Chapter 1
Walang alarm ang gising ko kinaumagahan kaya napasarap at tinanghali ako. Linggo naman at walang pasok kaya ayos lang.
Nagluto akong umagahan at nakitang tatlong itlog at isang sardinas na lang ang nasa cupboard. Isa pa, maglalaba ako ngayon at maglilinis ng bahay. Binalikan kong muli ang isang libong tip ko kahapon atsaka nagpasyang mag-grocery ngayong maluwag.
"Miss, wala bang mas mura dito?" tanong ko sa saleslady habang hawak ang isang lata ng sardinas.
Dinampot niya iyon at tinitigan ang presyo nang tagilid ang labi. "Iyan na lang pinakamura, ma'am."
"Gano'n ba? Sige, thank you!" Napakamot ako sa ulo pero shi-noot din sa basket na hawak ang latang tumaas ng dalawang piso at singkwenta sentimos.
Puros pangangailangan ang binili ko at kung maaari ay sa pinakamurang halaga. Nagtitingin ako ng napkin nang tumunog ang cellphone ko. Binuksan ko iyon upang makita ang isang message galing kay Ate Yllana.
Ate Yllana:
Good morning! Kita tayo sa bistro. I'll fetch you. Mall tayo.
Mall? Umarangkada ang pagkukwenta sa utak ko bago dinutdot ang keypad.
Ako:
Kaunti lang pera ko, e. Sa susunod na linggo na lang. Hehe.
Ayoko naman kasing aksayahin kaagad ang one thousand na nahawakan ko. Pambaon ko pa 'yan hanggang sa susunod na buwan. Buti nga at fixed na.
Kinagat ko ang labi habang binubuksan ang dumating na reply ni Ate.
Ate Yllana:
No worries! Libre kita. Go! Take care.
Nang mabasa ito ay tumingin-tingin ako sa paligid na para bang may manghuhuli sa akin. Pupunta ba ako? Nahihiya yata ako dahil nang nakaraang Linggo ay siya nanaman ang naglibre sa akin. Binilhan pa ako ng mga damit at pantalon na pang-college ko.
Ako:
Okay!
Nalukot ang mukha ko. Bibirahin lang ako ni Ate Yllana ng pilit kapag hindi ako pumayag. Isa pa, kailangan ko naman siguro ng signipikanteng tao sa buhay ko.
Matapos mag-grocery ay bumalik na ako patungo sa apartment muna. Iniwan ko ang pinamili do'n saka naglakad na patungo sa bistro. Tanaw ko kaagad ang silver na sasakyan habang si Ate Yllana ay nakahilig sa isa sa mga billiard table na nasa labas.
"Hello, Chrissy!" Lumapit siya sa akin at ngumiti.
Nahihiya akong ngumiting pabalik.
"Hi..." Patagilid-tagilid ang labi ko.
Hindi tulad ng akin, morenang balat ang yumayakap kay Ate Yllana na tumitingkad lalo sa katanghalian at sa suot na yellow sundress. Straight ang kanyang buhok na pwede ko ngang panalaminan. Malalaki ang kanyang mga mata at mahahaba ang pilik-mata. Ang kanyang figure ay perpekto pa. Nahihiya nga akong tumabi.
"Mamaya pa naman ang shift mo, 'di ba? Okay lang 'to." Kumuha si Ate Yllana ng kanyang natipuhang blouse atsaka shi-noot sa cart. Habang bumubuka ang kanyang labi habang nagsasalita ay nakikita ko ang mukha ng aming Mama sa kanya.
"Okay lang," kibit-balikat ko.
Tumango siya ngunit nang makitang iisa pa lang ang nagustuhan kong damit ay sumimangot. Hiyang-hiya ako nang bilhan niya ako ng tatlong tshirt atsaka isang dress tapos isang pantalon na mamahalin lahat ang tatak.
"Hindi kita mababayaran..." Kinagat ko ang labi habang nagi-iswipe na siya ng kanyang credit card.
"Hindi mo naman kailangang bayaran. Ito naman!" Pinalo niya ako sa balikat saka binayaran na ang tumpok ng mga damit namin.
Bumuntong hininga na lang ako at sumunod sa kanyang gusto. Medyo nakakaasiwa lang dahil hindi kami ganoon ka-close, at dahil magkaiba ang aming apelido. Ang apelido niya'y sa totoong asawa ng aming Mama, at ako ay kay Papa dahil ayaw ni Mama ng eskandalo sa kaniyang pamilya.
Nagpasiya si Ate Yllana na dumiretsong sikat na coffee house matapos mag-shopping. Nagbayad ako ng akin at buti naman ay pumayag na si Ate Yllana roon.
"Wala ka bang napapansin sa'kin, Chrissy?" Sumisipsip siya at ang simpleng aksyon na iyon ay nakakakuha ng atensyon ng ibang tao sa loob.
"Uhm, maganda ka?" Ngumiti akong pabiro. Totoo iyon! Ito ay head turner!
Umiling siya na ngayon ay nakangiti na. "Guess again! Bola ito."
Tumingala ako sa pag-iisip. Kanina pa nga siya nakangiti at may kakaibang aura sa katauhan. Buti pa ang isang 'to, walang iniintindi sa buhay.
"Buntis ka?" sabi ko. "Joke lang!"
Tumawa si Ate Yllana at nadinig ko ang mga nagkakantahang anghel. Itinaas niya ang kaliwang kamay at pinakita ang morenang kutis ngunit ang nakakaagaw pansin ay ang isang malaking batong kumikinang na nakapagkit sa singsing.
"Engaged..." utas niya.
Oh! Engaged? Hindi ko alam na may boyfriend pala siya? Ikakasal na ito! Wala kasi siyang kinukwento sa akin kapag lumalabas kami.
"Hey, don't be sad! Basta mahabang kwento. You'll meet him someday." Tumango-tango si Ate Yllana sa akin.
"Sige..." Tumango lang din ako.
Habang papauwi ay kinukwento niya sa akin ang istilo ng kasal. Ako raw ang maid of honour ngunit tumanggi ako kahit nakakahiya dahil mas lalong nakakahiya kapag nakita ako ni Mr. Alejandre na naroon!
"Masama ang tumatanggi," paalala sa akin ni Ate.
Dumaan ang mga araw ay ganoon pa rin naman ang takbo ng buhay ko. Sa umaga ay mag-aaral sa university saka sa gabi ay nagtatrabaho. Umaasa ako sa mga tip ng mga customer pero ang isang libo ay parang pagsagot lang sa hiling ko. Matapos noon ay balik sa dati na ang mga tip na barya at sukli.
"Chrissy! Aga mo!" Sumalubong ang isang nag-bububble gum na Mirna sa'kin nang pumasok ako. Sumilip sa mga dala kong paper bag. "Forever 21! Nilibre ka nanaman ng ate mo?"
"Oo..." Nilagay ko ang mga plastic sa locker saka kumuha ng malinis na uniporme. Pumasok na ako sa loob ng cr saka nagpalit doon.
Sinundo kasi ako ni Ate kanina sa university saka inaya akong mag-mall saglit gayong siya nanaman ang sumasagot sa lahat ng gastusin. Nahihiya na ako.
"Ang yaman niyo talaga! Hindi ka na lang magpa-ampon..." Halos pareho sila ng sinabi ni Lucy kanina.
Lumabas ako nang may bahid ng iritasyon sa mukha. "Ayoko, Mirna. May buhay na ako dito, nakakatawid naman ako. Okay na 'yung minsan akong dinadalaw ng mga kapatid ko."
Hindi ako tatapak sa bahay na turing sa akin ay isang kahihiyan o salot sa pamilya. Alam kong ang mga katulad namin ay mga mga inaalipusta sa tahanan o pinagkakaitan pero natuto na ako sa gawi na tumayo sa sariling paa dahil wala namang ibang tutulong sa'yo kun'di ang sarili mo.
Nagkibit-balikat ito sa akin at umalis dahil may umupo na sa kanyang mga tables.
Bumuntong hininga ako atsaka inayos na ang sarili. Dumampot ako ng maraming menu nang makitang isang grupo ang umupo sa table ko.
"Mukhang mayayaman natatapat kay Chrissy," puna ni Kirt habang nakasilip sa window.
Napailing ako sa kanya pero nagmasid din. Sana ay malaki ang tip ko! Habang papunta roon ay nabunggo ako nang isang kasamahan.
"Aray! Ang tanga mo kasi!" Suminghal si Jamel sa akin, masama ang titig dahil mukhang mayaman itong natapat sa'kin.
Napanguso ako. Tumuloy na ako sa table.
"Good evening po! Menu niyo..." ngiti ko sa kanila. Nilahad ko ang menu. Halos silang lahat ay mestizo pwera lang sa dalawang mukhang magkapatid.
"Good evening too!" Sumagot ang isang lalaking taas-taas ang buhok saka may dyamante ang isang tenga.
Pinuno siya ng asaran ng kanyang mga kasama hanggang sa maka-order sila. Napanguso ako.
Pinagkit ko ang sticky note sa window at napailing sa halos isang case ng alak. Mainit ang pakiramdam ko at muling sumulyap sa grupong natapat sa'kin.
Nagtatawanan sila at medyo maingay na pinagtitinginan sila dahil sa hitsura at buga. Nakakatuwa naman dahil para silang pinagsabugan ng katikasan.
Napakunot ang aking noo nang dumapo ang tingin sa iilan sa kanilang mga miyembro. May pamilyar na mukhang pinasadahan ng kamay ang clean cut nito. Kumindat sa ere ang Rolex na minsan ko pa lang nakita sa tanan ng aking buhay.
"Hindi ba 'yan 'yung nagbigay ng isang libo sa'yo dati?" Hindi ko alam na pati si Mirna ay nakatingin.
"Oo..."
Siya nga!
Depina ang panga nito kaya mas magandang anggulo ang leeg. Square ang kanyang balikat na para bang laging nasa gym. Isa siya sa lalaking hindi mestizo at parang siya ang mas matanda sa isa. Hindi tulad ng karamihan ng kanilang buhok na taas-taas, ang kanyang ay clean cut at walang bahid ng pagiging rebelde. Mukha itong strikto gaya na lamang ng kanyang unang pagpunta rito.
Humilig ako sa counter habang may sinusulat ngunit napapasulyap sa matangkad na lalaki. Seryoso ang kanyang mga mata at hawak ng dalawang daliri ang mga labi. Pumitik ang tingin niya sa akin habang nakikipag-usap pa rin. Nilagok niya ang casual beer habang sumisilip pa rin gamit ang masusungit na mga mata.
Napaawang ang aking labi. Mabilis ko itong isinarado.
Bumilang ako ng sampu pababa hanggang sa kumalma na ang aking kumakabog na puso. Ano na ang nangyari doon?
Pinilig ko ang ulo. Inayos ko ang aking pagkakatayo. Saktong nagbell naman na kaya kinuha ko na ang orders. Masama ang titig ni Jamel sa akin. Binalewala ko siya.
"Si Judah, wala! Nagpa-bachelor party!" Humalakhak ang isang lalaking medyo kulot ang buhok.
Nalalapit na ako sa kanilang pwesto at isa-isang nilapag ang kanilang mga pinili. Naiisip kong ito talagang bistro ang pinili nila gayong mas maraming nababagay sa kanilang mga pera. Napailing ako at nag-angat ng tingin sa kanilang bahagya.
"Busy 'yon. Probably with his girls..." Kumintab muli sa mga mata ko ang Rolex. Nag-inat ang lalaki kaya mas lumalalim pa ang nang-aakit naboses nito.
Pitpit ang aking labi habang tinatapos ang gawain ngunit parang nanlalambot sa malapitang titig ng lalaking ito. Gumagawa ng mga ikot ang isa niyang daliri sa table. Sumandal ito sa upuan kaya mas naipakita ang lapad ng dibdib.
Pinigilan ko ang pagpikit ng mariin. Nanginig ang mga kamay ko sa hindi malamang kadahilanan. Kamuntik ko nang mabitiwan 'yung mangkok! Ngunit humawak kaagad sa'king pulsuhan.
"Careful, miss..." Tinaasan ako ng kilay ng lalaking kanina ko pa piangmamasdan.
Kinagat ko ang aking labi. Mas lalong nanlambot sa hiya ang aking tuhod!
Nagpasalamat akong hiyang-hiya at nagmamadali nang umalis. Pulang-pula na siguro ang pisngi ko. Mabilis ang arangkada ng dibdib! Ano ba 'tong nangyayari, Cristina?
Sumisinghap ako habang pabalik. Inirapan ako nang nasabayang si Jamel. Tuloy-tuloy ako sa paglalakad ngunit natalisod ang paa kaya bumagsak sa sahig at naramdaman ang isang malamig na bagay sa dibdib ko.
Shit! Ang lamig!
"Ay! Sorry! Hindi ko sinasadya!"Pekeng-peke ang awa sa boses ng walang hiyang si Jamel!
Napahinto ang iba sa kanilang pagkain upang tingnan ang nangyari. Napanganga ako. Pinagmasdan ko ang puting blouse na ngayon ay bahagyang kulay dilaw dahil sa alak na nakalagay sa pitcher na basag na ngayon.
Hinanap ng mga mata ko si Mirna ngunit natagpuan ang mga matang isang kulay asul na ubod ng dilim. Naghahalakhakan ang kanyang mga kasama. Nangalumbaba sa table ang matindig na lalaki. Dahan-dahan ang pag-usbong ng matamlay na ngisi sa kaniyang bibig.
Walang gumalaw para tulungan ako. Nasilaw pa ako sa nag-flash. Sana ay kainin na lang ako ng lupa!