CHAPTER 9

1058 Words
THERESE'S POV MUGTO PA ANG MGA MATA nang lisanin ng barkong aking sinasakyan ang Batangas Port. Pinigilan ko nang maluha nang tumungtong ako sa ikalawang palapag ng barkong ito ngunit hindi pa rin mawala ang lungkot at sikip sa dibdib na dinadala ko. Napagdesisyonan kong tahakin ang pinakataas nitong barko upang madama ang sariwa at malamig na hangin. Madilim pa ang buong paligid, walang makikita maski kahit na ano dahil nasa gitna na kami ng karagatan. Kung may makikita man ako sa paligid, walang iba kun'di ang mga bituin na sa langit. Gaya ng inaasahan ay halos matangay ako ng hangin sa lakas nito. Hindi na rin ako halos makadilat dahil tila may humaharang upang buksan ko ito. Inis ako napatalikod, umatras na lang ako dahil mukhang hindi ko kakayanin ang paghampas ng hangin. Agad akong bumaba, at kamalas-malasang nakasalubong ko pa ang pinakamahangin na pulis sa buong Maynila. Gusto kong tumawa hanggang sa masuka dahil kung umasta siya, daig niya pa ang papa. Lihim akong napangisi nang makita kong tumingin siya sa aking gawi. Hindi ko na nais pang magkaroon ng diskusyon kaya minabuti ko na lang na umalis. Ngunit mukhang gustong makatikim ng masasakit na salita itong matanda. "Tch. Acting like a cool woman, wants to become a new superhero, huh?" Napahinto ako nang magsalita siya. Nakatalikod ako sa kaniya ngunit kitang-kita sa imahinasyon ko ang pagmumukha niya. Imbes na sumagot ay tatangkain ko na sanang maglakad muli nang magsalita na naman siya. "Papanoorin ko kung paano tinuruan ng ating butihing Heneral ang kaniyang unica hija," aniya saka naging matunog ang pagngisi. "Mauuna na ho ako," pilit na paggalang ang isinukli ko sa kaniya. Hindi ko na gusto pa ang makipagtalo. Wala rin namang mangyayari. "Teka. Nais pa kitang makausap, binibini. Kayo ba ng aking anak ay wala nang pag-asang magkabalikan?" At sa sinabi niyang iyon ay mas lalong kumulo ang dugo ko. Pigil na pigil ang inis ko nang humarap sa kaniya. At hindi ba't ayaw niya rin na magkatuluyan kami ng anak niyang maling tao? Tumatanda na talaga siya, nakalimutan na niyang isa siya sa humahadlang sa aming dalawa. Bagama't hindi siya iyong tipong lantarang inaayawan ang isang tao. Pinapakita niya ito base sa kaniyang kilos. "Trabaho po ang pinunta ko rito. Wala akong panahon sa usaping pampuso. Aalis na ho ako," matigas kong saad saka akmang aalis muli nang bigla niya naman akong higitin sa aking braso. "Ganyan ka ba pinalaki ng magaling na Heneral na iyon? Bastos? Kinakausap pa kita, hindi ba?" Malumanay at mahina ang kaniyang boses nang sabihin iyon. Siguro dahil na rin sa iilang sundalo na palakad-lakad sa paligid at ayaw niyang gumawa ng ikasisira ng pangalan niya. Ayaw niyang isipin ng iba na gumagawa siya ng iskandalo. Nananakit na ang braso ko sa tindi ng pagkakahawak niya sa akin, halatang may bahid ng galit. Pero bakit siya nagagalit sa akin? Wala naman akong kasalanan sa kaniya. Bagaman masakit, pinilit kong higitin ang braso ko mula sa pagkakahawak niya. Nilabanan ko siya nang tingin. "Mawalang galang na ho, Chief Of Police Denver Aquino, mas mababastusan ho kayo sa akin kapag hindi ninyo ako hinayaang makaalis. Hindi ho ako marunong gumalang sa mga taong hindi kagalang-galang! Dahil kaunti na lang ang galang na mayroon ako. Huwag mo nang lubusin, baka ikapahamak mo. Kunsensya ko pa kapag nagkatotoo," mas mariing asik ko sabay ngisi saka siya pinandilatan ng mata at lumayo na. Mabuti na lamang ay hindi na niya ako pinigilan. Bago tuluyang makalayo ay binigyan ko pa siya muli ng isang lingon, tiningnan ko siya mula taas hanggang baba na para bang iniinsulto ko ang kaniyang katayuan. Hindi ko naman pinagsisisihan ang mga ginawa ko. Dapat lamang iyon sa kaniya dahil masyado niyang sinisira ang araw ko. Hindi pa, papasikat ang haring araw, sinira na niya hanggang sa panggabi ko. Ang galing manira ng matandang iyon. Mag-ama nga sila ni Lucas. Dahil sa pangyayaring iyon, tumungo na lang ako sa kwartong nakalaan para sa akin. Masyado pang maaga para antabayanan ang mga nagaganap sa paligid, kailangan ko muna sigurong ipahinga ang aking sarili at ihanda sa mga posibleng mangyayari. Mahaba-haba naman ang byahe kung kaya't kinakailangan ko rin ng mahaba-habang pahinga. Nang makarating sa kuwarto, agad kong inayos ang aking mga gamit. Hindi naman ito ganoon karami, ngunit hindi rin ganoon kaunti. Sapat na para sa isang linggo. Sana nga, wala pang isang linggo, mahanap na namin ang pakay at nang makauwi na. Dala-dala ko rin ang first aid kit na hindi nawawala sa aking bagahe. Ibinagsak ko ang sariling katawan sa hindi kalambutang kama ng barko. Iniisip ko kung ano kaya ang magyayari kapag natunton na namin si Ross. Papayag kaya siyang sumama sa amin upang linisin ang kaso niya? Pero kung talagang inosente siya, bakit kailangan niya pang magtago? Bakit hindi niya ipagtanggol ang kaniyang sarili? At kung mapapapayag namin siyang sumama sa amin pabalik ng Maynila, bakit kinailangan niya pang magpahanap kung talagang wala siyang kasalanan? Ang sabi sa akin ng Papa, hindi raw siya sigurado sa totoong dahilan ng pagkamatay ni Mr. Sacueza. Hindi rin daw siya sigurado kung ano ang dahilan ni Mrs. Sacueza upang hulihin at patayin ang sariling anak na kung tutuusin, naging kriminal dahil sa kaniya, dahil pinagtanggol siya sa pambababae ng ama. Maraming tanong ang hindi ko masagot gamit lang ang analisasyon. Kahit pagdugtong-dugtungin ko ang pruweba, detalyo at ebidensyang hawak, malabo pa rin ang dahilan sa pagkamatay ni Mr. Sacueza. At sa tingin ko, kung talagang si Ross nga ang pumatay, hindi niya kakayanin iyon nang mag-isa. Lalo pa't may mga camera na nakabantay, imposibleng gawin niya iyon sa kabila ng katotohanan na maaari siyang makulong, maparusahan. At ang pagtatago niya ngayon, dalawa lang ang dahilan niyon. Nagtatago siya dahil takot siya sa maaaring kaparusahan na ihahain sa kaniya. O hindi naman kaya, nagtatago siya dahil hindi naman talaga siya ang nagkasala at natatakot siyang maparusahan sa pagkakasalang hindi naman niya ginawa. Pero may witness, may pruweba rin na talagang nakita sa CCTV footage na naroon si Ross, galit na galit na sa mga receptionist, naroon din ang video kung saan sumakay siya sa elevator patungo sa floor kung saan naroroon ang kuwarto ng ama. Hanggang sa makapasok nga sa kuwarto kung saan nandoon ang mga biktima. Matibay ang ebidensya laban sa kaniya. Pero hindi matibay ang dahilan ng pagpatay.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD