Basa ang lupa at d**o dahil sa ulan kinagabihan na hindi naman napansin ng mga mahihimbing ang tulog. Nang ginising sina Andy at Jang-Mi ng alas-singko ng umaga ay may makapal na hamog ang natanaw nila sa bintana. Walang hot water sa resort kaya't malamig ang tubig na ipinanligo nila at napapasigaw si Jang-Mi sa kanyang banyo na rinig ni Andy mula sa kanyang kuwarto.
Dinalhan sila ni Private Torres ng almusal sa kuwarto: scrambled eggs, piniritong hotdog, pandesal at 3-in-1 na kape. Naalala ni Andy na wala siya sa tutoong resort, kundi sa isang military headquarters, at wala siyang maaaring i-expect kundi pagkaing sundalo. Wala siyang choice kundi pagtiyagaan ang room service na ito--hatid ng military canteen.
Sabay silang bumaba ni Jang-Mi at sa harapan ay naghihintay na ang Revo. Naka-standby na roon sina Lt. Esguerra at ang driver. By now, nag-disperse na ang hamog nguni't malamig pa rin ang temperatura at makikitang ang ilang sentry sa paligid ay may tangan na kape sa styro cup.
"Good morning," bati ni Lt. Esguerra.
"Good morning," balik nina Andy at Jang-Mi.
Maya-maya'y lumabas na rin si Colonel Laxamana na naka-uniporme na, tulad ng ibang mga sundalo. Si Andy at Jang-Mi ay suot ang kanilang jacket.
"Ready?" tanong ng colonel.
Tumango si Andy.
"Okay, let's go."
Nagsisakayan sila sa Revo at umandar ito paalis. Pababa ng daan, sinalubong nila ang sumisikat na araw.
#
Nakatingin sa bintana si Andy, pinagmamasdan ang kapaligiran. Malubak ang daan papunta sa main road ng bayan. Sa gilid ng kalye ay makikita niya ang isang aso na palakad-lakad at naghahanap siguro ng makakain. At napagtanto ni Andy na hindi damay ang mga hayop sa alien a*******n, isang bagay na hindi niya na-consider noong una. And by instinct, ay naghanap pa siya ng ibang hayop sa paligid. Sa kawad ng kuryente ay nakadapo ang mga ibon. Sa malayong bukirin ay naaninag niya ang isang kalabaw at kambing.
Padaplis niyang binanggit ito sa mga kasama. Sinabi ni Colonel Laxamana na bagama't naririyan ang mga hayop, ay hula nila na may ilan din sa mga ito ang nawawala. At may ilan din silang nakitang bangkay ng hayop na mahiwaga ang pagkakamatay. Ani ni Lt. Esguerra, natagpuan niya ang bangkay ng isang kalabaw na buka ang tiyan at nawawala ang mga laman loob. May isa pa na hati ang katawan at nawawala ang kalahati.
"Malamang na pinag-experimentuhan," sabi ng colonel. "Tulad ng mga nasa case studies ng UFOs."
Tumango si Andy. Sa paghalungkat niya sa mga files kahapon, ay nadaanan din niya ang tungkol sa mga animal mutilations na involved ang mga UFOs. Maraming mga cases nito sa buong mundo: Sa United States, South America, Great Britain at maging sa Russia. Ang mga kataka-takang precised surgical incisions na nakita sa mga hayop ay hanggang ngayon, ay nagba-baffle sa mga scientists at sila'y walang tiyak na explanasyon.
"Pero, hindi iyan ang concern natin, of course," dagdag ni Colonel Laxamana. "Priority natin ang mga nawawalang tao."
"O-oo," sabi ni Andy.
#
Makaraan ang sampung minuto, paglampas ng Revo sa grupo ng malalagong mga puno ay bumulaga sa kanila ang simbahan ng Callejon. Mataas ang kinatitirikan nito. Traditional Spanish architecture, gawa sa bato at simento. Stained glass ang mga bintana, may kurus at spires. Sa likuran ng simbahan ay ang simenteryo kung saan naganap ang mga grave robbings.
Pumarada ang Revo sa harap at nagsibabaan sila. Naiwan ang driver para magbantay.
"May daanan sa gilid ng simbahan papunta sa simenteryo," turo ni Lt. Esguerra. "O gusto n'yo makita ang loob ng simbahan?"
Wala sa isip ni Andy na dumaan pa sa simbahan nguni't naramdaman niyang kinakalabit siya ni Jang-Mi sa braso.
"Let's go inside church," sabi ng Koreana.
Nagkatinginan ang dalawa. Nabasa ni Andy sa mukha ng psychic na siryoso ito sa hiling at naisip niyang maaaring may importansya nga na makita nila ang loob ng simbahan, na hindi nalalayong may kinalaman sa nangyari sa simenteryo. Tumango si Andy at sumenyas sa tinyente, at sila'y tumungo sa pintuan ng simbahan at doon pumasok.
Madilim ang loob at bahagya pa lamang naiilawan ng liwanag ng paparating na umaga ang stained glass na mga bintana. Sa loob, may dalawang hilera ng pews na nahahati ng aisle sa gitna, tungo sa altar na may malaking kurus sa likuran. Sa gilid ay nakahilera ang iba't-ibang santo na sukat sa mga haligi ng gusali.
Tahimik. Dinig ang mga takong ng kanilang sapatos sa batong sahig habang naglalakad sila sa kahabaan ng aisle. Gustong itanong ni Andy kung may kakaibang nangyari sa simbahan na sangkot sa mga pangyayari, nguni't dala ng kanyang hindi paniniwala ay nanahimik lamang siya, hanggang sa si Jang-Mi na ang umistorbo sa katahimikan.
"People...here..." usal ng Koreana.
Napahinto at nagsitinginan ang mga kasama ni Jang-Mi sa paligid. People daw? Nguni't wala namang ibang tao na naroon.
"People? Where?" tanong ni Colonel Laxamana. "Asan?"
Ni-literal nila ang sinabi ng psychic.
"Before. There were people here. Hiding," dugtong ni Jang-Mi.
"Hiding?" pagkunot ng noo ni Andy.
At bigla na lamang malakas na bumulalas ang Koreana.
"Yangcho!"
Na kanilang ikinagulat.
"Yangchaw--ano daw?" sabi ni Colonel.
Tinuro ni Jang-Mi ang madilim na sulok.
"The candles! Candles!"
Pinuntahan ni Andy ang tinuro ng Koreana. Ang tirikan ng mga kandila--o votive candle holders at sa kanyang investigative instincts ay nakuhanan agad ng impresyon. Tunaw lahat ng mga kandila at hindi pa nalilinis.
"Kung sino man nagtago dito, nagtirik sila ng kandila."
Nagsilapitan ang iba.
"Malamang na nagsilbi itong refuge," sabi ni Lt. Esguerra.
Saglit pa nilang pinagmasdan ang paligid.
"Let's go. Sa simenteryo na tayo," utos ni Colonel Laxamana.
Naglakad sila tungo sa back entrance ng simbahan makalampas lamang ng sacristy. Nasa isipan nila, at kanya-kanyang mga kuro-kuro, kung anong posibleng nangyari sa loob ng simbahan. Sa kanilang konklusyon, malinaw ang hinala nila: May mga taong nagtago roon habang nangyari ang alien a*******n.
NEXT CHAPTER: "Ang Simenteryo"