PROLOGUE
Tila bumagal ang bawat eksena sa buong hall. Kahit kailan, hindi niya inakalang darating siya sa puntong ito. Habang tinutunton niya ang mababang entablado, bumabaha ng ilaw, palakpakan at kinang ang buong paligid. Inabot na niya ang tropeo. Mabigat. Malamig. Ginto. Pumwesto siya sa tapat ng mikropono. May prompter sa di kalayuan. Nakatapat sa kaniya ang spotlight habang may libu-libong pares ng mga mata ang nakatingin sa kaniya na parang mga bituin sa langit na nakadungaw sa kalawakan ng gabi. Lahat sila’y sabik na marinig ang kaniyang sasabihin.
“Wow. Thank you so much. I never thought I would reach this point ever in my life. I honestly don’t know what to say because I did not prepare a speech whatsoever, but I just wanna say thank you to all the people behind this project. You guys, are truly the reason behind this success,” saglit siyang huminto upang paraanin ang masigabong palakpakan.
“Of course, this wouldn’t be possible without the support of my loved ones,” kumaway siya saglit sa isang bahagi ng audience kung saan nagliliwanag sa saya ang mga mukha ng kaniyang minamahal. Tinapos niya ang speech nang may pagsaludo sa lahat ng taong nagbigay sa kaniya ng pagkilala. Muli, masigabong palakpakan.
Nakababa na siya ng entablado ngunit pakiramdam niya’y nasa langit pa rin siya. Sinalubong siya ng mga yakap, halik at pagbati. Malaya siyang nakatitig sa mga mata ng kaniyang mga minamahal at tiim na nagpapahayag ng mga linyang, “Nagawa natin.”