Ang Bata
MATAGAL nang nawala sa paningin ni Milagros ang lalaki ay nagpupuyos pa rin ang kalooban niya. Awang-awa siya sa dalagang matapos nitong gawan ng kahalayan ay pinagbalakan pang patayin. Naipagdasal na lamang niyang sana ay magkaroon ng katarungan ang sinapit nito upang mapanatag. upang makausad at muling makapagsimula.
Matagal-tagal na siyang nakabantay sa tapat ng silid na inuokupahan ay wala pa rin ang hinihintay niyang magbubukas ng pinto para sa kanya. Nang mainip ay naisipan niyang maglakad-lakad sa pasilyo. Doon lang din siya para makikita pa rin niya kung may darating.
Napahinto siya sa tapat ng nakabukas na silid. May nakahigang pasyente sa loob na tingin niya ay parang natutulog lang. Pinupunasan ito ng babaeng hula niya ay kapatid, o kaya ay kamag-anak. Walang nakalagay sa katawan nito na kagaya sa katawan niya at sa dalawa pang una niyang nakita maliban sa swero.
Lumapit pa siya sa pintuan at sumungaw sa loob, sinusubukang hanapin ang kagaya niyang buhay pero nakahiwalay sa katawan.
"Wala dito. Nasaan kaya?" naitanong niya.
Napaunat siya nang may sumundot sa kanyang puwitan.
"Ay p**e!" Pagkasabi ng gano'n ay agad niyang natutop ang bibig.Nang lingunin niya ang may gawa ng kapilyuhang iyon ay nakita niya ang isang batang masigla at nakangiting nakatingin sa kanya.
Nagtaka siya kaya napakunot ang kanyang noo. Nagtatalo ang isip kung kagaya ba niya ito, o buhay ang bata at sadyang nakikita siya? Luminga pa siya sa kaliwa't kanan ng pasilyo at tinignan kung may iba pang taong naroroon. Nang wala siyang makitang iba maliban sa kanilang dalawa ay nagsalita na siya.
"Nakikita mo ba ako?" nag aalinlangang tanong niya.
Tumango ang bata pagkaraan ay yumuko at masiglang nilalaro ang magkabilang paa.
"Pero bakit mo... paano mo ako nakikita?" takang takang tanong niya.
"Siguro may third eye ka kaya nakikita mo ako, di ba?" tanong uli niya.
Muli siyang napaunat sa pagkakatayo nang hawakan siya nito at marahang hilahin papasok sa loob ng silid. Inilapit siya sa kamang may nakahigang pasyente. Nang makita sa malapitan ang mukha ng nakahiga ay otomatikong naibalik niya ang tingin sa batang tumatalon pa sa mahabang upuang malambot.
"Ikaw pala ang batang ito?"
Muling tumango ang bata at pagkatapos ay tumalon mula sa upuan at tumakbo palabas.
"Hoy, bata!" habol niya ng sigaw.
Nang hindi pansinin ng bata ang pagtawag niya ay napasunod siya dito palabas. Nang makita ito ay nasa malayo na. Gusto niya sana itong sundan kaya lamang ay nag-aalala siya sa katawan niyang nasa loob ng silid.
Ang sabi pa ng matandang lalaking
nakausap kanina ay mas malaki raw ang posibilidad na magising siya sa malalim na pagkakahimbing kung mananatili siyang malapit sa katawan niya. Kaya mas pinili niyang muling tumayo sa gilid ng nakapinid niyang silid. Habang nakasandal sa pader ay mataman siyang nag-isip. Naalala ang nakalarawang saya sa mukha ng batang kaharap kanina.
"Hindi siya malungkot at hindi nakabantay sa sarili. Masaya siya at parang wala lang na makita ang sariling nasa malalim na pagkakahimbing," naibulong niya.
"Pssst!"
Narinig niyang pagtawag ng bata. Mabilis niyang ipinaling ang mukha sa pasilyong tinakbuhan nito. Nakangiti itong kumakaway. Ang intindi niya sa pagkaway nito ay inaaya siya. Pinalalapit siya.
Gusto niya nga sanang makausap ito. Subalit hindi siya maaaring lumayo. Malungkot siyang umiling sa bata bilang pagtanggi. Iniangat nito ang magkabilang balikat at saka kumaripas na naman ng takbo. Para itong nasa playground at masiglang naglaro. Hanggang sa mawala na ito sa kanyang paningin.
Nakaramdam na naman siya ng pagkainip. Nakasalampak na siya sa sahig gaya ng isang buddha. Nailabas na ang bangkay ng matandang lalaking pumanaw ay wala pa ring pumapasok sa silid niya. Wala pa rin ang nurse na hinihintay niya. Isinandal niya ang ulo at ipinikit ang mga mata. Mabilis siyang napadilat nang may pumisil sa kanyang ilong. Nakita niya ang masayang mukha ng makulit na bata. Nginitian niya ito nang maupo sa tabi niya at gayahin ang pag-upo niya.
"Anong ginagawa mo rito? Binabantayan mo ba ang sarili mo?" tanong nito.
Nakangiti siyang tumango.
"Sus! Hindi naman mawawala 'yan sa loob, ah. Walang magnanakaw nun." Biro nito sa kanya habang ang ulo ay isinandal na rin sa pader na gaya niya. Nag-usap sila na parehong sa kisame nakatingin.
"Kaya ba alis ka nang alis dahil hindi naman mawawala ang katawan mo do'n sa silid mo?" Nakangiti niyang tugon sa bata.
"Gusto mo pa bang gumising?" tanong nito.
"Oo. Siyempre gusto kong gumising. Kaya nga hindi ako umaalis dito. Hinihintay ko lang na may magbukas nitong pinto para makapasok na ako sa loob."
"Ako, ayoko nang magising," natatawa nitong sabi.
"Bakit naman?" Hinihintay niya ang makulit na pagsagot ng batang katabi. Nang hindi ito narinig na magsalita ay nilinga niya ang mukha nito. Nakita niyang biglang itong naging seryoso.
"Maliit pa lang ako ay palagi nang nag aaway ang mama at papa ko. Hindi sila magkasundo. Hindi na nila naiisip kung nasasaktan ba ako. Nang malaman ni mama na may ibang babae si papa ay lalo nang naging magulo sa loob ng bahay namin. Hindi na ako naaalagan ni mama. Palagi na lang siyang umaalis ng bahay para sundan si papa. Kapag magkasama naman sila ay palagi ko silang naririnig na nagmumurahan. Wala silang iniintindi kundi ang mga sarili nila. Naiisip kong siguro ay ako ang may kasalanan kung bakit hindi sila masaya. Kung hindi sana ako nabuo ay hindi sana napilitan si papa na pakasalan si mama. Sinisisi ko ang sarili ko kung bakit pa ako isinilang sa mundo."
"Hindi totoo yan. Wala kang kasalanan. Kaya lang, may mga problema sila na hindi nila maayos agad kaya paulit-ulit silang nag-aaway. Pero hindi ibig sabihin na balewala ka na sa kanila. Minsan kasi ang matatanda ay may mga nagagawa na hindi pa maiintindihan ng mga batang tulad mo. Mahal ka nila. Anak ka nila, eh. Pagtitiyagaan ka ba nilang bantayan at alagaan dito ngayon kung hindi ka mahalaga sa kanila?" Pangungumbinsi niya sa kausap.
"Yan nga ang dahilan kung bakit ayoko nang magising."
Naguluhan siya sa ibig sabihin ng kausap. Kaya hinayaan niya itong magsalita pa.