Kabanata 4: Babala

1952 Words
4 Mabilis na umalis si Damian nang mapansin ang aking presensya. Napalunok ako sa sarili habang nanginginig kong pinulot ang kubyertos at mahinhing sinubo ang pagkaing inihain. Masarap ang pagkain ngunit tila wala akong malasahan tuwing maaalala ko ang taong nasabi. Kung hindi lang dahil kay Mrs. De Luca, tuluyan kong pagpapaliban ang pagkain. "Pagpasensyahan mo na anak si Damian ha. Talagang masungit yang bata na yan kahit kanino. Miski sa tita niya. Sa totoo lang nahihirapan rin kaming pakisamahan ang sariling anak." Makahulugan kong pinagmasdan si Mrs. De Luca. "Ho? Ngayon lamang po ako nakakita ng magulang na hirap pakisamahan ang anak niya," Sinabi ko iyon ng walang panghuhusga. Pawang kuryosidad lamang. "Alam kong marami ka pang di alam anak. Nasanay ka siguro sa sinasabi nilang perpektong pamilya. Pero may mga ganoong pagkakataon talaga. Minsan iniisip ko kung kaparusahan ba ito sa amin," Kaparusahan? Bakit niya iniisip na parusa ang lahat ng ito. Kung susumahin, napakaswerte nina Mrs. De Luca. Bukod sa wala itong magiging problema pagdating sa pagkain, kumpleto at maayos ang kanilang pamilya. Kami, kung hindi dahil sa bahay ampunan, nahihinuha kong pakalat-kalat kami sa lansangan. Namamalimos upang may makain at nanlalamig sa kalsada. Animo'y nabasa ni Mrs. De Luca ang aking mga iniisip kaya agad niyang pinagaan ang paksa. "Pero kung ikukumpara sa sitwasyon ng iba. Siguro nga maswerte pa kami." Nakangiti niyang sambit. "Let's change topic. Gusto ko sanang malaman kung nakapasok ka na sa paaralan." Umiling ako. "Well balak kasi namin ng papa mo na ipasok ka sa paaralan." Nabuhayan ang aking diwa sa narinig pero gayundin ang aking pagkahiyang nadama. "Pero bago iyon... kailangan mo munang ma-home schooled. Sigurado akong marami kang namiss na subjects." "Ahm Mrs. De Luca hindi ba medyo nakakahiya. Hindi niyo pa po ako lubusang kakila-" "Nonsense. Basta anak na kita that's all that matters. And please anak stop calling me Mrs. De Luca. Maganda kung mommy or mama na okay?" Nagaalinlangan pa rin ako sa kaniyang suhestiyon ngunit wala na akong nagawa pa kundi ang tumango. "Pasensya na m-mama" Hirap kong bulas. "Ayos lang masasanay ka rin. I'm sure kahit sino ma-aawkward sa sitwasyon mo." "Awkward?" "Ahh I'm sorry anak. Umm... Maiilang. Ayun...maiilang sa sitwasyon mo" Napatango ako ng maintindihan ang kaniyang sinabi kahit papaano napapagaan ni Mrs. De Luca ang aking kalooban. Sa aking puso at isipan, umaasa akong tuluyan kong mararamdaman ang pagmamahal sa kanila. Yung tipong walang pag-aalinlangan at pagkabahala. Labis akong nalibang sa usapan namin ni Mrs. De Luca sanhi para hindi ko mapansing naubos ko na pala ang pagkaing inihanda. Pawang mga pang-uusisa sa gawain naming mga bata ang kaniyang mga katanungan, kung kaya't masaya ko siyang nababalingan sa aking mga karanasan. Napakasarap sariwain ang mga nangyari sa bahay ampunan. Halos mawaglit na rin sa aking isipan ang mga pangambang namayani. "Anak, maiwan muna kita kay manang. May aasikasuhin muna ako. I'm sure na 'di mo pa nalilibot ang mansyon kaya ipapaubaya ko na lang kay manang na ipasyal ka ngayon" Marahan akong napatango at binuhat ang hugusan sa lababo. Bubuksan ko na ang gripo ngunit mabilis akong pinigilan ni Mrs. De Luca. "Ayy! Wag mo na hugasan anak. Sina Trina na ha? Ayokong nakikitang napapagod ka...Trina!" Sigaw ni Mrs. De Luca, matapos ang ilang segundo lumitaw na rin si Ate Trina, sa aking pagkaka-alala siya rin ang naglinis sa aking kwarto... Muntikan na akong manghina ng sumagi sa isipan ko ang kaganapan kanina. "Anak hayaan mo na sila ha? Tawagin ko lang rin si Manang" Napatango na lamang ako. Lumingon ako kay Ate Trina na sa ngayon ay naghuhugas na ng pinggan. Sa pagkakatong iyon, hindi ko mapigilan ang sariling maaalala si Ate Tracy sa kaniya. "Ate Trina baka po gusto niyo ng tulong." Napaawang ang kanyang bibig sa aking sinabi. "Ay...naku wag na mam matatapos na rin ako" Maligaya niyang untag habang hinuhugasan ang mga nasabunang pinggan. Ayan na naman, Mam. Panandalian akong nanahimik. "Wag niyo na po ako tawaging Mam ate. Rose na lang po." Tumango na lamang siya sa akin. Mukhang napansin niyang naaabala ako sa mga taong binabansagan akong mam dahilan sa mabilisan niyang pagsang-ayon. Paminsan, di ko mapigilan magtanong kung kailan nila maaalalang ampon lamang ako dito, kailan man ayoko maging komportable sa titulo. Maaari nila akong tanggihan kapag nainis sila sa akin. Nanlumo ako sa naisip. Sino nga ba ang magugustuhan ang tulad ko? Magulang ko nga iniwan ako sa ere. "Hija! May dala ako sayong bota" Mula sa b****a ng kusina, naroon matatagpuan si Manang habang hawak ang isang pares ng bota sa kaniyang kamay. Bagama't walang ulan, pakiwari kong may pupuntahan kaming kinakailangan isuot ito. At sa pagkakataong iyon, hindi ko mapigilan ang saya. "Manang san tayo pupunta?" Ani ko, kabig pa rin ang kanyang kamay. "Sabi ni madam di mo pa nakikita kabuuan ng mansyon. Papakita ko naman sayo ang likuran ng mansyon" Napatango ako sa kanya. May kalayuan rin ang aming destinasyon subalit malaki ang espasyo ng mansyon kung kaya't siyam-siyam bago marating ang likuran nito. Halos lumuwa ang aking mata ng masilayan ang malawak na parang. Ilang ektarya ba ito at bakit ngayon ko lang nalamang may animo'y bukirin ang likod nito. Hindi lamang bukirin kundi may maliliit rin kabahayan. "Ano iyon manang? May nakatira ba doon?" "Ahh ayan...quarters namin. Kwarto ng mga trabahador." "Ganun po ba? Diyan po kayo natutulog?" Tumango si manang. "Oo pero ngayon minsan na lang. Nagkabawasan kasi ng tauhan dati kaya bihira na ako matulog diyan." Kumunot ang aking noo. "Nabawasan po kayo? Marami po ba kayo dati?" "Aba oo. Kung alam mo lang. Animo palasyo ang mansyon dati. Halos tuwing katapusan ng buwan ay may pagtitipon-tipon ang mga mayayaman. At parang araw-araw may handang piging kaya napakaraming nagtatrabaho dito noon." Labis akong namangha sa mga narinig. Ganoon pala kayaman ang mga De Luca. Pero gaya ng sabi, dati iyon. Ano kaya ang nangyari? Nabanggit ni manang na animo palasyo ang mansyon dati. Kahit anong pagbabalik-tanaw ko, iba ang aking pananaw. Mansyon lamang ito. Kahit anong laki hindi maaaring maging palasyo. Ang palasyo ay puno ng tauhan, magigiliw na trabahador ngunit malungkot ang palasyong ito. Mas mabuting maging mansyon na lamang ito. Isang pribadong lugar para lamang sa pamilyang sagana. "Bakit kayo nabawasan dati manang? Nahirapan ba ang iba swelduhan?" "Ahh hindi sa ganoon nak...may aksidente kasi dati kaya walang nagawa kundi magbawas talaga." Hindi ko na muling inungkat ang paksa at sinundan na lamang si manang dako sa maliliit na kabahayan. Bahagyang umugong ang mga pintuan ng pagbuksan ito at bumanayad sa akin ang looban ng inaagiw na silid. Mabilis itong winalis ni manang gayundin ang alikabok na nasa ibabaw ng mga telang pinambalot. "Nak' sabi ni madam pwede ka daw dito maglaro kung gusto mo kaya pinapalinis sa akin. Baka raw gusto mo ng bahay-bahayan." Nagpanting ang aking tenga sa narinig. Bahay-bahayan? Ganito ba talaga kayaman ang mga De Luca?  Literal na bahay ito! Kailan man ay malayo sa aking mga panaginip. "Parang ayoko maglaro mag-isa dito manang. Atsaka wala rin naman akong magiging kalaro." "Si Damian?" Tinignan ko siya ng buong pagtataka. "Naglalaro po ba iyon?" Mukhang napaisip si manang. "Kung tutuusin, parang di ko nga napansin ang batang yun maglaro." Tumango na lamang ako at tinulungan si manang sa pag-agiw. Makalipas ang halos isang oras, nag-anyong silid-pahingahan muli ito. Ang mga kama at sopa ay nakawala na mula sa pagkakatakip ng puting tela gayundin ang telebisyong naiba ang pagkaka-pwesto na sa ngayo'y katapat na ng higaan. Parang gusto ko na tuloy manirahan dito. Kinalaunan, binisita rin namin ang hardin. Napangiti ako sa nasulyapang bulaklak, hinawakan ko ito at pinagmasdan ang pamilyar nitong itsura. Pero naputol rin ang aking atensyon nang makaramdam ng titig mula sa kung sinong tao. Minasdan ko ang bintana na sa aking hinuha ay kwarto ni Damian ngunit wala rito ang nasabing batang lalaki kundi ang umuugoy na kurtina lamang. Magtatakip-silim na nang maisipan naming bumalik na muli sa mansyon. Kahit papaano ay nalibot ko na ang panlabas ng tirahan pati na rin ang kabuuan ng hardin ng mga Villanueva na nagmumukhang liwasan sa laki. Samu't saring bulaklak ang matatagpuan doon, kasama na ang naka-agaw pansin sa akin, ang bulaklak na kalachuchi na makikita ring nakatirik sa bahay ampunan. Tulad ng kanina, sabay kaming nagsalo ni Mrs.  De Luca ng hapunan na inihanda ng mga kasambahay. Ngunit tulad rin ng kanina, wala ring Damian ang sumipot sa hapag-kainan. San ba ito kumakain? Ganun na ba ang pagkamuhi niya sa akin. Mas pipiliin niyang kumain sa kanyang kwarto imbis na makita ako? "Tapos na po ako m-mama" Naiilang kong sambit habang nilapag ang kubyertos. Tila natuwa si Mrs. Villanueva sa aking bansag dahilan para siya ay mapangisi. "Ah ganon ba? Sige baka napagod ka sa stroll kanina. Pahinga ka muna" Magiliw niyang sabi habang nililigpit ng mga katulong ang mesang kinainan. Imbis na sumagot, tumango na lamang ako at dumako sa aking silid. Ngunit nabigla ako nang may di inaasahang panauhin ang nakaupo sa aking higaan. Si Damian....at ang kutsilyong pilyong nilalaro sa kanyang mga kamay. -- KINAUMAGAHAN, nagising ako sa mga hiyaw ng tao sa ilabasan. Bahagya akong bumusangot nang maamoy ang usok na nanggagaling sa bahagyang bukas na bintana. "TUMAWAG KAYO NG MGA BUMBERO" Rinig kong hiyaw ng isang tao. May bahid na hilakbot ang boses kung kaya't dali-dali kong sinuot ang pares ng sandals at kumaripas palabas ng mansyon. Ilang residente ang aking nakasalubong sa b****a habang may bitbit na mga batsya. Nagmamadali ang kilos. Sinuyod ko ang daan palabas at nagulantang nang bumungad ang nagliliyab na hardin sa gilid ng mansyon. Tinakpan ko ang aking ilong at winagaswas ang kamay. Kumalat ang apoy at ang tila berdeng liwasan ay parang naging kupas na damit. Hindi lamang ang tauhan sa mansyon ang naroroon. Mukhang ang buong purok ay nagbayanihan upang matupok ang nagbabagang bagsik ng apoy. Sama-samang kumikilos sa gitna ng alab. Isa-isang nagsilabasan ang batsya ng tubig mula sa looban. Sinaboy ng ibang residente ang dalang tubig ngunit hindi ito naging sapat upang tuluyang mapawi ang sunog. "Hija umalis ka dito! Masyadong mausok!" Ani ni Manang habang nakabalot ang ulo sa tela. Inabutan niya ako ng bimpo at alegrong pinangtabon sa ilong. Mas lalo lang lumaki ang baga. Naghimutok ang ibang mamamayan. Miski si Mrs. De Luca na abala sa pagtulong at pag-atas sa kaniyang mga tauhan ay nasuya sa malutong na pag-lamon ng silab. Mula sa kalayuan, sumilip ang umaalingawngaw na tunog ng isang paparating na fire truck na sinundan rin ng isa pa. Parang mga masunuring langgam ang residente habang hinawi ang daan upang makatawid sa lugar ng sunog ang mga bumbero. Isa-isa nilang kinasa sa pagkakalagay ang mga hose ng tubig at isinaboy ang malamig na tubig sa galit na apoy. Namayagpag ang masasayang usal at palakpakan ng mga mamamayan matapos mapuksa ang sunog. Ngunit hindi pa rin ako mapalagay lalo na ng masilayan ko ang walang emosyong mukha ni Damian, habang masuring nakadako ang paningin sa amin. Tipong inaalisa niya ang mga pangyayari sa harapan, animo'y isang eksena lamang na napadaan. Sa aking isip, hindi ko mapigilan pagdududahan kung siya ba ang may pakana ng sunog na naganap. Hindi ko mapigilan maalala ang pangyayari kinagabihan... "A-anong g-ginagawa mo dito?" Basag kong sambit. Nahinto si Damian sa kanyang pagliliwaliw sa hawak na kutsilyo, sa halip ay tumingin ito sa akin. Walang anumang ekspresyon o emosyon ang nilalaman ng kanyang mukha. Binalot kami ng katahimikan. "Kuya...patawad...Alam kong galit ka sa akin, pero sana matanggap mo ako bilang kapatid," Tila nabigla siya sa nadinig. Binawi niya ang titig sa akin at ibinaling ang atensyon sa hawak na kutsilyo. Ilang saglit pa ang lumipas bago siya tumayo mula sa aking higaan at marahas na umalis ng aking silid.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD