THERESE'S POV
PAWIS NA PAWIS ako nang magising, dala ng mainit na panahon kahit na may aircon naman ang kwarto kung saan ako nakalagi ngayon.
Napatingin ako sa maliit na orasan na nakapako sa dingding nang imulat ko ang mata. Alas onse na ng tanghali, napasarap ang tulog ko. Hindi ko na tuloy naabutan ang pagsikat ng araw. Nakatulugan ko na pala ang pag-iisip sa kasong hinahawakan ko.
Dahil nakahiga at ang bigat ng katawan ko ay nasa higaan, ramdam na ramdam ko ang pag-ugoy ng aking hinihigaan na para bang dinuduyan ako. Masarap sa pakiramdam dahil inaantok ako pero kailangan ko nang bumangon.
Nang tingnan ko ang cellphone na nasa aking ulohan lamang ay may pitong missed calls ito na hindi ko na narinig dahil siguro sa lalim ng aking pagkakatulog. Nang tingnan kung sino ang tumawag, napakunot ang noo ko. Tatlo ay galing kay papa at ang apat naman ay galing sa dalawang babae.
I was about to text them to call me again when I received another call. It's from Papa.
"Hija! Thank God! You answered my call!"
Nagulat ako nang pagka-sagot ko pa lang ng tawag ay nagsalita na nang ganoon si papa. Kumunot nang labis ang noo ko at bumangon. Inilaylay ko ang aking dalawang paa sa gilid ng kama upang mas mapakinggan ang sasabihin ni papa.
Ano'ng mayroon at parang natataranta siya? Mayroon bang masamang nangyari? Bigla tuloy ay kinabahan ako.
"Kagigising ko lang po, papa." Wala pa nga sa huwisyo ang utak ko. Pakiramdam ko, nasa bahay lang ako at walang ginagawa.
Pero nakaramdam na ako ng kaba.
"Masamang balita, anak. Tunay ngang si Ross ang pumatay sa kaniyang ama." Walang pasakalye na turan niya sa kabilang linya. Ang tono ng kaniyang boses ay tila nagmamadali at natataranta ngunit naroon ang pagkaseryoso gayundin ang pangamba.
Ang kaninang wala sa huwisyo kong katawan ay tila nakuryente, nabuhayan ako na para bang binuhusan ng malamig na tubig.
Paanong nangyari iyon? Hindi ba't hindi pa naman tuluyang napapatunayan iyon dahil kulang ang ebidensya? At kaya nga ako narito upang gawin ang misyon dahil hindi pa sapat ang ebidensyang nakalap nila para sabihing si Ross nga ang pumatay?
Ngunit kahit na gayon, hindi naman pwedeng hindi ako maniwala sa tatay ko.
"Totoo po?" hindi makapaniwala na tanong ko. Kinapa ko ang aking puso. May kung ano sa akin na parang hindi naniniwala. Hindi ko naman kilala si Ross pero para sa akin, hindi niya kayang gawin ang mga bagay na ganoon. "Ano na po ang plano, Papa?"
Huminga nang malalim ang aking ama, narinig ko iyon mula sa kabilang linya bago nagsalita. "Dakpin ang bunsong Sacueza at ikulong nang panghabangbuhay," ramdam ko ang pagkaseryoso ni papa habang sinasabi sa akin ang lahat ng detalye.
Hindi nga lang pagiging seryoso niya ang naramdaman ko, pati ang galit at gigil na makuha ang pakay ay naramdaman ko. Bagay na hindi ko alam kung saan nagmumula dahil hindi naman maaarint magalit ang papa nang walang dahilan. Si papa ang kilala kong tao na bibihira kung magalit. Kung magagalit man siya, sigurado akong matindi ang nagawang kasalanan ng taong iyon.
Ganoon ba katindi ang ginawa ng Ross na iyon?
May kung ano sa akin na tila ba hindi ko gusto ang tono ng pananalita ni papa. Batid kong kapag nagsalita siya ay sigurado at walang pagdududa. Pero ngayon, pinagdududahan ko kung nagsasabi ba siya ng totoo. Hindi ko alam, pero hindi ako naniniwala. Bagama't ramdam ko ang pagiging desidido niya na dakpin ito, sa loob-loob ko, hindi ko kayang maniwala sa sinasabi niya.
Ang sabi ng isip ko, paniwalaan ko siya dahil siya ang ama ko. Ni isang beses ay hindi siya pumalpak sa kaniyang trabaho. Ngunit ang puso ko? Kabaliktaran niyon ang sinasabi.
O ako lang talaga ang magulo? Pilit kong ginugulo ang sitwasyon na kung saan, maayos naman na. Pilit kong sinisiksik sa sarili ko na hindi masamang tao ang aking pupuntahan? Pero sino nga ba ako para magdikta sa sarili ko? Ni hindi ko nga kilala ang bunsong Sacueza na iyon, ni hindi ko man lang siya nakausap maski isang beses. Pero bakit hindi pa rin ako naniniwala na mamamatay tao siya kahit mayroon nang pruweba?
Ganito na ba ako katanga? Nandiyan na lahat ng ebidensya, hindi pa rin ako naniniwala? Mismong ama ko na ang nagsalita, hindi pa rin ako naniniwala?
Siguro nga, ako ang magulo. Ginugulo ko ang misyon na dapat kailangan kong ayusin. Dahil para sa akin din ito. Para sa pangarap kong makasama ang Mama ko. Siguro iyon na lang ang itatanim ko sa aking isip. Ang pangarap na iyon. Wala na dapat akong pakialam sa iba.
"Nariyan ka pa ba, anak?"
Natutop ko ang bibig nang hindi maramdamang nawawala ako sa pokus. "O-opo, Papa. M-masusunod po," tila napapahiya kong saad.
Matapos ang pag-uusap namin ng papa ay lumabas na ako ng kuwarto. Bitbit ang malaking palaisipan sa aking isip na ginugulo ako nang ginugulo. Gustuhin ko mang ipawalangbahala iyon ay hindi naging sapat ang pagpipilit kong huwag isipin iyon. Pinaghalong init ng panahon at malamig-lamig na hangin ang sumalubong sa akin. Napapikit ako nang masilaw sa kintab ng tubig sa dagat.
"How was your sleep?"
"Ay butiki!" Agad akong napalingon sa pinanggalingan ng boses dahil sa gulat.
"Nasaan?"
Pumangit ang awra ko nang marinig ang naging pagtawa niya matapos kong magulat. Nakakainis! Bakit ba bigla-bigla ito kung sumusulpot? Paano na lang kung may sakit ako sa puso, 'di ba? Edi konsensya niya pa kung mamatay ako?
Jusme, hindi yata ang misyon na ito ang papatay sa akin.
"Ano ang tinatawa-tawa mo riyan?" Nakasimangot akong tiningnan siya. "At teka, bakit ka nandito? Sinusundan mo ba talaga ako?" inis kong tanong saka humalukipkip.
"Oh, teka. Ang daming tanong. Isa-isa lang," aniya sabay tawa ulit. "Kung bakit ako nandito ay dahil gusto kong sumama. Gusto kong makasiguro na makakauwi kang ligtas kasama ako. At kung sinusundan kita..." ngumiti siya sa akin saka kumindat. "... parang gano'n na nga."
Napairap ako nang mag-peace sign pa siya. Heto na naman ang ka-corny-han ng maling tao na 'to. Kahit saan ba talaga, hindi pwedeng mag-isa lang ako? I mean, may kasama ako, oo, pero hindi siya. Hindi ko siya gustong kasama dahil feeling ko, wala naman siyang kwenta. Hindi lang pala feeling. Totoo pala iyon.
Umalis ako sa tabi niya at lumakad. Pero nararamdaman kong sumusunod siya. "Puwede ba, tantanan mo na nga ako?"
"Ayoko," matigas niyang saad.
"Tumigil ka na kasi hindi ka nakakatuwa!"
Huminto ako sa paglalakad, ganoon din siya dahil talagang sumusunod siya sa akin. Tiningnan ko siya nang masama ngunit nananatili lang siyang nakatingin sa akin.
"Ayoko pa rin," blangko. Parang robot na isang tanong at isang sagot.
"Hindi ka ba talaga titigil?"
"Hindi."
Napakamot ako ng ulo. "Aish!"
Sa huli ay ako ang sumuko dahil sa kakulitan niya. Umalis na lang ako sa tabi niya saka naglakad-lakad ngunit ramdam kong nakasunod siya sa akin. Nakakainis!
Paano ba naman kasi, bawat hinto ko sa paglalakad kasabay ng paglingon sa kaniya ay nagkukunwari siyang may ibang ginagawa. Ilang beses akong huminto pero di ko siya nahuling sinusundan ako. Ilang beses din akong lumingon sa gawi niya pero nasa gilid lang siya ng barko at tumitingin sa malayo.
Naiinis ako dahil nakakabuwiset siyang kasama. Nagpatuloy na lang ako sa paglalakad at hayun na naman ang pakiramdam na sinusundan niya ako. Malayo-layo na rin ang nalakad ko pero nananatili siyang nakabuntot sa akin. Hindi nga lang sobrang lapit sa akin pero hindi rin ganoon kalayo.
At sakto sa huling lingon ko, nakita ko siyang naroon pa rin sa gilid ng barko, nakatingin sa malayo. Humarap siya sa akin saka ngumiti at kumaway nang bahagya. Nakakainis! Bakit parang nang-aasar pa siya?
"May kailangan ka ba?" tanong niya. Hindi ko namalayan na nasa harap ko na pala siya.
"Wala!" singhal ko.
"Kanina ka pa lingon nang lingon sa gawi ko, baka kasi may kailangan ka at nahihiya ka lang lumapit sa akin." Pagkakuwa'y ngumisi siya.
"Puwede ba, Lucas?! Wala akong kailangan sa iyo at hindi kita kakailanganin."
"Okay, sabi mo, e! Baka kasi gusto mo nang makipagbalikan sa akin, ready naman na ako." Tumawa pa siya pagkatapos sabihin iyon.
"Ang kapal mo!"
"Kalahating oras na lang ay dadaong na tayo," dinig kong saad ng isang sundalo na kausap ang kapwa niya sundalo. Naglalakad silang dalawa pasalubong sa amin. Agad ko naman silang hinarang nang marinig iyon.
"Malapit na tayo?" tanong ko.
Nabuhay sa akin ang excitement nang tumango ang dalawang lalaki.
"Nakikita na ho namin ang daungan, hindi na aabutin ng isang oras, makakarating na ho tayo roon."
Hindi ko na pinahaba pa ang diskusyon, agad ko rin silang pinaalis.
Sumilay sa akin ang matamis na ngiti nang maramdaman ang pagkasabik na makadaong ang barkong aking sinasakyan. May kung anong lukso sa aking puso nang malaman na papalapit na ako sa aking pakay.
Maraming sundalo ang palakad-lakad sa nilalakaran ko kaya naman, kinalabit ko ang isa saka nag-utos.
"Tipunin ang mga kasama. Nais ko silang makausap," utos ko sa isang sundalo.
"Masusunod ho."
"Sa gitnang bahagi ng barko, sa ikalawang palapag, doon ninyo tipunin ang mga kasama."
"Makakarating po,"
Tinanguan ko lang silang dalawa.
"Nakakatakot sa tuwing nagseseryoso ka sa isang misyon," sabat na naman ni Lucas nang mawalan ako ng kausap.
"Matakot ka na dahil misyon kong pahintuin ka. At seryoso ako roon,"
"I changed my mind. Hindi pala nakakatakot," ngumisi siya saka humalahakhak. May sapak sa utak.
Hinayaan ko na lang si Lucas na maglakad sa tabi ko habang patungo kami sa gitnang bahagi ng barko kung saan ko sinabing magtitipon-tipon ang lahat ng kasama.
Pagkarating doon ay nagsisimula nang dumami ang mga kasama namin. Batid kong naipamalita na rin ito sa kanilang kasamahan kung kaya't mabilis lamang na nakumpleto ang miyembro. Isa lamang ang nawawala--- ang mahangin na Chief ng Maynila.
"Nasaan ang ama mong kasinghusay mo?" tanong ko kay Lucas. Kasinghusay niyang manira ng araw.
"I guess, he's in a deep sleep," walang kuwentang sagot.
Hindi ko na siya pinansin pa pagkatapos no'n. Humarap ako sa lahat ng sundalo at pulis na nasa paligid ko ngayon. Isa-isa ko silang tiningnan.
"Magandang hapon," tawag atensyon ko sa lahat ng aking kasamahan saka sumaludo sa kanila tulad ng ginagawa ni Papa. Gayon din naman ang isinukli nila sa akin. "Hindi na ako magpapaligoy-ligoy pa, narito tayong lahat sa iisang misyon... ang dakpin ang bunsong anak ng mga Sacueza. Hindi rin lingid sa kaalaman ninyo ang mga pangyayari kamakailan, at batid ninyo rin kung bakit ako naririto sa inyong harapan. Malaki ang Dumaguete. At hindi rin natin sigurado kung naroroon pa siya ngayon dahil wala tayong masyadong detalye tungkol sa kaniyang eksaktong lokasyon. Gusto kong pangkat-pangkatin ang lahat na naaayon sa dami ng bilang."
Pawang mga estudyanteng tutok na tutok sa guro ang hitsura ng mga sundalong nakikinig sa akin. Bawat isa ay nakisama sa pagpapangkat-pangkat. Sila na rin ang nag-assigned sa bawat isa kung saang lugar maghahanap.
"Sa pagdaong ng barko ay muli kayong—"
Napahinto ako sa pagsasalita nang maramdaman ko ang isang malakas na pagyanig ng barkong aming sinasakyan. Nagsimulang mataranta ang bawat isa, hindi naman sobrang taranta ngunit lahat kami ay nagtaka, sa isang iglap ay nakarinig kami ng isang malakas na pagsabog.
Agad akong yumuko habang akay-akay ni Lucas patungo sa tingin nami'y safe na lugar. Pero hindi ko alam kung ligtas ba sa lugar na pupuntahan namin dahil barko ito. Isang parte lamang ang masira, agad na lulubog ito. Huminto kami ni Lucas sa gilid ng barko.
Kinabahan ako sa pupuwedeng sapitin namin sa oras na ito pero nanatiling kalmado ang aking mukha. Sa loob-loob ko'y sana hindi lumubog ang barko dahil alam ko ang sasapitin ng bawat isa sa amin kapag lumubog ito.
"Therese! Stay here, okay? I'll get some vest," ani Lucas. Sunod-sunod lang akong napatango sa kaniya saka siya umalis.
Namamawis ang kamay ko sa pangambang dulot ng pagsabog. Nagtatakbuhan na ang mga sundalo. Paroo't parito. Ang ilan ay hindi alam kung ano ang gagawin o kung saan tutungo. Ang iba nama'y nakikitaan ng pagiging kalmado ngunit mababasa sa mata ang takot nito.
Sinong hindi matatakot? Nasa gitna kami ng laot. Papadaong pa lang ang barkong sinasakyan namin. Hindi namin alam kung magiging ligtas ba talaga kami.
Hinarang ko ang isang sundalo na tumatakbo't pawisan ang mukha. May suot na itong life vest at tila wala nang pakialam sa kasamahan. Kumunot ang noo ko dahil parang hindi naman ganito ang training na napagdaanan nila. Tinuro ba sa kanila sa kampo ang maging selfish?
"Ano ang nangyayari?" Mabobosesan sa akin ang pangamba at takot.
"Hindi kumpirmado kung ano ang sumabog! Pero nagliliyab na ang likurang parte ng barko!" Iyon lang ang sinabi niya saka agad na tumakbo palayo.
Likurang bahagi ng barko ang nagliliyab? Ibig sabihin, hindi kami makakaraan doon kahit pa dumaong ang barko.
Nablangko ang aking utak sa mga pangyayari. Kailangan may maisip akong paraan, kailangan ko itong masolusyonan. Pero paano? Paano ko masusulosyunan kung apoy ang kalaban ko?
Tumakbo ako nang tumakbo bagama't hindi ko kabisado ang lugar kung saan ako patutungo. Maski ang pagbalik sa kuwarto ko ay hindi ko na matandaan kung nasaan. Ilang sundalo at pulis ang nakita kong may suot na life vest, pawang handa na sa pagtalon sa dagat. Ilang kasamahan din ang nabunggo ko dahil ang iba'y hindi na tumitingin sa dinaraanan. Sumasakit na ang braso ko dahil ilang beses na akong nabubungo at kaunti na lang ay matutumba na ako.
"Hija! Hija! Nasaan ang aking anak?" Humihingal na tanong sa akin ni Chief Aquino.
Tiningnan ko siya mula ulo hanggang paa. Bakas sa kaniya na naalimpungatan lang, namumula pa ang mata nito dahil sa pagtulog.
"H-hindi ko a-alam," nanginginig na ang boses ko. Hindi ko na rin maitago ang takot na nararamdaman. Nang sagutin ko siya ay mabilis siyang umalis. Hinahanap ang anak na kumuha ng life vest para sa akin.
Kinapa ko sa suot na pantalon at jacket ang aking cellphone ngunit kamalas-malasang tila naiwan ko ito sa kuwartong tinulugan ko kanina. Gusto kong makausap ang Papa! Gusto kong magsabi sa kaniya ng nangyayari ngayon.
Napaupo ako sa isang sulok. Nanginginig at natatakot sa posibleng mangyari. Hindi ko na napigilan ang sigaw ko matapos makarinig muli ng tatlong sunod na pagsabog. Unti-unting pumatak ang luha sa aking mata. Magkahalong takot, pangamba, lungkot, sakit at kawalan ng pag-asa ang nararamdaman ko.
Mukhang hindi ko na makakasama ang Papa. Hindi ko na rin magagawa ang misyon, hindi ko na rin kailan pa makakasama ang Mama.
Napayuko ako sa habang yakap-yakap ang tuhod saka roon humagulgol.
"P-Papa... n-natatakot p-po ako..." bulong ko sa kabila ng bawat hikbi.
"Therese! Therese!" dinig ko ang malakas na pagtawag ni Lucas ng pangalan ko. Agad akong tumayo at pinunasan ang luhang umagos galing sa aking mata. Nakita ko siyang tumatakbo papalapit sa akin. Nasa malayo pa lang siya ay nakikita ko nang hawak-hawak niya ang nag-iisang life vest na nakuha niya.
"L-Lucas..." usal ko habang tila bumabagal ang naging pagkilos niya.
Naramdaman ko ang pagtabingi ng barko dahilan para muling yumanig ito. Napakapit ako sa isang poste upang hindi tuluyang lumubog sa tubig ang mga paa ko. Kitang-kita ko na isang bitaw ko lang, tubig na ang babagsakan ko. Pero parang ayaw ko pang bumitaw. Ganoon din si Lucas na nakakapit din sa isang bakal. Ngunit iisang kamay lang ang gamit niya. Nasaksihan ko kung papaano sinubukan ni Lucas na iabot sa akin ang life vest ngunit sadyang malayo ako sa kaniya.
"Ihahagis ko ang life vest! Sikapin mong suotin at tumalon ka na!" sigaw niya kahit hirap na hirap na sa pagkapit.
"P-Pero paano k-ka?!"
"Magiging safe ako, Therese! Basta siguraduhin mong makakaligtas ka. Ipangako mong makakaligtas ka. Kailangan mong makaligtas. Kailangan mong makasama ang mama mo."
Sa sinabi niyang iyon ay muli na naman akong napahagulgol. Hindi ko yata kakayanin kung makakaligtas ako dahil sa life vest na ibinigay sa akin ni Lucas na dapat ay sa kaniya.
"Therese! Saluhin mo!" muling sigaw niya nang hindi ako sumagot. Tuliro man ay nagawa kong makuha ang lifevest kahit isang kamay ang gamit. Agad kong sinikap na suotin ito.
Lalanguyin ko ang direksyon ni Lucas. Kailangan pareho kaming makaligtas.
"P-pupuntahan kita," saad ko saka lakas loob na bumitaw sa pagkakakapit upang lumangoy patungo sa direksyon niya.
Sa gitna ng paglalangoy ay hindi ko na naabutan pa si Lucas sa lugar kung saan siya nakakapit. Isang matigas na bagay ang humampas sa aking ulo na naging sanhi ng paglabo ng paningin ko. Ang sumunod na eksena ay hindi ko na nailarawan, unti-unting nagdilim ang paningin ko hanggang sa tuluyang nawala sa ulirat.