Kabaong ng Mga Muling Nabuhay

1945 Words
Tunog ng bakal sa bakal at tilapon ng lupa't putik habang inaangat ng tow truck gamit ang chainblock ang kabaong mula sa hukay. Sa kalangitan, may matatalas na sinag ng araw ang tumatama sa kalahatan ng simenteryo. Kakaiba ang ihip ng hangin. Pawala-wala. Sa utos ni Colonel Laxamana kay Lt. Esguerra, ay nagrenta sila ng tow truck mula sa karatig na bayan ng Daigdigan, sa kahilingan ni Andy para imbestigahan ang mga kabaong na umano'y ng mga nawawalang mga bangkay. Kasama ni Andy si Lt. Esguerra at anim pang sundalo na pawisan na sa paghuhukay gamit ang mga pala at piko. Ngayo'y kanilang ibinababa ang kabaong para itabi sa isa pang kabaong na nahukay na nila. "Okay, alalay lang!" sigaw ni Lt. Esguerra. Nang maibaba'y inalis ng mga sundalo ang kadenang nakakabit sa kabaong. Nagtabi ang dalawang kabaong na kapuwa sarado pa ang mga takip. Tumayo sa tapat nito sina Andy at Lt. Esguerra. "Sir, sigurado kayo dito?" tanong ng tinyente. Tanong ito na may halong concern, pagka't ang hinukay nilang dalawang kabaong ay sa mga magulang ni Andy. "O-oo," sagot ni Andy. Sumenyas ang tinyente sa mga sundalo. "O, buksan n'yo na." Nakaramdam ng kaba si Andy nang sinimulang buksan ang mga kabaong. Hindi pa niya ganap na natatanggap na kasama ang nanay at tatay niya sa kaso ng mga nawawalang mga bangkay. Ang nararamdaman niyang dalamhati ay kanyang naitatagong mabuti. Binuksan ang unang kabaong. At wala itong laman. Hindi ito ipinagtaka ni Andy. Ini-expect na niya ito. "O itong isa naman," utos ni Lt. Esguerra. Binuksan ng mga sundalo ang pangalawang kabaong at sabay-sabay na napaatras. Dahil sa pangalawang kabaong ay may kalansay. Sa cushion ng kabaong ay lumubog na ang mga buto. Pero, kapansin-pansin na buo pa ang kasuotan nito na kulay puti. Lumapit ng silip si Lt. Esguerra. "Sino ito, sir?" tanong niya. Taimtim na nakatingin si Andy sa kalansay. Halos wala siyang emosyon. "Nanay ko," ang kanyang sagot. Kahapon lamang nang magpakita sa kanya ang multo ng kanyang ina sa nasabing simenteryo, ngayo'y ang kalansay naman nito ang pinagmamasdan ni Andy. Bumalik sa isipan niya ang ilang mga ala-ala ng kanyang ina. Naalala niyang mukha nito, ang amoy, at ang boses na sa tagal ay halos nakalimutan na niya ang tunog. Matapos ang puntod ng kanyang mga magulang, ay hinukay pa nila ang iba pang mga puntod. At tulad ng sa kanyang ama't-ina, sa dalawang kabaong, isa ay may laman at ang isa ay wala. Ang may laman ay babae, ang nawawalang bangkay ay ng lalaki. "Milagros Dambana. Born May 12, 1932. Died September 22, 2004. Tama kayo, sir, babae nga," usal ni Lt. Esguerra matapos basahin ang nakasulat sa lapida. Tumango si Andy. Nabubuo na ang mga teorya niya. Napalingon sila nang sumigaw ang mga sundalo na nakapuwesto sa isang puntod na may maliit na hukay hawak ang kanilang mga pala at piko. "Sir! Hukayin na ba namin ito?" "Sabihin mo 'wag na," sabi ni Andy kay Lt. Esguerra. "Okay na. Nakuha ko na kailangan kong impormasyon." Alam ni Andy na hukayin man nila ang ibang mga kabaong na puro mga lalaki na'y alam niyang wala silang mahahanap na mga bangkay. Sumenyas ang tinyente sa naghihintay na mga sundalo. "Abort! Take 15!" Pagkarinig nito'y sabay-sabay na ibinaba ng mga sundalo ang hawak na mga kagamitan at nagsipagpahinga. Tagaktak na'ng kanilang pawis at kanina pa gustong mamahinga. Tumaas na rin ang araw kaya't nadoble ang hingal nila at nagsipagkubli sa lilim ng isang puno para uminom ng tubig at magyosi. Sa bagong hukay, nakatitig kina Andy at Lt. Esguerra ang kalansay ni Milagros Dambana, may kaunting kislap sa tama ng araw. "Assessment, sir?" tanong ng tinyente. "Lahat ng nawawalang 17 na bangkay ay mga lalaki," inform ni Andy. "Nasa 57-58 years old nang mamatay. Kasama na tatay ko." "Okay, so puro lalaki ang zombies..." muni ng tinyente. Saglit na napatingin si Andy sa kanya. Sa lublob niya, tulad ni Colonel Laxamana, pati ang tinyente ay nasubsob na rin sa ideya na ang mga nawawalang bangkay ay mga skeleton na bumangon mula sa hukay. Mga zombies. Hindi rin naman niya masisi pagka't sa kanya mismo nanggaling ang ideyang ito. "Pero, anong pagkakapareho ng 17 na mga bangkay na ito? Magkakakilala ba sila?" patuloy ng tinyente. "Maliit lang ang Callejon, halos lahat dito magkakakilala," sagot ni Andy. Napalingon sila nang magtawanan ang mga nagpapahingang sundalo sa may puno sa di-kalayuan. Usapang hindi nila ganap na narinig. Marahil nagpapalitan din ng mga kuro-kuro, marahil ay mas mga joke, ukol sa kababalaghang ito. Isang sundalo'y nagkukunwari pang zombie. "Sir, may tungkol ba sa tatay n'yo na 'di n'yo alam?" biglang tanong ni Lt. Esguerra. Kumunot-noo ni Andy. Alam niyang may taglay na laman ang tanong na iyon. Nahuhuli na rin ng tinyente ang mga bagay-bagay. Mga isyung sensitibo. Matinik din ang tinyente. "Hindi ko masabi," sagot ni Andy. "Mabuti pa'y umuwi na muna tayo. Babalik pa tayo sa simbahan mamayang alas dos ng gabi." Tumango si Lt. Esguerra at bumaling sa direksyon ng mga sundalong nagpapahinga. "Soldiers! We're moving out!" sigaw niya. Dismayado ang mukha ng mga sundalo. Wala pa kasing 15 minutes at halatang nagkakasayahan pa sila. Habang naglabasan sila sa kanilang lilim para ibalik ang mga kabaong sa hukay at tabunang muli ay sina Andy at Lt. Esguerra naman ang nagtago sa araw. Nagpalingon-lingon si Andy sa paligid sa pagnanais na makitang muli ang multo ng kanyang ina, at makakuha ng karagdagang kasagutan. Marahil, makausap ito, makakuha ng mensahe na makakatulong para malutas ang mga misteryo. Nguni't hindi ito nagpakita...at hindi na muli. Sa kanyang pag-analisa, ay tumpak si Andy sa mga pruwebang nakita nila sa simenteryo, at dahil dito'y lumalakas ang kanyang konklusyon. Nguni't, hindi siya sigurado kung kinakailangan niyang isambulat pagka't malaki ang kinalaman nito sa kanya. # Nang ibinalita ni Andy kay Colonel Laxamana ang mga findings niya ay hindi na ito ipinagtaka ng opisyal. Tanging gusto na lamang ng colonel ay maresolba agad ang lahat, kung hindi man ay may maibigay na konkretong report sa kanyang mga superiors. Malaki na'ng pressure sa kanya ng Malacanang dahil nakatunog na ang Press sa nangyayari sa Callejon. Balisa ang colonel buong araw at nakapagrelax na lamang pagdating ng hapunan. Sa mess hall, kasama niya sa mesa sina Andy, Jang-Mi, Lt. Esguerra at Corporal Diazon at nasa gitna na ng pag-uusap. "...may proof ang aliens, recorded sightings. Alien crash site. AREA 51. Tutoo 'yon. In fact, once naging presidente ka ng Amerika, may full disclosure sa 'yo tungkol sa Area 51," mariing usal ni Colonel Laxamana. "Alam nila Bush ito? Ni Obama? Ni Trump?" tanong ni Lt. Esguerra. "Of course. May briefing. The works!" malakas na sabi ng colonel. "Pero, hindi lang aliens ang iniimbestigahan natin, 'di ba, sir?" tanong ni Corporal Diazon, at may pagaalinlangang sinabi: "M-mga zombies din? O..o multo?" Napailing si Laxama. Nagkatinginan sila ni Esguerra. Of course, umabot na rin sa mga rank ang file ang tungkol sa zombies. Lalo na't hinukay pa nila ang mga kabaong sa simenteryo. "'Wag kayong magaksaya ng oras sa pag-iisip ng mga bagay na ganyang paranormal," matigas na sabi ng tinyente bilang pagpapakita ring kapanalig siya ng colonel sa bagay na ito. "Mga sundalo tayo." "Eh sir, 'di ba paranormal din naman ang mga aliens?" hirit pa ni Corporal Diazon at tinuro si Jang-Mi. "Kaya ba tayo may psychic, sir, para kausapin ang mga multo?" Hindi na nakasagot si Esguerra, pagka't tama si Diazon. At ang pag-hire kay Jang-Mi ay ideya ni Colonel Laxamana. "We're just exploring all angles, soldier," paliwanag ni Colonel Laxamana. "Hindi ibig sabihin eh kailangan nating maniwala." Patuloy sila sa pagkain. Sa paligid sa kabilang mga mesa, tahimik na nakikinig sa talakayan nila ang ibang mga sundalo at mga agents ng ibang kawani. Gusto lang nilang marinig mismo sa kanilang leader ang katotohanan at mauna sa balitang madadala nila sa barracks. "Hindi mo naman kasi kailangan," tugon sa kanya ng colonel. "Kayo, sir. Naniniwala ba kayo sa multo, sir?" tanong ni Corporal Diazon kay Andy. Hindi agad nakasagot ang private investigator habang napangiti naman si Colonel Laxamana. Alam niya ang stand ni Andy dito. Na-put-on-the-spot lang ang P.I. Bagama't makulit si Corporal Diazon, ay hanga sila sa malikot nitong isip. "Para sa akin, may scientific na explanasyon ito," simula ni Andy. "Guni-guni. Gawa-gawa lang ng utak. Nakikita mo ang mga bagay na gusto mong makita. Lalo na sa oras na kinakailangan mo." Tumingin sa kanya si Jang-Mi na para bang naiintindihan nitong sinasabi niya. "Sorry, Jang-Mi, but, I still don't believe in ghosts," sabi ni Andy kay Jang-Mi. Napangiti si Jang-Mi. Bagama't alam niya for a fact na nakita ni Andy ang multo ng kanyang ina ay may paghanga pa rin ito sa private investigator sa matigas nitong stand ukol sa paranormal. At alam niyang alam ni Andy ito. Kung sa ngayon ay skeptical pa rin si Andy sa nasaksihan niya, alam ng Koreana na malapit na itong magbago, lalo na't babalik sila sa simbahan para mag-imbestiga, siguradong may magaganap doon na magbabago sa pananaw ni Andy. "Oh. You will...soon," ngiti ni Jang-Mi. Napa-"ooh" ang lahat sa sinabi ng psychic. Isang paghamon. "Mga sundalo tayo, okay?" malakas na sabi ni Colonel Laxaman para marinig ng lahat. "Walang multo!" Sinabi ito ng colonel pagka't ayaw niyang pagsimulan ito ng kapraningan sa mga sundalo. Once na pumasok sa isipan ng mga ito ang mga bagay na paranormal ay maaaring maka-apekto ito sa kanila mentally. May sasabihin pa sana siya nguni't nagulat sila nang marinig ang putok ng baril mula sa labas. Agad silang nagtayuan at nagmadaling lumabas. Galing ang putok mula sa guwardiyadong main gate ng resort. Dito, ang tanawin ay ang madilim na kapaligiran, ang kalsada palabas, mapuno at malago na mga halamanan. Sa guardhouse ay nagkumpulan ang apat na sentry na armado ng mga armalite. Hawak din nila ang mga flashlights na kanilang tinututok sa hangganan ng madilim na kalsada. Nagmamadaling dumating sina Colonel Laxamana at iba pa. "Ano'ng nangyari?" tanong niya. "Si Torres, sir. May nakita daw siyang tao. Nag-warning shot siya sa ere," sabi ng isang sentry. "Nasan si Torres?" tanong ni Lt. Esguerra. Saglit lang ay dumating si Private Torres kasama ang isa pang sundalo, galing sila sa kalsada sa labas ng gate. "Torres! Anong nakita mo?" tanong ng colonel. Pinagpapawisan si Torres. Madiin ang hawak niya sa armalite. "Doon sir, may nakita akong multo," turo ng sundalo sa bahagi ng kalsada. "What the hell, soldier? At nagconclude ka agad na multo ang nakita mo! Expert ka ba sa multo? May PHD ka ba sa Parapsychology?!" galit na sigaw ni Colonel Laxamana. Natural lang na ito ang reaksyon since kakasabi lang niyang walang multo. "N...n...n...no, sir," nasindak si Torres. "Then don't tell me na multo nakita mo, unless sigurado ka na multo nakita mo! Ano bang nakita mo?" Hindi tuloy alam ni Torres ang isasagot. "M...mul...lalaki, sir. Matanda na. Sinigawan ko na magpakilala. 'Di sumagot. Tapos naglakad papalapit sa akin na parang pasugod, kaya nag-warning shot ako." "Tapos?" tanong ni Lt. Esguerra. Hindi agad makasagot si Torres. Alam niyang nakita niya. Hindi siya nakainom o inaantok. Pero, pano niya ipapaliwanag sa mga opisyal ang kababalaghang nasaksihan niya. "Well? Answer us, soldier!" nakadilat na sabi ni Colonel Laxamana. Lumunok na lang si Torres at sa isip niya, bahala na. "Eh, sir. Biglang nawala, sir." "Clarify, soldier! Panong nawala?" usisa ni Lt. Esguerra. "Pagputok ko, sir. Bigla lang nawala. Napapikit lang ako, nawala na." Sa paligid, napakamot ng ulo ang ibang sundalo, either naniniwala sila o hindi, ay wala naman silang magagawa. Wala ring masabi ang mga opisyal na sina Laxamana at Esguerra. Kilala naman nilang mga tao nila, at si Torres ay kilalang dependable naman. Paano nila tunay na masasabing nagsisinungaling ito? "Relieve n'yo muna si Torres," sabi ni Colonel Laxamana kay Lt. Esguerra. "Torres, pahinga ka muna," sabi ng tinyente sa sundalo. Tumango si Torres at inescortan ng ibang sundalo pabalik sa loob. Naiwan sina Colonel Laxamana, Andy at Jang-Mi na nakatingin sa kadiliman ng kalsada. "Okay ka lang, Greg?" tanong ni Andy. Tumango ang colonel at hinarap sila. Tinamaan siya ng pagod sa katawan at isipan. "Babalik tayo sa simbahan mamayang alas-dos," sabi nito at tumingin kay Jang-Mi. "I hope we get answers to all this shit." NEXT CHAPTER: "Silang mga Espiritu sa Simbahan"
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD