23
"Ayos ka lang?...Rose?"
Bahagya akong niyugyog ni Mam Hyacinth sa balikat. Kanina ko pa siya hindi pinapansin kahit anong usap niya sa akin. Ilang minuto akong natulala. Dala ng sobrang gulat, nabitawan ko na pala ang liham at rosas na kapit-kapit ko. Puno ng pagaalala ang mata ni teacher Hyacinth habang inaalo ako, ngunit wala akong naging kibo sa kanya.
"S-si k-kuya..."
Miski siya ay nabigla sa narinig. "Rose...you need some rest, okay?" Hinimas-himas niya ang likuran ko. "Alam kong nagaalala ka pero huwag mong pabayaan ang katawan mo,"
Nagtagpo ang aming mata. Tama siya, tama si si teacher Hyacinth. Kailangan ko ngang makauwi. Kailangan ko ihatid ang balita kay mama. Kailangan ko sabihin sa kanyang ayos lang si kuya.
Kalagitnaan ng pagmumuni-muni ko, napakwestyon ako sa sarili. Sigurado bang si kuya ang nagpadala ng liham? Siya ba talaga ang tao sa likod nito? O nagkataon lamang? Pero wala naman akong ibang tinawagan...
Minata ko ang kapit-kapit. Sa gitna ng pagaalangan ko, alam kong kailangan ko pa rin sabihin.
Matapos niyang isalangsang ang lahat ng kailangan ko, tuluyan na kaming umalis. Yakap-yakap ni mam Hyacinth ang isang kahon sa kanyang mga braso. Naroroon ang mga libro at ang sobrang uniform ko para sa PE.
Tinapik niya ako saglit, bahagyang lumebel sa aking paningin.
"Rose, dadating na ang sundo mo. Tinawagan na namin. Antay-antay lang ha?"
Wala akong naging imik bagkus tumango na lang ako sa gawi niya. Ilang minuto iniwan niya ako sa waiting area ng eskwela. Medyo malamig dito, at nababalutan ng puno ang kapaligiran.
Ilang saglit na katahimikan ang pinagkaloob sa akin hanggang sa may taong dumating.
"Mind if I seat with you while you wait?"
Napalingon ako sa aking gilid at nabigla nang makita si Alexander. At dahil matangkad siya, nahihirapan akong tanawin ang kanyang mukha gayong natatamaan ang mata ko ng sinag ng araw.
"Hmm?"
Tumango na lamang ako bilang sagot.
"Pansin ko. Di ka masyadong mausap,"
"S-sa m-mga taong di ko lang kaclose,"
Kumunot ang kanyang noo. "Why is that?"
Sinupil ko ang sarili. Naoobliga akong sumagot sa kanya, pero nagpapasalamat din ako. Buong magdamag, puro si kuya ang naging laman ng usapan, at sa katotohanan, tuwing naaalala ko'y mas lalo akong nalulugmok. Pero iba na ngayon, dahil may pinanghahawakan na akong hinala. Hinala na nandito si kuya sa Pilipinas, at wala sa paaralang inaakala nilang nandon siya.
"Dahil may mga taong nanakit sa akin...kaya nahihirapan na akong kumilala basta-basta," Sabi ko sa kanya habang nilalaro ang mga daliri.
"I hope I'm not like those people you don't want to be friends with?"
Umiling ako, may kapiranggot na ngiti sa bibig ko. Base sa kinikilos niya at pati na rin sa pananalita, alam kong mabuting tao si Alexander. "Syempre hindi...at salamat dahil sinasamahan mo ako," Magaan sa loob kong wika sa kanya. "Pero—bakit mo naman kasi ako ninominate bilang muse...nagtatampo ako sayo," Biro ko sa kanya bagamat mabigat pa pakiramdam ko.
Mahinhin siyang humalakhak. "I think you're beautiful and kind. Out of all the girls here, I think you suit this contest the best,"
"Mahina utak ko eh. Baka hindi mo alam..."
"Rose, don't ever say that you're stupid. You're not. I see that you're good in arts, and that is where your skill set strives the most,"
Matipid akong ngumiti. "S-salamat...walang masyadong nakakapansin..."
"Anytime, Rose, oh...and if there's anything you want me to help you with. Don't hesitate to ask me. Nandito lang ako lagi,"
Nginitian ko na lamang siya bago umiling, ngunit sa kalagitnaan non, may napagtanto ako sa sarili. Isang bagay na alam kong mahirap gawin magisa. Ngayong nabanggit niya ang kagustuhan niyang tumulong, naalala ko ang pinaplano kong mangyari. At para makamit iyon, kailangan ko ng tulong niya.
Nilingon ko si Alexander na ngayo'y nakahilig sa inuupuan naming bench.
"Alexander..."
"Just call me Alex, Rose,"
Tumango ako sa kanya, agad namang tumalima, at humingang malalim. "Pwede mo ba akong tulungan?"
Hindi siya nagulat sa biglaan kong paghingi ng tulong kaya laking pasasalamat ko talaga. Kumunot lang ang kanyang noo bago dahan-dahang tumango. "Anything for you. What is it?"
Ito na, kailangan ko na sabihin sa kanya.
"M-may...may nagpapadala ng liham sa akin, pati na rin bulaklak..." Inabot ko sa kanya ang dalawang bagay na tinutukoy ko, ngunit ang huling liham na hinihinala kong galing kay kuya ay itinago ko lang para sa sarili. "Pwede mo ba akong tulungan?...Gusto ko makita kung sino mismo naglagay ng mga ito,"
"Wait. So you're asking me to investigate?"
Iniling ko ang ulo. "H-hindi ko alam kung anong oras at kailan niya nilalagay ang liham at bulaklak, kaya hindi ko alam paano siya mahuhuli. Atsaka may klase tayo, paano ko malalaman ng hindi nahuhuling pakalat-kalat ng teachers?"
Pinagkrus niya ang braso at nagtama ang aming paningin. "D-do you like this secret admirer of yours?"
Iyon ba ang interpretasyon niya kung bakit gusto kong mahanap ang taong may pakana? Oo siguro nung una, bago ang lahat ng nangyari...
"H-hindi. Kailangan ko lang talaga makilala. May mahalagang bagay akong tatanungin,"
"I see...this must be more important to you. I mean, hindi ko naman sinasabing hindi mahalaga ang pagkawala ng kuya mo, I'm just saying that I'm glad you're fine and doing something else,"
Nagulat ako sa sinabi niya. Nakita niya ang pagkabigla ko kaya ginulo niya ang buhok. "I'm sorry...I messed up. H-hindi ko intensyon-"
"Okay lang, Alex...Okay lang..." Pagbibigay kasiguraduhan ko sa kanya. Halatang nagsisisi siya sa mga nasabi ngunit hindi ko na iyon pinagtuunan pa ng pansin.
Tutal, ang bagay tungkol kay kuya at ang taong pinapahanap ko ay baka iisa lang.
Ilang saglit kaming nagkatitigan, bago siya tumango at sumangayon sa aking proposisyon. Baka nga tadhana ito, tadhanang tulungan niya ako, bagkus matapos naming magkapalagayan, dumating na ang sundo ko.
____
'THE HEIR of De Luca industries is reported to be missing'
'Due to the fire incident...'
'Five students injured...'
'Missing'
'Missing...'
Walang naging laman ang media kundi ang pangalan at apelyido namin, kasama na ang prestihiyosong paaralan na pinapasukan ni kuya-Haley's boarding school.
Kada bubuksan ni Mang Tano ang radyo agad niya ring papatayin. Gaya nga ng sabi, matunog ang balita sa pagkawala ni kuya. Hindi ako natutuwa sa ganoong klase ng pamamahayag, animo'y nagpipiyesta pa ang iba samantalang kami naman ay nagaalala dahil wala rin kaming alam sa totoong nangyari kay kuya.
Bagamat wala pa ring balita na nakita na nga siya, may parte sa aking naniniwala na buhay pa siya, lalo na nang matanggap ko ang liham na sadyang kakaiba ang nilalaman.
Matapos ng insidente, bumalik sa dati ang mga pangyayari. Magisa sa mansyong napakalaki, walang kausap o minsan may masabihan. Simula noon, wala na akong nadatnang tao sa bahay. Kahit anong halungkat ko at paghahanap sa mansyon, hindi ko makita kung nasaan si mama...hindi ko na siya nakita pa...
Tatlong buwan na akong walang balita sa pamilya ko, ang pamilyang dapat kasama ko palagi. Hinawakan ko ang dibdib at umupo sa gilid ng hagdanan. Patuloy ang agos ng luha ko. Ang sakit sa lalamunan pigilan ang hikbi. Wala akong balita kung nasaan si mama o miski si kuya, samantalang ay abala naman si papa sa kanyang mga inaasikaso-mapa-media o negosyo, hindi siya tinatantanan.
Pangilan beses ko ng inalo ang sarili at pinunasan ang luhang lumalandas sa pisngi. Araw-araw para akong bumabangon sa wala. Hindi pala, nakalimutan ko. Sa isang bagay lang ako kumukuha ngayon ng lakas para makabangon. Tuwing gigising isa lang ang nasa isip ko. Ang mahanap si kuya at kung nasaan siya.
Kahit anong tawag ko sa telepono, miski text ay wala itong kibo o paramdam sa akin.
Tinutulungan ako ni Alexander sa hinihingi kong pabor ngunit hanggang ngayon sa lahat ng taong nadaan sa locker area, hindi niya mawari kung sino ang nagiiwan ng liham at bulaklak sa akin. Sa ngayon, tatlong lalaki ang hinihinala niya, ang dalawa ay kilalang-kilala ko.
Si Ethan, at si Will. Samantalang si Duke naman ang isa, pang-anim na baitang at katabing klase namin.
"STRAIGHT ANG katawan...ayan tama yan!"
Nagising ako sa iniisip at umayos ng tindig nang maramdaman ang kamay ng dance instructor namin na si sir Ken.
Inayos niya ang postura naming dalawa ni Alexander habang magkatapat at magkahawak ng kamay. Kasalukuyan kaming nagsasanay para sa aming dance number at talent showcase para sa Mr. and Mrs. Aphrodite contest.
"Rose...It's time," Bulong sa akin ni Alexander, bagay na kinataka ko.
Nang inikot niya ako at napasandal ang likod ko sa kanyang dibdib, tsaka ko lamang napagtanto ang sinasabi niya.
"Paano mo ginawa?"
"Nakuha ko ang access sa CCTV room. I told you I just needed time,"
"H-hindi ba tayo mahuhuli?"
"I have my people to cover for us. Don't worry,"
Kumalas ako mula sa kanya at marahang yumukod. Masiyang pumalakpak si sir Lucas nang matapos ang musika at agad kaming dinaluhan.
"You look good together! Tiyak na may panalo na!"
Mapait akong napangiti habang si Alexander ay taliwas naman sa akin. Kinakabahan pa ako sa question and answer, iyon ang pinakamahina kong aspeto at baka nga iyon rin ang ikatalo ko. Gayunpaman, iniisip ko na lang na hanggat may oras pa, magaaral ako ng mabuti.
Sinimulan na naming kunin ang mga gamit.
"Rose? What time?"
Nilingon ko siya nang magsimula ng tumunog ang school bell, indikasyon na kailangan na namin bumalik sa aming mga klase. "Sure kang susunduin mo ako?"
Tumango si Alexander. Kinagat ko ang labi at sinulyapan ang aking schedule.
"Gabing-gabi. Kapag wala ng tao," Wika ko sa kanya bago ako tuluyang umalis.
Ito na ang pinakaabangan kong araw. Ang araw para makita kung sino ang nagbibigay ng liham.
DAKONG alas-dose ng gabi, narinig ko na ang mahinang ugong ng motorsiklo ni Alex. Dahil matangkad siyang lalaki, wala siyang kahirap-hirap magpaandar ng animo'y big bike kung tawagin.
Pagka-labas ko nadatnan ko siyang naka-pang leather jacket kasama na ang kanyang ripped pants. Kung titignan ko siya, hindi angkop ang itsura niya para sa edad niya. Sa katunayan, kailan ko lang rin pala nalaman na magkasing-edaran kami, at ilang buwan na lang ay papatak na ang kanyang kaarawan. Parang napakabilis ng oras kung tutuusin, halos hindi ko na nga mapansin. Bagamat gusto kong itanong bakit gaya ko ay nalate rin siya sa pagaaral, nanatili na lang akong tikom-bibig, tutal may kanya-kanya naman tayong kwento.
"Hindi ka ba mahuhuli? Diba bawal ang minor magmaneho?"
"Relax. There's no checkpoints, I had my people prepare for tonight,"
Tumango ako sa kanya at sinimulan nang suotin ang binigay niyang helmet.
"Will you be fine? Riding with me?"
Iniling ko ang ulong may suot na malaking helmet. "Okay lang! Tara na..."
Tumango siya sa akin at sa isang iglap sinimulan na niyang paharurutin ang motorsiklo.
Buong biyahe ay yakap-yakap ko ang kanyang beywang. Malakas ang hampas ng hangin kaya para akong matatangay nito, buti at malaking lalaki si Alex. Ano pa ba aasahan ko kapag may dugong banyaga...
Ilang saglit, halos wala pa ngang kalahating oras, narating na namin ang Neilson Integrated Institute, kung saan ako nagaaral, at ang paaralan na una kong narinig mula kay Ethan.
"Let's go?"
Dahan-dahan akong tumango bago sundan si Alex. Akala ko ay pipigilan kami ng guwardyang naka-atas magbantay tuwing gabi ngunit isang supot ang inabot ni Alex, at sa isang iglap pinapasok kami ng walang kahirap-hirap.
"How?" Takang tanong ko.
Ngumiti siya sa akin, ang perpekto niyang ngipin kitang-kita datapwat madilim. "Money controls people," Tipid niyang wika bago ako paunahin sa control panel room kung saan makikitang nakahilera ang samu't saring LCD TV.
Binuksan na ni Alex ang bawat telebisyon at binalikan ang petsang nabanggit ko sa kanya. Wala kaming inaksayang oras dahil alam naming may oras kaming hinahabol, lalo na't baka mahuli rin siya ng magulang niya. Sa aking kaso, wala namang problema dahil walang tao sa bahay, maliban sa akin at ang mga katiwala namin.
Nagulat kami nang masilayan ang isang pamilyar na pigurang lumapit sa aking locker. Tangay-tangay ang pamilyar na rosas. Laking pagtataka ko dahil si Will ang taong iyon. Paano niya nalaman na birthday ko ang passcode? At ano naman ang intensyon niya?
Pero isang beses lang iyon nangyari.
Ifinorward namin ang footage sa dakong araw na nakatanggap ako ng liham matapos ko maging muse. At mula doon, huling-huli ang school janitor na naglagay ng liham at rosas sa aking locker. Napaatras ako sa gulat samantalang si Alexander biglang nagngitngit sa galit.
"That asshole!" Sinuntok ni Alexander ang mahabang mesa, agad ko siyang dinaluhan ngunit hindi na siya maawat pa. "I'm gonna kill him," Bulong nito sa sarili bago tuluyang umalis ng control panel room. "I'm gonna f*****g talk to that man,"
"Teka Alex!"
Halos hindi ko siya mahabol dahil mahahaba ang kanyang biyas. Malamig ang simoy ng hangin nang tawirin niya ang malawak na football field patungo sa staff dorms, hanggang sa puntahan na niya ang janitor's quarters. Hingal na hingal ako ng maabutan ko siyang sinisipa ang pintuan.
"Get up you f*****g creep!" Bulyaw ni Alex.
Hinawakan ko siya sa kamay at pilit siyang inalo, ngunit tila sarado na ang kanyang tenga sa pakikinig.
Ilang saglit bumukas ang pintuan, at sumilay ang nangangatog na janitor. Nang dumako ang tingin niya sa akin, biglang nanlaki ang kanyang mata, animo'y inaasahan na ang pangyayari.
"Alex!" Nagulat ako sa sumunod na pangyayari dahil kinuwelyuhan niya ang janitor at marahas na itinulak sa dingding.
"You're a f*****g creep for sending flowers and letters to an innocent girl! Let alone still a f*****g child!"
"S-sir a-alam kong nahuli niyo na a-ako! Pero p-pasensya na! Inutusan lang ako! Inutusan ng t-taong iyon!"
Halos mawala ng ilang saglit ang pagkakapit ni Alex sa kwelyo nito ngunit agad uli itong bumawi. "You f*****g think I'd believe you?! You're pointing fingers at others because you're caught red-handed!"
"T-totoo sinasabi ko sir! A-atsaka siya rin, ang t-taong nagutos! Siya naman nagsabi ayos lang na malaman niyo raw na ako ang naglalagay!"
"At bakit? Why would it be okay!?"
"M-malalaman daw n-niya!" Wika ng janitor bago ako duruin ng kanyang daliri. "S-sabi ay magiging malinaw na d-daw sa kanya ang nangyari!"