3
Dalawang kasambahay ang agad dumalo at umalalay sa anak ni Mrs. De Luca. Ang isa may dalang bimpo at maliit na batsyang may tubig habang ang isa dinadampot ang mga kalat na bubog.
Kasalukuyang hawak-hawak sa bisig ni Mrs. De Luca ang anak habang bahagyang humihikbi sa pangyayari. Hindi ko na rin mapigilan ang sarili kaya tinulungan ko sina Mrs. De Luca na punasan ang sugat mula sa nagdudugong kamay ng anak.
Kanina lamang ay nagdurugo ang kanyang kamao ngayon mas lalo lamang itong lumala nang suntukin ang picture frame.
Nais ko sana silang daluhan sa pagpupunas ng nagdurugong kamay ng kanyang anak, ngunit hindi pa ako nakalalapit ay pinagpukulan na niya ako ng isang matalim na titig. Titig na alam kong may natatagong puot at galit.
Titig na hindi ko alam anong hinanakit ang nababalot. Pakiwari kong nandidilim na ang paningin sa akin ng lalaking bata sanhi para maestatwa na lamang ako sa aking kinatatayuan.
Hindi pa rin kumukurap ang anak ni Mrs. De Luca. At alam ko sa sariling paulit-ulit ako netong pinapatay sa kanyang isipan.
"H-hija dun ka muna sa kwarto mo at baka ma-bubog ka pa dito."
Matalas pa rin akong tinititigan ng bata.
"Manang, huwag mo itong sabihin kay John. Ayokong malaman niya." Ani muli ni Mrs. De Luca.
Hindi ko mapigilan magtaka kung sino si John. Iyon ba ang pangalan ni Mr. De Luca?
"Manang, pwedeng pakidala muna siya sa kanyang kwarto?"
Tumango na lamang ang katulong habang hinawakan ako sa aking pulsuhan subalit bago pa ako makapagsalita ay iginiya na niya ako patungo sa tinutukoy nilang kwarto.
Isang malaking pintuan ang bumungad muna sa akin bago ako dalhin sa loob.
"Mam ito daw muna ang magiging kwarto mo sabi ni madam. Ni-rerenovate pa daw ang kwarto sa second floor."
Nabigla ako sa kanyang ginawad na bansag. "Ahm...w-wag niyo na po ako tawagin mam...kayo po dapat tinatawag kong mam"
Napa-iling ang kausap. "Naku mam kailangan ko ng masanay ikaw na ang anak ng employer ko." Nakangiti niyang sambit. Isang bagay na nakapag-pagaan ng sobra sa aking kalooban.
Umiling muli ako. "Hindi rin po ako sanay na may tumatawag sa akin ng mam. Kung ayos lang po sa inyo, pwede po bang nay na lang tawag ko sa inyo...Siguro nga po inampon nila ako pero..."
Napahinto na lamang ako sa gitna ng aking sinasabi. Hindi ko alam ang rason kung bakit tila nahihirapan na ako tanggapin ang kapalaran ko.
Hindi na nagsalita si Nay sa halip ay ngumiti na lamang ito sa akin na parang naiintindihan niya ang nilalayon kong ipunto.
"O sige hija. Basta magpahinga ka na lang muna ha?"
Tumango ako at hindi na naka-imik pa ng iniwan na niya ako doon matapos ituro kung nasaan ang aking mga kagamitan.
Hindi ko na napigilan ang sarili na bumagsak sa kama habang sapo-sapo ang aking dibdib. Patuloy pa rin ang mabilis nitong pintig at hanggang ngayon ay natatakot pa rin ako sa kanya
Hindi ko alam na ganito ang mangyayari. Masyado akong naging pakialamera. Ngayon dahil sa akin, nasugatan ang anak ni Mrs. De Luca. Sandali akong napaupo sa kama at minasdan ang paang namamaga. Sa kabutihang palad, wala akong natamong sugat sa pagkakatilapon ng kanyang gitara. Muli akong napahiga at napatitig sa kisame.
Ito na ang kapalaran ko. May pamilya na ako. Pero bakit tila nahihirapan akong tanggapin ito. Bakit ako nalulungkot?
Iilang minuto ng pagmumuni-muni ang lumipas nang makaramdam na rin ako ng dalaw na antok. Siguro masyado akong napagod sa biyahe kung kaya't tila sumasama na ako sa kumakatok na antok. Hindi nagtagal ay nakatulog na rin ako. Ngunit hanggang ngayon, mabigat ang aking damdamin.
--
Nagising na lamang ako sa aking mahimbing na tulog nang madama ang lamig na hatid ng hangin.
Agad rin akong napatayo sa kinahihigaan at sinarado ang bahagyang nakabukas na bintana. Masyadong napasarap ang aking tulog kung kaya't hindi ko naalintanang madilim na pala.
Bahagyang kumalam ang aking tiyan. Tanging buwan lang ang aking kaagapay na liwanag kaya tinungo ko ang pindutan ng ilaw.
Nang maging maliwanag, napansin ko ang isang tray na nakapatong sa isang mesa. Bahagyang madilim kanina kaya ngayon ko lamang ito napansin. Binuksan ko na rin ang liham na nakapatong dito.
'Nak, pagkain mo. Pinabibigay ni madam. Hindi na kita ginising, mukhang masyadong masarap ang tulog mo.'
Inilapag ko na ang liham at kinain na rin ang laman ng tray. Di ko mapigilan matakam lalo na nang matikman ang karne ng baka. Pangalawang beses ko na ata itong pagkain ng karne simula nang bisitahin nila ang bahay-ampunan.
Matapos ubusin ang laman ng plato. Kinuha ko na aking mga pinagkainan at minabuting dalhin sa kusina. Kahit papaano ay may hiya pa rin ako sa mga katiwala ng De Luca.
Aaminin kong nakakalito ang pasikot sikot ng mansyon ngunit sa estruktura ng bahay, pakiwari kong tama ang aking dinadaanan.
Matapos ang ilang minuto ay natagpuan ko rin ang kusina. Bahagya itong naiilawan ng munting ilaw sa gilid. Bagama't madilim ay naaaninagan ko pa rin ang kabuuan nito.
At gaya ng una kong masilayan ang mansyon, hindi ko mapigilan mamangha muli sa engrandeng kusinang nasa harapan. Napakalaki nito at napakagarbo.
Binuksan ko na lamang ang iilan pang ilaw at sinimulang basain ang mga plato at kubyertos na kinainan.
Sa bahay ampunan, madalas kaming mga bata ang nag-uurong kung kaya't nasanay na ang aking pagiisip sa kagawiang ito.
May namayaning panandaliang kurot sa aking puso matapos maalala ang bahay ampunan. Sa iilang pagkakataon, nag-aalala ako at namimiss ang kanilang mga presensya.
Si mother, si ate tracy, mga kaibigan ko, at ang tinuturing kong kapatid na si Dianna gayundin ang masasaya naming huni, kantahan, at katuwaan tuwing may gawaing bahay.
Kamusta na kaya sila? Paminsan ba ay naaalala nila ako?
Nahimpil ang aking isipan at gawain sa naramdamang bagay na dumidiin sa aking leeg. Nanigas ang kabuuan ng aking katawan ng mapansing kutsilyo ang nakatutok sa aking leeg na tila ibig akong gilitan.
"Anong pakay mo dito?" Isang malalim na boses mula sa aking likuran ang umalingawngaw sa paligid. Madilim at mapangahas ang tono nito na animo'y hindi makapagpigil ang sarili.
Hindi ako mang-mang upang hindi makilala ang boses na pinanggalingan.
Kilala ko ang boses na ito. Ang boses na paulit-ulit pumalaot sa aking panaginip. Ang boses ni Damian. Anak ni Mrs. De Luca.
Napalunok ako nang mas lalong pumisil sa aking leeg ang hawak niyang kutsilyo.
Walang ano man ang rumehistro sa aking utak kundi ang kaba takot. Nagbuhol-buhol ang aking isipan sa takot na nadarama at tila naubusan ako ng hangin upang makapagsalita.
"P-patawad h-hi-hinu-hugasan k-ko lang" Naiiyak kong sambit.
Nanlalamig ang aking kamay, nais ko itong pagsaklupin ngunit nangangamba akong isang kilos ko lamang ay masasaksak ako ng taong nasa likuran.
Panandaliang natahimik ang paligid at tanging t***k ng nag-huhumerentado kong puso ang nadidinig.
"P-patawad k-kanina. H-hindi ko sinasadya." Mahina kong sambit ngunit mas lalo lamang dumiin ang kutsilyo.
"P-patawarin m-mo s-sana a-ako. P-patawad."
"Hindi kita gusto dito"
Napalunok ako at bahagyang tumango, sinisiguradong hindi tatama ang aking leeg sa matulis na bahagi ng kutsilyo.
"P-pa-sensya w-wala a-akong b-balak p-palitan ka."
Wala pa ring imik si Damian.
Matapos ang tila iilang oras, ibinaba niya rin ang kutsilyong hawak. Hanggang ngayon wala pa rin akong lakas para harapin ang anak ni Mrs. De Luca sa kadahilanang natatakot ako sa maaari niya pang gawin. Panandalian pa rin akong naestatwa sa kinatatayuan.
Nang makaramdam ako ng paglisan ng kaniyang presensya, tuluyan bumigay ang aking tuhod at napaluhod sa sahig.
Mahigpit kong hinawakan ang kumakabog na dibdib at pilit na kinalma ang sarili. Anong ba ang nais niya mangyari? Ano ba ang nais niya sa akin? Nais niya ba akong saktan? Lubha bang malala ang nagawa kong kasalanan?
Bagama't nanlalambot pa rin ang aking tuhod. Madalian kong tinapos ang pag-uurong at nang maibalik ang plato sa kinalalagyan, hindi na ako namalagi pa at kaagad na kumaripas patungo sa aking silid. Napasandal ako sa pintuan. Tama nga ba ang aking kinahihinatnan? Nababagay ba ako dito?
Pinilig ko ang ulo na napupuno ng napakaraming katanungan. Itutulog ko uli ito. Itutulog ko na lang ang takot na nadarama.
Sa kabutihang palad, kakampi ko ang antok. Bagama't ako ay nakatulog. Lubusang naubos ang aking enerhiya sa takot na nanunuyo. Hindi ko na lamang namalayang nakatulog muli ako.
Papahirapan kita. Bibigyan kita ng labis na pasakit. Pasakit na sisiguraduhin kong ayaw mo ng mabuhay.
Napasinghap ako. Nasan ako?
Isang madilim na lugar ang tumambad sa aking paningin. Pinilit kong kumilos ngunit tila hindi ko maigalaw ang mga biyas.
Tulong! Mahina kong sigaw. Sa halip, isang nakakabinging katahimikan ang sumalubong sa akin.
Sumigaw muli ako. Tulong! Ngunit isang halakkhak ang namayani.
Nilinga ko ang kapaligiran, hinahanap kung saan ang pinanggalingan ng tawa. Pero nanghina ako ng may kutsilyo ang dumiin sa aking leeg
Hindi kita gusto dito.
"Tulong!" Pawisan kong sambit nang maimulat ang aking mga mata. Napalinga ako at nahimasmasan ng mapansing nasa silid ako. Sa silid na aking tinutuluyan sa mansyon ng mga De Luca. Tama nga. Hindi isang masamang panaginip ang lahat. Tunay ngang inampon ako.
Inampon. Kahit kailan di ko ramdam ang sariling masasanay sa pamilyang kumupkop sa akin.
Bago pa man ako makalabas sa silid ay agad akong napasigaw.
"Ano nangyari?" Nababahalang katanungan ni Nay nang pasukin ang aking silid. Ngunit napawi rin ang pag-aalala sa kanyang mukha nang masilayan ang dalawang duguan na ibon sa sahig ng aking kwarto. Ang masahol ay ang mga ulong nawawala.
"Halika dito hija!" Sigaw niya matapos matuliro sa katinuan.
Marahan akong tumayo. Iniiwas ang paningin sa mga hayop na nakaratay.
Nang mabagtas ang daan, mabilis kong niyapos si manang.
"What's going on manang?" Boses ni Mrs. De Luca. "Anong kagulu-" Napahawak sa kanyang bibig si Mrs. De Luca nang masaksihan ang eksenang lumantad.
"T-this c-can't be" Mangiyak-ngiyak na sambit ni Mrs. De Luca.
"Trina!" Sigaw niya muli habang sapo ang kanyang sintido. Saglit lamang ay dumating na rin ang katulong na tinawag. Tulad namin, nabigla rin ang katulong sa nasilayan
"T-trina pwedeng p-pakilinis"
Tumango naman ang katulong at sinunod ang utos ni Mrs. De Luca.
"Anak, halika na at sa kusina muna tayo." Anyaya niya sa akin. Ngunit masyado akong nabigla sa lahat ng mga pangyayari dahilan para lubusan akong manahimik.
"Okay lang anak. Naiintindihan ko...Manang padala na lang siya sa kusina at kailangan niyang kumain."
Tumango naman rito si manang at hinatid ako patungo sa kusina. Hanggang ngayon, wala pa rin akong imik. Pinaupo ako sa mesa habang kaharap si Mrs. De Luca. Bagaman pinagpukulan niya ako ng ngiti, nahirapan naman akong bumaling sa kanya.
"Anak, kailangan mong kumain. Alam kong nawalan ka ng gana matapos...matapos ang kanina. Pero kailangan mo kumain."
Nanlalata akong tumango. Totoo ang kanyang sinabi, tunay na nawalan ako ng gana. Sa talang ng pamamalagi ko sa bahay ampunan, ni isang patay na hayop ay liban sa aking mga dinanas. Sa halip, kami pa nga at ang mga madre ng bahay ampunan ang tumutulong sa pag-alaga sa mga pagala-galang mga hayop.
Kauna-unahang beses kong makasaksi ng karumal-dumal na sinapit ng ibon.
"Anak...kalimutan muna natin ang nangyari....ahmn...gusto rin kita makilala." Wika ni Mrs. De Luca dahilan para makahulugan ko siyang masdan. "Ilang taon ka na nga uli anak? Pasensya na hindi ko pa nakakalkula ang edad mo pero alam kong August ang birth-"
Pinutol ko rin ang kanyang pahuling sabi matapos nguyain ang nasubong pagkain.
"12 po" Mahina kong sambit.
"Ohhh that's great. Tatlong taon lang pala ang tanda sayo ni Damian"
Halos mabali ang aking leeg sa mabilisan kong paglingap ng tingin matapos banggitin ang pangalan ng kanyang anak.
Ang kusina kinagabihan at ang mga nangyari ay muling pumasok sa aking isipan. Hanggang ngayon, hindi pa rin maalis sa aking isip. Lahat ng mga nangyari ay bago at nakakatakot para sa aking matagal na namalagi sa tabi ng mga madre.
Kaya habang minamasdan niya ako, hindi ko mapigilang manliit sa kinauupuan.