13
Sumimangot ako ng masilayan na naman ang rosas sa harapan ng aking pintuan.
Marahan ko itong dinampot at tinapon sa aking basurahan. Hindi naman sa nagiinarte pero alam naman niyang hindi ko hilig ang rosas.
Bukod sa kulay pula ito, na animo'y binalutan ng dugo, matinik ang tangkay nito at sadyang nakakasugat. Minsanan nang nasaktan si Dianna kakapitas para sa akin ng rosas, kaya ayaw ko na uling masilayan iyon. Iisang tao lang naman ang may malaking galit sa akin. Wala ng iba kundi si kuya Damian kaya alam kong siya ang may pakana nito, at wala akong ideya sa bago niyang pakulo.
Ilang araw na akong naka-kulong sa aking silid. Minsan lumalabas ako para kumain. Hindi na bago sa akin ang katahimikang namamayani sa loob ng mansyon. Madalas namang wala si papa, at si mama panay ang kanyang pamimili sa mall. Isang beses niyaya niya ako, subalit tumanggi ako, sa kadahilanang nalulungkot ako sa mga nangyayari.
Wala talaga akong lakas para magliwaliw. At animo'y bulag ang mga tao dito, wala rin silang pakiramdam kung ano na ba ang kalagayan ng mga tao sa loob. Alam kong hamak na sampid lang ako dito, pero sana man lang, magpakita sila ng malasakit. Gaya ng pagmamalasakit at tulong ko sa kanila. Kahit konting bati minsan...kaunting usap...
Magisa lang ako ngayon...nandito man sina ate Trina, Damian at ibang katiwala. Pakiramdam kong wala pa rin sila dito.
Kahit maulan, naisipan kong maglakad-lakad sa labas. May hawak akong payong kaya kahit papaano hindi naman ako nababasa. Mula sa kalayuan, sa labas ng gate namin, nasilayan ko si Ethan na pinapasyal ang kanyang aso.
"Kuya!" Ngiti kong sambit sa aming kapit-bahay.
Bahagya siyang napa-angat tingin at nang madatnan niya akong kumakaway sa kanya, bahagya niya ring kinaway ang kamay pabalik. Lumapit ako sa kanya, bagamat may nakaharang na gate sa pagitan naming dalawa.
Magsisimula na sana ako ng usapan pero hindi ko alam kung ano ang nagtulak sa akin para tignan ang bintana sa kwarto ni kuya. Sa kabutihang palad, nakasara ito. Bumalik ang aking tingin kay Ethan.
"What are you looking at?" Takang tanong niya nang mapansing sumilip ako pabalik ng mansyon.
Ayaw ko namang sabihin ang dahilan kaya nilihis ko ang usapan. "Hmmm...ang ganda ng aso mo kuya. Anong lahi?"
Sa kabutihang palad, hindi na niya pinilit pa ang unang naitanong.
Kumunot ang kanyang noo. "Stop calling me kuya. Ethan na lang,"
Bagamat lamang siya ng ilang taon sa akin—mga tatlo—dahil sa aking pagkakarinig magkaklase sila ni kuya Damian, hindi niya ako pinagbawalan bansagan siya sa unang pangalan.
"Ang lahi nito ay doberman. Agresibo sila pero kapag tinarain mo ng maayos, magiging malambing at protective sila sayo,"
Napatango ako sa kanya.
"Pwede hawakan?"
"Bawal,"
"Ahhh...okay, pasensya na," Nahihiya kong sambit, nakaawang pa rin ang labi.
Ngayon lang ako nakakita ng malaking aso. Bukod doon, antagal kong nagkulong magisa sa kwarto. Kaya parang nakakapanibagong may kausap muli. Maliban dati na si manang at ate Trina lang ang nakakausap ko, pero bihira lang rin talaga kung kausapin nila ako. Kadalasan may trabaho sila o mga bagay na inaatupag.
Nang maalala ko si manang, bahagya na naman akong nalungkot.
Napabuntong hininga siya. "Hindi naman sa bawal. Pero hindi pa siya fully trained. May lapses pa rin siya kaya maganda ng nagiingat ako,"
"Naiintindihan ko,"
"Anyway...aren't you supposed to be inside? Umuulan oh...baka hanapin ka,"
"Wala naman maghahanap sa akin," Malamyang banggit ko sa kanya.
Bahagya siyang nagulat sa narinig ngunit ilang sandali, nagbalik sa dati ang kanyang ekspresyon. "Parehas pala tayo dito,"
Binalot kami ng katahimikan.
"Gusto mo sa amin muna? O kaya sa park tayo?"
Nagulat ako sa narinig. "Park? Meron nun?"
"Meron dito sa village. Atsaka playground. Baka nalulungkot ka na dyan,"
May sumilay na ngiti sa mukha ko. "Syempre gusto ko...kaso," Muli akong napatingin sa dako ng mansyon. "Hindi ako nakapagpaalam,"
"Wag ka ng magpaalam. Sabi mo rin naman walang maghahanap sayo,"
Kinagat ko ang labi. Nasanay na siguro ako sa kalakaran ng mga madre sa bahay-ampunan. Ayaw na ayaw namin ang sumusuway. Kaya isipin ko pa lang, todo na ang pagkabog ng aking puso. Nahalata niya siguro ang pagkabagabag ko kaya bahagyang tumawa sa Ethan.
"Wag mo na lang kasi isipin at gawin mo na. Look around you. Malaki ang mansyon, pwedeng pwede ka magsinungaling at magpanggap na di ka umalis,"
Tama nga siya.
"I said stop thinking about it. Atsaka ayokong pinagaantay,"
Natakot naman ako sa tila banta ni Ethan. Siya na nga lang ang kakilala ko dito...
"S-sige..." Marahan kong binuksan ang gate ng mansyon.
Aaminin kong mabigat at kinakailangan ko pang pwersahin ito. Gayunpaman, ginawa ko pa rin.
"That's good," Puri ni Ethan.
Sinamahan niya ako. Hindi pala—sinundan ko siya. Siya ang naging gabay ko habang papunta kami sa tinatawag niyang playground. Sa katotohanan, isang beses palang ako nakapaglaro sa palaruan. Nung feeding program dati ng eskwelahan at inimbitahan kami.
Sa wakas, matapos ang ilang minutong paglalakad. Nakarating din kami sa palaruan. Ang maganda ay walang katao-tao. Tanging kami lang ni Ethan ang bata sa labas. Nagmamadali akong tumakbo sa duyan at inuga-uga ang sarili.
"Hindi ka maglalaro!?" Sigaw ko sa kanya mula sa kalayuan.
Nakita kong nagbuntong hininga siya bago lumapit at umupo sa katabi kong duyan.
"Hindi ka maglalaro?" Basag ko nang mapansing nakaupo lang siya don.
Medyo nawiwirduhan ako kay Ethan dahil ang palaruan, ay para maglaro. Pero parang pati duyan ay wala siyang interes.
"No...I like video games rather than this,"
Natigilan ako. "V-video ano?"
"Video Games...Don't tell me pati iyon di mo alam?"
Iniling ko ang ulo, medyo nahihiya. "H-hindi ko talaga alam," Dinaan ko na lang sa natatawang tono ang sinabi ko.
"Saan ka ba nanggaling? At bakit wala kang alam dito?" Bahagyang gulat niyang tono. Napakamot tuloy ako sa ulo.
"Hindi naman kasi ako pala-labas rin nung nasa ampunan...atsaka nasanay ako sa piling ng mga madre...kaya siguro ganito ako...nahihirapang sumuway,"
Naalala ko ang mga nangyari. Medyo malabo pa rin sa akin kung tama o normal lang ba talaga ang mga desisyon ko sa buhay. Pero aaminin kong malaking impluwensiya sa akin ang pagiging depende sa isang tao. Kaya siguro, isang rason din kung bakit hindi ako sumama kay manang, ay ang isiping kumakapit pa rin ako sa perpektong pamilya.
Ito na ang pamilya ko. Parte na ako mga De Luca. At natatakot na akong sumama sa iba.
"May gusto ako itanong sayo Ethan,"
"What is it?"
"Alam mo ba ang boarding school?"
Halatang nagulat siya sa biglaan kong pagtanong. "Alam mo?" Tanong niya.
Umiling ako. "Hindi...ano ba kailangan ko malaman?"
"Actually, inofferan ako mag-aral sa boarding school. Kaya nagulat ako sa tanong mo,"
Winasiwas ko ang kamay. "Ahhh ganun ba baka nagkataon lang..."
Panandalian kaming binalot ng katahimikan nang tila magisip siya. "Isa lang masasabi ko...Hindi ako magpapaka-baliw sa lugar na iyon..."
"Mababaliw?"
"Oo, sino ba naman ang hindi maloloko sa lugar na iyon. Sa bawat kilos mo may nakamasid, kontrol nila ang aksyon at oras mo...wala ka na rin atang libangan maliban sa sports nila. Kaya aral, gising, tulog, training, siguro doon lang iikot ang mundo mo,"
Naalala ko si kuya Damian...sabihin ko kaya sa kanya?
"Si kuya ko, papasok daw siya ng boarding school,"
"Really? Then...congrats to him..." Bahagya siyang huminto, at tumingin sa akin. "Ikaw? Anong balak mo para sa sarili mo?"
"Hindi ko pa alam...pero gusto ko munang makapagtapos,"
"Why?"
Naiilang akong ngumiti. "Ang totoo niyan ang pangarap ko lang naman ay magkapamilya. Kaya ngayong may pamilya na ako...hindi ko na alam ang isusunod,"
"That's actually sad...bakit ka nakadepende sa isang bagay lang?"
Hindi ko rin alam ang sagot dyan. Imbis na idiin lalo ang sarili sa usapan, naiilang na lang akong tumawa.
_____
SA AKING TANTYA, halos dalawang oras ata ang nakalipas nang matapos kaming mag-usap ni Ethan. Sa totoo lang, masaya ako sa piling niya. Parang mga kaibigan ko lang sa bahay-ampunan—si Richard at Ford. Nagsimula akong pumanhin pataas ng hagdanan, pipihit na sana ako sa corridor ngunit kinilabutan ako sa isang boses.
"Masaya ba? Kahit panandalian?"
Kinagat ko ang labi, pilit na inaayos ang ritmo ng aking paghinga na tila natigilan matapos ko siyang madinig.
"Why aren't you looking at me?" Demanda niya.
Kumalembang sa akin ang mahinang paglapit niya. Dala ng aking pagkadala, inunahan ko siya at sadya siyang nilagpasan subalit hinawakan niya ang aking braso, kaya parang manika, naestatwa ako sa kinatatayuan.
"Now you're scared?"
Sinaktan niya ako. Sinong hindi matatakot? At higit sa lahat, kung totoo nga ang sinabi ni manang...mamamatay tao siya...
Gusto kong maniwala na hindi, pero bakit niya naman iyon sasabihin ng walang basehan? Gusto kong paniwalaan ang sarili...
"Para saan ang mga sinabi mo, Rose?"
Hindi ko inaasahan ang magiging panangga niya sa akin. Totoo, nakapagsalita ako ng mga bagay na hindi ko pinagsisisihan. Mga katagang—mamahalin ko si kuya dahil pamilya ko siya...na tutulungan ko siya sa kadilimang bumabalot sa kanya. Minsan na siyang nalunod, may pag-asa pang umahon hindi ba?
Napalunok ako. "H-hindi ako gaya nila na mananahimik lang..."
Pumihit ako para tuluyan ko na siyang masilayan.
"Mananatili ako sa tabi mo...m-may tsansa pa...oo, meron pa,. K-kaya mo pa kuya bumangon sa ginawa nila sayo,"
Para kong kinukumbinsi ang sarili sa isang malinaw na malinaw na paksa, bagay na mahirap tanggapin. Naniniwala ako. Malaki ang tiwala ko. Sinabi ni Mother, gantihan mo ang lahat ng tao ng kabutihan, hindi ba?
Mother? Hindi ba iyan ang turo niyo? Sana maligtas ako ng mga leksyon niyo sa akin...dahil malaki ang tiwala ko sa inyo. Malaki ang tiwala kong kaya pa to...
Pinag-krus niya ang kanyang braso. "And by staying? How will that benefit me?"
Katulad ng dati kong gawain, nanatili akong tahimik sapagkat nahihirapan akong iproseso ang mga pag-ingles niya.
"Right...hindi mo ako naiintindihan..."
Naglakad siya patungo sa akin.
"Bago mo ako harapin, kailangan mas magaling ka muna sa akin,"
Napasinghal ako sa sinabi niya. Inabutan niya ako ng kutsilyo pero agad ko iyong binitawan sa takot.
Kutsilyo! Bakit niya ibibigay sa akin ang bagay na iyan!
"Hawakan mo maigi..." Pilit niyang pinakapit sa akin iyon kahit alam niyang ayoko. Hinawakan niya ang aking kamay at iginaya patungo sa kanyang leeg.
"Tutal ayaw mo sa akin...gawin mo na," Aniya sa bahagyang natatawang tono. Minasdan ko ang kanyang mukha. Perpekto ang ngipin niya. Maputi at sadyang walang palya...kaya habang nakangiti siya sa napakagandang paraan, hindi ko rin mapigilan matakot. Hindi bagay sa kanyang itsura at talino ang ganitong klase ng pag-iisip...ang kabaliwang pilit niyang pinapaintindi sa akin.
"Ayaw mo?"
Binitawan niya ang aking kamay nang masilayan natulala ako, kasabayan non ay ang panghihina ng aking kamay dahilan para mabitawan ko rin ang kutsilyo. Imbis na sagutin ang kanyang mga tanong, sinundan ko rin siya ng aking katanungan.
"P-p-pumatay k-ka ba talaga?" Nahihirapan kong bulas.
"Paano kung oo?"
"B-bakit...b-bakit p-parang wala lang sa iyo..."
Nagkibit balikat siya bago niya hawakan ang iilang takas ng aking buhok.
"Ba-bakit mo ginawa?" Nanginginig kong dagdag. Naririnig ko ang paghinga niya. Ilang segundo kaming binalot ng katahimikan dala ng hindi niya pagsagot.
"Miscalculation,"
"A-ano?"
"I said, I miscalculated everything. Gusto ko makita kung ano ang kaya kong gawin pag nagalit,"
Kinikilabutan ako sa mga sinasabi niya. Lumayo ako pero kada tapak ko, lumulusong din siya ng isang hakbang. Parang laro-laro lang ito sa kanya. Parang chess. Palaging checkmate.
Tinuruan ako ni Dianna magchess pero ang komplikado intindihin. Ngayon, nauunawaan ko na sa bawat hakbang ko, maraming posibilidad ang maaaring mangyari.
Kailangan ko lang piliin ang tamang sagot sa kanyang mga tanong...pipiliin lang...walang mahirap don.
Hindi ko mapigilan ang maluha. Alam kong napakahina kong tao at kaunting bagay lang naiiyak na agad ako. Pero umaasa ako, magkaroon man lang ng kahit katiting na simpatya si kuya para sa akin...kahit kaunti lang ay makita niyang seryoso ako sa kanya—na tunay ang emosyon at damdamin ko.
Pupunasan ko ang sugat niya, mananahimik, tatahiin ko ang butas, maging maayos lang gaya ng aking pangarap.
Niyakap ko siya.
"Kuya...magdasal ka lang..t-tama, yun ang sinabi nila sa akin...nina mother at ni Ate Tracy sa bahay-ampunan..."
Wrong move.
Dahil narinig ko ang mahinhin niyang halakhak sa aking sinabi.
"Ano ang pakiramdam na ilaglag ng langit sa impyerno?"
Hinawakan niya ang aking buhok at pilit akong pinatitig sa kanya.
"Kakayanin mo ba nang di ka napapaso?"