KAHIT papalapit pa lang at hindi pa naman lumalapat ang labi ni Vincent sa labi ni Sanya ay naaamoy na niya agad ang mabahong hininga nito. Dahil sa bahagyang nakanganga si Vincent ay kitang-kita niya kung gaano kadilaw ang ngipin nito. Talagang nakapikit pa ito na parang feel na feel ang gagawing paghalik sa kaniya.
Sa labis na pagkabigla at takot na baka saktan siya ni Vincent ay hindi na nagawa pang manlaban ni Sanya. Naging matagumpay si Vincent na mahalikan siya. Masuka-suka siya nang pumasok sa loob ng bibig niya ang dila nito. Nalasahan niya ang laway nito. Amoy na amoy na niya ang napaka bahong hininga ni Vincent. Naduduwal na siya pero patuloy pa rin sa paghalik si Vincent sa kaniya.
Nang matapos ito ay malaki ang ngiti nito na para bang narating na nito ang langit. “Ang sarap ng labi mo, Sanya!” bulalas pa nito na akala mo ay naka-droga.
Siya naman ay panay ang suka kahit walang lumalabas sa bibig. Hinding-hindi na siya makakapayag na mahalikan nito ulit!
“Isa pa, Sanya… Iyong torrid!” At kinikilig na humagikhik pa ito.
Ganoon na lang ang panlalaki ng mata niya nang makita niyang hahalikan na naman siya ni Vincent. Sa takot na mahalikan siya ulit nito ay kumilos na siya. Tinuhod niya ang p*********i nito. Napaigtad naman sa sakit si Vincent at nahulog ito sa kama.
“Araaay!!! Ang sakit!!!” hiyaw nito.
Kahit nakatali ang mga kamay ay bumangon pa rin si Sanya. Nakita niya na namimilipit sa sakit si Vincent sa sahig habang sapo ang nasaktang p*********i. Mangiyak-ngiyak ito doon.
Pagkakataon na niya ito para makatakas!
Mabilis siyang bumaba ng kama at tumakbo palabas ng kwarto. Pero hindi pa man siya nakakalabas ay naabutan na agad siya ni Vincent. Sinabunutan siya nito sa buhok at hinila pabalik sa kama. Itinapon siya nito doon na para bang isang magaan na bagay lang. Napahiga siya doon.
“Sinaktan mo ako, Sanya! Bad ka talaga!” atungal nito na parang bata.
“Dapat lang sa’yo `yan! Baliw ka!” sigaw niya. Talagang desidido na siyang labanan ito. Balak din naman siyang patayin ni Vincent, edi, lumaban na lang siya. Kesa naman wala siyang gawin at mag-iiyak na lang.
“Hindi ako baliw! Hindi! Bawiin mo sinabi mo!”
“Baliw ka! Pangit ka! Baliw!”
“Hindi totoo iyan! Hindi ako pangit! Hindi ako baliw!” At nanlisik ang mga mata nito at huminga ng malalim. Sunud-sunod. Akala mo ay isa itong toro na handa nang manuwag. “Katulad ka lang ng nanay ko! Tinatawag niyo akong pangit at baliw!”
“Dahil iyon ang totoo! Pangit ka! Baliw! Kahit kailang ay hindi kita magugustuhan!” Patuloy niyang sigaw. Napadura si Sanya dahil nalalasahan pa rin niya ang nakakasulasok na bibig ni Vincent. Lasang bulok na hindi niya maintindihan. Ang tindi ng after taste ng bunganga nito!
“Papatayin kitaaa!!!” Galit na galit na sigaw ni Vincent sabay sugod sa kaniya.
Sinakal siya nito nang buong puwersa. Akala mo ay isang isdang inalis sa tubig na nagkakawag si Sanya. Sa sobrang higpit ng pagkakasakal ni Vincent sa kaniya ay hindi na talaga siya makahinga. Pakiramdam niya kapag nagtagal pa ang pagkakasakal nito sa kaniya ay baka hindi na niya kayanin at tuluyan na siyang mamatay!
Sa gilid ng mata niya ay nakita niya ang kaniyang cellphone. Naisipan niyang kunin ulit iyon. Akmang aabutin na niya iyon gamit ang mga kamay na nakatali nang bigla iyong tumunog. Nanlaki ang mata niya nang makita niya mula sa screen niyon na si Maxine ang tumatawag!
Huminto si Vincent sa pagsakal sa kaniya. Kinuha nito ang cellphone. Tinakpan nito ang bibig niya gamit ang isa nitong kamay. Sinagot ni Vincent ang tawag at ni-loudspeaker.
“Hello, Sanya! Nandito ako sa pinto ninyo. Hindi kasi naka-lock iyong gate kaya pumasok na ako pero iyong main door niyo ay naka-lock. Surprise nga pala!” Tumawa pa si Maxine sa kabilang linya. “Bilisan mo at patay ang ilaw dito, e. Scary! Sanya? Bakit hindi ka nagsasalita? Are you there--” At pinutol na ni Vincent ang tawag.
Pinilit niyang sumigaw kanina habang nagasasalita sa kabilang linya ang kaibigan pero hindi naman niya magawa dahil sa pagkakatakip ng kamay ni Vincent sa bibig niya.
“Istorbo!” pakli ni Vincent.
Malakas nitong ibinato sa dingding ang cellphone. Inalis nito ang punda ng isang unan at iyon ang ginamit nitong pangbusal sa bibig niya. Binilot nito ang punda at isinaksak nito iyon sa bibig niya. Masuka-suka at maluha-luha na siya pero walang pakialam si Vincent. Isinaksak nito ang punda sa bibig niya. Parang umabot na nga iyon hanggang sa kaniyang lalamunan.
“Diyan ka lang! May istorbo na naman!” duro nito sa kaniya.
Kinakabahan siyang umiling. Mukhang alam na kasi niya ang gagawin ni Vincent. Pupuntahan nito si Maxine na nasa labas ng bahay nila! Gagawin din nito ang ginawa nito sa Ate Thalia niya! Sigurado siya doon! Kailangan niyang bigyan ng babala si Maxine pero paano? Nakatali ang mga kamay niya at may busal pa siya sa bibig.
“Mag-behave ka diyan. Babalikan kita!” ani Vincent.
Lumabas na ito ng kwarto niya dala ang kutsilyo at iniwan siyang nakahiga sa kama.
Kailangan na niyang kumilos bago pa mapatay ng baliw na si Vincent ang kaibigan niya. Hindi siya makakapayag na may mapatay na naman itong mahal niya sa buhay! Sobrang sakit na para sa kaniya na pinatay nito sa Thalia at ayaw na niyang madagdagan pa ang sakit na iyon.
Inipon ni Sanya ang lahat ng lakas na meron siya at bumangon siya. Nilapitan niya ang cellphone na itinapon ni Vincent. Mukhang nasira na iyon sa lakas ng pagkakabato nito dahil hindi na iyon mabuhay. Tatakbo sana siya palabas ng kwarto nang mapahinto siya. Naisip niya na kung hahabulin niya si Vincent ay baka hindi rin niya ito maabutan. Kung maabutan man niya ito, hindi rin siyaSa pagkakaalam niya ay kapag sumilip siya sa bintana ng kwarto niya ay nasa gilid lang iyon ng main door. Kaya imbes na habulin si Vincent ay tinakbo niya ang bintana.
Nakita niya sa tapat ng main door si Maxine at mukhang naiinip na ito sa paghihintay sa kaniya doon. Ang hindi nito alam ay hindi siya ang magbubukas dito ng pinto kundi si Vincent!
Pilit siyang sumigaw kahit may busal sa bibig pero hindi niya magawang malakasan ang pagsigaw. Kinalampag niya ang bubog na bintana at napatingin sa kinaroroonan niya si Maxine.
“Sanya? Anong ginagawa mo diyan? What’s in your mouth?!” Medyo pasigaw na tanong nito.
Panay ang senyas niya na umalis na ito. Itinuturo niya ang gate. Pero mukhang hindi nito makuha ang gusto niyang sabihin.
“Hindi kita maintindihan! Bumaba ka na lang kaya dito and open the door!”
Umiling siya ng paulit-ulit. Sa wari ni Sanya ay hindi talaga makukuha ni Maxine ang mga pagsenyas niya. Kaya naman hinila na lang niya ang busal sa bibig niya kahit masakit. Mangiyak-ngiyak siya sabay duwal nang maalis na niya ang busal sa kaniyang bibig. May nakita pa siyang kaunting dugo sa suka niya na puro laway lang naman.
Agad niyang nilakihan ang pagkakabukas ng bintana at buong lakas na sumigaw. “Takbo, Maxine!!! Takbo!!!” sa wakas ay nasabi na rin niya ang kanina pa niya gustong sabihin!
Kumunot ang noo ni Maxine. Ngunit huli na ang lahat dahil nabuksan na ni Vincent ang pinto. Kitang-kita niya ang gulat sa mukha ni Maxine nang makita nito si Vincent. Tatakbo sana ang kaibigan niya pero nahawakan agad ito ni Vincent sa braso.
Malakas na napasigaw na lang si Sanya habang umiiyak nang makita niyang inundayan ng saksak ni Vincent si Maxine sa tiyan. Hinila nito papasok ng bahay si Maxine sabay sara ng pinto at hindi na niya nakita pa kung ano ang sunod na ginawa ng baliw na si Vincent sa kaibigan niya!
“Hayop ka! Hayooop!!!” umiiyak niyang sigaw habang nanghihinang napaupo na lang siya sa sahig.
Maya maya ay narinig na niya ang mga yabag ng paa ni Vincent. Tumigil siya sa pag-iyak. Tumiim ang bagang niya. Kahit nahihirapang tumayo dahil sa pagkakatali ng mga kamay niya ay tumayo pa rin siya. Dalawang mahal sa buhay niya ang pinatay na ni Vincent at maaaring madagdagan pa iyon kung hindi siya kikilos.
Mabilis niyang iginala ang mata hanggang sa mahagip ng paningin niya ang kaniyang laptop na nasa side table. Malalaki ang hakbang na nilapitan niya iyon at kinuha.
“Lalaban na ako! Kung papatayin mo ako, uunahan na kita, Vincent!” gigil na bulalas ni Sanya habang mahigpit na hawak ang laptop.
Agad na pumwesto si Sanya sa harapan ng pintuan upang hintayin ang pagpasok ni Vincent. Palapit na nang palapit ang mga yabag. Pilit niyang iwinaglit ang takot na nararamdaman ng sandaling iyon. Hindi naman kasi makakatulong sa kaniya kung magpapagapi siya sa takot. Ang kailangan niya ay lakas ng loob para hindi siya mapatay ng baliw na si Vincent.
Sa pagbukas ng pinto ay biglang pumasok si Vincent. Malakas na sumigaw si Sanya at malakas niyang hinampas ang laptop sa mukha ni Vincent. Sa lakas ng pagkakahampas niya ay narinig niya ang pag-crack ng kaniyang laptop.
Napaluhod si Vincent habang sumisigaw sa sakit. Dumura ito at nakita niya na may dugong lumabas sa bibig nito na may kasamang durog na mga ngipin.
Hindi pa siya nakuntento at ang likod ng ulo naman ni Vincent ang hinampas niya. Tuluyan na itong napalugmok sa sahig. Nakadapa ito doon at hindi na gumagalaw.
Humihingal si Sanya pagkatapos. Nakatingin lang siya sa katawan ni Vincent. Sa wari niya ay nawalan ito ng malay dahil sa paghampas niya sa ulo nito. Nakita niya na hawak pa rin ni Vincent ang kutsilyo. May bahid iyon ng dugo at sigurado siyang dugo iyon ng kaibigan niyang si Maxine.
Kailangan kong makuha sa kaniya ang kutsilyo bago pa siya magkaroon ng malay! Aniya sa sarili.
Inilapag niya sa sahig ang basag nang laptop at kinakabahang nilapitan si Vincent. Yumukod siya sa tabi nito. Hindi niya inaalis ang mata sa lalaki habang unti-unting inaabot ang kutsilyo ni Vincent gamit ang mga nakataling kamay.
Halos isang dangkal na lang at maabot na niya ang kutsilyo nang biglang bumangon si Vincent at sinigawan siya. Kitang-kita niya ang mga nadurog nitong ngipin. Sa gulat ni Sanya ay napatili siya. Akmang tatayo sana siya para tumakas pero nahawakan siya ni Vincent sa isang paa kaya padapa siyang bumagsak sa sahig.
Pinagsisipa niya si Vincent pero kahit isa ay hindi niya ito tinamaan.
Napasigaw na lang siya ulit nang biglang saksakin ni Vincent ang hita niya. Kasunod ng pagbunot nito ng kutsilyo sa hita niya ay ang pagbulwak ng dugo doon. Napangiwi si Sanya dahil sa sakit. Pakiramdam niya ay hindi na siya makakalakad dahil sa natamong sugat.
Mabilis na gumapang sa ibabaw niya si Vincent at dinaganan siya nito. Nagsisigaw ito habang nakatapat ang mukha sa mukha niya. Tumulo tuloy sa mukha niya ang dugo at laway nito na nanggagaling sa bibig nito. Itinaas ni Vincent ang kutsilyo at akmang sasaksakin siya. Nanlaki ang mata ni Sanya nang makita niyang sa mukha nito siya sasaksakin. Kaya upang hindi siya masaksak doon ay isinangga na lang niya ang kaniyang braso!
Impit siyang napasigaw nang bumaon sa braso niya ang kutsilyo at lumagpas pa iyon sa kabila. Halos isang pulgada na lang ang layo ng dulo ng kutsilyo na lumagpas sa kaniyang braso. Nang hugutin ni Vincent ang kutsilyo ay lumikha iyon ng nakakangilong tunog dahil tumama iyon sa kaniyang buto.
Sugatan man ay hindi pa rin pinanghihinaan ng loob si Sanya. Hindi niya ininda ang sakit dahil sa mga sugat bagkus ay mas lalo pa siyang nagkaroon ng lakas ng loob para lumaban.
Napansin niya na may pumapatak na dugo mula sa ulo ni Vincent. Kung hindi siya nagkakamali sa likod ng ulo nito nanggagaling ang dugong iyon. Bahagya niyang itinaas ang kaniyang katawan upang mailagay niya ang mga kamay sa likod ng ulo ni Vincent. Nang nasa likuran na ng likod nito ang mga kamay niya ay mabilis niyang kinapa ang sugat na pinanggagalingan nang dugo. At nang makapa na niya ay mariin niya iyong diniinan gamit ang kaniyang mga daliri.
“Ahhh!!!? Halos mawala na ang itim sa mata ni Vincent dahil sa sakit ng pagpisil niya sa sugat nito sa likod ng ulo.
Umalis ito sa ibabaw niya at nagsisigaw habang hawak ang likod ng ulo. Sinamantala naman iyon ni Sanya. Mabilis siyang tumayo at naghanap ng bagay na pwede niyang magamit para pangdepensa. Hanggang sa nakita niya na nabitawan pala ni Vincent ang kutsilyo. Malapit lang ito sa paanan ni Vincent pero sa tingin niya ay mas iniintindi nito ang sakit ng sugat nito.
Pikit-mata siyang tumakbo para kunin iyong kutsilyo. Ngunit nang malapit na siya doon ay biglang tumingin ng matalim si Vincent sa kaniya. Sinakal siya nito sa leeg sabay suntok sa mukha niya. Nakaramdam ng pagkahilo si Sanya kaya naman muli siyang bumagsak sa sahig. Halos nanlalabo na ang mata niya dahil sa suntok na iyon ni Vincent.
“Bad ka talaga, Sanya! Bad ka!” Parang bata na sigaw ni Vincent. “Papatayin na talaga kita, Sanya! Wala ka na rin namang silbi. Hindi mo ako mahal!”
Ipinilig niya ang kaniyang ulo at muling bumalik na sa normal ang kaniyang paningin. Nakita niyang dinampot ni Vincent ang kutsilyo at muli siya nitong pinaibabawan.
“`W-wag… Maawa ka. Huwag mo akong patayin…” Pakiusap niya.
Alam niya kasi na hindi na niya kayang lumaban. Nararamdaman na niya ang pagkirot ng sugat niya sa hita at braso. Hindi pa rin siya tuluyang nakaka-recover sa suntok ni Vincent sa kaniyang mukha.
Itinaas na ni Vincent ang kutsilyo para saksakin siya. Pero bago siya nito masaksak ay nakita niya ang isang tao sa likod nito. Walang iba kundi si Maxine! Duguan ang parteng tiyan nito. May hawak na kutsilyo si Maxine. Kaya bago pa man siya masaksak ni Vincent ay sinaksak na ito ni Maxine ng kutsilyo sa likod!
Malakas na napasigaw si Vincent sabay lingon sa likod.
Gulat na gulat ito nang saksakin ito ni Maxine sa leeg. Paghugot ng kaibigan niya ng kutsilyo ay bumulwak sa leeg nito ang maraming dugo. Sumirit iyon at ang iba ay umagos paibaba sa katawan nito.
Agad namang umalis si Sanya sa ibabaw ni Vincent. Sinipa niya ito sa mukha at napahiga ito sa sahig. Naiiyak na nilapitan niya si Maxine at nagyakap silang dalawa habang pinagmamasdan ang duguang si Vincent.
Pasinghap-singhap ito na parang kinakapos ng hininga. Walang tigil ang paglabas ng dugo mula sa sugat nito sa leeg. Akala mo ay isa itong baboy na ginilitan ng leeg.
Nagulat sila ni Maxine nang bigla itong tumihaya at hirapang gumapang palapit sa kanila. Napaatras tuloy silang dalawa sa takot na baka maabot sila nito. Patuloy lang si Vincent sa paggapang at patuloy din sila sa pag-atras. Hanggang sa ngumanga si Vincent at malalim na huminga na para bang pilit itong sumasagap ng hangin. Bumagsak na nang tuluyan ang mukha nito sa sahig at hindi na gumalaw pa.
Nanatili silang dalawa na magkayakap. Takot na takot silang lapitan si Vincent para tingnan kung patay na ba ito o hindi pa.
“P-patay na ba siya?” nanginginig na tanong ni Sanya.
“Sa tingin ko, oo… Sandali.” Tila nilakasan na lang ni Maxine ang loob at ito na ang lumapit kay Vincent. Dinama nito ang pulso ng lalaki at pagkatapos ay muling lumapit sa kaniya. “Patay na siya.”
Sa labis na tuwa ni Sanya ay niyakap niya ulit si Maxine. Sa wakas ay ligtas na siya dahil patay na si Vincent. Hindi na niya napigilan ang mapaiyak at mapahagulhol sa sobrang saya. Masaya siya dahil ligtas na siya at mas lalo siyang masaya dahil buhay pala si Maxine.
“A-ang akala ko ay napatay ka ni Vincent kanina, e!” aniya habang kumakalas siya ng yakap sa kaibigan.
“Ang akala ko nga rin ay patay na ako. Tatlong beses niya akong sinaksak sa tiyan at nawalan na ako ng malay. Ang akala niya siguro ay patay na ako. Nagising ako tapos may narinig akong sigawan sa itaas kaya naisip kita. Kumuha ako ng kutsilyo sa kusina ninyo. Mabuti na lang talaga at naunahan ko siya bago ka niya nasaksak!” Pagkukwento ni Maxine.
“Thanks God kasi hindi ka niya hinayaang mamatay! Hindi ko makakayang mawalang ng bestfriend in real life!”
“Pero sino ba ang lalaking iyan? Magnanakaw ba siya?”
Umiling si Sanya. “Fan ko daw siya tapos ini-stalk na niya ako. Ang creepy niya kaya bli-nock ko siya sa lahat ng social media account ko. Minasama niya iyon at pumunta siya dito para gawan ako ng masama… Sa nangyari, parang ayaw ko na tuloy maging sikat sa online world! Hindi natin alam kung may iba pang katulad niya na sobra kung idolohin ako.”
“Ganoon ba?” Napansin ni Sanya na parang natahimik si Maxine. Inisip niya na dahil sa sugat nito. Nakatulala lang ito at parang malalim ang iniisip.
“Maxine?” untag niya dito.
Tila nagising ito sa malalim na pagkakatulog at napatingin sa kaniya. “Bakit?”
“Nakatulala ka kasi. Okay ka lang ba?”
Mahinang tumawa si Maxine. “Nasaksak ako ng tatlo tapos tatanungin mo ako kung okay lang ako?” Natawa na rin siya sa sinabi nito.
“Oo nga pala, may cellphone ka ba?” tanong niya sa kaibigan.
“Meron.”
“Ang mabuti pa siguro ay tumawag na tayo ng pulis.”
“Tama ka. Pero ako na ang gagawa. Kaya lang gusto ko sanang linisin itong sugat ko sa tiyan saka mga dugo ko sa katawan. Pwedeng makigamit muna ako ng banyo?”
“S-sige. Doon, o…” Itinuro niya kay Maxine ang pinto ng banyo sa kaniyang kwarto.
Mabagal na naglakad papunta si Maxine sa banyo. Pagkasara nito ng pinto ay saka siya umupo sa gilid ng kama. Tiningnan niya ang mga sugat niya sa braso at hita. Napangiwi siya dahil sa lalim ng mga iyon. Lalo na iyong sa braso niya.
Habang nasa loob ng banyo si Maxine at hindi pa ito tumatawag ng pulis ay tinakluban muna niya ng kumot ang bangkay nina Thalia at Vincent.
Pagkatapos niyon ay nanghihina siyang napaupo sa isang sulok habang nakatulala. Hanggang ngayon kasi ay hindi pa rin siya makapaniwala na nabuhay pa siya sa kabila ng mga nangyari. Ngayon lang din nagsi-sink in sa utak niya ang mga naganap. Ngunit sa kabila ng lahat ay may natutunan naman siya. Hindi mo dapat pinapakitaan ng hindi maganda ang isang tao dahil hindi mo alam kung paano ba niya iyon tatanggapin. Iba-iba kasi ang kapasidad ng bawat tao sa rejection. Malas lang niya dahil hindi marunong tumanggap ng rejection si Vincent. Na-obsessed ito ng labis sa kaniya kaya nito nagawa ang mga karumal-dumal na bagay na ginawa nito.
Maya maya ay tumayo na rin siya. Dapat siguro ay lapatan muna niya ng first aid ang mga sugat niya at baka ma-impeksyon iyon. Pero nasa loob nga pala ng banyo niya ang first aid cabinet niya. Hindi naman siguro masama kung katukin niya doon si Maxine.
Naglakad na si Sanya papunta sa nakasaradong pinto ng banyo at kinatok na niya doon ang kaibigan. “Maxine, okay lang ba na pumasok? Nandiyan kasi iyong first aid cabinet, e. Gagamutin ko lang sana itong mga sugat ko. Baka kasi magkaroon ng infection, e,” sabi ko. Ngunit wala akong nakuhang sagot mula sa loob.