Impyerno
HABANG patuloy sa paghakbang ay patuloy din siya sa pag-iyak. Natitiyak niyang Impyerno ang nasa hangganan ng papasikip na pasilyong tinatalunton niya.
Higit niyang kilala ang sarili, alam niya ang mga nagawang kasalanan, malalaki, maliliit. Hindi initensiyon at mga sinadya. Naalala pa niya...
Nakaupo siya sa loob ng kapilya at nakikinig ng misa. Gusto kasi ng tiyahin niya ay regular silang nagsisimba. Dalawang beses sa isang linggo, kung minsan ay higit pa. Sumasama siya hindi dahil gusto niya. Napipilitan lang siya, pinupwersa lang sumama. Pakitang tao lang. Kunwari ay nakikinig siya upang 'di kurutin ng tiyahing katabi. Upang 'di mamura at masampal pagdating nila sa bahay. Ngunit kung siya ang masusunod, mas gusto pa niyang paglinisin na lamang siya sa bahay. Paglabahin na lamang nito ng naglalakihan at napakabibigat na kurtina at kobre kama.
Sandali na ng homily. Tangan ang mikropono, umalis sa likod ng malaking mesa sa altar ang pari at nagtungo sa gitna. Nakangiti nitong inilinga ang paningin sa mga taong dumalo sa misa.
Ngiti sa sulok ng kanyang bibig ang gumuhit sa kanyang mukha nang simulan nito ang pangangaral, ang pagsesermon. Nakaiinsultong ngiti at matalim na tingin ang ipinukol niya.
"Sinungaling!" Gusto niyang isigaw. Nangangaral ito gamit ang salita ng Diyos gayong ang sarili ay hindi naman nagagawa ang ipinangangaral. Namumuhi siya sa mga tulad nito. Mga huwad na propeta.
"Mukha kang pera! Bago ka magmisa ay kailangan magbayad muna ang gustong maipagdasal mo. Bago ka magbinyag upang maging kristyano ang isang sanggol ay magbabayad pa rin sa'yo. Kapag ikinasal naman magbabayad pa rin sa'yo. Kung mayroong nangangailangan ng basbas mo bago mamatay kailangan ay may panggasolina pa para sa'yo at kapag namatay na ay magbabayad pa rin bago ipasok ang ataul dito sa simbahan mo. Sa bawat pagwisik ng iyong banal na tubig ay pera ang kapalit."
Natatandaan pa niya nang maantala ang pagbabasbas nito sa naghihingalo niyang lola. Wala kasi siyang pampa gasolina. At nang mamatay ang lola niya ay pinagbayad muna siya bago naipasok ang mga labi nito sa simbahan. Nakita rin niya nang pasimple nitong hipuan ang mga kabataang miyembro ng choir, kung paano hagurin ng malisyosong tingin ang mga murang katawan. Doon mismo sa loob ng simbahan. Narinig din niya kung paano nito ipagtabuyan ang matandang ale na namamalimos sa harapan ng simbahan, ang ginawa nitong pagpitik sa punong tainga ng dalawang batang nagtakbuhan at nakatabig sa kahong lalagyan ng koleksiyon. Nakita niya rin ang pagpapasingil nito sa mga nagtitinda ng lobo, ng sorbetes, ng mga ibon at iba pa na dinadaan sa kunwaring donasyon. Ilang beses na ba niyang narinig ang pagmumura nito sa sakristang nagkakamali habang nagmimisa? At ang pinakabago, nakita niya itong kahalikan ang isang babaeng tagakuha ng ikapo. Pagkatapos ay pinagmamanuhan pa ito ng mga tao? Ang utos nito ay tila sa Diyos na magkakasala ang hindi susunod? Wala itong karapatang mag akay ng mga bulag, dahil pareho lamang silang mahuhulog sa hukay.
Palihim niyang minumura ang pari, pati nawang mga tagapaglingkod nito na mga nakabelo upang takpan ang mga sungay sa ulo. Unang-una na ang kanyang Tiya Dalen. Natatapos ang misa nang ni isa sa sinabi ng mga nasa harapan ay wala siyang inintindi. Mas napapansin pa niya ang mga nagsisimbang halos nakaluwa na ang mga dibdib at hita sa sobrang liit at igsi ng mga suot na damit. Ang mga mag-asawang may mga kabit na mga kumare at kumpare. Ang mga chismosa at mga sugarol na kakainin na lang ng mga anak ay itinaya pa sa sabong.
Ahh... walang mga kwentang tao na nagpapanggap na maamong tupa sa harapan ng rebultong kahoy na nakalagay sa sentro ng kapilya. Sila ba ang mga tunay na mananampalataya? Ang mga panalangin ba nila ang pinakikinggan ng Diyos nila?
At ako, hindi? Nasaan ang Diyos? Wala!
Sa naalalang nagawa at naging laman ng puso at isipan ay muli siyang napahagulgol. Hindi na siya nagtataka kung bakit ang pasilyong pababa ang natagpuan niya.
Sa ilang paghakbang pa ay naramdaman na niya ang unti-unting pag-init ng paligid. Ang magkabilang dingding ng pasilyong nakadikit na sa kanyang mga braso ay papainit na rin. Walang tigil sa pagpatak ang kanyang luha. Painit na nang painit. Alam niyang palapit na siya nang palapit. Pakiramdam niya'y nagliliyab ang buong paligid. Wala na siyang mapupuntahan pa upang takasan ang nakapapasong lugar na unti-unti na niyang natatanaw.
"Diyos ko," nasambit niya.
Kung makikita lamang niya ang itim ng sariling mga mata ay para itong dalawang bola ng apoy. Kitang-kita niya ang isang napakalawak na dagat na imbis na tubig, apoy ang bumabalong. Maging ang mga nakapaligid na maliliit na mga bundok ay nagliliyab din.
Natutop niya ng palad ang sariling bibig. Humagulgol siya na parang sa pamamagitan ng luhang aagos mula sa mukha ay mapupuksa ang apoy at mawawala ang init.
"Diyos ko. Diyos ko!" Paulit ulit niyang pagtawag sa Diyos.
Nataranta siya nang makita ang mga paparating. Dalawang nilalang na may mababangis na anyo. May mahahabang sungay at buntot, may hawak na matulis na salapang sa isang kamay at tanikala naman sa kabila.
"Mga dimonyo. Heto na, dumating na sila!'' sabi niya sa sarili. "Ayoko, ayoko. Hindi ako sasama sa inyo!" umiiling niyang sigaw.
Nangangatog ang buo niyang katawan sa labis na takot. Napaurong siya nang papalapit na ang mga ito, subalit napahinto rin agad nang malingunan ang ga hiblang pagitan ng tinutuntungan. Isang hakbang paurong na lamang at malalaglag na siya sa lumalagablab na dagat!
Nawalan na siya ng pag-asa. Hinintay na lamang ang pagsaklit na gagawin sa kanya. Natulala siya. Hindi makapaniwala. Nilampasan siya ng dalawang dimonyo at ng mga kasama pa nito. Parang... hindi siya nakikita?
Pinigil niya ang paghinga. Nag-alalang baka marinig siya. Magkasalikop na mga palad ang pinangtakip sa bibig sa paniniwalang hindi na siya maririnig pa ng mga dumaraan. Dilat na dilat ang kanyang mga mata. Kitang-kita niya ang mga taong nakagapos ng kadena at hinihila ng mga nasa unahan.
Hindi na niya namalayan na kusang humakbang pasulong ang kanyang mga paa. Sinusundan niya ang mahabang pila papasok sa loob ng impyerno. Nasiguro niyang hindi nga siya nakikita ng mga nilalang na nasa loob. Muli siyang nagtaka. Hinaplos pa niya ang magkabilang braso at balikat. Hindi na niya nararamdaman ang init na halos bumakbak sa nanghahapdi niyang balat. Tila nasa lugar ng pasyalan, dahan-dahan siyang naglakad. Nang mawala sa paningin ang mga taong sinusundan ay hinanap niya ang mga ito.
Isang maluwang na lagusan sa gawing kanan ang sinilip niya hanggang sa tuluyan nang pasukin. Kahindik-hindik ang tanawing kanyang namasid.