CHAPTER EIGHT

3203 Words
KUMIROT nang husto ang ulo ni Sanya nang muling bumalik ang kaniyang malay. Hindi pa rin niya magawang ibukas nang tuluyan ang kaniyang mata dahil sa nahihilo pa rin siya. Parang nasa ilong pa rin niya iyong naamoy niya kanina kaya siya nawalan ng ulirat. Basta ang ramdam niya ay nakaupo siya sa isang upuan at nakatali ang kamay niya sa likuran. Pilit niyang pinalakas ang sarili at tuluyan na niyang ibinukas ang kaniyang mata. Umangat ang ulo niya at mula sa nanlalabo niyang paningin ay may nakita siyang imahe ng tao na nakatanghod sa kaniya. Tinitingnan siya nito ng harapan. Bahagya niyang ipinilig ang ulo. Ilang beses niyang pumikit at nagmulat hanggang sa tuluyan nang bumalik sa normal ang kaniyang paningin. Ganoon na lang ang gulat ni Sanya at muntik pa siyang mapasigaw nang malaman niyang si Vincent pala ang taong nasa harapan niya. Malaki ang pagkakangiti nito kaya kita ang madidilaw nitong ngipin. Naroon pa rin siya sa kaniyang silid. Malapit sa kama ang upuan kung saan siya nakatali. Nagkaroon siya ng pag-asa nang makita ang lalaki. Minsan na siya nitong iniligtas kaya alam niyang ililigtas siya nitong muli. Malakas kasi ang kutob niya na si Edward ang nakapasok sa bahay nila at ito rin ang nagtali sa kaniya dito sa upuan. Malamang, katulad noong una ay dumating na naman si Vincent at iniligtas siya. Nakokonsensiya tuloy siya sa ginawa niyang pag-block dito. Marahil ay talagang sobra siya nitong iniidolo kaya nasabi nito ang mga chi-nat nito sa kaniya. “Vincent!” bulalas ni Sanya. “Thanks God at nandito ka! Pakawalan mo na ako. Si Edward? Nasaan siya? Pinatulog mo na naman ba siya?” Medyo natawa pa siya sa tanong niya na iyon dito. Nagtaka siya nang umiling si Vincent. “Hindi si Edward may gawa niyang sa iyo.” “Ha? A-ano bang sinasabi mo? Kung hindi si Edward, sino?” Tumindig ito nang ayos sabay turo sa sarili. “Ako!” Tila nagmamalaki pang sabi nito. “Ano? Vincent, ayoko ng ganiyang joke. Pakawalan mo na ako dito.” Unti-unti nang bumabangon ang kaba sa dibdib ni Sanya. Tiningnan niya ang oras sa wall clock. Ilang minuto pa at sasapit na ang hatinggabi. Ibig sabihin ay matagal pa bago umuwi sina Aira at Cathy. Pero nasa ibaba naman si Thalia. Kapag nasiguro niyang may masamang balak sa kaniya si Vincent ay sisigaw na talaga siya. Maririnig naman siya siguro ng kasambahay nila. “Hindi ako nagjo-joke, Sanya! Totoo ito. Totoong-totoo! Ako ang nagpatulog at nagtali sa iyo diyan sa upuan!” “B-bakit?” tanong niya. Biglang dumilim ang mukha ni Vincent. “Akala ko ba gusto mo na ako. Akala ko mabait ka! Pero hindi, Sanya! Katulad ka lang ng iba na ayaw sa akin dahil sa hitsura ko. Blinock mo pa ako. Alam mo ba kung gaano kasakit iyon?! Iniidolo kita at minamahal tapos block mo ako! Ayoko na sa iyo, Sanya! Bad ka!” sigaw nito habang tumatalsik ang laway sa mukha niya. “K-kung iyon lang pala ang problema mo, i-u-unblock na kita--” “Ayoko! Inuuto mo na naman ako!” “Hindi kita inuuto, Vincent. Pakawalan mo ako tapos magiging friends na ulit tayo sa f*******:. Makaka-chat mo na ulit ako. Promise!” Pilit siyang ngumiti kahit natatakot na siya sa ikinikilos ni Vincent. Sa tingin niya kasi ay may pagka-isip-bata ito kaya umaasa siya na madadala niya ito sa pang-uuto. “Bakit naman kita papakawalan? Kapag pinakawalan kita, hindi ko na magagawa ang gusto ko sa iyo, Sanya!” ngisi nito. Doon na siya lalong nakaramdam ng takot. Alam niyang may problema sa pag-iisip si Vincent at hindi niya alam ang kaya nitong gawin. Kahit nga ang tunay nitong pag-uugali ay wala siyang ideya. Si Edward nga na inakala niyang hindi siya gagawan ng masama ay nagawan siya ng kahalayan. Ito pa kayang si Vincent na hindi naman niya kilala. Gaya ng plano niya ay sumigaw na si Sanya para maalerto si Thalia sa ibaba. “Ate! Tulungan mo ako! Tulong!!!” Halos mapatid na ang ugat niya sa leeg sa pagsigaw. Na tinawanan lang ni Vincent. Napahinto tuloy siya sa pagsigaw dahil sa pagtawa nito. “Anong nakakatawa?” “Huwag ka nang sumigaw. Wala na namang makakarinig sa iyo, e. Iyong katulong niyo sa ibaba, wala na siya,” ani Vincent na halos hindi na makahinga sa pagtawa. “Pinatay ko na siya, Sanya. Kaya kung ako sa iyo, hindi na lang ako sisigaw!” Nanlaki ang mata niya sa sinabi nito. Doon lang niya napansin ang duguang kamay ni Vincent pati na ang dugong nagkalat sa sahig. Sinundan niya ang dugo at nakita niyang hanggang sa may cabinet niya ay may dugo rin. “Hayop ka! Anong ginawa mo kay Ate Thalia?!” Nagwala na siya habang umiiyak. Sa tingin niya kasi ay hindi ito nagbibiro sa sinabi nito. “Siyempre, dapat ko siyang patayin para walang istorbo sa atin, Sanya.” “Hayop ka…” Nanghihinang sambit niya. Parang mawawalan na siya agad ng lakas dahil lang sa pag-iyak at pagsigaw. “Saan mo siya dinala? Nasaan si Ate Thalia?” “Gusto mo ba siyang makita ngayon? Ayaw mo pa yatang maniwala na patay na siya, e.” Hindi na siya nagsalita. Patuloy lang siya sa pag-iyak. Naglakad si Vincent papunta sa cabinet niya kung saan nakalagay ang mga damit niya. Binuksan nito iyon at mula doon ay nalaglag ang duguang bangkay ni Thalia! Ang nakakagimbal at nakakakilabot pa ay tinanggal ang mata nito at pinalitan ng mata ng manika! Isang malakas na sigaw ang kumawala sa bibig ni Sanya at dahil na rin sa labis na takot at sa ginawa ni Vincent kay Thalia ay nawalan na naman siya ng ulirat! MATAPOS na mapatulog ni Vincent si Sanya ay itinali niya ito gamit ang dalang lubid sa isang upuan. Habang wala pa itong malay ay naisip niyang patayin na iyong kasamang babae ni Sanya na nasa kwarto sa ibaba. Kapag kasi nagising si Sanya at sumigaw ito, pwedeng humingi ng tulong iyon babae sa ibaba kapag narinig nitong sumisigaw si Sanya. Bumaba siya at nagpunta sa kusina. Isang kitchen knife ang kinuha niya. Naglakad na siya papunta sa silid ng babae. Pinihit niya ang door knob at nalaman niyang hindi iyon naka-lock kaya dire-diretso niya iyong binuksan at pumasok. Nakita niya ang babae na nakahiga ng patihaya at balot ng kumot. Tulog ito at naririnig pa niya ang mahinang paghilik nito. Tahimik siyang lumapit sa higaan ng babae at walang pagdadalawang-isip na sinaksak niya ito sa dibdib gamit ang dalang kutsilyo. Nagising ang babae at nanlalaki ang mata na napatingin sa kaniya. Hinugot niya ang kutsilyo at muli itong sinaksak sa dibdib. Tumama pa yata sa buto ang talim niyon dahil may narinig siyang nakakangilong tunog. Wala nang nagawa ang babae. Hindi na ito nakalaban sa kaniya. Ilang ulit pa niya itong sinaksak sa dibdib hanggang sa hindi na ito gumagalaw. Humihingal siya pagkatapos. Simula nang patayin niya ang sarili niya ang sarili niyang ina ay parang napakadali na sa kaniya ang pumatay ng tao. Parang nakakaramdam na rin siya ng kasiyahan kapag pumapatay siya. Katulad na lang ngayon. Isang achievement sa kaniya na napatay niya ang maaaring maging sagabal sa gagawin niya kay Sanya mamaya. Pinagmasdan ni Vincent ang duguan at walang buhay na babae sa ibabaw ng kama. Parang hindi pa siya kuntento sa ginawa niya dito. Parang may gusto pa siyang ibang gawin. Iginala niya ang kaniyang mata sa kabuuan ng silid at may nakita siyang mga manika na nasa kama. May malalaking mata ang mga manikang iyon. Napangisi siya sa kaniyang naisip. Kinuha niya iyong manika na may pinaka malaking mata. Dinukot niya ang mga mata niyon at inilagay sa ibabaw ng kama. Ang kasunod niyang ginawa ay nilapitan niya ang bangkay ng babae. Sinaksak niya ng kutsilyo ang isang mata nito. Akala niya paghugot niya ng kutsilyo ay sasama ang mata pero hindi pala. Kaya gamit ang mga kamay ay dinukot niya ang dalawang mata ng babae. Ipinalit niya doon ang mata ng manika! “Wow! Ang ganda na ng mata mo!” Pumapalakpak niyang sabi habang hawak ang kutsilyo. Naisip din ni Vincent na dalhin sa itaas ang katawan ng babae. Hinawakan niya iyon sa dalawang paa at hinila papunta sa itaas. Dinala niya iyon sa kwarto ni Sanya. Nang makita niya ang cabinet ay doon niya napagdesisyunan na ilagay ang katawan. “Ang bigat mo naman!” reklamo niya pagkatapos niyang mailagay sa loob ng cabinet ang bangkay. Matapos iyon ay isinarado na niya ang cabinet. Eksaktong nakita niya na gumagalaw na ang ulo ni Sanya. Mukhang magigising na ito. Nagmamadali siyang pumwesto sa harapan ni Sanya at tumanghod siya dito. Ang gusto niya, kapag nagising ito ay siya ang kauna-unahan nitong makikita. SA muling pagbabalik ng ulirat ni Sanya ay nakita niya ulit ang kalunos-lunos na ginawa ni Vincent kay Thalia. Kahit na nakita na niya iyon kanina ay hindi pa rin nabawasan ang kilabot na naramdaman niya. Puno ng dugo ang dibdib nito na sa hula niya ay pinagsasaksak ni Vincent. May nakita kasi siyang kutsilyo sa sahig. Si Vincent ay nakatalikod sa gawi niya at tila may hinahanap sa drawer niya. Nang humarap ito sa kaniya ay dala nito ang make up kit niya. “Papagandahin kita, Sanya! Gusto ko kasi maganda ka ngayong gabi!” Nakangiti nitong sabi sabay lapit sa kaniya. Binuksan nito ang make up kit habang siya ay takot na takot na nakatingin dito. Kung nagawa nitong patayin ng ganoon ka-brutal si Thalia, hindi malabong magagawa din nito ang ganoon sa kaniya. Kaya ang dapat niyang gawin ay sumunod na lang sa gusto nito hanggang sa bumalik sina Aira at Cathy. Ang dalawa na lang kasi ang pag-asa niya. Hindi naman niya makukuha ang cellphone niya dahil nasa ibabaw iyon ng kaniyang kama. Kinuha ni Vincent ang pulang lipstick at nilagyan siya nito sa kaniyang labi. Hindi na lang siya nagpumiglas at hinayaan na lang niya ito sa gusto nito. Kasunod niyon ay ang blush on naman. Nilagyan siya nito sa buong mukha. Ginawa nitong pulbo ang bagay na iyon. Matapos iyon ay ang eyeliner naman ang naisipan nitong gamitin sa mukha niya. Napansin niya na parang nanginginig ang kamay ni Vincent kaya natakot siya na baka matusok siya ng dulo ng eyeliner. Nang itutok na nito iyon sa mata niya ay umiwas siya. Bigla siyang sinabunutan ni Vincent sa buhok sa likod niya. Hinila nito ang buhok niya sa likod kaya napatingala siya. “Huwag kang malikot, Sanya. Paganda nga kita. Ayaw mo ba?” Tutok sa mukha niya ang bibig nito kaya amoy niya ang hininga nitong hindi maganda ang amoy. “P-please, Vincent… P-pakawalan mo na ako. Parang awa mo na…” Umiiyak niyang pakiusap dito. “Huwag sabing malikot, e!” sigaw nito. Mas lalo nitong hinigpitan ang pagkakasabunot sa kaniya. Upang hindi na masaktan ay hindi na lang siya gumalaw. Ginuhitan na ni Vincent ang gilid ng mata niya gamit ang eyeliner. At hindi sinasadyang naitusok nito sa gilid ng mata niya ang eyeliner! Malakas siyang napasigaw dahil sa sakit. Ramdam niya na naiwan sa gilid ng mata niya ang dulo ng eyeliner ngunit hindi naman niya magawang alisin dahil nga sa nakatali siya. “Sorry! Sorry!” Natatarantang sabi ni Vincent. Nabitawan nito ang make up kit niya at kumalat sa sahig ang laman niyon. Hindi niya magawang imulat ang isang mata dahil sa sakit. ANG gusto lang naman ni Vincent ay ang mapaganda si Sanya bago niya gawin ang mga binabalak niya dito. Kaya naman kinuha niya ang make up kit nito upang lagyan ito ng make up. Hindi man siya marunong sa bagay na iyon ay ginawa niya ang lahat para lang mapaganda ang babaeng hinahangaan ngunit nanakit sa kaniyang damdamin. Ayos na sana ang lahat pero hindi sinasadyang nasaktan niya si Sanya. Natusok niya ng eyeliner ang gilid ng mata nito. Nanginginig kasi ang kamay niya at dumulas iyon. Panay ang iyak ni Sanya habang hindi nito maibukas ang isang mata. Tiningnan niya ang hawak na eyeliner at nakita niya na wala na ang dulo niyon. Sa wari niya ay naiwan iyon sa loob ng mata ni Sanya kaya hindi nito magawang maibukas ang isang mata. Binitiwan niya ang eyeliner at natatarantang nilapitan si Sanya. Gamit ang dalawang kamay ay ibinuka niyang pilit ang nakapikit nitong mata. Tama nga siya. Nandoon ang naputol na dulo ng eyeliner. Pumalag si Sanya. “Bitiwan mo ako!” samo pa nito. “Huwag kang malikot! May tatanggalin ako sa mata mo!” aniya. Sinubukan niyang kunin iyon gamit ang mga daliri niya pero mas lalo lang umilalim ang bagay sa mata ni Sanya. Napasigaw sa sakit ang babae kaya binitiwan muna niya ito. Naghanap siya ng bagay na maaari niyang magamit upang makuha ang nasa mata ni Sanya. Nakita niya ang nagkalat na gamit ni Sanya. May nakita siyang tiyani at iyon ang kinuha niya. Binalikan niya ulit si Sanya. “Relax ka lang. Huwag kang gagalaw…” turan niya. Ibinuka niya ulit ang isang mata ni Sanya gamit ang isang kamay. Nakikita pa naman niya iyong kulay itim na dulo ng eyeliner. Marahan niyang inilapit ang tiyani hanggang sa makuha na niya ang bagay na nasa mata nito. Napapangiti siya habang hinihila niya iyon haggang sa tuluyan na niya iyong makuha. “Tingnan mo, Sanya. Nakuha ko na!” Pagmamalaki pa niya. “Wala naman dugo. `Wag ka nang umiyak diyan.” Pinunasan niya ang luha ni Sanya sa mukha. “A-ano ba kasi ang gagawin mo sa akin? Hindi mo ba alam na pwede kang makulong sa ginagawa mo? Gusto mo bang mabulok ka sa kulungan, Vincent?” anito. Wala siyang imik. Yumukod siya at tinanggal ang tali sa paa ni Sanya. Kasunod niyon ay ang tali naman nito sa kamay. Itinayo niya si Sanya pero mabilis niyang itinali ulit ang dalawang kamay nito sa harapan. “Vincent!” untag nito sa kaniya. Naiinis na napakamot siya sa ulo. “Ang ingay mo naman, e! Hindi naman ako makukulong kasi papatayin kita pagkatapos ng mga gagawin ko sa iyo. Para walang testigo. Kapag patay ka na, hindi ka na makakapagsumbong sa mga pulis!” Humagikhik pa siya na akala mo ay tama ang lahat ng sinasabi. Naningkit ang mata ni Sanya. “Baliw ka na!” “Oo, baliw nga ako. Baliw na baliw sa iyo!” Kinuha niya ang patalim na nasa sahig. Hinapit niya ito sa beywang at nagdikit ang mga katawan nila. Itinutok niya sa tagiliran ni Sanya ang dulo ng kutsilyo. “Gusto ko, sayaw tayo. Matagal ko nang gusto na makasayaw ka talaga, Sanya…” “V-vincent… Tama na, please--” “Tama na?! Hindi pa nga tayo nag-uumpisa, Sanya!” bulyaw niya. “Yakapin mo ako kung hindi sasaksakin kita!” Nanginginig sa takot na tumango si Sanya. “P-paano naman kita mayayakap kung nakatali ang mga kamay ko?” “Ay, oo nga pala. Teka, aalisin ko lang ang tali mo sa kamay.” Binitiwan niya ang kutsilyo at nalaglag iyon sa sahig. Akmang hahawakan na niya ang tali sa kamay ni Sanya nang bigla siyang malakas na tumawa. “Anong akala mo sa akin? Tanga?! Hindi ako tanga para pakawalan ang kamay mo. Alam kong tatakas ka, Sanya! Mautak kaya ako!” “Ano ba kasi ang gusto mo? Pera? Bibigyan kita ng maraming pera! Pakawalan mo lang ako dito, Vincent. Hindi rin ako magsusumbong sa mga pulis.” “Ayoko na ng sayaw. Gusto ko iyong gawin sa iyo `yong gagawin sana ni Edward.” Ngumisi siya. Kita niya ang paglala ng takot sa mukha ni Sanya. Napaatras ito habang siya ay lumalakad palapit dito. Nang makita niyang nasa likuran na ni Sanya ang kama ay itinulak niya ito. Napatili si Sanya nang mapahiga ito sa kama. Siya naman ay tuwang-tuwa na pumalakpak. Mabilis niyang kinuha iyong kutsilyo sa sahig at binalikan na si Sanya. “Huwag, Vincent! Maawa ka! Huwag mong gawin iyan!” Umiiyak nitong samo. Umigpaw siya sa ibabaw ng kama at patagilid siyang humiga sa tabi ni Sanya. Pinakatitigan niya ang magandang mukha ng dalaga. “Ayokong sumisigaw at pumapalag ka, Sanya, kung ayaw mong mapaaga ang kamatayan mo. Nagkakaintindihan ba tayo?” Hindi ito sumagot. Panay lang ang iyak. “Nagkakaintindihan ba tayo?!” Pasigaw na ulit niya. Takot na tumango si Sanya. Hindi na ito makapagsalita dahil sa kakaiyak. Umayos siya ng pwesto sa tabi ni Sanya upang makita niya nang maayos ang kabuuan nito. Laway na laway na pinagapang niya ang dulo ng kutsilyo sa hita nito. Pataas nang pataas at huminto iyon malapit sa singit ni Sanya! IMPIT na napasigaw si Sanya nang maramdaman niya ang dulo ng kutsilyo sa singit niya. Wala na siyang ibang magawa kundi ang umiyak na lang ng umiyak. Nawawalan na siya ng pag-asa na makakawala pa siya kay Vincent. Natatakot naman siyang lumaban dahilmay patalim itong dala. Baka totohanin nito ang sinabi nito na papatayin siya kapag nanlaban siya. Ganoon na lang ang kilabot na gumapang sa buong katawan niya nang hawakan ni Vincent ang hita niya. Ramdam niya ang matigas at magaspang nitong kamay. Napapikit na lang siya habang kagat ang ibabang labi. Diyos ko, tulungan Ninyo po ako! Piping dasal niya. Tumaas ang kamay ni Vincent hanggang sa kaniyang tiyan. Tumigil iyon sa ibabaw ng dibdib niya kaya napamulat siya sa sobrang takot. “M-maawa ka. Huwag…” “Sinabi nang huwag kang maingay, e!” bulyaw ni Vincent habang nanlilisik ang mga mata. Bigla nitong itinutok sa leeg niya ang kutsilyo. “Gigilitan na kita talaga! Isang ingay mo pa talaga!” Sa sandaling iyon ay tuluyan na siyang nawalan ng pag-asa. Sino ba naman kasi ang magliligtas pa sa kaniya? Wala ang mga magulang niya. Sina Aira at Cathy naman ay mamaya pa ang uwi. Siguradong pagdating ng mga ito ay huli na ang lahat. Teka… bakit ba sa ibang tao niya inaasa ang kaniyang kaligtasan? Bakit hindi na lang siya mag-isip ng paraan para makatakas kay Vincent? Kung walang magliligtas sa kaniya, mas mabuting ang sarili na lang niya ang asahan niya! Palihim na iginala ni Sanya ang mata upang hanapin ang cellphone niya. Sa pagkakatanda niya ay nakita niya iyon sa kama. Sinamantala niya ang pagkakataon habang abala si Vincent sa dibdib niya. Manghang-mangha nitong hinahawakan ang mga iyon. Hanggang sa makita na niya ang kaniyang hinahanap! Medyo natatabunan ng isang unan ang cellphone niya. Kailangan niya iyong makuha para makatawag siya sa mga pulis. Umusog siya palapit sa kinaroroonan ng cellphone. Hindi naman pinansin ni Vincent ang paggalaw na ginawa niya. Kahit kinakabahan ay patuloy pa rin siya sa pag-usog. Inabot niya iyon habang maya’t maya ang pagpukol ng tingin kay Vincent. Hinahalik-halikan na nito ang dibdib niya kahit na may damit pa siyang suot. Biglang tumaas ang mukha ni Vincent at hinawakan nito ang mukha niya kaya naantala ang pag-abot niya sa cellphone. Nanlaki ang mata niya nang biglang ngumuso si Vincent. “Halikan tayo, Sanya!” sabi pa nito at unti-unting lumapit sa labi niya ang bibig nitong bahagyang nakanganga!
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD