15
MAG-IISANG LINGGO na simula ng huli kong makausap si kuya. Nagpapasalamat ako na hindi nga kami masyadong nagkikita. Pero hindi ko mawari sa sarili, kung bakit may isang bahagi sa akin ang hindi mapalagay. Lalo na sa madalasang paglapit at paghahatid pagkain ni Erin sa kwarto ni kuya.
Alam kong dapat wala na akong pakialam sa anuman ang namamagitan o nabubuong pagkakaibigan sa kanilang dalawa, pero nagugulo ang aking isipan.
Netong mga nakaraang araw, madalas akong samahan maglaro ni Erin. Nagbago ang lahat ng iyon matapos ng nakaraang araw kung saan naririnig ko silang naguusap ng masinsinan ni ate Trina, pero hindi ko naman pinakinggan ang kung anong bagay na pinag-uusapan nila. Sa pamamalagi niya dito, isa rin ang napansin ko, bagamat ate ko rin si Erin, nahihirapan akong bansagan siya bilang ate. Siguro malayo loob ko sa kanya? Kaso parang ako lang talaga ang problema...wala naman siyang ginawa sa akin.
Isang araw, sa hindi ko kagustuhan, nakapakinig ako ng kanilang pag-uusap muli ni ate Trina habang patungo sa likuran ng mansyon kung saan sila naglalaba. Sa pagkakataong iyon, tuluyang napukaw ang aking atensyon lalo na sa nabanggit na pangalan.
"Hindi naman kalakihan ang agwat namin. Nineteen ako at mag-seseventeen na siya...,"
“Tigilan mo nga ako Erin. Hindi ako natutuwa sa biro mo. Atsaka alam mong anak yan ng amo natin. Ke-bata-bata nagugustuhan mo,”
“Bakit? Crush lang naman. Parang ikaw hindi lumandi,”
“Aba! Pasalamat ka at kamag-anak kita!”
“Wala kang magagawa Trina. Pinalaki ako sa puder ng isang p*kpok. Malamang ay bukas na ang isipan ko sa ganito. Nanay mo nga pumatol sa lalaking pwede na niya maging tatay may nasabi ba ako?”
Napatikhim si ate Trina bago sipain ang labada ni Erin dahilan para muling madumihan ang mga damit at mukhang mapipilitan siyang ulitin ang pagbanlaw.
“Napaka-g*ga ng ugali mo!” Sigaw ni Erin pabalik.
Pinagkrus ni ate Trina ang kamay. “Alam mo ang bastos ng bunganga mo! Wag mo akong binibiro-biro pag ako napuno baka mapalayas pa kita dito! Tandaan mo ako ang nagpasok sa iyo!” Sigaw nito pabalik bago magmartsa paalis.
Imbis na magpatuloy, dahan-dahan na lamang akong bumalik sa loob ng mansyon.
SUMUNOD NA ARAW, nadatnan ko si ate Trina na nagliligpit ng mga kinainan. Alam kong medyo may lamat pa ang relasyon nila ni Erin dahil kung dati madalas ko silang nakikitang magkasama ngayon ay parang hindi na. Kaya ako na lang ang nag-kusang loob na tumulong sa kanya. Kahit saang anggulo, naalala ko sa kanya si ate Tracy kaya kahit sa ganitong paraan, naaabala at napapasaya ko rin ang sarili. Tahimik ko siyang tinulungan sa pagsamsam ng mga plato sa nararapat na lagayan. Mahina akong pinasalamatan ni ate sa kalagitnaan ng aming gawa.
“Thank you Rose, pero baka makita ka ni madam kumikilos,”
“Laking mahirap lang naman ako. Alam kong maiintindihan ni mama na gusto ko ring kumilos. Alam naman niyang naiinip ako sa kwarto,” Nakangiti kong banggit sa kanya.
Wala na siya naging salita kundi ang ngiti.
Umuulan muli ngayon. Kaunti na lang ay iisipin kong may kinakasal na tikbalang. Iyon ang sabi sa akin ng mga kaibigan ko sa bahay-ampunan kaso naalala ko may araw na kalakip ang ulan. Walang araw ngayon, kaya tila palabas sa dekada nobenta, bagay na madalas sa aming ipanood sa ampunan, parang ganun ang eksenang sumunod. Hindi ko kasi inaasahang makita na naman si Erin. Bigla kong naalala ang madalasang pang-aabala niya kay kuya tuwing kakatok siya para lang maghatid ng isang baso ng tubig.
Nasa sala kami ngayon at nakita ko siyang naglalagay ng makeup sa mukha. Alam ko naman para kanino siya nagpapaganda kaya sa puntong iyon hindi ko na mapigilan pang magsalita.
“Bakit ka palaging pumapasok sa loob ng kwarto ni kuya?”
Bilang batang wala ng nagawa kundi ang mapansin ang nasa paligiran ko. Hindi ko na napreno ang aking bibig sa pagtatanong.
Kumunot ang kanyang noo. “Pakialam mo ba?” Aniya.
Gusto kong tanungin ang sarili kung bakit ganito ang nararamdaman ko. Wala masyadong ganap sa buhay ko, na dapat ipasalamat ko pa nga. Tutal ito ang hiling ko.
“Pwede ba manahimik ka na lang? Inggit lang? Atsaka nagseselos ka ba?” Dagdag niya pa.
Bahagya akong nagulat sa mga sinabi niya. Sino ba siya para masabihan ako ng ganyan? Hindi ako tulad niya.
“Hindi ka ba nahihiya sa sarili mo? Mas bata si kuya sayo...atsaka alam mong katulong ka lang dito. Anak pa rin siya ng amo mo,” Mapangahas ang dating ng salita ko, isang bagay na malayong malayo sa karakter ko. Kaso naging epekto na rin ata niya sa akin ang ganitong klase ng pananalita, sabi nga sa laro gayahin mo ang inahing manok.
Marahang tumawa si Erin. “Alam mo ang galang ko sayo ng una...buong akala ko kasi anak ka dito. Isa ka lang palang sampid na maswerte,”
Hinawakan niya ang dulo ng aking buhok at marahan iyong hinila. Napabulyaw ako sa ginawa niya.
“Ano naman sayo kung mas matanda ako sa kuya mo?”
Tinitigan ko siya ng may bahagyang galit. Pero kahit anong gawin kong tapang-tapangan, hindi naalis ang nakakalokong ngisi sa mukha niya.
“Sasabihin ko to sa kanya…” Pagbabanta ko pero hindi siya natinag. Mas lalo lamang lumapad ang kanyang ngiti.
“Magsusumbong ka? Bakit? Malapit ba kayo sa isa’t isa?”
Doon ako natigilan. Hindi ko alam kung ano ang sasabihin sa sobrang gulat. Miski ako natatanong yan sa sarili...ano nga ba ang relasyon namin kuya? Tinuturing niya ba akong kapatid o parang laruan lang?
“Wag kang umakto na parang inosente. Marami ng bata ngayon ang alam ang ginagawa nila...alam kong may nililihim kayong dalawa. May pa-rosas-rosas pa kayo. Ang corny mo,” Asik niya sa akin.
Totoo nga ang sabi ni ate sa kanya, masyado ng bastos ang bunganga ni Erin, kahit sino mawawalan ng respeto sa kanya. Isa pa, hindi niya kilala si kuya gaya ko. Wala siyang alam sa tunay nitong kalikasan. Hanggang salita lang siya...ang rosas? Wala iyong kahulugan para sa akin. Alam kong ginagawa lang niyang miserable ang buhay ko.
Pero bakit ganito? Bakit hindi ako kinakabahan? Hindi nagsisisi? Gayong mas kilala ko si kuya sa kung ano siya. Ano ba ang ipinagmamalaki ko?
Naalala ko ang mga pagkakataong iniinggit kaming mga ampon ng mayayamang bata tuwing may kapit-kapit silang bagong laruan. Parang ganoon ang umuusbong na pakiramdam ko. Ngayong tinitignan ko ang mukha ni Erin, napagtanto kong nagugustuhan ko ang nahihinuha kong maasim niyang ekspresyon.
“Hinding hindi mo maagaw si kuya lalo na sa akin...wala siyang pakialam sayo. Sa mundo niya, kaming dalawa lang ang nandoon,”
Napanganga siya sa mga nadinig na lumabas sa aking labi. Miski ako. Kaso hindi ko iyon aaminin. Kung may makarinig sa akin, malaking kasalanan ito…
Tuluyan na akong pumihit paalis. Kung maririnig ako ni Dianna, baka pagsabihan niya ako, baka matakot pa ako sa magiging sermon niya sa akin. Pero wala sila dito. Wala si mother, walang kahit sino ang nagdidikta at naggagabay. Kailangan ko pa rin bang manatili sa mundong iyon?
Saglit akong natigil sa paglalakad, nakarinig ako ng mahinang palakpak. Hindi masigabo. Mahinhin iyon na tila intensyunal. Nilingon ko ang taong iyon at nakita si kuya.
Mukhang nadinig niya ang lahat ng sinabi ko. Akala ko mauulit na naman ang nangyari, akala ko sasaktan na naman niya ako. Sa halip, tahimik niya akong nilagpasan.
____
SINONG magaakala na makakasuot ako ng napakagarang na gown? Dahil ako, nasa panaginip ko lang ang lahat ng ito. Madalas kaming manood ng Cinderella at Barbie sa bahay-ampunan. Paulit-ulit na sinasalpak sa siraing CD player at para kaming sirang plaka mga taga-nood.
Habang tinititigan ko ang sarili sa harap ng malaking salamin sa hallway, napagtanto kong pwede rin pala ako maging prinsesa sa gabing ito. Tatlong araw na preparasyon ang ginugol namin dito at ngayon sa hardin ng mga De Luca, isang okasyon ang ipinagdiriwang. Tumulong ako, kaunti lang naman, para maisaayos ang bawat lamesang nababalot ng magagarang na tela. Kung para saan man ang okasyong ito, wala akong ideya. Ang alam ko lang ay nalilibang ako.
MASAMA ang tingin sa akin ni Erin hanggang ngayon. Katabi ko si kuya sa lamesang nakatalaga para sa amin. Imbis na pagtuunan siya ng pansin, naagaw ang aking atensyon sa katabi. At aaminin kong mas lalong umangat ang itsura ni kuya Damian sa suot at pagkakaayos ng kanyang buhok. Ngayong malapit lang siya sa akin, para akong naiilang sa presensya niya. Marami na ang nangyari sa pagitan naming dalawa, dumating na sa puntong sakitan, salitaan, at kung ano-ano pang hindi pangkaraniwan sa dalawang magkapatid kung ituturing.
Nasaktan niya ako. At hinding-hindi ko iyon makakalimutan.
Tinignan ko ang pisngi niya. Mukhang naghilom na rin ang sugat na dulot ko. Kinagat ko ang labi lalo na’t naalala ko ang huling interaksyon namin.
“Damian...you look good. More than good. You look handsome hijo,”
Napalingon ako sa nagsalita, gayundin si kuya Damian na biglang bumangon sa kanyang pagkakaupo. At parang masunuring bata --gentleman at marespeto-- nagmano siya sa matandang babae. Nakasuot ito ng pulang fitted dress, kung hindi dahil sa kulubot sa palibot ng kanyang mata, baka akalain kong nakatatandang kapatid lang siya ni mama.
“Congratulations on landing a spot in Madame Haley’s boarding school. This is a big opportunity for you and of course, your parents must’ve been proud of you,”
Tanging ngiti lamang ang naibaling ni kuya. Maya-maya dumako ang tingin sa akin ng matandang babae.
“Hello...what’s your name?”
“Rose po,”
“Oh really? You’re the adoptive daughter right?”
Bahagya akong sumilip kay kuya, humihingi ng tulong sa aking mata. Ngumiti siya at bahagyang tumango sa aking direksyon. Indikasyon na ang isasagot ko siguro ay ‘oo’
“Opo,” Ani ko.
Tuluyan na akong tumayo sa pagkakaupo at inabot ang kanyang kamay upang magmano. Pero nang dumapo ang aking noo sa likod ng kanyang kamay, biglaan niya ring binawi iyon at pinunasan. Hindi ako nakapagsalita sa kanyang inasta.
“Sino ang nagayos sa iyo?”
Kinagat ko ang labi. Natatakot sumagot dahil baka mapuna niya ang taong nagayos sa akin.
“Si mama po,”
“That explains a lot. Hindi ka na mukhang gusgusin ngayong nabihisan ka ng tama,”
Gusto kong umalma at sabihing hindi naman ako pinulot lang sa kalsada. Kahit papaano marunong din naman akong maligo. Narinig ko ang ibang tawanan, lalo na sa mga nalalapit na tables sa amin, mga kamag-anak ata ni Damian, tatlo doon ay halos kasing-edaran lang namin. Matapos akong harap-harapan na pagsabihan ng matandang babae, tuluyan na itong umalis para batiin ang iilan sa mga bisita.
“Ininsulto ka bakit hindi ka nagsalita?”
Nagulat ako ng bigla akong kausapin ni kuya. Bagamat panay ang silip ko sa kanya, na alam kong napapansin niya, ngayon lamang niya ako kinausap muli, maliban ng kaarawan ko na halos isa’t kalahating linggo na ang nakakalipas.
“Lola mo ba siya kuya?”
“No...she’s just a mistress of my grandfather,”
Naiwan akong tahimik sa nadinig. Bakit normal dito ang pang-aapid? Hindi ba sabi sa bibliya malaking kasalanan iyon?
Agad akong napalingon sa entablado lalo na nang tumunog ang speakers at magsalita ang announcer sa mikropono. “Ladies and gentleman...it is an honor to start this banquet with the classic waltz. In honor and celebration, with Marie’s graduation to highschool, Josaiah’s valedictorian achievement and Damian’s acceptance to Madam Haley’s boarding school. We are delighted to invite you to a dance,” Anunsyo nito bago masundan ng napakalamya ngunit enggrandeng musika mula sa orkestra na hinire nina mama.
Sumenyas sa akin si mama na ngayon ay nakikipagusap sa kanyang mga ka-amiga. Sa aking gilid, naramdamdaman ko ang pagtayo ni kuya mula sa kanyang silya.
“A dance?” Alok niya sa akin, nakalahad ang kamay.
Pwede akong tumanggi, dahil marami na siyang kasalanan sa akin, ngunit maraming mata ang nakatingin sa amin. Kabilang na doon ang mata ni Erin. Kaya kahit may pangamba, tinanggap ko iyon at dalawa naming binagtas ang gitna ng napakalawak na venue.
“Rose…wala kang pwedeng gawin dito kundi ang magpanggap…,” Bulong sa akin ni kuya habang nagsasayaw. Hindi lang kami ang natatanggi doon, napakawirdo sa akin ng social dance na ito pero marami din naman ang sumasayaw sa himig. Gusto kong itanong kung bakit niya iyon nasabi pero tuwing magkasama kami para akong pipi sa presensya niya.
“Bukas aalis na ako...magiging masaya ka na siguro,”
Bahagya akong natigilan. Kaya ba nagkaroon ng pagdiriwang? Dahil aalis na si kuya? May isang bahagi sa akin ang kumirot.
“You look suprised...I thought it was good news to you,”
Bahagya ko nang naunawaan ang sinabi niya. “O-oo...g-goodnews nga para rin sa i-iyo yan k-kuya...Pagaling ka ha,”
Mahina siyang napahalakhak sa nadinig sa akin. “Bakit ako lang? Sino ba sa ating dalawa ang mas baliw na baliw para sa isang bagay?”
Ano na naman ang sinasabi niya? Para kaming naghihilaan ng lubid.
“Ako? Anong kinalaman ko dito kuya…”
“Your obsession with receiving love...obsession with the perfect idea of family...:”
“P-paano m-mo nasabi! H-hindi ako ganyan…”
“...Bakit hindi ka pa nagsusumbong? Deep inside, I know...you are still hoping to have this perfect family...kahit saktan ka nila, titiisin mo dahil gusto mo matupad ang pinangarap mong pamilya,”
Nararamdaman kong magbabago na naman ang ugali niya. Bago pa iyon mangyari kailangan ko ng makalayo. Binitawan ko ang kanyang kamay at umambang aalis na, ngunit hinawakan niya ako sa pulsuhan.
“Mawawala ako sa buhay mo...but I won’t completely vanish. Babalik ako...” Dahan-dahan siyang lumapit at bumulong sa aking tenga. “...kapag sinira ka ng mundo mo…”
Nang tumigil ang tugtog, at lahat ng tao ay nag-siyukuran sa harap ng kanilang partner. Sumulyap ang ngiti sa mukha ni kuya, isa pa sa kinasusuklaman ko gayong perpekto at nakakapanloko ito.
“For now, this is a goodbye, Rose,”