Nasa third year high school na sina Lucaz at Queenie. Magkatabi sila sa upuan. Pumasok ang kanilang teacher at agad na nag-announce ito.
“Class, ngayon natin aayusin ang groupings ninyo.” Sambit ni Miss De Leon ang teacher nila sa Araling Panlipunan.
“Ma’am, by row na lang po.” Sigaw ni Lucaz. Pinagtawanan pa ito ng kanyang mga kaklase.
“Class, paano ninyo makikilala ang iba pa ninyong kaklase kung laging mga katabi na lang ninyo ang kagrupo ninyo? Iibahin natin this time.” Wika ni Miss De Leon sa klase. Nagkaroon ng bulung bulungan. Marami rin ang hindi pabor na maiba pa ang ka-grupo.
“Okay, ganito ang gagawin ninyo. Bibilang ng 1, 2, 3, 4 and 5. After ng 5 back to 1 again hanggang sa matapos ang lahat. Amara ikaw ang unang bumilang.” Ganoon nga ang nangyari.
Number 1 si Queenie at number 2 si Lucaz.
“Tumayo ang lahat ng number 1, okay, lahat ng number 1 ay tumayo muna sa sulok” Muling wika ng teacher. Naglapit lapit naman ang lahat ng number 1 at sumunod na rin ang ibang grupo.
Group 1 si Queenie at group 2 si Lucaz. Makikita na naka-simangot si Lucaz dahil nahiwalay siya sa kaibigan. Sinabi pa ni Miss De leon ang ibang detalye at gagawin ng grupo. Si Queenie naman ay okay lang na naiba ang grupo.
Pagbalik nila sa upuan ay naghihimutok pa si Lucaz kay Queenie.
“Ang daya naman ni Ma’am. Bakit kasi may pabilang bilang pa? Sana yung dating mga grupo na lang.” reklamo nito.
“Ikaw lang po ang may violent reaction, okay lang iyon. Maiba naman ang makasama natin.” Bulong dito ni Queenie.
“Ah, tuwang-tuwa ka pa, ayaw mo na akong maging ka-grupo no? Sabagay kasama mo ang campus crush na si Miguel. Siguro crush mo rin iyon.” Naiinis nitong wika sa kaibigang babae. Pinagbintangan pa si Queenie.
“Wala akong crush doon, ang sinasabi ko ay para naman lumawak ang mundo natin. Hindi ka ba nagsasawa sa akin? Lagi na lang ako ang nakikita at nakakasama mo.” wika dito ni Queenie.
“Kaya naman kitang pagtyagaan eh.” Ani Lucaz.
“Ah ganoon ba? Pinagtyatyagaan lang pala ha. Salamat Lucaz sa pagtityaga mo sa akin. Sobrang saya ko dahil may isang kaibigan na handang magtyaga sa akin.” Sarkastikong sambit ni Queenie.
Tuwang tuwa naman si Lucaz sa pagkakasabi ng kanyang kaibigan.
“Joke lang iyon. Hindi ako magsasawa na lagi kitang kasama sana ganoon ka rin sa akin.” Turan ni Lucaz kay Queenie.
“OO naman. Lagi akong nandito kahit minsan ayaw ko na.” sambit ni Queenie at sinabayan pa ng tawa.
Ganoon silang dalawa lagi. Nag-aasaran at mamaya ay aamuin naman ang isa’t isa.
= = = = = = = = = = = =
Araw ng Sabado at may meeting ang group 1. Sa bahay nila Miguel ang meeting place at sisimulan na rin nilang i-conceptualize ang gagawing project.
Nasa kusina si Queenie at inaayos sa tub ang brownies. Plano niyang dalhin iyon sa kanilang meeting.
Dumating naman si Lucaz sa bahay ng dalaga ng hindi nito nararamdaman ang binata.
Bigla nitong tinakpan ang mga mata ni Queenie.
“Lucaz, bitiwan mo. ako. May ginagawa ako. Kahit anong gawin mo alam kong ikaw ang dumating. Malayo ka pa lang amoy na kita kaya huwag kang magtaka kung bakit hindi ako nagugulat.” Mahabang litanya ng dalaga. “Bakit nandirito ka? DI ba may meeting din kayo?” sita ni Queenie dahil ang alam niya lahat sila ay may kanya kanyang meeting ngayon.
Kumuha ng brownies si Lucaz at isinubo.
“Mamaya na ako aattend.” Tamad na sambit nito habang ngumunguya. "Ang sarap talaga nitong brownies." Pag-iiba niya sa usapan.
“Kami may meeting, sa bahay nila Miguel.” Sambit ng dalaga. " Ito ipinagtabi na kita ng para sa iyo." tukoy ni Queenie sa isang tub ng brownies.
“Alam ko kaya nga nandito ako para samahan ka. Salamat at naalala mo pa ako." Turan nito sa kanyang kaibigan.
“Bakit mo naman ako kailangan pang samahan? Saka may meeting ka rin kaya umattend ka ngayon doon.” Salita dito ng kanyang kaibigan. "Sa susunod may bayad na 'yan." tukoy sa ginawa niyang brownies.
"Mamaya na ako pupunta roon. Sasamahan muna kita." pagpupumilit pa nito kaya wala nang nagawa si Queenie kundi ang hayaan ang kanyang kaibigan.
Ito ang may bitbit ng mga dala ni Queenie. Sumakay sila ng tricycle at magkatabi sila sa upuan.
Kahit sino ay iisipin na sila ngang dalawa. Dahil laging magkasama o di kaya ay naka-buntot si Lucaz.
Pagdating sa bahay nina Miguel ay nakabukas pa ang gate. May kaklase sila na kadarating lang din. Pumasok sila ni Lucaz at masayang nakangiti si Miguel nang batiin ang dalaga.
"Magandang hapon, Miguel." bati ni Queenie bilang pagbibigay galang sa nakatira sa bahay.
"Mas maganda ka pa sa hapon,Queenie." sambit naman ni Miguel. Hindi ito nahiyang purihin si Queenie.
Bubulong bulong si Lucaz sa likuran ng dalaga. Ginagaya ang sinabi ni Miguel. Sinasaway ito ni Queenie gamit ang kamay niya.
"Lucaz, narito ka pala. Kagrupo ka ba namin?" direktang tanong ni Miguel. Tila pa ito nang-iinis.
" Ah hindi, group 2 siya. Inihatid lang niya ako pero paalis na siya." sagot ni Queenie kay Miguel. " Di ba Lucaz, paalis ka na?" nilingon ito ni Queenie at nilakihan pa ng mga mata.
Sasagot pa sana si Lucaz pero wala na siyang nagawa nang kuhain ni Queenie ang mga bitbit nito at itinulak pa ang binata palabas ng gate.
" Ingat ka Lucaz." ani Queenie at kumaway pa ito kahit nakatalikod na ang binata ay nakasambakol pa rin ang mukha.
Naiinis siya kay Miguel. " Kung hindi lang niya bahay iyon, sinagot ko na siya. Mas maganda ka pa sa hapon. Crush pa yata si Queenie." bulong ni Lucaz habang naglalakad. Pati mga bato o anumang nakagharang ay sinisipa sipa pa nito. Nag-aalis ng inis sa katawan..
Sa kanya lagi inihahabilin ng Daddy ni Queenie ang dalaga kaya naman lagi niya itong binabantayan. Sumusunod lamang siya.
" Isa pa 'yang si Queenie. Isumbong ko kaya siya sa daddy niya. Sabi ng bawal siyang magkaroon ng crush pero hayun at mukhang kinikilig pa sa mokong na iyon. Humanda rin siya sa akin mamaya. Kaya siguro nag-baked ng cookies para lang pala sa Miguel na iyon. " bulong ito nang bulong habang naglalakad papunta sa ka-grupo niya.
Kahit inis na inis ay pumunta siya sa mga ka-grupo niya. Sa isip niya isa lang talaga ang pinagmulan ng inis niya ang groupings na ginawa ng teacher nila. Kaya inis na inis ito sa guro.