Pagsisisi at Panangis
HINDI siya makapaniwala sa nasasaksihan.
"Oh, Diyos ko! Ang pamangkin ko!" hilakbot na sabi ng tiyahin niya.
Umiiyak ito habang hinihimas ang mga binti niya. Pilit niyang binabasa ang katotohanan sa pagluha nito. Sinisikap na malaman kung tototo sa kalooban ang pagdadalamhati dahil sa sinapit niya.
"Ako ang may kasalanan kung bakit siya nagkaganyan. Kung hindi sa kalupitan ko ay hindi siya maglalayas. Hindi sana siya sumakay sa bus at nahulog sa bangin!" Humahagulgol nito sabi.
Sa pag-amin na ginawa nito sa nagawang pagkakamali ay nakatiyak na siyang totoo ang pagtangis nito.
"Patawarin mo ako, Milagros. Gumising ka na at bigyan mo ako ng pagkakataong makabawi sa'yo. Hayaan mong maipakita ko sa'yo ang pagsisi sa lahat ng nagawa ko. Hindi ko mapapangatwiranan ang mga nagawa ko sa'yo. Hindi ako naging mabuting tiyahin sa'yo." Patuloy nitong sabi habang humahagulgol.
"Nakahanda akong tanggapin ang kaparusahan na gagawin mo sa akin. Oh, Diyos ko! Tulungan mo ang pamangkin ko. Ako! Ako na lamang ang parusahan mo. Patawarin mo ako, Diyos ko. Huwag mong kunin sa amin ang pamangkin ko, parang awa mo na."
Nakasubsob ito sa mga paa niya at panay ang iyak. Nagmamakaawa sa Diyos na buhayin siya, na huwag siyang kunin. Naiyak na rin siya. Hindi niya alam kung bakit ... masaya siya.
Sa buong panahong nakasama niya ang tiyahin ay ngayon niya lang ito nakitang umiyak nang gano'n, ng totoo. Halos mapunit na nito ang damit na nasa bandang dibdib sa madalas na pagpiga. Tila kinakapos na ito sa paghinga dahil sa walang tigil na pag-iyak.
"May kasalanan din ako, ate. Marami ang pagkukulang ko sa aking anak." Wika ng kanyang nanay na hindi man nagpapalahaw ay patuloy namang lumuluha habang hawak nang mahigpit ang kanyang kamay.
"Inay..." umiiyak niyang sabi.
"Patawarin mo ang nanay, anak. Mula pa ng maliit ka ay hindi ko nagawa sa iyo ang magpakaina. Marami akong pagkukulang sa iyo, hindi dahil sa gusto kong wala ka sa tabi ko. Kung alam mo lang kung gaano kahirap para sa akin ang mawalay ka sa piling ko; ang pinaglalabanan kong lungkot dahil sa sobrang miss sa iyo. Kung gaano kasakit na naaalagaan ko ang anak ng iba samantalang ikaw ay hindi ko man lang makarga. Pero wala akong magawa, anak. Mangmang lang ang nanay mo. Walang ibang kayang gawin kung hindi ang magpaalila sa ibang tao kumita lang ng pera para mabuhay tayo. Ang gusto ko sana ay mabigyan ka nang maayos na pamumuhay. Ang sana ay mapagaral ka para hindi ka matulad sa akin na ang alam lamang ay sumulat at magbasa. Ang akala ko ay matutupad ko ang pinangako ko sa'yo. Pero hindi pala. Anak, kahit minsan ay hindi kita nakalimutan. Ang litrato mo ang nagbibigay sa akin ng lakas ng loob na tiisin ang lahat. Hindi kita iniwanan anak. Nang manlaban ako sa amo kong lalaki nang pagtangkaan niya akong halayin ay tumalon ako mula sa ikatlong palapag ng bahay nila. Naospital din akong kagaya mo ngayon, anak, kaya hindi kita nasulatan. Kaya wala ka nang nabalitaan sa akin. Subalit napakabuti ng Diyos. Hindi Niya ako pinabayaang basta na lang mawala sa iyo. Nandito na ako, anak. Hindi na kita iiwan. Magkakasama na tayo kaya gumising ka na, ha. Huwag mo namang iwanan ang nanay. Sige na, anak. Gumising ka na."
Umiiyak ito at nanginginig ang boses. Nilapitan ng tiyahin niya ang kanyang nanay at niyakap. Humingi ito ng tawad sa inay niya na yumakap din naman sa tiyahin niya.
Hindi siya makahuma sa nalaman niyang kinasapitan ng kanyang inay. Ang buong akala niya ay tinalikuran na siya nito at wala nang balak pa na balikan. Ang kawawa niyang inay na sa pagnanais na buhayin siya nang maayos ay nagtiis na magbata ng hirap sa lugar na malayo.
"Inay ko, patawarin mo ako sa lahat ng masamang inisip ko sa iyo. Mahal na mahal kita, inay." Niyakap niya ang nanay at tiyahin kahit alam niyang maglalagos lang sa katawan ng mga ito.
Ilang saglit pa at dumating ang doktor na may kasamang nurse. Kinausap nito ang kanyang inay at tiyahin. Hindi na niya naintindihan pa ang pinag-usapan ng mga ito. Wala siyang ibang ginawa kung hindi ang yakapin at titigan ang inang kinasabikan niya sa mahabang panahon.
Nang makalabas na ang doktor at mga nurse ay naglagay agad ng maligamgam na tubig ang tiyahin niya sa isang maliit na palanggana at piniga ang bimpong isinawsaw do'n. Maingat nitong pinunasan ang kanyang mukha, leeg at mga braso. Tinulungan ito ng kanyang inang maiangat ang katawan niya nang mapunasan ang likod niyang basa na raw ng pawis.
Siyang-siya siya sa nakikitang pag-alaga ng magkapatid. Naisip niyang sa kabila nang hindi magandang pangyayari ay mayroong magandang dulot na matatagpuan.
Gano'n kalawak ang kapangyarihan ng Diyos.
Nanatili siya sa tabi ng kanyang katawan. Higit na nag-alab ang hangaring magising at ipagpatuloy ang buhay. Gusto niyang makasama at mapaglingkuran ang inang napakaraming isinakripisyo para sa kanya. Nasa tabi na niya ito. Hindi na aalis pa. Magkakasama na silang dalawa. Taimtim siyang umusal ng panalangin. Muling nakiusap sa Diyos na kung maaari ay dugtungan pa ang kanyang buhay alang-alang sa kanyang ina. Upang maipadama niya kung gaano niya ito kamahal. At kung gaano ang pagsisisi niya sa lahat ng paghihinampo niyang wala naman pala sa lugar.
Nasasaksihan ng dalawang mata niya ang paghihirap ng kalooban nito habang hinahagod ng tingin ang kanyang mukha at katawan. Ang pagpatak ng luh sa t'wing hahalikan ang kanyang noo habang ibinubulong na mahal na mahal siya.
Naririnig niya ang paghikbi nito at madalas na pagsinghot. Ang paghaplos nito sa mga tinamo niyang pinsala sa iba't ibang parte ng walang malay niyang katawan. Animo'y may kapangyarihan itong pagalingin ang kanyang mga sugat, na parang sa t'wing itatapat ang palad nito ay mailipat na lamang ang lahat ng sakit at kirot na nararamdaman niya. Batid niyang nais nitong akuin ang lahat ng paghihirap niya. Kapag nakapikit ito at bahagyang kumikibot ang mga labi ay alam niyang ipinagdarasal nito na sana siya ay magising, at muli ay maglalandas sa mga pisngi nito ang mga luhang walang awat sa pagbalong.
Ang Tiya Dalen naman niya ay laging nakaagapay at matiyaga itong inaalo. Magkahalong tuwa at lungkot ang kanyang nararamdaman. Hindi niya sukat akalaing darating ang gano'ng pagkakataon. Hindi niya akalaing ang panalangin niya ay natupad na. Ipinagkaloob na ng Diyos sa kanya. Ang matagal na niyang kahilingan sa Diyos ay nagaganap na.
Narinig niya sa pag-uusap ng magkapatid ang maraming bagay. Kabilang na dito ang pakikipag hiwalay ng kanyang tiya sa lalaking kinakasama nito.
Sa kabila ng mga nagawa ng tiyahin niya ay napatawad ito ng kanyang ina matapos humingi ng taos pusong kapatawaran.
Nangako sila sa isa't isa na muling mag uumpisa. Na muling susulong sa pagharap sa mga pagsubok na darating pa sa pananatili sa mundong ibabaw. Na magdadamayan silang magkapatid.
Kung nakikita ng kanyang lola ang dalawang anak na magkasundo at nagmamahalan ay nasisiguro niyang naiiyak din ito sa galak. Sapagkat sa puso ng magulang, ang makitang nagmamahalan ang kanyang mga anak na magkakaputol ang pusod ay higit na kaligayahang hindi matutumbasan.