Kinabukasan nagising akong parang bumabaliktad ang sikmura, kaya agad akong bumangon at lumabas ng aking kuwarto. Nagmamadali akong bumaba sa hagdan at nakipag-unahan kay Baby sa pagpasok sa banyo. Wala naman akong inilalabas na kahit na ano. Pinagpapawisan na rin ako nang malamig kaya naghilamos ako para mahimasmasan kahit papaano. ‘Ano bang nangyayari sa akin? Ang weird!’ bulong ko pa sa aking sarili. “Ate, bilisan mo, male-late na ako!” narinig kong sabi ni Carla. Agad akong lumabas at hinang-hinang naupo sa harapan ng mesa. Agad namang lumapit si Mama sa akin. “Oh, bakit ka namumutla?” tanong ni Mama. “Nahihilo ako Ma.” Saka ako sumandal sa kaniya. Hinagod naman niya ang likod ko. Maya-maya ay iniwan niya ako sa harap ng mesa at nagtimpla ng gatas at dinala iyon sa akin. “Inum

