2

901 Words
Ang daming bata sa clubhouse ng subdivision ngayon. May inihandang party ang mga officers ng homeowners association. Ang daming candies ang nakahanda para ipamigay sa mga bata na dadalo sa programa. Lahat ay naghanda para rito. Ngayon lang ito mangyayari kaya naman excited ang lahat pati ang mga magulang, pinaghandaan talaga ang mga susuotin ng kanilang mga anak. Halloween party para sa mga bata kaya naman nakasuot ang mga ito ng iba't ibang costume. May nakakatakot, may superheroes, may princesses at mga fairies. Kasama sa programa ang pagpili ng best in costumes. Isa sa boys at isa sa girls. Lahat ay umaasa na mapipili kaya nga ginastusan ang mga costumes. Kasama sa mga bata si Lucaz na naka costume na pang Superman at si Queenie naman ay Wonder woman. Dahil sa napakagandang tingnan ng dalawang bata at galing sa pagdadala ng kanilang kasuotan ay sila ang napili. Kapwa limang taon ang dalawang bata. Hindi sila magkakilala at sa event lang na naganap nila nakita ang isa’t isa. Natuwa ang batang si Lucaz kay Queenie at hindi na ito nilayuan ng batang lalaki. NIyayaya na si Lucaz ng kanyang yaya pero ayaw pa rin nitong humiwalay sa batang si Queenie. Nasa upuan lang naman sila at nag-uusap na akala mo ay matatanda na. Hindi naman naririnig ng mga naroon ang pinag-uusapan ng dalawang bata. Seryoso ang mga mukha nito habang nag-uusap. Hanggang sa oras nang uwian ay magkadikit pa rin ang dalawa. “Lucaz, let’s go.” Yaya ng tagapag-alaga nito. “Maglalaro pa po kami ni Queenie, yaya.” Matatas na salita ni Lucaz. “Uuwi na sila. May gagawin pa ako. Baka tumawag na si Mommy mo.” pagkumbinsi dito ng yaya ni Lucaz. “Mamaya na po. Saka niyayaya niya po ako sa bahay nila. Mag-play pa kami.” Sagot pa ni Lucaz at itinuro ang batang si Queenie. Hindi nahikayat ng kanyang yaya si Lucaz at inihatid pa nga nila sa bahay ang batang babae na si Queenie at ang yaya nito sa kakulitan ni Lucaz. Hindi na lang pinayagan ito na maglaro. Ang nagsabi na kay Lucaz ay ang yaya ni Queenie para makinig na ito. Pumayag naman itong umuwi pero nagpasabi pa na pupuntahan niyang muli ang batang babae. Iyon ang simula ng pagiging malapit ng dalawang bata. Dahil sa kanila ay naging close na rin ang mga magulang nila. Magka-iba lang sila ng streets kaya madalas kapag walang pasok ay inihahatid si Lucaz sa bahay nila Queenie. Madali naman pagsabihan kaya hindi problema ang dalawang bata na hayaan lang sila sa garden. Alam nila na bawal silang lumabas ng gate. Pagpasok nila ng grade school, naging mag-kaklase ang dalawa. Sila rin ang humiling sa kanilang magulang kung saan papasok ang isa ay doon din ang kaibigan kaya naman magkaklase sila at lagi pa rin silang magkadikit. Mas lalong naging close ang dalawang bata sa isa’t isa. Si Lucaz ang tagapagtanggol ni Queenie kapag may nang-aasar dito na kaklase nila. Wala rin ibang ka-close si Queenie sa babae niyang kaklase dahil wala siyang time makihalobilo sa iba dahil kay Lucaz pa lang ay ubos na ang oras niya. Ang dami nitong kwento lagi kay Queenie kahit halos araw araw silang magkasama. Gusto ni Lucaz laging makuha ang atensyon ng kaibigang babae. Bakasyon, parehas silang nag-enroll ng swimming lessons pati pagiging crew sa fast food chain ay pinasok nilang dalawa. Walang iwanan kaya naman halos lahat ng pictures ay magkasama silang dalawa. Hanggang makatapos sila ng elementary ay close pa rin silang dalawa. Akala ng mga magulang nila ay maghihiwalay na ang dalawa pagtuntong nila ng high school. Pero ganoon pa rin. Sa iisang school sila pumasok at magkaklase silang muli. Talagang walang iwanan. Pagdating sa sports ay nagka-iba na sila nang hilig. Sumali sa basketball si Lucaz at sa volleyball naman si Queenie. Pero sa tuwing may practice lagi naman itong isinasama ni Lucaz para may taga cheer daw siya. At kapag si Queenie ang may practice hindi papayag si Lucaz na hindi niya sasamahan ang babae. Siya pa ang nakabantay para painumin ito ng tubig. Pati nga pagpupunas ng pawis ay si Lucaz pa ang gumagawa para sa dalaga. Ma-alaga si Lucaz sa kanyang kaibigan. Minsan ay napagkakamalan sila na mag-boyfriend. Pilit na sinasabi ng dalawa na bata pa sila at wala pa sa isip nila ang pumasok sa isang relasyon. Marami na rin sa mga ka-edaran nila ang may mga puppy love at crushes. Ang iba nga ay mag-boyfriend pa. Pero hindi silang dalawa ni Lucaz. Ang bilin ng magulang ni Queenie kay Lucaz ay bantayang mabuti si Queenie para hindi maligawan dahil bata pa ito. Kailangan ay magtapos muna nang pag-aaral bago makipag-relasyon. Masunurin naman si Lucaz kaya sa tuwing may pumoporma kay Queenie ay agad niya itong pinagbabantaan. Ganoon din ang bilin ng magulang ni Lucaz kay Queenie na paalalahanan ang kaibigan na hindi muna dapat manligaw. Pag-aaral muna nito ang atupagin kaysa ang manligaw. Wala namang pinopormahan si Lucaz kaya hindi na kailangan ni Queenie na paalalahanan pa ito. Wala rin itong nababanggit na may crush na ito. Ngayong high school na sila ay hindi na kailangan pang isama ni Lucaz ang kanyang yaya sa tuwing pumupunta siya sa bahay ng kaibigan. Hindi na iba ang turingan nila at ng pamilya nito. Para na rin silang anak ng magkabilang pamilya. Feel at home na rin sila sa bahay ng isa’t isa.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD