CHAPTER 18 - Maganap Nawa

1030 Words
Maganap Nawa NAGSIMULA nang magkuwento ang bata. Humarap si Milagros at nakinig. "No'ng gabing paalis na si Papa na may dalang malaking bag ay hinabol siya ni Mama. Umiiyak si Mama habang nakikiusap na 'wag kaming iwanan ni Papa. Pero diretso pa rin sa pagbaba ng hagdan si Papa. Nang hawakan ni Mama ang bag ni Papa ay hinila 'yon ni Papa. Hindi nila ako pinapansin. Sumusunod lang ako sa kanila. Kaya nang mag-agawan sila sa bag ay nahulog ako at bumagok ang ulo sa semento. Tapos umitim na ang bahay namin. Hindi ko na makita sina Mama at Papa. Naririnig kong sumisigaw si Mama at saka umiiyak pero 'di ko na nakikita. Tapos wala na akong narinig. Nakatulog na ko. Dahil sa nangyari hindi na naghiwalay sina Mama at Papa. Alam ko na nagi-guilty silang pareho sa nangyari sa akin. Ngayon kapag magkasama sila, hindi na sila nag-aaway. Magkasama pa silang nagbabantay sa akin. Nag-uusap na sila nang maayos. Naaalagaan na ako ngayon ni Mama. Mas okay na ang ganito, 'di ba? Kaya ayoko nang magising. Natatakot akong kapag nagising ako, e mag-aaway na naman sila. Tapos maghihiwalay na naman." Malungkot nitong sabi habang pumapatak ang luha. Nayakap niya ang katabi. Sa pagnanais na makitang nagkakasundo ang mga magulang ay ayaw na nitong balikan ang sariling katawan. Sabay pa silang napatingin nang may lalaking dumating. May kasama itong matandang babae at diretsong pumasok sa silid ng bata. "Siya ang papa ko." Turo nito sa lalaki. "Siya ang lola ko. At ang babaeng nasa loob ang mama ko." Pagpapakilala nito sa pamilya. "Ah," aniya kasabay nang pagtango. "Halika pasok tayo sa loob." Pag-aya niya sa bata habang hawak ang kamay nito. Agad naman itong tumayo at sumama sa kanya. Magkahawak kamay silang pumasok sa loob ng silid. Naupo sila sa mahabang upuan habang pinanonod ang mga nasa loob. Nakita nilang humalik ang mama ng bata sa matandang babae at pinaupo ito sa upuang malapit sa kama. Masuyong hinagkan ng papa ng bata ang asawang inakbayan. Masayang ibinalita ng babae sa mga bagong dating ang papabuting kondisyon ng anak na nilapitan at hinahalik-halikan pa sa pisngi. Marahan namang pinisil ng lalake ang kamay ng anak at pinakikiusapang gumising na. Gano'n din ang matandang babae na hawak naman ang braso ng apo. Marami pang sinabi ang mga ito na puno ng pagmamahal at mga balak gawin kapag nagising na ang bata. "Nakita mo na? Mahal na mahal ka nila. Kung bibigyan mo sila ng pagkakataong maiparamdam sa iyo kung gaano ka nila kamahal ay mas magiging masaya ka. Kapag hahalikan ka ng mama mo ay makakaganti ka sa kanya ng halik. Kapag hinawakan ka ng papa mo ay magagawa mo siyang mayakap nang mahigpit. Gano'n din ang lola mo. Maaalalayan mo siya sa paglakad kung hahawak siya sa braso mo. Naayos na ng mama at papa mo ang problema nila noon. Ikaw na lang ang kulang at makukumpleto na ang kaligayahan nila. Mas gusto mo pa rin ba na ganyan ka na lang? Ayaw mo bang makasama sila sa pagsisimba at pamamasyal? Ayaw mo bang makasalo sila kumain at makasama sa panonood ng paborito mong palabas? Ayaw mo bang basahan ka ng mga kwento ng mama mo bago matulog habang nakayakap ka sa kanya?" sunod-sunod niyang tanong sa bata. Napangiti siya nang yakapin siya nito nang mahigpit habang umiiyak. Hindi man ito nagsalita ay alam na niya ang naging sagot nito sa mga tanong niya. Bago siya tuluyang lumabas ay muli niyang sinulyapan ang batang nasa tabi na ng kanyang katawan. Ngumiti pa ito sa kanya at bahagyang tumango. Magaan ang loob niyang bumalik sa tapat ng kanyang silid. Napangiti siya habang iniisip ang mga nakausap na gaya niyang nasa malalim na pagkakahimbing. Hindi niya akalain na magagawa pala niyang dumamay sa pighati ng iba. Na kaya pala niyang makapagbigay ng magaganda at makabuluhang salita na nakapagbibigay ng kaliwanagan para sa iba. Na kaya pala niyang hipuin ang puso ng iba. Masarap pala sa pakiramdam na may maitulong na suportang moral sa kapwa. Ang makatulong upang mabuhayan uli sila ng pag-asa. Hindi man sa materyal na bagay kung hindi sa ispiritual at emosyonal na antas at pamantayan. Na ang pagtulong sa kapwa ay isang biyaya. Isang napakagandang pagkakataon na hindi naipagkakaloob sa iba. Dati-raati ay wala siyang pakialam. Ang katwiran niya'y sarili niya ngang problema ay 'di na niya magawang solusyunan tapos ay tutulong pa siya sa problema ng iba? Bahala sila sa buhay nila. Napakakitid ng utak niya. Sarado sa tamang katwiran ang utak niya, ang puso niya. Masyadong naging negatibo ang pananaw niya sa buhay. Pati ang mga taong nagparamdam na gustong makatulong ay pinag-isipan niya pa ng masama. Lagi niyang iniisip na may hihingin kapalit ang mga ito nang higit sa mga ibibigay sa kanya. Hindi na niya napasalamatan ay minasama pa niya. Lagi siyang naghahanap ng mali sa mga tamang nagagawa ng mga ito para sa kanya. Inilayo niya ang sarili pagkatapos ay nag-isip pang iniwanan siya ng lahat; na nag-iisa lang siya at walang karamay. "Sana ay hindi pa huli ang lahat. Sana ay magawa ko pang ituwid ang mga pagkakamali ko. Sana ay may panahon pa. Kung mabibigyan pa ako ng pagkakataong mabuhay ay nais kong maging liwanag para sa iba. Diyos ko, kayo na po ang bahala sa akin. Kung tatanggapin n'yo po ako ay hinihiling kong gawin n'yo akong instrumento upang maging gabay sa kapwa ko tao. Nais ko pong maging kapat-dapat sa inyong kaluwalhatian. Maganap nawa ang inyong kalooban." taimtim niyang dalangin. Nasa gano'n siyang katahimikan kung kaya hindi na niya namalayan ang paparating na mga yabag. Mga yabag na humahangos at bawat madaanang pintuan ay tinitignan ang pangalang nakasulat sa gilid ng pinto. "Heto, dito!",sabi ng babaeng nasa tapat ng pintuan ng silid. Napaigtad siya. Kilala niya ang boses na 'yon. Boses ng Tiya Dalen niya! Mabilis niyang naidilat ang mga mata. Nakita niya ang dalawang babaeng naakasilip sa salamin ng pinto. Mayamaya pa'y nagmamadalin pumasok. Maagap siyang sumunod. Malakas ang pagkabog ng kanyang puso. Hindi sa takot na natagpuan siya ng tiyahing tinatakasan. Kung hindi dahil sa kasama nito. Kung hindi siya namamalik mata lamang, nasa harapan niya ang kanyang... inay.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD