"BAKIT ganiyan ka makatingin?" tanong ni Harrison kay Colton nang mapansin niyang nakanguso ito. Busy kasi siya sa pag-aayos ng mga gamit niya na ipampapasalubong niya sa kaniyang mga magulang. "Huwag ka na lang kayang umuwi?" anito saka siya niyakap sa likod nito habang nakaupo siya sa gilid ng kama. Ginulo niya ang buhok nito habang nakapatong ang baba nito sa kaniyang kaliwang balikat. "Akala ko ba gusto mo akong umuwi?" Hindi ito umimik. Bumuntong hininga siya. "Iniisip mo ba na baka sa halip na makipaghiwalay ako kay Jennie ay makipagbalikan ako?" Napailing siya nang tumango-tango ito. "Buo na ang desisyon ko. At saka mas okay na rin na magkaroon kami ng closure para mas madali siyang makapagmove-on at para na rin matanggal na iyong konsensiya sa isip ko." Tinignan siya nito.

