(3rd Person's POV)
"Panginoon sigurado ba kayong dadalhin talaga natin ang bastarda? Baka mapahamak tayo riyan. Hindi ba may kakayahan siyang maglaho. Paano kung bigla siyang gumising at tumakas? E, 'di matutunton tayo ng mga kalaban," wika ng kanang kamay ng panginoon ng Rebellion.
Nilingon niya ang walang malay na young Ladynne at nagsalita, "Hindi iyan mangyayari. Sinisiguro kong hindi niya tayo ipapahamak,"
Napatingin din ang kanang kamay ng pinuno ng Rebellion kay Asyanna.
"Ano pong binabalak ninyo, panginoon?" tanong nito.
"Hintayin mo na lang," sagot ng panginoon niya.
Dumaan sila sa kakahoyan at tumawid ng sapa. Pagkatapos ay umakyat ng bundok.
"Panginoon, bakit ba kailangan pa nating akyatin ang bundok na ito kung puwede rin nating gamitin ang mga kapangyarihan natin?" reklamo ng isa sa mga rebelde.
"Dahil sa mga kalaban lang natin gagamitin ang mga kapangyarihan natin. Isa pa, kaya naman nating maglakad," sagot nito.
Nagpatuloy lang sila sa paglalakad hanggang sa marating nila ang malaking kuweba. Nababalutan ito ng mga lumot at mga baging.
"Dathar, tiyakin mong walang nakasunod sa atin," utos ng panginoon nila.
Kaya naglakad-lakad si Dathar sa paligid para matiyak na walang bumuntot sa kanila.
"Jamir, mauna ka na sa hideout. Dalhin mo ang bihag at tiyakin mong hindi ito makakatakas," baling naman nito kay Jamir.
Binuhat ni Jamir ang wala pa ring malay na si Asyanna at pinasan sa balikat.
"Bakit nga pala hindi pa rin nakakabalik si Chaross? May nakakaalam ba sa inyo kung saan siya nagtungo?" usisa ng panginoon nila kaya nagkatinginan sina Dathar at Jamir.
Para silang nag-uusap gamit ang mga mata nila.
"Marahil ay doon nagtungo sa kabilang hideout, panginoon," sagot ni Jamir.
Tumango naman ang panginoon nila.
"Mauuna na ako panginoon," paalam ni Jamir.
Dumaan sila sa masukal na daan papuntang hideout. Medyo may kabigatan si Asyanna kaya nahihirapan siyang pasanin ito.
"Kung alam lang ni Necós ang nangyari sa katipan niya tiyak kong magwawala iyon," usap ni Jamir sa wala pa ring malay na Magium young Ladynne.
Biglang gumalaw si Asyanna kaya agad niya itong binaba at sinuri kung gising na ito. Nakahinga siya nang maluwag nang matiyak na wala pa rin itong malay. Inayos ni Jamir ang tali sa kamay at paa ni Asyanna para hindi ito makatakas. Dahil lagot siya sa panginoon nila kapag nakawala ito. Nang makatiyak siyang hindi ito mapuputol umupo siya sa lupa at tinitigan ang Magium young Ladynne. Sinuyod niya ng tingin ang mga mata nito, ilong, at bibig. Tila natutukso siyang haplusin ang maamo at magandang mukha ng dalaga. Maya-maya, dumilat ang mga mata ni Asyanna kaya napaiwas siya ng tingin.
"Sino ka? Nasaan ako?" nagtatakang tanong ni Asyanna.
"Ako si Jamir at nasa Sargonis tayo," sagot ni Jamir.
Nanlaki ang mga mata ni Asyanna at tarantang tumingin sa paligid.
"Si Necós nasaan siya?" tanong ni Asyanna.
"Nagpaiwan siya sa lagusan para matiyak na walang nakasunod sa atin at para hintayin si Chaross," sagot ng binata.
"Si Chaross? Hindi pa niya alam na napaslang ito?" nagtatakang tanong ni Asyanna.
"Hindi. Hindi rin niya alam na ikaw ang pumaslang sa katipan niya," ani Jamir.
"Sandali, hindi ako ang pumaslang kay Chaross. Napagbintangan lang ako," giit ng young Ladynne.
Napaisip ang binata. Hindi siya makapaniwala sa sinabi nito.
"Pero—"
Naputol ang sasabihin niya nang magsalita ang Magium young Ladynne.
"Hindi ako," giit nito.
"Kung ganoon, sino?" usisa ni Jamir.
"Hindi ko alam. Basta hindi ko alam," sagot ni Asyanna.
Nagkatitigan ang dalawa hanggang sa umiwas ng tingin si Asyanna.
"Sa tingin ko kailangan na nating umalis," wika niya at lumapit kay Asyanna.
Napaatras naman ang dalaga sa ginawa nito.
"Papasanin lang kita," paglilinaw nito.
"Hindi na kailangan, kaya ko namang maglakad," ani Asyanna at sinubukang tumayo pero muntikan na siyang matumba.
Nakatali rin kasi ang mga paa niya kaya nawalan siya ng balanse sa pagtayo niya. Agad siyang sinuportahan ni Jamir para hindi siya tuluyang matumba. Napatingin si Asyanna kay Jamir dahil sa ginawa nito. Tumingin din sa kaniya ang binata at nagkatitigan na naman silang dalawa. Unang umiwas ng tingin si Asyanna dahil bigla siyang nahiya sa binata.
"Papasanin na lang kita, Asya," sabi ni Jamir kaya sumalungat si Asyanna sa gusto nito.
"Hindi, kaya kong maglakad mag-isa. Kalagan mo lang ang tali sa paa ko," tugon ni Asyanna.
"Alam mong hindi ko iyan gagawin Asya," ani Jamir.
"Pangako. Hindi ako tatakas," pagtitiyak ni Asyanna at tinaas ang kanang kamay.
Napabuntong hininga si Jamir at tinanggal ang tali sa paa niya. Matamis na ngumiti si Asyanna rito.
"Umaasa ako sa pangako mo, Asya," ani Jamir kaya napatango ang young Ladynne.
Nagpatuloy sila ng paglalakbay sa masukal na daan. Paminsan-minsan inaalalayan ni Jamir ang bihag nila. Palihim naman napapangiti si Asyanna dahil kahit papaano hindi siya nito pinapabayaan.
"May magandang kalooban din pala ang rebeldeng ito," sabi ng isip niya.
Inabot sila ng tatlong oras bago nila narating ang hideout ng Rebellion. Napanganga si Asyanna sa nakita. Ang dami ng mga rebelde. Hindi niya inakalang ganoon na pala karami ang nasasakupan nito. Paano pa kaya sa ibang teritoryo ng Rebellion?
"Ito ang pinakasentro ng hideout ng Rebellion, Asya. Kaya marami ang naririto. Kakaunti lang ang naroon sa ibang hideout. Naroon lang sila para magmatyag," sabi ni Jamir.
Napatango lang ang Magium young Ladynne sa nalaman.
"Siya ang bastardang anak ng Lorde ng Gránn," biglang sigaw ng babae.
"Siya nga," sang-ayon din ng isa.
"Teka, nagkakamali kayo. Hindi ako isang Puerre. Hindi ako anak ni Lorde Ornelius," sabi ni Asyanna kaya nagkaroon ng bulungan sa paligid.
Nagtatakang tumingin naman si Jamir sa kaniya.
"Anong pinagsasabi mo Asya?" tanong nito.
"Hindi talaga ako anak ni Lorde Ornelius. Kinupkop niya lang ako," sagot ni Asyanna.
Napatango si Jamir sa nalaman.
"Dadalhin na kita sa loob Asya," sabi nito at hinila si Asyanna papasok.
Dinala niya si Asyanna sa isang silid at iniwan ito.
Samantala, ang mga naiwan sa kuweba ay namuti na ang mga mata kahihintay kay Chaross. Batid nilang walang Chaross na darating. Tanging si Necós lang ang walang alam sa nangyari rito.
"Panginoon, baka hindi na dumating si Chaross," sabi ng isang rebelde.
"At, bakit mo iyan nasabi?" tanong ni Necós.
"Kanina pa ho tayo naghihintay pero wala pa rin. Kasi hindi na talaga siya darating," sagot nito kaya napakunot ang noo ni Necós.
"Anong ibig mong sabihin?" tanong nito.
Tiningnan ni Necós ang ibang rebelde lahat ito ay napaiwas ng tingin.
"May nangyari ba kay Chaross?" usisa ni Necós.
Hindi sila nakasagot kaya uminit ang ulo ni Necós.
"Anong nangyari sa kaniya?!" nagtaas na ito ng boses dahil ni isa walang sumasagot sa kaniya.
"Wala na po si Chaross, panginoon," sagot ni Dathar.
Natigilan si Necós sa narinig. Iniisip niyang niloloko lang siya ng kanang kamay niya.
"Hindi ngayon ang oras para magbiro ka, Dathar," mariin niyang sabi.
"Hindi po ako nagbibiro, panginoon. Wala na talaga si Chaross. Napaslang siya sa mismong championship battle ng Azthia Tournament," sagot ni Dathar.
Napakuyom ng mga kamay si Necós sa nabalitaan. Galit na galit siya dahil pinaslang ang katipan niya.
"Sino ang pumaslang sa kaniya?" galit niyang tanong pero walang sumagot.
Kaya, lalo siyang nagalit.
"Sino ang pumaslang kay Chaross?!" bulyaw niya kaya agad napasagot ang kanang kamay.
"Si Asyanna Puerre panginoon," sagot ni Dathar.
Natigilan si Necós sa narinig.
"Napaslang ng bastarda ang inyong katipan gamit ang espada ni Asilah," dagdag pa ni Dathar.
Galit na galit na sumigaw si Necós. Hindi niya matanggap na wala na ang kaniyang katipan.
"Maiiwan ang tatlong revro rito. Dathar, magtungo na tayo sa hideout. Pagbabayarin ko ang pumaslang kay Chaross," ani Necós at naunang maglakad.
Gagantihan niya ang Magium young Ladynne. Pagbabayarin niya ito sa kasalanan nito. Agad nakarating sina Necós sa hideout. Dahil na rin siguro sa kagustuhang makita ang nilalang na pumaslang sa minamahal niya.
"Jamir, nasaan ang bihag?" agad niyang tanong nang makasalubong ito.
"Nasa isang silid," sagot naman ni Jamir.
Nagmamadaling nagtungo roon ang panginoon nila kaya nagtaka si Jamir. Sinundan niya ito dahil base sa ekspresyon ng mukha nito may hindi maganda itong gagawin. At, nag-aalala siya para kaya Asyanna. Baka anong gawin niya rito. Baka saktan niya ito.
"Panginoon, ano pong nangyari?" nagtatakang tanong ni Jamir.
Hindi siya nito sinagot. Tuloy-tuloy lang itong naglakad patungo sa kinaroroonan ni Asyanna.
"Galit na galit si Necós. Tiyak kong alam na niya ang nangyari kay Chaross," sabi ng isip ni Jamir.
"Asyanna!" galit na sigaw ni Necós at sinampal ito nang makalapit sa kaniya.
"Necós bakit mo sinampal si Asya?!" galit na sabi ni Jamir.
"Pinaslang niya si Chaross! Hindi mo ba alam?!" galit na sagot ni Necós.
Hindi nakasagot si Jamir at umiwas na lang ng tingin.
"Alam mo? may alam ka Jamir?" usisa ni Necós.
"Wala siyang alam," sagot ni Asyanna kaya sa kaniya naman bumaling ang nanggagalaiting panginoon ng Rebellion.
"Bakit mo siya pinaslang?" galit na tanong ni Necós.
Napatawa si Asyanna sa sinabi nito. Kaya, sinampal siya ulit ni Necós.
"Bakit ba lahat kayo iniisip na ako ang pumaslang? Ni hindi ko nga siya nahawakan noong huling hininga niya," sabi ni Asyanna.
"Huwag mo akong nilalansi, Asyanna," galit nitong sabi.
"Hindi kita nilalansi, Necós. Hindi ako ang pumaslang sa kaniya," buong tapang na sabi ni Asyanna.
"Sinungaling!" galit na sigaw ni Necós at sinampal ulit si Asyanna.
"Panginoon, tama na!" sita ni Jamir kaya masama siyang tiningnan ni Necós.
"Naaawa ka sa kaniya? Bakit?" ani Necós.
"Dahil sumosobra ka na," sagot ni Jamir.
"Jamir, nakakalimutan mo yatang panginoon mo ako. Tayong mga rebelde, hindi tayo marunong maawa. Kapag nagkasala dapat lang na singilin," sabi ni Necós.
Tiningnan niya si Asyanna saka nagsalita muli, "Malaman ko lang na umiba ka ng landas Jamir. Hindi ako magdadalawang isip na harangin ka at itulak. Ikaw mismo ang gumagawa ng sarili mong bangin," makahulugang saad ni Necós at umalis.
Kaagad na nilapitan ni Jamir si Asyanna at sinuri ang pasa nito sa bibig.
"Ayos lang ako, Jamir," sabi ni Asyanna.
"Hindi Asyanna. May pasa ka sa bibig. Sandali, kukuha ako ng gamot para diyan," ani Jamir at umalis para kumuha ng gamit.
Bumalik din siya kaagad dala ang gamot na sinasabi niya. Umupo siya sa harapan ni Asyanna at sinimulang gamutin ang pasa nito.
"Sandali lang ito, Asya," sabi niya.
Tumitig lang sa kaniya si Asyanna. Hindi kasi makapaniwala ang Magium young Ladynne na may magmamalasakit sa kaniya. Lalo na't nasa teritoryo siya ng Rebellion.
"Ah, Asya may alam ka ba kung sino ang pumaslang kay Chaross?" biglang tanong ni Jamir.
"Sa totoo lang, wala Jamir. Masyado kasing mabilis ang nangyari. Bigla na lang siyang bumagsak nang aatake na ako," sagot ni Asyanna kaya napatango ang rebelde.
"Naniniwala ako sa iyo, Asya. Alam kong hindi mo talaga iyon magagawa. Nararamdaman kong mabuti kang nilalang," wika ni Jamir kaya napangiti si Asyanna.
"Baka ikaw ang mabuting nilalang," sagot ni Asyanna kaya napatawa ang binata.
"Hindi ako mabuting nilalang, Asya. Isa akong rebelde, alam mo iyan," natatawa nitong sagot.
"Hindi lahat ng nilalang masama. Hindi lahat ng nakikita ng mga mata natin totoo. Kahit nga ang pinakamabuting nilalang may tinataglay na kasamaan. Ikaw pa kaya. Kahit na napasama ka dahil sa pagiging rebelde mo hindi ibig sabihin niyan masama ka talaga. May mga tao talagang pinili ang pagiging masama dahil may dahilan sila. Kagaya mo, alam kong may dahilan ka. Kaya, alam kong ring mabuti kang nilalang. Ginagamot mo nga ako ngayon, eh," mahabang litanya ni Asyanna kaya napangiti si Jamir.
"Salamat ha at naniniwala kang hindi ako masama," nakangiting sabi nito.
Nginitian din siya ni Asyanna. Masayang nagkuwentuhan ang dalawa pero ang hindi nila alam may nakikinig pala sa kanila.
"Bagong karibal," bulong niya at umalis.
Tinahak niya ang madilim na pasilyo. Pagkatapos ay pumasok sa isang silid.
"Sanara, anong ginagawa mo rito?" tanong ni Necós.
"Panginoon, mukhang nagkakasundo sina Jamir at Asyanna. Hindi iyon maaari panginoon," sumbong niya rito.
"Hayaan mo siya. Mahuhulog din siya sa sariling bangin," tugon ni Necós.
"Hindi maaari. Ayokong magkamabutihan silang dalawa! Akin lang si Jamir! Pakiusap, paslangin mo na ang bastarda. Siya naman ang pumaslang sa iyong katipan, hindi ba?" giit ni Sanara.
Umiling si Necós.
"Hindi ko pa siya maaaring paslangin, Sanara. Kakailanganin pa natin siya. Siya ang magiging alas natin sa mga kalaban," sagot ni Necós.
"Basta gawan mo ng paraan," ani Sanara.
"Akong bahala...kapatid," sabi ni Necós kaya napangiti nang malawak ang dalaga.