11
Parang walang nangyari kagabi habang buong ngiti akong kinakausap ni mama.
"Maganda ang naging performance mo nak sabi sa akin ni teacher Dhang," Wika niya habang hinihiwa ang kanyang steak. Napatingin ako sa ginagawa niya. Tila mabigat at marahas na damdamin ang dumadaloy sa akin habang pinagmamasdan ang hawak niyang kutsilyo.
Hindi ko mapigilan ilibot ang mata sa kabuuan ng hapag-kainan. Kami lang nina mama at papa ang naririto. Sina manang at ate Trina ay kumakain naman sa kanilang maid quarters. Simula umaga hindi ko nasilayan pa si kuya, kaya hindi ko maiwasan mag-alala para sa kanya.
Gusto ko sanang itanong, kaso isang sulyap ko lamang kay papa, tuluyan nang umurong ang aking dila.
"Kailan na siya pwedeng pumasok?" Pahayag ni papa habang sumusubo ng pagkain.
Napalunok muna ako bago rin sumubo ng aking porsyon.
"Well she needs to pass...that's what we need to focus on,"
Wala ng sinabi si papa matapos non. Pinunasan lang niya ang kanyang labi bago tumayo sa pagkakaupo.
"Oh...aalis ka na agad?"
Tumango lang si papa. Sa puntong iyon, nagmadaling kumain si mama at ilang saglit, tumayo na rin siya.
"Rose dyan ka muna ha...aasika—"
"Okay lang po mama," Agap ko sa kanya nang maulinagan ko ang kanyang pinapahiwatig. Bago siya umalis, ngumiti muna siya sa akin at tuluyan na akong nilayasan. Sinamahan niya si papa at base sa aking obserbasyon, may pinaguusapan sila habang naglalakad.
Hindi na rin ako nagpatumpik-tumpik pa. Tinapos ko ang aking pagkain. Maya-maya hinugasan ko na rin ang aking kinainan bago ibalik sa mga lagayan. Wala akong inaksayang oras at pumanhik na ako sa taas, patungo sa kwarto ni kuya.
Hindi ako kumatok bagkus inilapat ko ang aking tenga sa malamig na pintuan—sinusubukang pakinggan ang anumang ingay na manggagaling mula sa looban ngunit wala akong nadinig.
Tuluyan akong nag-alala.
Imbis na mang-abala. Pinili kong lumabas ulit ng mansyon. Naalala ko kagabi ang hawak ni kuyang mga halamang gamot. Wala naman akong ibang iniisip kundi panggagamot niya iyon.
At mabuti nga naisipan kong lumabas sapagkat nakita ko ang bungkos ng yerbabuena at dahon ng bayabas na nililinis ni manang.
"Sino na naman kaya ang nagkalat dito..." Bulong niya sa sarili habang winawalis ang daanan—walang ideya na naririnig ko siya sapagkat malapit lamang ako.
Walang ibang pumasok sa aking isipan maliban sa kaganapan kagabi. Pwedeng nabitawan ni kuya o kaya naman pinatapon ni papa.
"Magandang tanghali nay,"
"Magandang umaga nak, alas-diyes pa lang ata ng umaga,"
"Ahh—"
Nakatuon ang aking tingin sa ginawa niya sunod. Tinapon niya sa sinisigaan ang mga nalantang halamang gamot at wala na akong nagawa pa upang mapigilan siya. Bumakas ang busangot sa aking mukha ngunit hindi ko iyon pinahalata kay manang.
Paano ba ito? Ngayong wala na si kuyang gagamitin...
"San ka pupunta Rose?"
"Maglalaro lang po," Agap ko, ngunit hindi yon totoo. Nagaalala na nga ako sa sarili ko gayong napapadalas ang pagsisinungaling ko, bagay na iniiwasan ko nung nasa bahay-ampunan ako.
Madalas kaming turuan nina father, at araw-araw nagdadasal kaming lahat ng sabay-sabay. Ngayon ay tila napawi na ang kagawiang kong iyon. Binagtas ko muli ang alaala ng aming dinaanan kagabi. Bahagyang sariwa pa sa akin ang direksyon gayong nakapokus ako sa aming patutunguhan ni kuya. Isa pa, inaalis ko ang memorya ng pambubugbog kay mama.
Ilang minutong paglalakad ang ginugol ko sa bahagyang masukal na daan nang sa wakas, sumilay sa akin ang maliit na bahay kung saan pumasok si kuya. Ngayong naliliwanagan na ito ng araw, napansin kong luma na nga ang bahay na iyon. Halatang lagayan ng mga ginapas na gulay at prutas ni Mang Cardo.
Lumusong ako papunta sa pintuan pero laking dismaya ko nang malamang nakalock na naman ito. Parang kaayos nga lang. Hinawakan ko ito at pinilit buksan pero wala pa rin talaga, sadyang mahigpit na ang lubid na nakatali sa pintuan.
"Anong ginagawa mo?"
Kinabahan ako sa nagsalita.
Nilingon ko ang taong iyon—isang batang lalaki. Siguro mga kasing-edaran ko rin ang nagsalita mula sa kabilang bakuran. Medyo magkasing-taas lang kami ngunit mas lamang siya ng ilang pulgada. Pumuputok sa liwanag ang kanyang kayumangging mata, bagay na una mong mapapansin sa kanya. At ngayon, naiisip ko, para siyang may lahing banyaga sapagkat mestizo siya.
"Hi," Naiilang kong bati.
Imbis na balingan ang aking bati, kumunot ang kanyang noo. "Ano ginagawa mo? Magnanakaw ka ba. If you are, I will report you,"
Iwinasiwas ko ang aking kamay. "Hindi ako magnanakaw! May kukunin lang sana ako...kaso nilock na,"
"Ano naman kukunin mo? Sa tingin mo maniniwala ako sayo?"
"Kukuha ako halaman. Meron sa loob dyan. Kinuha ni kuya kagabi,"
"Kuya?"
"Si kuya Damian,"
"Bat mo siya kinu-kuya? Kilala ko si Damian. Classmate ko,"
Napauwang ang aking labi.
"I don't remember Damian having a sister,"
Lumunok ako. Nahihirapan unawain ang kanyang pag-ingles.
"Hindi ako masyado pa makaintindi ng english," Nahihiya kong amin.
Napabuntong hininga siya. Tila naiirita na. "Walang kapatid si Damian. Nagsisinungaling ka,"
"Hindi ako nagsisinungaling...totoo niyan, inampon lang ako ng mga De Luca,"
Ikinawit niya ang kanyang braso sa isa't isa. "At sa tingin mo maniniwala ako sa sinasabi mo?"
Kinagat ko ang aking labi. Ano pa ba ang masasabi ko at ano ang maibibigay kong ebidensya?
"Wala na ako kailangan patunayan sayo,"
Dala ng sinabi ko, nagsalubong ang dalawa niyang kilay at hindi na niya naitago ang pagkairita sa mukha. "I told you, i-rereport kita sa village namin kung magnanakaw ka,"
"Okay lang...kasi totoo naman sinasabi ko. Kaya alam kong hindi ako makukulong at anuman ang pwede mangyari alam kong hindi ako mapapahamak,"
Inismiran niya ako.
Siguro wala na rin magawa. Isa lang naman kasi yan, pwedeng siya pa ang mapagalitan, o ako ang malagot. Sa huli, pinili niya ang una.
"Ano ba ang kukunin mo sa loob?" Tanong niya.
"Ahh...kukuha ako halamang gamot,"
"Para saan?"
"Hindi ko rin alam...pero sa tingin ko may sakit si kuya Damian,"
"May sakit naman talaga yong piece of s**t na iyon," Bulong niya sa sarili subalit naabot yun ng pandinig ko. Hindi ko mapigilan ang mapatanong.
"Bakit parang galit ka sa kanya...akala ko close kayo dahil sabi mo kaklase mo,"
"Isa siyang malaking sagabal sa akin..."
"Bakit naman?"
"Huwag mo ng tanungin," Aniya sa akin dahilan para matikom na ako. Hindi ko na siya pinilit pa kaya ipinagpatuloy ko na lang ang pagbatak sa pintuang mahirap buksan.
"Halamang gamot ba talaga kailangan mo? Hindi gamot mismo?"
Natigil ako sa aking ginagawa. "Bakit mo natanong?"
Umismid siya—sinusungitan pa rin ako. "Bibigyan na lang kita kaysa mapagkamalan ka pang magnanakaw,"
"Talaga?"
"Oo sumunod ka na lang. Kapit-bahay niyo lang kami,"
Nilinga ko ang kapaligiran. "Pwede bang tatalon na lang ako sa bakod, hindi kasi ako nakapag-paalam. Saglit lang naman ako,"
"Suit yourself,"
Walang akong ideya kung oo ba yon o hindi, pero halata namang oo, dahil nagsimula na siyang maglakad.
Inakyat ko na ang matarik na gate. Kahit mataas ito, hindi ako natakot. Dala ng medyo sanay na ako sa mga delikadong larong ginagawa namin sa bahay-ampunan. Isa na don ang pag-akyat sa mga puno.
"Baka may aso kayo?"
"Wala," Tipid niyang banggit. "Sa pusa mahilig ang mama ko,"
"Ahhh...okay,"
Habang naglalakad, hindi ko mapigilan mamangha muli sa malaking mansyong bumungad. Ngayon ko lang napagtantong lahat pala ng tao dito ay sadyang mayayaman. Akala ko ang mga De Luca lang, gayong animo'y palayan na ang kanilang sakop sa lawak nito.
"Ang yaman niyo..." Wala sa sarili kong banggit. "Baka makita ako magulang mo. Anong sasabihin ko?"
"Madalas silang wala dito kaya wag kang mag-aalala,"
May kung anong pumintig sa aking dibdib. Masakit iyon at puno ng kalungkutan. Unti-unti nagigising ako sa kasanayan nilang liban ng gabay at presensya. Ayokong isipin na baka mangyari rin sa amin ang nararanasan nila. Alam kong medyo maka-sarili, pero sana hindi ako mapabayaan.
Pumasok na kami sa looban. Gaya ng sabi niya, wala ngang katao-tao. May mga katulong akong namataan subalit agad din silang umalis matapos maglinis.
"This one?"
"Ahm...hindi ko kasi alam kung ano ang sakit niya pero malakas kutob ko na may sugat siya,"
Naglabas siya ng buntong-hininga. "Eto...kunin mo na lahat. Marami naman kaming gamot dito,"
"Sigurado ka? Magkano babayaran,"
"Wag mo na bayaran. Pasalamat ka na lang at medyo magaan pakiramdam ko ngayon,"
"Salamat...salamat ng sobra,"
Hindi na siya sumagot sa akin, pero nagpapasalamat pa rin ako hanggang sa pagkakataong hinatid pa niya ako sa bakod kung saan ako umakyat.
"Sige sa susunod nating pagkikita," Huli kong paalam, bagamat wala siyang imik, nasilayan ko pa rin ang pag-angat ng dulo ng kanyang labi.
Maayos akong naka-baba sa dako ng haligi ng mga De Luca. Bago ako tuluyang umalis, muli ko siyang hinarap.
"Ano ang pangalan mo kuya?"
"My name is Ethan. At wag mo na ako tawaging kuya,"
Tumango ako sa kanya at nagpaalam na.
Bumalik ako sa direksyon ng mansyon, patungo sa kwarto ni kuya. Wala akong sabing kumatok. Hinintay ko ang responde niya sa akin, ngunit walang kahit anong tunog o ingay ang nagawa sa looban.
"Kuya? Kuya Damian?"
Nagaalala na ako nang walang siyang naging baling sa akin. Bagamat madalas naman ay wala talaga siyang imik sa akin, nandon pa rin ang aking pagkabagabag dala ng nangyari kagabi. Hinugot ko ang lahat ng aking lakas ng loob at pumasok sa kanyang kwarto.
"Anong ginagawa mo dito?"
Panandalian akong natigilan nang bumungad sa akin ang kalagayan ni kuya. Nakakumot siya ngayon pero kitang kita ko ang mga pasang nagkalat sa kanyang pang-itaas na katawan.
"M-may dala akong gamot para sayo kuya,"
"Umalis ka na dito," Matigas niyang sabi.
Napasinghap ako, gayunpaman lumapit pa rin ako sa kanya.
"Don't come near me,"
Nanatili akong tahimik habang nilalapag sa coffee table niya ang baon-baon kong mga gamot. Nahinto lamang ako sa ginagawa ng biglaan niya akong hawakan sa aking pulso, laking pasasalamat ko at hindi ko nabitawan ang isang dosenang gamot na ilalapag ko palang sana.
"K-kuya nasasaktan ako," Nanlaki ang aking mata ng bahagya na niyang ipinipilig ang aking kamay. Kaunti na lang pakiramdam kong mababali na iyon.
Akala ko itutuloy niya ngunit sa isang iglap, binitawan niya ako.
"Sinabing umalis ka na...kung ayaw mong masaktan pa,"
Ibibigay ko lang naman ang gamot. Masama ba iyon?
Saglit ko siyang pinasadahan ng tingin. At parang binalot ako ng lamig nang magka-titigan kami.
Sinimulan ko ng pumihit paalis, pero saglit akong natigilan sa kanyang sinabi.
"Huwag ka ng babalik dito. Ayoko na kitang makita,"
____
HALOS magkapaltos-paltos ang aking daliri sa kakaulit sa pagtugtog ng gitara. Dumating na ang araw kung saan muli akong tuturuan sa musika at arts. Aaminin kong marunong ako, pero hinding hindi ako magaling.
"Again!"
Sinimulan ko uli. Medyo nanginginig na nga ang aking mga daliri. Alam kong ampon lang ako, pero minsan napapansin kong nagbabago na ang turing sa akin ni Mam Liezel.
"What on earth are you doing!" Tumayo na siya sa kanyang silya. Maya-maya dinuro niya ang aking noo, dahilan para mapabalikwas ako ng kaunti.
"Ano ba ang nasa kokote mo at hindi mo masundan ang tamang ritmo!"
Naiiyak na ako pero pinigil ko iyon. Sa aking sitwasyon, parang nakakahiya kung mag-iinarte at magda-drama ako.
"Again! And this time focus!"
Huminga ako ng malalim. Kahit pagod na ang aking daliri, iniisip ko na lang ay kailangan ko na itong ipagpabuti kung gusto ko ng matapos ang lahat. Inabot pa kami ng isa't kalahating oras. Naturuan na rin ako ng bagong piyesa datapwat hindi ko pa hustong natututunan ang unang tugtugin.
"Jusmiyo. Ang hirap mong turuan..." Narinig kong bulong niya bago kuhanin ang baon-baong Violin. "Magaral ka sa susunod kung ayaw mong mapagalitan!"
"Opo mam Liezel..."
Hindi na niya ako sinagot bagkus sinarado na niya ang pintuan ng aking silid. Wala sa sarili akong bumuhos na ng iyak matapos ang pangyayari. Dalawang minuto ata iyon, naiwan akong tigagal. Kahit ganito ang trato sa akin, palagi ko na lang iniisip ang mga itinuro sa bahay-ampunan—ang maging magalang pa rin.
Lumabas ako sa aking silid. Umaasang naririto pa si Teacher Liezel upang ihatid ko man lang hanggang labas. Liliko na sana ako pakanan ngunit ang mga nakita at narinig ko ang nagpahinto sa akin.
Nakita kong hinalikan ni Mr. De Luca si Mam Liezel. Bahagya pa silang nagyakapan.
"Wag dito Liz...nandito ang asawa ko,"
"Hayaan mo siya...akala ko ba alam na niya," Malambing na banggit ni Mam Liezel.
Sa puntong iyon, naging malamig at nakakatakot ang tono ni papa. "I told you Liz. Wag dito sa pamamahay ko,"