CHAPTER 8 - Bilanggo at Pagsagip

994 Words
Bilanggo at Pagsagip HABOL na niya ang hininga habang patuloy na hinahanap ang lagusan palabas, ang pasilyo papanhik. Pakiwari niya'y kinakapos na sa hangin ang baga niya. Tumatakas na ang lakas sa kanyang mga buto. Nangangalog na ang kanyang mga tuhod. Pakiramdam niya ay mabigat na ang kanyang mga paa, at naisin man niyang bilisan ang paglalakad ay hindi na niya magawa. Nahihirapan na siyang humakbang. Nakakapit na siya sa pader upang balansihin ang bigat, upang hindi tuluyang bumagsak. Muli siyang nakakita ng lagusan. Pumasok siya sa pagbabakasakaling iyon na ang hinahanap niya. Ngunit nabigo siya. Wala pa rin doon ang pasilyong dinanaanan kanina. Ang naroroon ay mga kaluluwang nakikipagbuno sa mababangis na hayop, na halimaw. Nasa loob ng napakalaking ruweda ang mga ito, sama-sama. Ang bawat isa ay may hawak na iba't ibang uri ng matalas at matutulis na patalim upang ipagtanggol ang sarili, upang labanan ang mga katunggali. Lumuluwa ang mga laman ng mga ito, tumatalamsik ang masagang dugo sa bawat pagtama ng kuko ng halimaw na kalaban. Napipilas na tila papel ang laman ng bawat tamaan. Kaliwa't kanan ang ginagawang pagwasiwas ng mga ito sa 'di maubos-ubos na kaaway. Kung may mapaslang man ay mapapalitan ng mas marami, ng mas mababangis na katunggali. Nakikipagsukatan ang mga ito ng galing, tapang at lakas sa mga kalabang patuloy na nagsasampahan. Walang puknat, walang humpay. Matira ang matibay. Kung matatalo sa labanan ng pakikipagpatayan ay kinakalakad ang mga ito palapit sa isang bangin na nagliliyab. Pagkatapos ay isa-isang itatapon sa naglalagablab na dagat. Sila ang mga taong kumikitil ng buhay. Mga walang awa kung pumatay. Mga taong ang katapangan ay ginamit upang maghasik ng karahasan at kaguluhan. Mga taong marahas at ang katapangang wala sa lugar ang ipinangangahas. Mga mapanakop at mapanakit. Mga sakim sa kapangyarihan at ang nais ay maghari-harian. Pumapatay upang balutin ng takot ang mga nasasakupan. Ang hindi mapasunod ay kinikitlan ng buhay. Mga may kapangyarihang ginagamit sa pananamantala. Mga walang pinangingimian sa paniniwalang sila ang may tangan ng batas. Walang pinanghihinayangang bumawi ng buhay na hindi sila ang may bigay. Mga taong pinatid ang sariling hininga sa pag-akalang ang solusyon sa mabigat na suliranin ay ang pagtakas. Mga tagapangalaga ng kalusugan na pumigil sa pagsibol ng munting sanggol sa loob ng sinapupunan. Gano'n din ang mga inang kasabwat upang kitlan ng buhay ang sarili ng mga dugo at laman. Mga unti-unting pumatay sa katawang lupa dahil sa paggamit ng mga mapinsalang kalayawang naging sanhi ng malalagim na trahedya hindi lamang sa sarili kung hindi maging sa iba. Sa lugar na ito ay hindi sila mauubusan ng papatayin. Hindi sila mawawalan ng makakalabang higit na matapang at malakas. Kahit nahihirapan ay ipinagpatuloy pa rin niya ang paglakad. Nadaanan man niya ang iba pang mga nakapila upang tumanggap ng walang hanggang kaparusahan ay hindi na niya inalam pa. Pakiramdam niya ay para siyang nauupos na kandila. "Ito na yata ang katapusan ng lahat. Dito na yata ako tuluyang mabibilanggo," bulong niya sa sarili. "Diyos ko. Patawarin mo ako. Tulungan mo ako, Diyos ko!" Habang unti'unti niyang nararamdaman ang pagtakas ng nalalabing lakas ay nagbalik ang alala niya sa nakaraan... "Huwag mo silang intindihin, apo. Kahit ano pa ang sabihin nila sa iyo ay 'wag mong papansinin. Ikaw ang regalo sa amin ng Diyos. Kung hindi ka dumating sa buhay namin ng iyong inay, malamang ay napakalungkot namin. Nang dahil sa'yo ay sumaya kami. Kaya huwag kang maniniwala sa kanila." Matiyagang paliwanag ng kanyang lola habang pinupunasan ang luha sa kanyang mukha. "Totoo po, lola?" Paniniguro niyang tanong habang humihikbi. Nang tumango ito ay niyakap na niya nang mahigpit. Nakangiti na siya ng tingilain ang mukha nito. Mahal na mahal niya ang kanyang lola. Ito ang nakasama at nakagisnan niyang nag-aalaga at nagpapalaki sa kanya. Ang kanyang inay ay namamasukan bilang kasambahay sa isang mayamang pamilya. Dalawang beses lang sa loob ng isang buwan kung ito ay makauwi. Kahit madalas na wala ang ina at hindi niya nakakasama nang matagal ay hindi na siya nagtatampo dahil sa pagpapaliwanag ng kanyang lola. Naniniwala siya sa mga sinasabi nito. Kapag may sugat siya, huhugasan lang ng lola niya nang maligamgam na pinakulong dahon ng bayabas tapos sasabiin sa kanya, "Mamaya lang hindi na yan masakit, at bukas magaling na ang sugat mo,apo." ay nagkakatotoo nga. Kapag masakit na masakit ang tiyan niya ay papahiran lang nito ng laway na pakrus ang tiyan nya. Tapos ay padadapain siya na nakaangat ang puwit at papaluin nang bahagya tapos sasabihin sa kanya, "Mayamaya lang ay mauutot ka na. Mawawala na ang sakit ng tiyan mo, apo." at magkakatotoo nga. Kapag may sakit siya ay pinupunasan siya nito ng maligamgam na tubig. Tapos susubuan siya ng lugaw. Paiinumin ng gamot at sasabihin sa kanya, "Gagaling ka na, apo." at nagkakatotoo nga. Hindi ito nagsisinungaling sa kanya. Kaya buo ang paniniwala niya sa kanyang lola. Hindi siya takot sa dilim kasi ang sabi nito sa kanya, sa t'wing makakaramdam siya ng takot ay magdadasal lang siya ng taimtim. Hihilingin lamang niya sa Diyos na magpadala ng mga anghel para bantayan siya at iligtas sa kapahamakan. Nagkakatotoo nga, nakakauwi siyang ligtas. Bago mamatay ang lola niya ay nagsabi sa kanya na babantayan siya kahit nasa kabilang buhay na ito. Naniwala pa rin siya. Pero nagsinungaling lang pala ito sa kanya. Hindi siya nito binantayan kaya paulit-ulit siyang nagahasa ng kinakasama ng Tiya Dalen niya. Hindi rin siya binantayan kaya madalas siyang magulpi. Nagsinungaling ito sa kanya. Umagos ang kanyang luha nang maisip ang lola niya. "Lola..." Mahina niyang pagtawag habang patuloy sa pag-iyak. Napamaang siya nang may maaninag na liwanag. Pilit niyang idinilat ang mga mata. Sa nanlalabong paningin ay nakita niya ang kanyang lola na bumababa galing sa taas. Nakangiti ito sa kanya habang inaabot ang kanyang kamay. "Halika na, Milagros. Oras na upang lisanin ang lugar na ito." "L-Lola?" Nakangiti niyang sabi habang inaabot ang kamay na nakalahad sa kanya. Napangiti siya hanggang sa tuluyan nang mawalan ng malay.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD