Pababa ang daan mula sa likuran ng simbahan tungo sa simenteryo. Maputik ang lupa at ilan sa kanila'y nalubog at nadumihan ang mga suot na sapatos. Inis na umiling si Colonel Laxamana sapagka't kakashine lang ng bota niya. Sa Silangan, nagsisimula nang magliwanag ang araw at ang tuyong tangkay ng mga puno ay gumagawa ng matutulis na anino sa lupa.
"Doon!" turo ni Lt. Esguerra sa harapan nila.
Tinumbok nila ang bakal na gate ng simenteryo. Nakaawang ito't kinakalawang. Isang hilera silang pumasok hanggang sa makarating sa mga puntod. Bakbak na ang mga kurus at karamihan ay hindi na mabasa ang mga pangalan ng mga yumao na nakaukit sa simento't marmol na lapida. Tulad ng sa litrato na nakita ni Andy, may hukay sa lupa ang ilang mga puntod. Kung susumahin, isa sa bawat limang mga puntod ay may magkakahalintulad na hukay.
"Malamang na nangyari ito kasabay ng a*******n," muni ni Andy habang sumilip sa isang hukay.
Lumapit si Lt. Esguerra.
"Maaari. Pero, wala kaming nakitang mga pala. Baka tinago ng mga naghukay."
Si Colonel Laxamana nama'y nakapagsindi na ng kanyang sigarilyo.
"Ang tanong ay bakit?" sabi ng opisyal. "Ano ang dahilan para nakawin ang mga bangkay?"
Wala silang kasagutan. Magkakahiwalay silang nagusyoso at naglibot, sinisilip ang bawat hukay at tinitignan ang mga pangalan ng mga nawawalang bangkay. May partikular na puntod na hinahanap si Andy—at ito'y ng kanyang ama at ina. Sa tagal niyang hindi nakabalik sa Callejon ay hindi na niya matandaan.
Sa kalayuan, tinawag siya ni Colonel Laxamana na nakatayo sa tapat ng isang puntod. Nagmamadaling lumapit si Andy, alam na niya kung kaninong puntod iyon. Nagsunuran din sina Lt. Esguerra at Jang-Mi.
Sa lapida nakasulat ang:
FRANCISCO MADRID. Born January 30, 1930. Died December 7, 1989.
ROSARIO MADRID. Born March 4, 1931. Died July 13, 2006.
At ganun na lang gulat ni Andy, sapagka't ang puntod ng kanyang mga magulang ay may hukay din. Hindi siya makapaniwala at wala siyang masabi. Sinong maaaring magnakaw ng mga bangkay ng kanyang mga magulang?
Hinawakan siya ng colonel sa balikat.
"Okay ka lang, pare?"
Lumapit din si Jang-Mi.
"I'm sorry, Andy."
"Hindi lang mga buhay ang nawawala," inis na bulalas ni Lt. Esguerra. "Pati mga patay! Kung sino kasi ang mga nagnakaw nito eh!"
"Huwag kang mag-alala Andy," sabi ni Colonel Laxamana. "Hahanapin natin kung sino mang hudas ang gumawa nito."
Nagawa namang kumalma ni Andy. Ang totoo'y handa siya sa anumang kababalaghan na masasaksihan, at kasama na rito ang tungkol sa kanyang mga magulang. Matagal na niyang itinatago sa sarili na may mga bagay tungkol sa kanyang ama't ina ang hindi niya maipaliwanag. Mga bagay na kanyang naranasan noong nabubuhay pa sila.
Naupo sa kanyang hita si Andy at pinagmasdang mabuti ang hukay. Nag-iisip. Pinag-aaralan ang mga ebidensya. Dumampot pa siya ng kapirasong lupa at dinama sa kanyang mga kamay.
"Hindi sila ninakaw," sabi ni Andy sa pagtataka ng mga naroon.
Tinuro niya ang mga hukay.
"Kung hinukay ito mula sa labas, dapat ay may tambak ng lupa sa isang tabi, hindi ba? Pero, ito, tignan n'yo, pantay ang distribution ng lupa sa paligid ng hukay."
Nagsilapitan pa ang iba at pinagaralan ang mga hukay. Oo nga, anila sa sarili.
"Ano'ng gusto mong sabihin, Andy? Na ang hukay ay mula sa loob?" nagtatakang sabi ng colonel.
"Hindi sila hinukay mula sa loob, Greg" tugon ni Andy. "Para bang gumapang sila...palabas."
Napakamot si Lt. Esguerra sa sinabing iyon ng private investigator, si colonel nama'y in total disbelief.
"Pare naman," bulalas ng colonel. "Don't tell me hindi lang aliens ang problema natin. Kundi Zombies pa? Na gumapang ang mga patay palabas ng libingan nila!"
"What is it?" nagtatakang tanong ni Jang-Mi.
At habang ipinaliwanag ni Lt. Esguerra sa Koreana ay hinatak ni Andy si Colonel Laxamana at tinuro pa ang hukay.
"Tignan mo ang mga butas, pare. Alam mong tama ako."
Hindi alam ni Colonel Laxamana ang sasabihin sa kaibigan. Mahirap man paniwalaan ay may punto naman si Andy. Ang hitsura nga ng hukay ay parang mula sa loob, halintulad ng hukay na ginagawa ng mga talangka sa buhangin, mas malaki lamang ito. At sa lublob niya, sa nangyayari ngayon, ang mass disappearance, ang alien a*******n, ay ano pa nga bang ipagtataka niya? Pero, zombies? Ang mga UFOs ay may scientific explanation, may mga documented sightings, may eyewitness testimonies, pero ang zombies, wala. Ang whole idea ng flesh-eating zombies ay isang myth. Ang zombies ay sa TV, sa pelikula lang nangyayari...
"'Wag muna tayong ma-carried away, Greg," hinto ni Andy sa colonel. "Bago nating sabihing zombies ay pag-aralan muna natin..."
"Okay, okay, sorry," tango ni Colonel Laxamana sabay hithit at buga ng hawak na sigarilyo. "Medyo, tumatalon na ang imagination ko."
"Zombies!" bulalas ni Jang-Mi nang sabihin sa kanya ni Lt. Esguerra ang nangyayari.
"I-it's just a theory, Jang-Mi," paghinahon ng colonel sa kanya. "For now."
"Pero, mukhang tama nga si Andy, sir," tugon naman ni Lt. Esguerra. "Ano pa nga ba ang explanasyon?"
Napailing si Colonel Laxamana.
"Okay, okay, let's just say na bumangon nga ang mga patay," aniya. "Pero, nasaan sila ngayon?"
Umiling si Andy. Ganoon din ang iba. Napabuntong-hininga ang colonel.
"Okay, mabuti pa bumalik na tayo," tinapon ni Colonel Laxamana ang kanyang upos at bumaling kay Lt. Esguerra. "Tinyente, ilagay mo lahat ito sa report."
"Yes, sir."
Nagsimula silang lumakad paalis sa pangunguna ng dalawang military, pabalik tungo sa gate. Nang makailang hakbang ay namalik-mata si Andy at natigilan sa paglalakad. Sa may malayong puno ay may natanaw siyang tao na nakatayo roon at nakatingin sa kanya.
Namutla si Andy pagka't ang tao'y walang iba kundi ang kanyang yumaong ina. Suot nito'y ang damit na kanyang ipinamburol na nadumihan ng lupa't putik, ganoon din ang mga kuko nito't kamay. Nakatingin ito kay Andy ng mga matang dilat na dilat at hindi kumukurap. Napapikit si Andy at nang muli siyang dumilat ay naglaho na ang kanyang ina.
Natulala si Andy, iniisip kung tutoo ba ang nakita niya. Nang tignan niyang kanyang braso'y nagtayuan ang kanyang mga balahibo.
Halos mapatalon siya sa gulat nang may kamay na humawak sa kanyang braso.
"Are you alright?"
Si Jang-Mi.
"Y-yes," sabi ni Andy na may panginginig ng boses.
Malayo na ang nalakad nina Colonel Laxamana at Lt. Esguerra at lumingon ang mga ito at sumigaw.
"Andy! Jang-Mi! Let's go!"
Nagkatinginan sina Andy at Jang-Mi na tila kapuwa naghihintay sa isa't-isa na may sasabihin. Narinig muli ang tawag ni Laxamana at sila'y nagsimulang maglakad pasunod sa mga kasama. Tahimik si Andy, iniisip pa rin ang nakita, at biglang naalala niya ang kanyang panaginip ng ina. At muling tumaas ang kanyang mga balahibo.
Pagka't kung anong hitsura ng nakita niyaaparisyon ay siya ring hitsura ng ina niya sa panaginip. Parehong kasuotan. Angipinamburol. Ang mga dumi sa kuko't kamay. Ang ina niya na para bang lumabas nghukay.
NEXT CHAPTER: "Mga Bolang Ilaw sa Gabi"