III: PERFECT IMPERFECTION
The self-proclaimed saint's pov
"God never calls perfect people, He perfects the people that He calls."
Napaubo ako nang mabasa ko ang katagang ito sa isang pahina ng mga seminarista sa f*******:.
Talaga ba? Hindi ko yata kayang maniwala sa katagang iyan? Sa pagkakaalam ko, ang mga karapat-dapat lang sa tawag ng Diyos ay ‘yong mga taong perfect. ‘Yun bang mabait, masunurin, sumusunod sa magulang, ‘yun bang tipong hindi nakakagawa ng kasalanan? ‘yun bang perfect sa paningin ng lahat? ‘yun naman ang dapat 'di ba? Saan ka ba nakakita ng paring basagulero? Adik, makasalanan at kung ano pa? Meron ba? Wala 'di ba? ibig sabihin, near to perfections lang ang tinatawag ng Diyos para sa bokasyon ng pagpa-pari, wala ng iba.
Kagaya ko, I am called therefore, I am perfect.
Teka, ‘wag n’yong sabihing nagyayabang ako, lilinawin ko lang, hindi galing sa akin ‘yong ideyang perfect ako. Kanino? Eh, di, sa mga taong nasa paligid ko. Sa mga nakakakilala sa akin. Sa mga tao sa parokya. Sa mga kaibigan ko.
Hindi naman sa nagbubuhat ako ng sarili kong bangko pero marami kasing nagsasabi sa akin na hangang-hanga raw sila sa kabutihang loob ko. Para na nga raw akong santo, eh. Sabi pa nila, bagay raw sa akin ang mag-pari dahil mabait raw ako at huwaran sa lahat ng kabataan. N’ung una, nahihiya pa ako kapag sinasabi nila ‘yong mga papuring 'yan sa akin pero habang tumatagal ay nasasanay na rin ako. ‘yon bang tipong kapag nakakarinig ako ng papuri sa iba ay parang normal na lang sa akin?
Hindi ko sila masisisi kung ganun ang tingin nila sa akin. Pinalaki lang naman kasi ako sa relihiyosong paraan ng mga magulang kong active din sa simbahan tulad ko.
Isang lector si mama samantalang si papa naman ay isang lay minister. Bata pa lamang ako, sumasama na ako sa kanila kapag may communion service sa mga baryo sa amin. Kaya naman kilala na ako ng lahat bilang pinakabatang naglilingkod sa simbahan.
Natuto akong manguna sa pagdarasal ng santo-rosaryo nang no’ng walong taong gulang pa lang ako. Natuto rin akong maging inspeaker—inspiring speaker, sa edad na sampu. Kaya hindi na rin ako nagtataka kung bakit ako ang piniling maging sakristan mayor ng parokya namin kahit 11 years old pa lang ako noon. Ayon pa sa sabi-sabi, ako raw ang pinakabatang naging sakristan mayor ng parokya namin. Nakakatuwa. Nakakaproud! Sa awa ng Diyos, labing anim na taong gulang na ako ngayon. 8 years na akong naglilingkod sa simbahan. At anim na taon naman bilang sakristan mayor.
Pero ngayon, ang buhay na kinagisnan ko sa halos walong taon ay iiwan ko na sa puntong ito ng buhay ko. Nakapasa kasi ako sa pagsusulit sa seminaryo na malapit sa amin kaya naman iiwan ko na ang parokya. Mahirap pero kailangan. Ito ang alam kong pinakamabilis na paraan upang mas mapadali ang pagiging santo ko na noon ko pa pinapangarap.
"Kuya Saint!" Napalingon ako nang may magtawag sa pangalan ko habang naglalakad ako palayo sa simbahan. Kagagaling ko lang do'n kanina para magpaalam sa mga sakristan dahil papasok na ako bukas sa seminaryo.
Lilinawin ko lang, ha? hindi talaga "Saint" ang pangalan ko, kundi Kurt Lamiso Torres, sadyang Saint lang talaga ang tawag ng karamihan sa akin dahil yun nga, para daw akong living saint.
"Oh, ikaw pala, Cj." Bati ko sa isang batang sakristan sa harap ko. Nagmano pa siya sa akin saka ako niyakap ng mahigpit,"Oh, bakit parang naiiyak ka ata?" tanong ko sa kanya.
"Kuya Saint, iiwan mo na ba talaga ang parokya? Iiwan mo na ba talaga kaming mga sakristan? Sino na ang magli-lead sa amin?" Sabi nito sa akin habang umiiyak.
"Oo, eh. Kailangan kong gawin iyon dahil papasok na ako sa seminaryo bukas. Hayaan mo, andyan naman si kuya mo John na mag-lilead sa inyo."
"Pero mas gusto ka namin kuya Saint, ayaw namin si kuya John, masungit siya hindi katulad mo na mabait." Sabi pa nito kaya natawa ako.
Oo, tama siya may pagkabarumbado ‘yong si John. Yun siguro ang isa sa dahilan kung bakit hindi siya nakapasa sa interview sa seminaryo. Kasabayan ko siyang nagpainterview sa kaso hindi siya pumasa dahil nga siguro hindi siya perfect katulad ko.
Pero kung ganon nga dapat ang nangyayari, bakit pinayagan ng bagong rector ng seminaryo na magbalik loob si Kuya Rico gayong hindi naman siya perpekto?
Alam na alam ko 'to dahil bago ko pa malaman na isa siya sa magiinterview sa aming mga aspirants ay kumalat na sa buong parokya ang binabalak niyang pagbalik. Akala ko nga ay imposible pero n’ung makumpirma ko ay nagtaka na agad ako.
Nakakalungkot lang dahil no'ng una ko siyang makilala'y hangang-hanga pa ako sa kanya kasi parang sobrang holy niya. Pero simula n’ung kumalat sa buong parokya ‘yong ginawa niya sa loob ng seminaryo tatlong taon na ang nakakalipas ay bumaba na ang tingin ko sa kanya.
Nakakapagtaka lang talaga na tinanggap pa siya ni Fr. Adriano na bumalik. Hindi ba siya aware sa ginawa ni kuya Rico noon? Kinakabahan tulo'y ako sa pagbalik niya dahil tiyak kong may binabalak siya. ‘Wag naman sana nyang gawin ‘yong ginawa niya noon sa mga kasama niya. ‘Wag naman sana.