Kabanata 5: Kondisyon

2017 Words
5 "Kamusta na ang kaniyang kalagayan?' Napasilip ako mula sa maliit na siwang ng aking pintuan. Kasalukuyang may panauhing kausap si Mrs. De Luca. Mukhang isang dalubhasa dahil sa kaniyang suot na puting roba at sukbit na leather suitcase. Kanina ko pa nadidinig ang kanilang diskusyon ngunit ngayon lamang ako naintriga sa maaaring paksa ng kanilang usapan. Pagkaraan ay nagkasalubong ang aming paningin ng panauhin ngunit nagpanggap na lamang siyang di ako nakita at sa halip ay inanyayahan si Mrs. De Luca umalis sa kanilang kinaroroonan. Tumango rito si Mrs. De Luca. Marahan ko na muling isinara ang pintuan. Hindi ako ang tipong taong nanghihimasok sa usapang matanda kaso madalas kong napapansin ang pagdalo ng panauhin tuwing sabado o linggo. Mahigit tatlong linggo na akong namamalagi sa mansyon ng mga De Luca. At ni minsan ay hindi ko na muling nasulyapan si Damian. May parte sa aking malumbay sapagkat kahit papaano kapatid ko na si Damian, at may bahagi rin sa aking maligaya subalit nabawasan na ang aking pagiging alarma sa kinikilos sa looban. Paminsan, naiintindihan ko ang panig niya. Kung ilalagay ko ang sarili sa paa ni Damian, hindi ko rin siya masisisi. Kahit sinong anak ay mabibigla sa pagsipot ng isang kinikilalang anak ng kaniyang magulang. Isang anak na kailan man ay hindi niya magiging kadugo. At ako iyon, isang taong naswerte lamang. Napabugtong ako ng hininga bago maisipan lumabas. Hindi lang si Manang Cindy o si nay at ate Trina ang aking nakasalamuha at nakilala sa mansyon, naroon rin si mang Cardo na hardinero ng mga De Luca at sina mang Hulio na drayber naman nila. Mababait silang mga tao, pawang mga masisipag na trabahador ng mga De Luca. "Nay pwede ba kita diyan tulungan" Alok ko ng makitang naghihimay siya ng mga hipong hindi pa malinis. Habang tinatanggal ang mga ulo at gulugod nito, kinuha ko na ang oportunidad para buksan ang nais ko ng itanong noon pa man. "Nay sino yung laging pumupunta ditong bisita tuwing sabado o linggo?" "Ahh si doktor Samson." "Doktor?" Tumango dito si manang. Kung gayon, kaya ba ito madalas bumibisita ay dahil para kay Damian? "May sakit po ba si Damian?" "Ahh...wala naman" "Eh bakit po may doktor sabi niyo." "Doktor kasi yun sa ibang sakit anak." "Ano pong sakit?" Hindi na sumagot si manang at sa halip ay itinuro na lamang ang ulo. Minasdan ko siya ng pagtataka. "Masakit ang ulo?" Bahagyang natawa si ate Trina sa narinig miski si manang na di mapigilan ang kaniyang munting halakhak. "Ayy...marami ka pa ngang di alam anak. Wag mo munang problemahin yan." Ani niya bago tumayo at pagpagin ang sarili. "Nabagok po ba siya?" "Anak mahirap ipaliwanag kung ano ang sakit niya." Itinikom ko na lamang ang bibig. Puno ng katanungan ang aking isipan ngunit minabuti kong itanong na lamang ito sa tamang oras. Matapos ang nangyaring insidente sa hardin. Mas naging madalas ang pagdalo ni Mang Cardo, ang hardinero ng mga De Luca. Mas lalo lamang siyang naging pursigido sa kaniyang pamamalagi sa hardin. Sinusubukang buhayin ang dating namumukadkad na halamanan. Maraming pananim ang nasawi sa sunog at di ko rin mapigilan malungkot sa sinapit nito. Kung tutuusin ang hardin sana ang magiging kublihan ko sa mga oras na wala akong ginagawa. Ngunit mukhang malabo na iyon sapagkat matagal tagal bago makaahon muli ang ganda nitong taglay. Bukod sa muling pagsasaayos ng hardin, may isa pang mabuting balita. At ito ay isa sa pinaka-nanunuot na tanong sa aking isipan. Si Mr. De Luca. Matapos marinig ang balita ukol sa sunog na nangyari, kaagad raw nitong kinansela lahat ng pagkaka-abalahan sa trabaho. Simula nang makatapak ako sa mansyon, kaagad rin daw siyang lumisan patungo sa kompanyang pinamumunuan. Nang araw na iyon halos di ko na pansin ang kaniyang presensya. Maliban kahapon na sadyang nakakabigla. Kung dati, namamangha pa ako sa kaniyang presensya nang masilayan siya sa bahay-ampunan ngunit ngayon ay halos mangatog ang aking mga tuhod sa takot. Hindi lamang ako ang takot sa kaniya kundi pati na rin ang mga tauhan sa mansyon na ito. Kakaiba ang epekto niya sa tao, tipong mararamdaman mong hindi basta-basta ang taong nasabi. Naalala ko pa kung paano siya maglakad, nakataas noo at yaong matikas ang postura. Nang araw din ng kaniyang pagbabalik, pinaulanan niya ng lektura ang mga tauhan. 'Paanong kumalat ang apoy kung sa una pa lang nababantayan niyo ng maigi ang hardin.' Tahimik lamang sila manang at ang iba pa niyang kasamahan. Mahigit lima silang nakatayo sa harapan ni Mr. De Luca at sa bawat hakbang niya tumatatak ang tunog sa kabuuan ng pasilyo. May bahagi sa aking naaawa sa kalagayan nina manang pero di ko rin mawaglit ang takot sa kaniyang pamumuno. 'Hindi ako nagpapasahod ng malaki para sa ganitong klase ng pagtatrabaho niyo!' Mas lalo lamang silang napatungo sa bulyaw. Kung isa lamang akong tauhan, baka naiyak na lamang ako sa kinatatayuan. "Pinapatawag ka na para kumain Rose." Nagising na lamang ako sa katinuan nang marinig si Ate Thelma. Imbis na makasagot, tango na lang ang ibinaling ko bago tumungo sa dako ng mansiyon. Isang magarbong bangkete ang naka-handa sa mahabang talahanayan. Naroon rin sina manang na kasalukuyang nilalapag ang mga gagamiting platito. Di ko mapigilan magtaka kung lahat ba ng ito ay para kay Mr. De Luca. Madalang lang ang pagdalo niya dahilan siguro ng engrandeng handaan. Kakaiba talaga ang pamilyang ito. Hindi ko alam kung kailan ako masasanay. Umupo na ako sa isang bakanteng silya at ipinirmi ang kompustura. Ayokong mapagalitan ni Mr. De Luca gaya ng pagpapagalit niya sa kaniyang mga tauhan. Matapos ang iilang minuto ng pag-aantay, lumabas din ang mag-asawa. Yapos-yapos ni Mrs. De Luca ang braso ni Mr. De Luca habang ang ikalawa ay liban ng emosyon ang mukha. Tahimik silang nagsi-upuan. "Kamusta ang pamamalagi mo dito Rose." Matalim na banggit ni Mr. De Luca. Bahagya pa akong napalunok sa sarili bago makasagot. "O-opo...masaya naman po." "Good." Muling tumahimik ang hapag-kainan. Nakaramdam ako ng kakaibang pagka-ilang sa harapan ng dalawang mag-asawa. Lumipad ang isip ko kay Damian, hindi na naman siya kasama sa pananghalian. Kaunting pagpapaliban na lang ay makakaligtaan ko na si Damian. Bakit nila hinahayaan kumain mag-isa ang anak na lalaki? "Rose...gusto kong kilalanin mo na ako as your father. You can call me dad if you'd like." Matalim niyang sabi, bawat pangungusap tumatatak sa akin. "O-opo dad!" Agad kong sabi sa pangangambang mapagalitan. Napanguso rito si Mrs. De Luca. "Ang daya naman ata anak ang bilis mo siyang tawaging dad." Hindi ko alam ang isasagot kay Mrs. De Luca kaya humingi na lamang ako ng tawad. "Pasensya na m-mama" Naiilang ko pa ring banggit matapos nguyain ang kinakain. Naging mabilis ang aking kain subalit sa nadaramang pitlag. Ang hirap mapalagay habang kasama sila sa malaking espasyo ng kwadrado. Tila nasasakal na rin ako sa nakakabagot na katahimikan. Matapos lumamon nagpaalam na ako kay Mrs. De Luca. "M-mama una na ako, sa labas lang po ako." Naiilang ko pa ring sambit, gayunpaman nginitian niya ako ng buong buo. "Ahh sige anak, iwan mo na kinainan mo sina manang na bahala." Tumango na lamang ako at sinunod ang kaniyang sabi. Lumabas na ako ng hapag-kainan. "Kamusta na si Damian" Napahinto ako sa aking entrada sa nabanggit na pangalan. Hindi pa ako tuluyang nakakalabas nang marinig ang pangalan ni Damian. Maingat akong nagtago at nakinig sa kanila. Hindi ako tinuruan nina Mother maki-usisa sa usapang matanda. Pero di ko ba alam. Kapag si Damian ang nagiging paksa, hindi ko mapigilan ang sariling maalam ang kaniyang kalagayan. "Hon, ayos lang naman siya...ang sabi lang ni Dr. Samson kailangan niyang mapalagay muna. He needs it badly" Rinig kong tumikhim si Mr. De Luca. "He needs people to look after him" "Hon...I think it's best na maki-halubilo muna sa mga tao si Damian." Hindi ko na marinig ang sumunod na sabi dahil sa nabasag na kopitang umalingawngaw sa bawat sulok ng silid-kainan. "Hahayaan mong makilala ng mga tao si Damian! Are you out of your mind Evangeline Minerva!" Napaigtad ako sa bigat at tono ng boses ni Mr.De Luca. Anong problema? Bakit naman nila pipigilan makilala si Damian ng mga tao? Kinahihiya ba siya ng magulang niya? "After what happened years ago! He is a disgrace of a son...hirap na hirap na akong intindihin siya!" Malakas na bulyaw ni Mr. De Luca. Hindi ko mapigilan ang takas ng luhang lumandas sa aking pisngi. Bagama't wala ako masyadong maintindihan sa salitang ingles. Batid ko ang galit at sakit na nakapaloob roon. Masakit din makarinig ng ganitong usapin. Ang itanggi ka sa mga tao ng sarili mong magulang. Ganun rin ba ang nangyari sa akin? Itinanggi rin ba ako ng magulang ko? "Hon!" Mangiyak-ngiyak na sambit ni Mrs. De Luca. Isang malutong na tunog ang aking nadinig bago umalingawngaw ang naghihinagpis na boses ni Mrs. De Luca. Hindi ko na kailangan pa silang tignan upang malaman ang kaganapan. Ang ingay na namayani ay sapat na para aking maunawaan. Di rin nagtagal ay napilitan na rin akong lumayas sa kaganapang iyon. Masyado akong naapektuhan nang hindi ko mawari. Tinahak ko ang daan patungong hardin. Gusto ko muna mapalagay kahit papaano. Nakakailang at nakakabagot ang kaganapan. Makakakilos pa ba ako ng malaya dito. Napabuntong hininga ako. Nang makarating sa hardin, pawang mga abo na lang ang kapansin-pansin dito. Ang dating berdeng liwasan ay napuno na ng namumuting alikabok. At nagmistulang niyebe itong abong yumayakap sa mga puno at halamanan. "Miss ko na kayo mother..." Mangiyak-ngiyak kong sambit sa sarili. Tuwing maaalala ko ang bahay ampunan hindi ko rin mapigilan ang sariling umiyak. Buong akala ko magiging panatag na kalooban ko pero kung anong mga bagay naman ang bumabagabag sa akin ngayon. "Kung namimiss mo sila. Bakit hindi ka na lang bumalik" Sa isang iglap napalingon ako sa nagsalita. Tuluyang nanlaki ang aking mata. "Kuya Damian?..." Aaminin kong bahagya akong nangamba sa kaniyang presensya. Ngunit kakaiba na tong kinikilos ko, hindi ko alam bakit natagpuan ko na lamang ang sariling inaasam-asam ang kaniyang aprobasyon. Ganun na ba ako kasabik magkapamilyang tatanggapin ako ng buong buo? "Kuya...akala ko may sakit ka? Kaya di ka pinapalabas" Imbis na sagutin ako, nanatili siyang tahimik. "Kuya alam kong masama ang naging pagkikita...pagkakakilala natin...p-pero sana mapatawad mo ako. Ayokong lumaki ng hindi man lang kita maging kaibigan." Tinignan niya lamang ako. Bahagya tuloy akong nailang. Matalim na naman ang kaniyang titig. At nanlalamig ako sa katahimikang bumabalot. Sa talang ng aking buhay, napuno ng kasiyahan at tawanan ng mga batang kaedaran ko ang aking kapaligiran. Kaya lubos na nakakapanibago ang sitwasyong kinabibilangan ngayon. "Kuya? Ayaw mo akong sagutin. Naiintindihan ko. Sana maging maayos rin balang araw pakikitungo natin sa isa't isa." Siniil na lamang niya lalo ang labi. Hindi siya nagsalita bagkus ay nilagpasan ako at ang hardin. Di ko alam kung saan siya pupunta. Susundan ko ba siya o hindi? Magiging pakialamera na naman ba ako? Bahagya akong napaisip. Patagal ng patagal ay mas lalong lumalaki ang aming agwat at distansya. Malamang ay isang kamalian nga ang mga susunod na pangyayari, subalit hindi ko na lubusang napigilan ang sarili at marapat na sinundan ang kaniyang lalandasin. Ilang hakbang lamang ang layo ko sa kaniyang anyong naglalakad. Minuto lamang ang lumipas ay narating namin ang destinasyon niya. Sa bahay na nilinis namin ni Manang Cindy kamakailan lamang bago mangyari ang sunog sa hardin. At ang bahay na ipinagkaloob sa aking gawing palaruan. Anong gagawin niya dito? Alam kong hindi akin ang bahay na ito, at wala rin akong balak angkinin. Ngunit bakit siya naparito? "Binigay raw ito sayo ni Evangeline." Wika ni Damian, nakatalikod pa rin sa aking direksyon. Kanina pa pala niya napansing sinusundan ko siya. "Evangeline? Sino yun?" Nagtatakang tanong ko sa pangalang nabanggit. Imbis na sagutin ako ay nanatili siyang nakatitig sa akin. "Ang umampon sayo...di mo alam ang pangalan?" Malamig niyang halakhak sa gitna ng tahimik na karimlan. Napalunok ako. "Si Mrs. De Luca?" Nguit imbis na sagutin, sinuklay niya na lamang ang maitim na buhok. "Do me a favor..." "Kuya...di ako marunong magingles" "Kung gusto mong tanggapin kita. Makipaglaro ka sa akin..." Napalunok muli ako sa maaaring pangyayari.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD