Chapter 2

797 Words
Niyakap niya nang mahigpit si Donya Feliza nang puntahan niya ito sa may gazebo sa likod ng mansyon. “Salamat, Apo, at hindi mo ako binigo. Salamat, Aya, pumayag kang bisitahin ako,” sabi ng Donya habang mahigpit din siyang nakayakap. “Patawarin n’yo po ako, Lola. Hindi ko po sinasadya,” paumanhin niya rito. “Ssshh… Alam ko iyon, alam ko, Aya. Kaya nga kita pinapunta rito eh. Marahil ito na ang tamang panahon para muli tayong magsimula, tulad ng dati,” sabi ng Donya habang hinahagod-hagod ang mahabang buhok niya. “Magsimula po ulit?” nagtataka niyang tanong at tiningala ang Donya. “Oo, Aya. I want you to stay here for good.” Nagulat siya sa sinabi ng Donya. Ang pagkakaalam niya, dalawa hanggang tatlong araw lang siya mananatili sa mansyon. At lalo pa, dahil sa nangyari kanina sa kanila ni Joshua, lalo siyang hindi pwedeng manatili rito. “Napaayos ko na kay Nanay Alma mo ang dati mong silid. Doon ka na ulit tutuloy,” patuloy nito. Hindi na muna siya kumibo. Ayaw niyang sumama kaagad ang loob ng Donya sa kanya. Ngayon lang sila nagkita muli makalipas ang pitong taon. Matapos silang magkwentuhan, pinasamahan na siya nito kay Nanay Alma sa dating silid. Pag-akyat niya sa ikalawang palapag, halos hindi niya napigilan ang mga luhang sunud-sunod na pumatak habang ginagala ang mga mata sa paligid. Kaagad niyang nasulyapan ang silid ni Joshua—isa lang ang pagitan mula sa dating silid niya, at sa magiging silid niya ulit ngayon. Napahugot siya ng malalim na paghinga habang nakatingin doon. Naninikip ang dibdib niya. Nais niyang umiyak nang umiyak. “Nalungkot kaming lahat sa pag-alis mo, Aya. Hindi namin maintindihan kung bakit, lalo na si Sir Joshua,” sabi ni Nanay Alma habang papasok na sila sa silid. “Gusto kitang tanungin, pero alam kong wala ako sa posisyon na gawin iyon. Pero naging masaya ako sa narating mo, Aya. Sikat ka na at hinahangaan ng marami,” patuloy nito. Ngumiti lang siya at ginala sa loob ng silid ang mga mata. Walang nagbago. Ganoon pa rin ang ayos nito. Ang kulay ng pintura, ganoon pa rin—parang nire-paint lang. Ang kama, ang mga unan, at ilang stuff toys, nandoon pa rin. Maliban lang sa Honey Bear na regalo ni Joshua sa kanya noon. Marahil ipinatapon na iyon ni Tita Maristel. “Hindi pinabago ni Donya Feliza ang silid mo. Lagi nga niyang pinapalinis ito, dahil ang sabi niya, babalik ka. At hindi nga siya nagkamali—bumalik ka nga,” nakangiting sabi nito. Tumango lang siya at nadako sa tokador ang mga mata. Naroon pa rin ang mga larawan niya mula grade school hanggang high school. “At andito pa rin pala ang mga ito,” bulong niya at isa-isang dinampot ang mga larawan. Larawan ng dating buhay niya, ng masaganang buhay niya sa mansyon. Dinampot niya ang family picture nila: siya, Donya Feliza, ang mag-asawang Tragora, at si Joshua. Kuha iyon noong first year high school siya at second year college naman si Joshua. Hindi niya napigilang maiyak. Ang saya-saya nila noon sa mansyon. “Magpahinga ka na muna, Aya. Siguradong pagod ka,” sabi ni Nanay Alma nang makita siyang umiiyak. “Ah… opo… opo,” sagot niya at pinunasan ang mga luha bago ibalik ang larawan sa tokador. “Maiwan na muna kita ah. Tawagin mo lang ako kung may kailangan ka.” “Opo, salamat po, Nanay Alma,” nakangiti niyang sagot at niyakap muli ito bago nagpaalam. “Bakit ako pumayag? Hindi ba dapat hindi na lang ako pumayag? Hindi ba dapat nasa Maynila ako ngayon, kasama ang mga kaibigan ko, nagsasaya imbes na umiiyak dito sa alaala ng nakaraan?” tanong niya sa sarili at naupo sa kama. Tulad ng dati, Barbie pa rin ang cover ng kama at mga pillow case. Hindi nagbago ang lahat. Tanging siya at ang mga tao sa paligid niya ang nagbago. Naalala niya si Joshua—ang galit na mga mata nito, ang masasakit na salita, at ang magaspang na halik na matagal na niyang pinapangarap. Nang halikan siya nito kanina, ayaw man niyang aminin, pero may kilabot at excitement siyang naramdaman. Alam niyang walang dapat ikagalit sa kanya si Joshua. Hindi niya gusto ang nangyari noon. Kahit siya, hindi niya inisip na mangyayari iyon sa kanya. Napakabata pa niya noon kaya wala siyang nagawa. Hindi niya nagawang ipaglaban kung anong meron sila ni Joshua noon. Alam niyang kung nalaman lang ni Joshua iyon, ipaglalaban siya nito at hindi pababayaan. Pero dahil sa bilis ng mga pangyayari, hindi na niya nagawang maipaalam kay Joshua ang lahat. At ngayong nagbabalik siya sa mansyon, galit na Joshua ang sumalubong sa kanya. Hindi na ang dating Joshua na minahal ng batang puso niya.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD