nang hindi nakontento ay lumipat ako sa bintana.
Mula roon ay tanaw ko ang isang matangkad na lalaking sa tantiya ko ay nasa kaniyang early 40's. Kaedad lang yata ito ni mama.
Tumitingkad ang makinis at maputi nitong balat sa gitna ng nag-aagaw na dilim at liwanag ng dapit-hapon. Nang mag-angat ito ng tingin ay kaagad na sumalubong sa akin ang pamilyar nitong mukha.
Naagaw ang atensyon ko nang makita si mama na nagmadaling lumabas ng kaniyang silid.
Hindi kalakihan ang bahay namin. Wala itong ikalawang palapag at ang dalawang kwarto na magkatabi ay katapat lang mismo ng aming sala kaya kita agad ang paglabas ng tao mula sa kwarto.
"Sino siya, mama?" kinutuban kong tanong.
Hindi kaagad siya nakasagot at sandali pang tumitig sa akin.
Dalawang beses siyang bumunot ng malalim na hininga bago nagsalita, "Dim, siya si Ryushi."
"Ryushi? Ryushi Nagamori?" bulalas ko na hindi makapaniwala sa narinig.
"Oo, anak."
Si Ryushi Nagamori! Ang sikat na businessman sa buong bansa! Ang sumunod sa yapak ng ama nito bilang isa sa pinakamayaman at matagumpay na negosyante sa Pilipinas at maging sa buong Asia at higit sa lahat, ang ama ni Kairo! WAAAAAH!
"T-teka lang ma, ano naman ang ginagawa niya rito?" tanong ko nang mahimasmasan.
Nagpakawala siya ng ngiting may halong kaba habang lumalapit sa akin.
"Dim, boyfriend ko siya."
"B-boyfriend?"
'Boyfriend?!'
Nanlaki ang mga mata ko sa narinig. Paano?
Isang big blow ang sinabi ni mama sa akin at sandaling humiwalay sa akin ang utak ko. Na-blanko ako.
Teka lang naman, mayroong asawa't anak si Ryushi, ah! Ano 'to? Ipinagpalit niya ang kaniyang sariling pamilya para kay mama?!
O baka naman... Pinaglalaruan lang nito si mama at sa huli ay iiwan din kapag nagsawa!
Ang lahat ng paghanga ko sa lalaki ay biglang naglaho at napalitan ng hindi maipaliwanag na pagkainis.
"Mama! Ang lalaking 'yan ay may pamilya!" hindi ko napigilang sigaw.
Nag-iwas ng tingin sa akin si mama.
"Ano ba, ma? Bakit naman si Ryushi Nagamori? Kapag nalaman ng pamilya niya ang tungkol sa relasyon ninyo, siguradong magugulo ang buhay natin!"
Nakakatakot ang pamilya nila, ma! Nais ko 'yong idagdag.
Ayokong maulit ang nangyari noon sa amin sa Bulacan. Minsan na ring nagkamali sa pagpili ng lalaki si mama. Naiskandalo kami at bukod sa iskandalo ay matindi rin ang naging impact ng pangyayari sa akin. Para akong uod noon na biglang nagkapakpak. Masyado kong tinatamasa ang sarap sa pakiramdam noon ng pagkakaroon ng isang kompletong pamilya pero ilusyon lang pala ang lahat.
Ang tindi ng bagsak ko matapos sumampal sa akin ang isang katotohanan. At hanggang ngayon ay nagpaulit-ulit sa alaala ko ang mga pangyayari na parang masamang panaginip.
Bago pa man makasagot si mama ay humakbang na papasok sa nakabukas na pinto si Ryushi.
Pareho kaming natigilan ni mama at napatingin dito.
Sobrang gwapo nito kaya siguro nakalimot si mama na illegal ang pakikipagrelasyon niya sa lalaki.
Kamukhang-kamukha ito ni Kairo. Bukod sa itsura ay mayaman din si Ryushi kaya kahit sinong babae ay bibigay talaga rito.
"Good evening," bati niya sa amin saka alangang ngumiti sa akin. "Hi! You must be Dim."
Bitbit niya ang isang magarang bouquet ng mga naggagandahang bulaklak habang sa kabila naman ay ang paper bags na naglalaman ng mga take out na pagkain at isang box ng cake. Naamoy ko pa mula sa kinatatayuan ko ang napakasarap na amoy ng fried chicken at gisadong karne na dala niya. Kaya pala hindi nagluto ng ulam si mama kasi may dadating!
Sa halip na gumanti ng pagbati kay Ryushi ay binigyan ko siya ng matalim na tingin.
"Mawalang galang na ho pero kilala ko po kayo at bukod do'n ay kilala rin kayo sa buong Pilipinas. Kaya alam ko at alam din ng lahat ng taong nakakakilala sa inyo na pamilyado kayo..." Bumuntong-hininga pa muna ako bago nagpatuloy. Sinisikap kong baliwalain ang takot sa lalaki. "Mr. Nagamori, tahimik lang po ang buhay namin pero dahil sa pakikipagrelasyon mo sa mama ko, hindi malayong magugulo ulit ang buhay--"
"Dimples!"
Napigil ko ang hininga sabay diin ng nakakuyom kong kamay. Ang dami ko pang gustong sabihin, eh!
Sinulyapan ko si mama na nakahawak sa balikat ko.
"Magbigay galang ka sa bisita natin."
Muntik ko nang pagtawanan si mama dahil sa inis. Galang? Paano ko ba igagalang ang isang traydor sa sarili niyang pamilya?
Inis kong tinalikuran si mama at hinarap si Mr. Nagamori.
"Hiwalay na ho ba kayo ng asawa mo, Mr. Nagamori?"
Hindi nakaimik ang lalaki at gulat na napatingin kay mama.
"Dim!" narinig kong saway na naman ni mama. "Hindi kita pinalaki para maging bastos!"
Ngumisi ako sabay harap sa kaniya. "Paano ba naging bastos ang simpleng tanong kong iyon, ma?"
Hindi sumagot si mama bagaman makikita sa mukha niya na nagsimula nang umakyat ang presyon niya. Ayokong galitin si mama at ayoko ring ipahiya siya sa harap ng kaniyang bisita. Pero ayokong magpatuloy ang relasyon nilang dalawa! Bukod sa manganganib pareho ang buhay namin ay malaking iskandalo rin ito!
"Ma, bakit naman sa may asawa? Hindi ba kayo nadala?"
"Mahal niya ako at puprotektahan niya tayo."
Napahigpit ako nang kuyom.
"Men are honey tongued but cruel hearted. Ikaw mismo ang nagsabi niyan sa akin pero bakit ang dali niyong nagtiwala?"
Marahan niya akong hinawakan sa braso.
"Anak, pinatunayan niya. Matapos ang dalawang taon ay napatunayan niya."
"Dalawang taon? Ibig sabihin, matagal na kayo?!"
Tila naumid ang dila ni mama.
Inis akong napangisi.
"Grabe! Dalawang taon at ngayon niyo lang naisipan na sabihin sa akin?"
"Dahil ngayon lang ako handa. Hindi ko maamin sa iyo noon dahil..."
"Dahil mali!" putol ko sa kaniya sabay pagpag sa kamay niya.
Tuluyan nang napigtas ang timpi ko. Ngayon ay wala na akong pakialam kahit pa pagalitan ako ni mama. Ipaglalaban ko kung ano sa tingin ko ay tama.
"Mama! Nakagawa na kayo noon ng isang pagkakamali. Huwag niyo naman sanang ulit-ulitin! Ayoko nang maulit pa ang nangyari noon sa atin! Bakit sa may asawa?! Please naman, ma! Mapapahamak tayo sa ginagawa nyo, eh!"
"Dimples..."
Nagtaasan ang mga balahibo ko nang marinig ang malalim na boses na iyon ni Ryushi mula sa likuran ko. Dahan-dahan akong nagbaling ng tingin dito at sinalubong ang namumungay nitong mga mata.
"Believe me, I will protect you both. I won't let anyone or anything hurt her and you."
"Mr. Nagamori, alam kong maimpluwensya kang tao at makapangyarihan. Kaya mo nga kaming protektahan kapag ginusto mo. Pero hindi naman iyon ang punto ko. Mali ang relasyon ninyo. Pamilyado kang tao, eh. Paano na ang asawa't anak mo, ha? Ano ba ang habol mo sa mama ko? Bakit mo pinagpalit ang pamilya mo?"
"I love your mom. Even before you were born, I loved her," walang kagatul-gatol niyang sagot na nakakapagpatahimik sa akin.
Sa di malamang dahilan ay bigla na lamang akong kinutuban at dumadaloy ngayon sa dibdib ko ang kakaibang kaba. 'Even before you were born, I loved her.'
Ibig sabihin, matagal na silang magkakilala? Bago pa man ako isinilang sa mundong ito ay minahal na niya si mama! Posible kayang..? Kumabog ang dibdib ko.
"M-Mama..." Nanginginig akong humarap kay mama. "S-siya ba ang...ang papa ko?"
Nagkatinginan sina Ryushi at Mama.
"Ma?"
Sarado ang bibig ni mama at tila ba hirap siyang sagutin ang tanong ko. Lalo lang akong kinutuban... at nasabik.
Paano nga kaya kung siya ang papa ko? Kapag nagkataon, magiging kapatid ko pa pala ang lalaking hinahangaan ko.
"Rose, I think it's time to spill the truth. Am I her biological father?" hindi rin natiis na tanong ni Ryushi. Nakita ko ang pagguhit ng pag-asa sa masisingkit niyang mga mata na halatang nag-aasam ng isang positibong sagot.
Kalungkutan naman ang nasilayan ko sa mukha ni mama at habang tumatagal ang pananahimik niya ay lalo lang tumitindi ang pananabik ko na marinig ang katotohanan.
Si Ryushi Nagamori na nga ba ang tunay kong ama?