AGATHA'S POV
Ang kalma ng dagat, hindi katulad ng puso ko na natataranta at aligaga ngayon. Ang tahimik ng hangin, hindi katulad ng puso kong kanina pa ang lakas ng t***k. At ang liwanag ng bilog na buwan, hindi katulad ng paningin ko na blurred na dahil sa ilang bote ng alak ang naiinom ko na. Bahagya akong napatawa sa aking sarili. Umiikot na ang paningin ko pero nagagawa ko pa ring mag-isip ng kung ano ano.
Kanina pa natapos ang "Spin the Bottle" pero hanggang ngayon ay naglalaro pa rin sa isipan ko ang mga nangyari. Pumayag lang naman ako sa dare na makasama ang ex ko sa loob ng isang linggo. At ngayon ko lang napagtanto na isang malaking pagkakamali ang naging desisyon ko. Kaya heto ako ngayon, nakatayo sa tabi ng dagat habang nananalangin na baka pwedeng lamunin na lang ako ng buhangin. Baka pwedeng bumalik na lang ulit ako sa Manila at mag-stay doon ng isang linggo para matakasan ang kalokohan na pinasok ko.
"Agatha, magkape ka muna para mahimasmasan ka." Iniabot sa akin ni Celine ang isang tasa ng black coffee. Agad ko naman iyon tinanggap at marahang ngumiti sa kaibigan ko.
"Salamat."
Nagkakasiyahan na ang mga dati kong kaklase sa may infinity pool habang ako ay nandito lang sa tabing dagat. Ayoko munang lumapit sa kanilang lahat dahil baka tuksuhin na naman nila ako kay Kean. Baka hindi ko na kayanin ang tension na nararamdaman ko at basta na lang akong umuwi para takbuhan silang lahat.
Tahimik lang din si Celine na nasa tabi ko habang pinagmamasdan din niya ang kalmang dagat. Alam kong marami siyang gustong sabihin sa akin ngunit hinihintay niya muna na ako ang unang magsalita. Bumuntong hininga ako at marahang hinigop ang kapeng ibinigay niya sa akin. Napangiwi ako nang malasahan ko ang kape.
"Kailangang matapang ang kape para mawala ang tama ng alak sa 'yo," sabi ni Celine na napansin ang pagngiwi ko.
Alam niya kasi na hindi ako fan ng kape. Pero dahil nga sa medyo lasing na ako ay kailangan kong inumin ito. Marami pa raw kasing alak mamaya at panigurado raw na hindi papayag ang mga dati naming kaklase kapag hindi ako uminom.
"Mali ang naging desisyon ko sa dare kanina, hindi ba?" mahina kong tanong kay Celine. Umupo ako sa buhangin at nilaro laro ang tasang hawak ko.
"Paano mo naman nasabi na mali?" balik tanong niya sa akin. Umupo siya sa tabi ko at deretsong tumingin sa akin. Sa kanilang tatlo nina Liza at Nancy, si Celine ang pinaka-close ko. Siya rin ang una kong pinagsasabihan ng mga problema ko.
"May girlfriend si Kean. At alam kong sobrang maaapektuhan ang relasyon nila kapag nalaman nito ang tungkol sa dare." Ipinatong ko ang tasa sa buhangin. Itinikom ko ang mga binti ko at niyakap ko ito.
"Ang tagal niyo nang hiwalay ni Kean. Sa tingin mo ba ay pagseselosan ka pa rin ng girlfriend niya?"
Napaisip ako. Tama si Celine. Matagal na kaming wala ni Kean. Pero kahit pagbali-baliktarin pa rin ang mundo, I'm still his ex. Kahit sabihin na matagal na iyon, alam kong hindi pa rin maiiwasan ng girlfriend niya ang mag-isip. Babae rin ako at kung ako ang nasa posisyon ng girlfriend niya, makakaramdam ako ng selos.
"Kung ikaw Celine, 'yung boyfriend mo, makakasama niya ang ex niya in one week, anong mararamdaman mo?" seryosong tanong ko sa kaibigan ko na naglalaro na ng buhangin.
"Makakaramdam ako ng pangamba sa mga posibleng mangyari, iyon ay kung alam kong may nararamdaman pa ang boyfriend ko sa ex niya or vice versa. So the question Agatha is, do you still have feelings on him? Kaya masyado kang nababahala sa dare niyo," deretso niyang sabi sa akin.
Natigilan ako sa sinabing iyon ni Celine. Wala naman na akong nararamdaman para kay Kean. Pero hindi ko magawang sabihin iyon sa kaibigan ko sa hindi ko malamang dahilan. Hindi ko mahanap ang tamang salita na dapat sabihin sa kaniya. Pakiramdam ko, kapag nagsalita ako ay magkakamali na naman ako. Kaya imbes na magsalita ay kinuha ko na lang ulit ang tasa ko at hinigop ang kapeng lumamig na.
"Sa totoo lang Agatha, sa 'yo ako kinakabahan," mahinang sabi ni Celine.
Tumingin ako sa kaniya na nakakunot ang noo. "Kinakabahan? Bakit naman?"
"Dahil hindi ko alam kung nakalimutan mo na talaga si Kean o natabunan lang ng mahabang panahon na hindi niyo pagkikita ang nararamdaman mo. The way you look at him awhile ago, ganoon mo rin siya tingnan noong highshool pa lang tayo. Ayokong maging judgmental pero gusto kong maging totoo sa 'yo. At sa nakikita ko, you're still in love with him."
Bigla akong nahimasmasan hindi dahil sa kapeng iniinom ko, kun'di sa sinabing iyon ni Celine. Nawala ang pagkahilo ko at ang tama ng alak sa sistema ko. Pinagpapawisan din ako kahit na mahangin dito sa kinauupuan namin. Mas lalo akong hindi nakapagsalita. I must defend myself. Kailangan kong ipaintindi sa kaibigan ko na naka-moved on na ako. Kailangan kong patunayan sa kaniya na hindi ko na mahal si Kean. Ngunit hindi ko alam kung paano dahil maski ako, hindi ko alam kung paano kukumbinsihin ang sarili ko.
"At nandito lang pala kayong dalawa."
Sabay kaming napalingon kina Liza at Nancy na pareho pang naka-pamewang at masamang nakatingin sa amin. Lumapit silang dalawa at pareho kaming hinila patayo.
"Reunion ito ng buong section. Hindi reunion niyong dalawa," iiling iling na sabi sa amin ni Nancy na ikinatawa na lang naming dalawa ni Celine.
"Tinutulungan ko lang itong kaibigan natin. Ngayon pa lang ay namomroblema na siya sa dare nila ni Kean," pagsusumbong naman ni Celine.
Nagkatinginan naman sina Nancy at Liza. Sa aming apat, si Nancy ang pinaka-optimist. Sa lahat ng nangyayari, lagi siyang tumitingin sa positive side. Magkasalungat sila ni Liza. Si Liza ay may pagka-pgessimist. Kaya kadalasan ay magkasalungat ang kanilang mga opinyon.
"Malay mo, ito na ang perfect timing para sa closure niyong dalawa," nakangiting sabi sa akin ni Nancy. Nagniningning pa ang mga mata niya na halatang kinikilig pa. Sa kanilang tatlo kasi, si Nancy ang pinaka-suportado ang lovelife ko noon. Siya rin ang numero unong kinikilig kapag naaalala ang love story namin ni Kean noon.
"Closure? Bakit pa nila kailangan ng closure? Hello! Ang tagal nang panahon no'n," sabi naman ni Liza. Si Liza naman ang simula't sapul ay tutol na sa relasyon namin ni Kean. Hindi ko nga alam kung bakit ayaw na ayaw niya kay Kean noon. Kaya noong mag-break kami, puro masasamang katangian ni Kean ang binabanggit niya sa akin para raw mabilis kong makalimutan si Kean.
"Syempre 'di ba, biglaang break up ang nangyari sa kanila, at simula noon ay hindi na sila nag-usap pa. Aminin man natin o hindi, there's still gap between the two of them," sagot naman ni Nancy.
Yes. Hindi na talaga kami nag-usap ni Kean simula noong break-up namin. Isa rin iyon sa dahilan kaya hindi ko alam kung anong gagawin sa dare. Hindi ko alam kung paano siya kakausapin at paano siya pakikisamahan sa loob ng isang linggo.
"Girls, ayos lang ako okay? Ang inaalala ko lang naman ay ang girlfriend ni Kean. Kababalik ko lang ng probinsya at ayokong masangkot agad sa gulo," pabiro kong sabi sa kanila.
"Naku girl, huwag mong intindihin ang girlfriend niya. Ang alam ko ay nasa Manila ang girlfriend niya ngayon," sabi naman ni Nancy.
Napatango na lang ako. Kaya pala malakas ang loob ni Kean na pumayag sa dare dahil wala dito sa probinsya ang girlfriend niya. Bakit ko nga ba po-problemahin ang girlfriend niya kung siya mismo ay hindi pino-problema ito. Napailing na lang ako sa sarili kong pag-iisip.
"Teka pala, sino bang girlfriend ni Kean ngayon?" tanong naman ni Celine.
"E sino pa ba, edi si Crista ng kabilang section noon. Naaalala mo ba Agatha?" tanong sa akin ni Liza.
Napangiti naman ako. Sino ba namang hindi makakalimot kay Crista? Si Crista ang kaisa-isang babae na pinagselosan ko noon dahil nalaman ko na may crush siya kay Kean. At gumagawa si Crista ng paraan noon para magkausap sila ni Kean. And nahuli ko silang magkausap noon sa likod ng classroom namin. Sa sobrang pagseselos ko nga noon ay hindi ko pinansin si Kean ng isang buong maghapon. Kaya simula noon ay hindi na niya kinausap pa si Crista.
"Mukhang nakuha na ni Crista ang matagal na niyang gusto," pabiro ko pang sabi sa kanila.
Nagtawanan naman sila dahil sa sinabi ko. Inubos ko na lang ang kape ko na mas malamig pa yata sa gabi. Tuluyan na ring nawala ang tama ng alak sa sistema ko kaya tumingin ako sa mga kaibigan ko.
"I think, kaya ko na uling makipagsabayan sa kanila," nakangiti kong sabi sa kanila.
"Mabuti 'yan dahil kanina ka pa nila hinahanap. Ngayon ka lang naka-attend ng reunion kaya ikaw ang star of the night. Tara na."
Hinila ako ni Nancy pabalik sa may infinity pool. Sumunod naman sa amin sina Liza at Celine. Nang makita kami ng mga kaklase namin ay naghiyawan pa sila na animo ay nakakita ng artista. And here we go again, attentions.
Lahat sila ay nakapang-swimming attire na dahil karamihan sa kanila ay nasa infinity pool. Maski ang mga kaibigan ko ay mga naka-two piece na. Ako na lang yata ang nakapang-summer dress.
"Girl, you need to change your outfit na. Show us your sexy body," bulong sa akin ni Celine.
Tumango naman ako at pumunta sa may gamit ko. Kahit loner ako ay hindi naman ako pumapayag na ma-out of place sa mga ganitong okasyon. Binitbit ko ang bag ko at nagderetso sa CR dito sa resort.
Nakakamangha ang CR ng resort ni Kean. Hindi na nakakapagtaka na isa ang resort na ito sa sikat na dinadayo ng mga turista. Malinis, malawak at maayos ang CR. Mabilis akong nagpalit at isinuot ang black two piece swimsuit ko. Medyo nilalamig pa ako kaya pinatungan ko na lang ito ng robe ko para medyo matakluban ang katawan ko. Wala naman akong balak maligo sa pool kaya okay na siguro itong suot ko.
Paglabas ko ng CR ay nagulat ako dahil bumungad sa akin si Kean. Namumula na ang tainga niya na sa tingin ko ay epekto ng alak na ininom niya. Ngumiti naman siya sa akin nang makita niya ako kaya napangiti na lang din ako.
"Kanina ka pa nila hinihintay doon," mahina niyang sabi sa akin.
Wala pa ring pinagbago ang boses ni Kean. Malalim pa rin at maawtoridad. 'Yong tipong mapapasunod ka na lang sa kahit na anong sabihin niya. Pati ang kaniyang mga mata ay hindi rin nagbago. Ganoon pa rin siyang tumingin, nakaka-conscious at nakaka-kaba. 'Yong tipong kapag tumingin siya ay parang nakikita niya ang buo kong pagkatao.
"Oo nga. Sige."
Mabilis akong tumalikod sa kaniya dahil pakiramdam ko ay nag-init ang magkabila kong pisngi. Ayokong makita niya na namumula ako dahil sa presensya niya. Sinimulan kong ihakbang ang mga paa ko upang agad na makalayo sa kaniya.
"Agatha."
Nanindig ang aking mga balahibo nang tawagin niya ang pangalan ko. Pangalan ko pa lang ang sinabi niya ngunit ganito na agad ang reaksyon ko. Hindi pwede ito. Kailangan kong kumilos ng natural sa harap niya.
"B-bakit?" Pinilit kong maging natural ngunit nautal pa rin ko. Nakakahiya.
"Palagay ko ay tulog tayo maghapon bukas dahil puyat tayo ngayon. So maybe, sa Monday na lang natin simulan ang dare?" seryoso niyang tanong sa akin.
Naikuyom ko ang mga kamao ko. Natural na natural lang sa kaniyang pag-usapan ang dare samantalang ako ay halos mahimatay na sa sobrang tensyon na nararamdaman ko. Mukhang ako lang ata talaga ang apektado sa dare na ito.
Huminga ako ng malalim at matapang na humarap sa kaniya. Hindi sinasadyang mapatingin na naman ako sa dibdib at abs niya. At para na namang na-magnet ang mata ko sa matipuno niyang katawan. Nawala sa isip ko ang mga sasabihin ko dapat sa kaniya at natameme na lang ako.
"What do you think?"
Para akong nagising sa mahimbing na pagkakatulog nang magsalita siyang muli. Agad kong iniiwas ang aking tingin at muling huminga ng malalim.
"Yeah. Monday is fine."
I took all the courage to walk away. Hindi ko na hinintay pa na magsalita siyang muli. Mabilis akong naglakad papunta sa may infinity pool kung nasaan ang mga kaibigan ko. Agad naman nila akong pinatagay ng isang shot ng whisky na hindi ko naman tinanggahan.
Mas makakabuti siguro na magpaka-lasing ako ngayong gabi. Just to clear my mind.