Ang Pasilyo
NAGPATULOY siya sa mabagal na paglalakad habang pinapahid ang luhang tumulo sa kanyang pisngi.
May nakita siyang isa pang nakabukas na pintong higit na maliit kaysa unang pintong pinasukan niya. Napalingon siya nang may boses na tumawag sa kanya.
"Saan ka pupunta, Milagros?" Tanong ng lalaking nagpakilalang Castiel. Hindi siya nakasagot. Ano nga ba ang isasagot niya kung siya man ay hindi alam kung saan patutungo. Ngumiti na lang ito at sinabayan ang mabagal niyang paglakad. Nalaman niyang isa itong tagapagmasid, na ilang daan libong taon nang naging saksi sa lahat ng pangyayaring naganap sa daigdig.
Ayon kay Castiel, nasaksihan daw nito ang pagbuo at pagkawasak ng maraming kaharian at mga bayan; ang pagdating at pag-alis ng mga delubyong kumitil sa buhay ng napakaraming tao; ang mga sakuna, trahedya, pagtangis, at pagdurusa, at marami pang iba. Wala raw itong maaaring gawin kung hindi ang manood lamang sapagkat iyon ang tungkuling iniatang ng Ama.
"Alam mo ba Milagros, kung gaano ako nananaghili sa inyong mga tao?" sabat ng isang lalaki.
Sabay silang napahinto ni Castiel sa paglalakad at napatingin sa gawing gilid na pinanggalingan ng tinig.
"Siya si Uriel." Pagpapakilala ni Castiel sa lalaki nang ipaling niya dito ang nagtatanong na tingin.
Hinarap niya ang lalaki, at tinugon ang tanong nito sa pamamagitan ng pag-iling.
"Ang ibig sabihin ng aking pangalan ay Ang Diyos ang aking buhay. Tungkulin ko ang magbigay ng liwanag para sa katotohanan. Magbigay ng kaalaman sa nagugulong isipan upang maliwanagan at maiwasan ang makagawa ng mapaminsalang kapasyahan," paliwanag nito sa kanya.
Bahagyang naningkit ang mga mata niya at iniintinding pilit ang kahulugan ng sinasabi nito.
"Anghel, nananaghili? Ang akala ko sa mga anghel ay mabubuti at may malinis na kalooban. Ano ang ibig niyang sabihin? Hindi ko maintindihan," bulong niya sarili.
"Kaming mga anghel ay inatasan ng Ama ng kani-kaniyang tungkulin. Hindi kami maaaring magtanong kung bakit, kung para saan. Hindi kami maaaring sumuway sapagkat katumbas iyon ng aming kamatayan. Hindi kami maaaring magkamali sapagkat wala iyong kapatawaran." Sabi nito habang naglalakad nang paikot sa kanya.
"Samantalang kayong mga tao ay hinubog niyang siya ang kawangis. Hiningahan upang magkaroon ng buhay, ng pusong pumipintig. Nang makita ng Ama na naging malungkot ang isa na tinawag niya Adan kung walang makakasama ay humugot Siya sa tadyang nito at nilikha si Eba. Pinatira Niya ang mga ito sa Hardin kung saan ang lahat ng kakailanganin ay naroroon na. Subalit hindi naging sapat kina Eba at Adan ang pagpapalang ipinagkaloob Niya. Nagawa pa nilang sumuway. Binawalan na sila'y ginawa pa rin nila ang gusto. At sa halip na patayin, pinaalis lamang sila sa Hardin at binigyan ng pagkakataon upang magsisi at magbago. Ngunit ano ang nangyari? Nang dumami ang nilalang na kawangis, ang tao, lalong lumubha ang mga pangyayari. Ang sampung utos ng Ama ay muling sinuway. Ngunit nagawa pa rin Niyang magpatawad. Binigyan ang tao ng karapatang magpasya at makapamili. At ang bawat pagkakamali at paglabag ng tao ay walang sawa Niyang inunawa, pintatawad. Bakit nagagawa n'yo pang pagdudahan ang Kanyang pagmamahal? Hindi n'yo pa ba nararamdaman kung gaano kayo kamahal ng Diyos? Kung paano kami isa-isang inaatasan upang pangalagaan kayo at bantayan? Bakit nagagawa ninyong isisi sa Kanya ang pangyayaring hindi kaaya-aya samantalang kayo rin namang mga tao ang may gawa? Sa tuwing mayroon kayong suliranin ay saka pa lamang kayo lumalapit, saka n'yo lang Siya naaalalang kausapin, at pipiliting ipagkaloob ang inyong hiling? Nagagawa n'yo bang araw-araw magpasalamat sa mga biyaya at pagpapalang tinatanggap ninyo sa inyong buhay? Ano at hindi ninyo magawang maghintay? Bakit hindi ninyo maipagkatiwala sa Kanya ang inyong mga sarili? Higit Niyang alam ang makabubuti para sa inyo. Sapagkat ang nais Niya ay makasama kayong lahat sa Paraiso. Napakadakila ng pag ibig Niya para sa inyong lahat."
Hilam sa luha ang kanyang mga mata. Tumagos sa puso niya ang mga salitang narinig. Hindi na niya napansin nang magkatinginan ang dalawang lalaki. Tinapik ni Castiel ang balikat ni Uriel bilang pagbati dahil naisagawa nito ang misyong iniutos ng Ama.
May ilang minuto na ang nakalipas matapos ang pag-uusap sa pagitan nila nina Castiel at Uriel ay nananatili pa rin siyang nakatayo. Ramdam niya ang pamimigat ng kalooban. Kanina, nang marinig niya ang pag-uusap ng dalawang lalaki na inisip niyang ang Diyos at ang Diyablo ay nakaramdam siyang tila hiniwa ang kanyang puso. At ngayong narinig niya ang mga sinabi ni Uriel, nadagdagan ang hiwang iyon.
Huminga siya nang malalim upang lumuwag ang naninikip na dibdib. Pagkatapos ay muli siyang humakbang. Kung saan pupunta ay hindi rin niya alam.
Sa paglalakad ay nakakita siya ng isang malaking lagusan. Hindi na siya nagulat. Alam niyang hindi pangkaraniwan ang mga nangyayari at nasasaksihan sa napuntahan.
Nagpatuloy siya at maingat na pumasok sa loob. Tingin niya ay dalawang tao lang ang pwedeng makaraan sa pasilyong nilalakaran. Bahagyang liwanag lamang ang nakapapasok sa loob kaya dahan-dahan ang ginagawa niyang paglakad.
"Ano kaya ang nasa dulo ng lugar na ito?"
Nang maalala ang unang kalsadang nilakaran kasama ng lalaking sumundo sa kanya, ang kalsadan naglalaho ay agad siyang nag-alala na baka wala nang matutuntungan pabalik. Huminto agad siya at lumingon.
"Ano'ng… Paano'ng…?" Magkasunod niyang nasabi subalit hindi na nagawang dugtungan.
Nakikita niya ang dinaanan subalit tila napakalayo na gayong ilang hakbang pa lang ang nagagawa niya. At ang higit na gumimbal sa kanya, natuklasan niyang palusong pala ang pasilyo, patungo sa ibaba!
Nabalot ng matinding kilabot ang kanyang sistema. Bakit naging pababa ang nilalakaran niya? Samantalang nang makita iyon sa b****a ay pantay lang.
Naisip niyang maglakad pabalik ngunit tinitignan pa lamang ang papanikin ay nalulula na siya. Sa ilang pagkurap pa lamang ng kanyang mga mata, ang pasilyo ay naging napakatarik. Nagmistulang napakataas na padulasan. Lalo siyang nagulat nang mapansing kumikitid na iyon, na ang magkabilang dingding sa pasilyo ay sumikip, at sumisikip na rin sa kinatatayuan niya. Kung hindi siya aabante sa paghakbang ay maiipit siya, mapipi siya!
Nanginginig siya sa takot. Wala nang pagpipilian pa. Pikit-mata siyang humakbang, isa, dalawa. Gaya nang naging hinala, kung 'di niya itutuloy ang pag-abante ay maiipit nga siya. Humahabol sa kanya ang pagsikip ng dingding. Pasikip nang pasikip. Nagmamadali niyang ipinagpatuloy ang paghakbang... pababa, pababa na siya nang pababa!
Humahagulgol na siya sa tindi ng takot, ng kilabot. Nahuhulaan na niya kung saan siya papunta.