CHAPTER 20 - Pagkain ng Kaluluwa

1015 Words
Pagkain ng Kaluluwa NANATILI lamang si Milagros sa tabi ng katawan. Nakapaharap siya sa kanyang ina. Hindi niya pagsasawaang tignan ang maganda nitong mukha. Nagpaalam ang tiya niya na lalabas muna upang may bilhin. Tumango naman ang inay niya at nagbilin na mag-ingat ito. Nakamasid lamang siya sa inay niya. Nakita niyang inabot nito ang bag na nakapatong sa paanan niya. May kinuha itong libro sa loob. Isang Bibliya. Maingat nito binuklat ang hawak at inililipat ang mga pahina na tila may hinahanap. Nang matagpuan na ng mata ay binasa nito sa kanya ang ilang kapitulo at bersikulong nakatala. Napakasarap sa kanyang pandinig ang mga salita ng Diyos na binabasa ng kanyang inay. Nagsisilbi itong pagkain ng kanyang kaluluwa. Ang salita ng Diyos na naririnig niya at pumapasok sa kanyang pang-unawa at tumutuloy sa kanyang puso. Hindi na niya namamalayan na unti-unti na pala siyang napapangiti. Matapos basahin ng kanyang inay ang ilang pahina sa Bibliya ay muli itong tumungo at nanalangin. Mayamaya ay dumating na ang tiya niya na may dalang pagkain at nagsalo na ang magkapatid. Napaigtad siya nang may maramdamang tila kuryenteng nanunulay sa kanyang katawan. Mariin niyang ipinikit ang mga mata. Inabangang muli ang pagkudlit ng mainit na guhit sa pandama. Pinakiramdaman niya ang sarili. Alam niyang may nagaganap sa kanya, nararamdaman niya. Parang napakagaan ng kanyang katawan. Pakiramdam niya ay kasama siya ng hangin na dahan-dahang gumagalaw. Tila naka-angat siya sa kinatatayuan at ipinaghehele ng hanging nakapagpapaantok sa kanya. Unti unti siyang tinatangay sa kawalan. Dahan dahan, unti-unti. Hanggang sa tuluyan na siyang higupin. Naramdaman niyang tila may humipo sa kanya. Hindi niya maidilat ang mga mata ano mang pilit ang kanyang gawin. Nanatili itong nakapinid subalit may liwanag siyang nakikita. Mayroong makinang na kung ano sa harapan niya. Sinikap niya itong aninagin. Iniangat niya ang isang kamay at pilit inabot ang liwanag. Napangiti siya nang maramdamang may kumapit sa kanya. Hinawakan nito ang kamay niya. Sandali lamang at nahila siya nito paitaas. "Gumising ka, Milagros." Narinig niya. Isang makapangyarihang tinig na nagpabukas sa talukap ng kanyang mata. At sa isang iglap, nasilaw siya sa liwanag. Ipinikit-dilat niya ang mga mata. Hindi niya maigalaw ang ulo. Parang may nakasakal sa kanya pero hindi naman mahigpit. Ang magkapares na mata na lamang ang inilibot sa kulay puting kisameng may ilaw. "Nasaan ako?" tanong ng kanyang isip. May nakasakop na kung ano sa kanyang ilong at bibig. May natatanaw siyang kasama sa kinaroroonan niya. Nakikita niya sa sulok ng kanyang mata na may nakatayo sa gilid ng higaan niya. Nang pumaharap ito sa kanya ay nakita niyang maang itong nakatingin sa kanya. "Oh, Diyos ko!" Narinig niyang sambit nito. Ikinurap niya ang mga mata. Hindi siya maaaring magkamali. Ang inay niya ang nakatayo at nakatingin sa kanya! Tutop nito ang sariling bibig at panay ang pag-agos ng luha. Mayamaya ay isang pamilyar na mukha pa ang nakita niya. Dilat na dilat ang mga mata nito sa pagkamangha. Nakangiti kahit pa nga tumutulo din ang luha. Ang tiya Dalen niya! Narinig niyang nataranta ito.. "Tatawagin ko ang doktor. Tatawagin ko ang doktor! Dok! Dooooook..!" Pagkasabi nito ay narinig niyang lumabas ang yabag nito mula sa kanilang silid. Ang nanay naman niya ay panay ang halik sa kanya. Ramdam niya ang luha nitong bumasa sa kanyang magkabilang pisngi. "Salamat po, Diyos ko. Maraming- maraming salamat po!" Paulit-ulit nitong sambit. Maya-maya pa ay nagdatingan na ang mga nurse at doktor. Nakangiti ang mukha ng mga ito habang sinusuri siya. "Magaling, hija. Nalampasan mo na ang peligro sa iyong buhay." Narinig niyang sabi nito. Marami pang sinabi ang doktor sa kanyang inay at tiya na hindi na niya naintindihan pa. Pumapatak na ang luha niya nang maalala ang aksidenteng naranasan niya, at ang pasasalamat nang magmulat siya ng paningin ay mukha ng kanyang inay ang una niyang nakita. Hindi niya alam kung ano ang nangyari at ang lahat ng pagtatampo niya dito at sama ng loob ay hindi na niya makapa sa kanyang puso. Ang tanging nararamdaman niya ay ang pagmamahal niya para sa kanyang inay. At sa tiyahin niya na napapatalon pa sa katuwaan na gising na siya ay hindi na rin niya kinasusuklaman. Tila isang hiwaga na ang lahat galit niya para dito ay nawala. Wala na ang bigat sa dibdib na dati ay dala-dala niya. Nang lumabas na ang doktor at mga nurse ay muli siyang pinaghahagkan ng kanyang inay. Masayang-masaya ito gano'n din ang tiyahin niyang nakahawak naman sa isa niyang kamay. "Salamat po, Diyos ko. Maraming salamat po." naibulong niya. NAKAKAGALAW na siya. Wala na ang mga kawad na nakadikit sa kanyang katawan. Ang natira na lamang ay ang nakaprotekta sa kanyang leeg. Nakakapaglakad na rin siya sa palibot ng kanyang silid. Matiyaga namang nakaalalay ang kanyang inay at tiyahin. Naging pangalawang tahanan na nila ang apat na sulok na iyon ng kanyang silid. Maliit na silid na napupuno ng halakhakan at mga biruan. Maliit na silid na nakasasaksi sa kaligayahan niya kasama ng inay at ng tiyahin. Madalas din ay bumibisita sa kanya ang isang napakabait na pilantropo at mga kasama nito upang payapain ang kanyang puso at isip bunga ng trauma sa napagdaanan niyang sakuna. Gano'n din ang ginagawa ng mga ito sa iba pang pasyenteng naka-admit sa hospital na 'yon, gaya niya. Naging madali para sa kanya ang maka-recover, sa isip at sa katawan. Nang malakas na at masigurong wala ng iba pang komplikasyon ang naganap na aksidente sa kanya ay humanda na sila sa paglabas ng hospital. Naisipan niyang lumabas ng kanyang silid matapos magpaalam sa ina. Ang tiyahin naman niya ay nasa ibaba ng hospital upang bayaran ang natitira pa nilang bayarin. Tuwang-tuwa ito nang malamang halos bayad na ang lahat dahil sa pag-aambagan ng mga taong tumulong sa kanyang pagkakahospital. Magaan ang pakiramdam niya. Masaya siya na sa wakas ay magaling na at magpapalakas na lamang. Nasa tapat siya ng pintuan nang mapatingin sa katapat na silid. Hindi niya maipaliwanag kung bakit nakadama siya ng lungkot habang pinagmamasdan ang nakapinid na pinto; ng pangungulila gaya nang naramdaman niya noong namatay ang kanyang lola. Napabuntong-hininga siya.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD