CHAPTER 9 - Morning Star

1055 Words
Morning Star PABALIKWAS siyang bumangon nang magkamalay. Wala na siya sa loob ng impyerno. "Diyos ko, maraming maraming salamat po!" umiiyak niyang sabi. Inilinga niya ang paningin sa pagbabakasakaling makita ang lola. Ngunit walang ibang naroroon kung hindi siya. Bago pa tuluyang nawalan ng malay kanina ay nakita niya ang nakangiti nitong mukha. "Lola..." naibulong niya. Naiyak siyang muli. Naniniwala siyang tinotoo nito ang sinabi sa kanya. Nagbuga siya ng hangin upang guminhawa ang bagang nagbara nang nasa loob pa siya ng impyerno. Muli ay nakaramdam siya ng kilabot nang maalala ang nasaksihang pagdurusa ng mga kaluluwang nandoroon. Ipinilig niya nang ilang ulit ang ulo. Para bang sa pamamagitan niyon ay maglalaglagan ang mga nakapaninindig balahibong nakita. Na para bang sa pamamagitan niyon ay magtatalsikan palabas sa loob ng kanyang tainga ang nakatutulig na panaghoy at pagtangis na narinig. Pagkatapos nang ilan pang sandali ay muli niyang inihakbang ang mga paa sa direksyong hindi niya alam kung saan papunta. Nasa gitna siya ng isang napakalawak na disyertong may pino at puting buhangin. Nagkakaroon ng mababaw na bakas ang kanyang mga paang nakatuntong sa ibabaw. "Anong lugar kaya ito? Meron pa kayang ibang naririto maliban sa akin?" Nang tumingala siya ay nakita niya ang malawak na ulap. Pakiwari niya'y kaya niya lang abutin. Napakaganda ng bughaw nitong kulay. Napangiti siya. Nagulat siya nang may magsalita. Nalingunan niya ang isang lalaki. Maganda ang tindig at napakakisig. Ang boses nito ay mapanghalina at kaysarap sa pandinig. "Napakaganda hindi ba?" Nakangiti nitong tanong habang nakatingala at nakangiting pinagmamasdan ang tinitignan niya. Bahagya pang napanganga ang kanyang bibig. Napagkit ang kanyang mga mata sa mukha ng lalaki. Nang luminga ito sa gawi niya ay bahagya pa siyang nagulat. Napalunok siya. "Ang sandaigdigan ang huling nilikha ng Diyos na walang kapintasan," sabi nito. "Nilikha Niya ito upang matirhan ng taong Siya rin ang gumawa. Mga taong labis Niyang iniibig at pinahahalagahan. Kaming lahat na anak Niya ay inutusang mahalin ang tao higit pa sa pagmamahal namin sa Kanya. Tao muna bago Siya." Mapait ang tinig na sabi nito. Napangunot ang kanyang noo sa narinig. "Kagaya rin kaya ng sinabi ni Uriel ang gustong sabihin ng lalaking ito sa akin?" tanong niya sa sarili. "Ako ang tagapagdala ng liwanag. Mahal na mahal ko ang Ama higit kanino man. Hindi ko magagawang mahalin ang tao ng higit sa Kanya," sabi uli nito. Nakikinig lamang siya Hindi pa rin niya maintindihan ang mensaheng gustong sabihin ng kaharap. "Mahalin ko ang tao ng higit pa sa aking Ama? Hindi. Hindi ko kayang sundin ang utos Niya. Ayoko!" sigaw nito. Napaurong siya. Natakot sa biglang pagbabago ng inaasal nito. Tumalim ang mga mata nito at nagngangalit ang mga panga. "Nang hindi ko sundin ang utos ng aking Ama ay itinuring na akong kalaban ng aking mga kapatid, at ipinatapon ako mula sa langit! Hindi ko alam kung bakit gano'n na lamang ang pag-ibig ng Ama sa sanlibutan. Kung bakit mahal na mahal Niya ang mga taong puro makasalanan, ang anim na bilyong taong sumisira sa sandaigdigan na Kanyang nilikha. At pagkatapos ay isinisi sa akin? Ako ba ang gumawa ng gano'n? Hindi! Kundi kayong mga minamahal Niya nang labis. Kayong mga tao ang may kagagawan ng pagkawasak ng mundong nilikha Niya para sa inyo! Ako? Laging sa akin ang sisi. Sa akin Siya nagagalit. Bakit hindi kayong mga tao ang kagalitan Niya?! Bakit laging ako?" Galit na galit nitong sabi habang sinusundan ng paghakbang pasulong ang pag-atras niya. Natatakot na siya. Namumula sa galit ang mukha ng lalaking kumakausap kaniya. Wala itong pinagkaiba sa isang batang nagmamarakulyo at nagrerebelde laban sa magulang at mga kapatid. Nang hawakan nito ang braso niya ay naramdaman niya ang malamig nitong palad. Malamig ang katawan nito. "Bitiwan mo si Milagros, Lucifer!" sigaw ng isang lalake. Mabilis niyang nilinga ang nagsalita. Napanganga siya nang makita ang isang makisig na lalaking maotoridad at mandirigma ang bihis at anyo. "Miguel, kapatid ko!" nakangising bati ni Lucifer. Nagitla siya nang mapagsino ang dalawa. "Kung gano'n ang isang ito ay si Lucifer at ang lalaking bagong dating ay si Miguel...arkanghel!" Binitiwan siya ni Lucifer at hinarap nito si Miguel. Napaatras siya nang makitang nag-iikutan na tila magpapambuno ang dalawang nag-uusap. "Hindi tayo dapat mag-away, kapatid. Nasasaktan ang kalooban ko sa ipinakikita mong pagkamuhi sa akin. Sinasabi ko lang naman kay Milagros ang katotohanan." "Katotohanan? Isa kang sinungaling Lucifer! Nililinlang mo ang tao upang sumuway sa Ama. Ang tulad mo ay sadyang hindi nararapat tawaging anak ng Ama!" Humalakhak si Lucifer. "Ako, sinungaling? Nililinlang ko ang tao? Nagkakamali ka, Miguel. Ang sinasabi ko lamang sa kanila ay kung ano ang gusto nilang marinig. Lagi silang naghahanap ng wala. Ang ginagawa ko lang ay ituro ang gusto nila. Marami silang nais makuha subalit mabilis mainip at ayaw nang naghihintay. Ibinibigay ko lang naman ang gusto nila nang hindi na kailangang maghintay." "Nililinlang mo ang tao. Ibinubulid mo sila sa kasamaan upang maging mga kampon. Hindi ka magtatagumpay sampu ng iyong mga alagad!" Muling humalakhak si Lucifer. "Magkaiba talaga tayo, Miguel at ang iba pang anak ng Ama. Ang ginagawa lamang ninyo ay tupdin ang iniutos sa inyo. Hindi kayo nagrereklamo. Hindi ninyo itinatanong kung bakit, ano ang dahilan at para saan. Nagawa mo na bang tanungin ang Ama na iyong pinaglilingkuran?" Panunukso ni Lucifer. "Ang Ama ang nakaaalam ng lahat. Siya ang pinakamakapangyarihan sa lahat. Ang buong tiwala ko at katapatan ay sa Kanya lamang. Hindi tayo magkatulad. Ang nais mo ay sumuway!" "At bakit ko mamahalin ang tao? Higit silang dapat patawanan ng kaparusahan. Mas madalas silang magtanong, mas madalas silang mag alinlangan sa Ama, mas madalas ang pagsuway nila sa kautusan. Lahat sila ay masasama. Bakit sila pa ang pinakamamahal ng inyong Ama?" Galit na galit na sigaw ni Lucifer. "Nagkakamali ka, Lucifer. Higit na marami ang nagpupuri at sumusunod sa kalooban ng Ama. Karamihan sa nalinlang mo ay muling nakasumpong at nagbabalik loob sa Kanya. Higit na marami ang nagpapatotoo sa dakilang pag-ibig ng Diyos sa sanlibutan. Ilang ulit ka na bang sumubok subalit 'di ka nagtagumpay.? Ako, kasama ng mga arkanghel at buong pwersang mandirigma ay hindi titigil upang puksain ang iyong kasamaan!" sigaw rin ni Miguel. Nakaramdam siya nang hilo sa tila pag gigirian ng dalawang lalaki. Hanggang sa tuluyang bumagsak sa kinatatayuan. Hindi na niya namalayan pa ang sumunod na pangyayari.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD