“TAMA na, sis! Aba’y lasing ka na!” Umiling siya at itinaas pa ang maliit na baso ng alak. “Ano bang lasing? Isa pa lang ang tingin ko sa’yo kaya okay pa ako. Isa pa, sis!” Tinungga niya ang laman niyon at saka ibinaba sa harap na lamesita. “Tagay pa!” aniya kay Myla. “Okay ka lang ba? Ano ba kasi ang problema mo? Iyon lang? Na wala nang time sa’yo ang mga kuya mo?” “Hindi ganoon kadali iyon. Siyempre, nami-miss ko sila. Pakiramdam ko, balewala na ako sa kanila ngayon,” aniyang pautal-utal. Gusto na niyang maniwalang may tama na nga siya. Bahagya na rin kasi siyang nahihilo. “E ‘di kausapin mo sila. Kung alam nila na ganyan ang nararamdaman mo, gagawa sila ng paraan. Alam ko namang love na love ka ng mga iyon lalo na ni Miguel.”

