HEIDI
Nagtataka ako dahil pumasok bilang taga-linis ng condo si Penelope at stay-in pa. Ayoko naman usisain pa siya. Baka gusto lang niyang magkaroon ng malaking kita para makatulong sa magulang niya.
Sabi niya, malaki ang bayad sa kanya , kaya tinanggap niya. Hindi naman daw doon nakatira ang magiging amo niya. Well, suwerte na niya kasi karamihan kasama ang mga amo.
Ako naman ay may part-time sa bookstore. Konti man ang suweldo, pinagtitiyagan ko na lang para may pangtustos sa iba pang kailangan ko sa school. Nagpapadala naman sila Tatay sa akin at sobra naman. Nahihiya na rin ako sa kanila at naaawa ako.
Bed spacer lang ang tinutuluyan namin ni Penelope. Ngayon, mag-isa na lang ako sa silid. Ang maganda dito sa tinitirhan ko ay puro kaming babae dito. Ayaw kasi ng may-ari ng boarding house na may lalaking boarder.
Bigla akong nalungkot nang maalala ko si Penelope. Mag-isa na lang ako sa silid. Na-miss ko si Penelope. Although nagkikita naman kami sa school, hindi naman sapat iyon. Iba pa rin ang magkasama sa buong maghapon. Nasanay na kasi akong kasama ko siya bente kwatro oras. Ngayon lang kami nagkawalay nang ganito katagal. Mula noong maliliit pa kami, hindi na kami naghihiwalay. Ang akala nga nila kambal kami ni Penelope dahil palagi kaming magkasama.
Papunta na ako sa pinagtatrabahuhan kong bookstore. Mabuti, tumatanggap ang bookstore ng mga estudyante. Hapon na ako pumapasok dito dahil iyon ang free time ko. Mabuti na lang, tanghali na nagbubukas ang bookstore.
Pagkapasok ko sa bookstore , tumuloy ako sa locker room. Nilagay ko doon ang bag ko at libro. Pagkalabas ko ng room ay nagulat ako sa katrabaho ko nang magsalita ito.
“Heidi may naghahanap sa iyo. Ang pogi!” Tili niya. Naitakip ko ang kamay ko sa tainga ko.
Sino namang pogi ang sinasabi ng katrabaho ko? Wala naman akong kilalang pogi. Mabuti, hindi pa ako nakapag-in. Puwede pa pumetiks. Sumama ang mukha ko nang makita ang lalaking sinasabing pogi ng kasama ko.
“Ano ang kailangan mo? Gusto mo na bang maputulan ng etits?” Pagbabanta ko sa kanya.
“I am not here to argue with you.” Aniya. Napatirik ang mata ko dahil sa pagsasalita niya ng Ingles. Nakakaintindi naman ako, pero hindi naman ako kano para Inglesin niya. “Gusto ko lang humingi ng sorry sa ginawa ko.” Nagulat ako sa sinabi niya.
Really? Humihingi ng tawad ang isang mayabang na lalaking ito? Ang chinsansu na ito ay marunong mag-sorry? Aba, hindi ako makapaniwala. Baka inuuto lang ako nito at pagkatapos ay pagtatawanan.
Pumameywang ako. “Hoy! Huwag kang mag-isip na maniniwala ako sa paghingi mo ng paumanhin. Hindi mo gawain o ang gawain ng mga kaibigan mo iyan. Nagkaroon na ba ng himala?”
Nagbuntong-hininga siya sa sinabi ko. Tinaasan ko siya ng kilay.
“Okay, I know it’s hard for you to believe me. I swear I’m telling the truth. I am sorry.” Pailalim ko siyang tiningnan. Hindi talaga ako naniniwala. Nagtatalo ang isip at damdamin ko. Sige, makikipaglaro ako sa chinsansu na ito.
Pinagkrus ko ang braso ko. “Okay.” Tipid na sagot ko.
“What do you mean, okay? Tinatanggap mo na ang sorry ko?” Paniniguro niya.
“Kung ayaw mo, ’di huwag!” sabi ko.
“No, no. . . Thank you! Huwag kang mag-alala, totoo ang lahat ang sinabi ko. I’ll be good from now on. Friends?” Aniya, inilahad ang kamay nito sa harapan ko.
Tinitigan ko pa nang matagal ang kamay niya. Hindi dahil sa gusto kong makipagkamay. Ang ganda kasi ng hugis ng daliri niya. Daig pa ako na puro kalyo ang daliri ko. Nakipag-shake hands ako bilang pagtanggap ko, kunyari. Gusto niya ng laro. Okay, pagbibigyan ko siya. Napangiti ako nang matamis sa lalaking chinsansu.
“By the way, I’m Zacchaeus Ongpauco. What's yours?” tanong niya.
“I’m Heidi Fernandez. Are you Chinese?” tanong ko kay Zaccheaus.
Tumango siya. Kaya pala mukha siyang chinsansu.
“Puwede ba kitang ma-invite para mag-dinner mamaya?” Pag-anyaya niya sa akin.
Dinner agad-agad? Napatitig ako sa kanya. Ang akala ko gusto lang niyang mag-sorry. Bakit may pa-dinner pa si Mayor? Naisip ko na makakalibre ako ng pagkain para mamaya. Tumango ako. Aba! Libre ito, kaya huwag palagpasin. Praktikal lang dapat tayo ngayon.